Para akong nabingi hanggang ngayon dahil sa inamin sa akin ni Shawn noong nakaraang linggo. Matamlay ang lahat ng tao sa bahay at pinipilit na lang namin maging normal kapag kaharap namin si Nanay. Sana nga lang ay isa lamang iyong panaginip. Pero hindi, e! Totoo lahat ang sinabi niya sa akin at hinihintay ko na nga lang na sabihin niya sa akin na nagbibiro lamang siya. Pero hindi iyon nangyari. Totoo ang lahat ng sinabi niyang iyon at hindi ko na alam kung paano ko siya pakikitunguhan ngayong alam ko na kung ano ang nararamdaman niya para sa akin. Naiilang na akong makipag-usap sa kaniya lalo pa at hindi ko na rin naiintindihan ang trato sa akin ni Hydee. Pareho ko silang nasasaktan at nahihirapan na ako ng husto dahil sa kalagayan ko ngayon. Totoo nga ang hinala ni Kiran.