“SOLDE, magpapabili kami kay James ng meryenda. Anong gusto mo?” tanong sa akin ni Ate Mitch. Isa siya sa mga bagong hire sa Finance Department at nasa itaas ang opisina. Pero kapag malapit na ang coffee break ay bumababa si Ate Mitch para sa amin sumabay sa pagmemeryenda. May malapit naman na canteen sa building at doon kami madalas nagpapabili ng pagkain.
“Maruyang saging ang sa akin, Ate. Sandali, kukuha ako ng pera-”
“H’wag na, Solde! Libre ko ‘to!” Hawak ko pa lang ang wallet ko ay narinig ko na ang sinabi niya. Hindi na ako nagpumilit. Nagpasalamat na lang ako sa panlilibre sa akin ni Ate Mitch. Nakangiti kong ibinalik ang wallet sa bag ko. Bukas na lang ako babawi sa kaniya.
Tinawag ni Ate Mitch si James- ang janitor at messenger sa opisina, upang utusang bumili. Si James ang lalakeng nakita ko noong unang tapak ko sa opisina na ‘yon.
“Bumili ka rin ng gusto mo,” bilin pa ni Ate Mitch bago ito tuluyang lumabas. Nilingon niya ako. “Solde, sunod ka na sa pantry, ha?”
Tumango ako. “Sige, Ate, susunod ako sa inyo.”
Inayos ko muna ang ibabaw ng aking mesa bago umalis para sumunod kina Ate Mitch. Ang bilis ng araw dahil dalawang linggo na pala mahigit ang nakalipas simula nang magtrabaho ako sa Buena-Can Logistics and Warehousing. Masasabi kong okay naman dahil challenging at fulfilling ang mga ginagawa ko. Bonus pa na kasundo ko ang karamihan sa officemates ko at halos lahat naman ay maagang katrabaho.
Nami-miss ko nga lang si Ate Lilian dahil sa opisina na ito ng warehouse sa Cavite ini-assign para siyang tumutok sa mga tao roon. Si Buddy naman ay sa itaas na rin nakapwesto kasama ni Ate Mitch. Dati ay sumasabay pa ito sa amin sa pagkain, pero naging madalang na simula nang mapasama sa ilang ka-edad na bagong pasok din sa kompaniya.
Kaniya-kaniya na ulit kaming balik sa pwesto pagkatapos ng aming coffee break. Mas mabilis ang oras kapag pauwi na. Pagdating nga ng alas seis ay nagsimula na akong magligpit sa aking mesa. Nakita ko ang pagpasok ni Ate Mitch sa pinto ng office namin. Halatang nagmamadali ito at natataranta nang lumapit sa aking pwesto. Nagising ang curiosity ko.
“Solde, uuwi ka na ba?”
“Oo, Ate, bakit?”
“Heto kasi ang mga papeles na for signatory ni Sir. Kailangan na ito bukas e, ang kaso wala siya.”
Maghapon ngang wala si Sir Xavi sa office nito. Sa loob ng nagdaang mga araw ay mas madalas talagang nasa labas siya. Darating lang ito sa umaga at pagkatapos ng isa o dalawang oras ay aalis na ulit para tumungo sa Cavite. As Vice President for Operations and Business Development, mas kailangan nitong tutukan ang palakad sa warehouse.
“Iwan mo na lang sa mesa ni Sir. Makikita rin niya iyan bukas.”
“Hindi pwede, Solde. Nagbilin kasi si Sir bago siya umalis kaninang umaga at ang sabi ay h’wag akong uuwi hangga't hindi siya bumabalik. Hintayin ko raw siya para mapirmahan ang mga ito. Ang problema, tumawag sa akin ang yaya ng anak ko. May emergency daw sa bahay kaya kailangan kong makauwi ngayon din.”
"Anong emergency? E, paano ang mga iyan?"
"Iyon na nga ang rason kaya ako nandito. Baka lang kasi pwedeng ikaw na ang maghintay kay Sir Xavi at magpapirma nito sa kaniya?"
Natigilan ako sa sinabi ni Ate Mitch. “H-ha? Naku, ano namang alam ko riyan, Ate? Iba ang trabaho ko sa’yo, magkamali pa ako ng gagawin diyan.”
“Hindi naman kailangang alam mo rin ang trabaho ko, Solde. Papipirmahan mo lang naman ang mga ito kay Sir at tapos na. Wala lang akong ibang mapagbilinan sa itaas kaya sa'yo na ako dumirecho. Please, tulong mo na sa akin?” Nagsusumamo ang tono niya.
Hindi na ako nakatanggi sa request ni Ate Mitch. Inisa-isa niya sa akin ang mga papeles at itinuro ang mga kailangang pirmahan ni Sir Xavi. Ipinaliwanag din niya ang ilang bagay tungkol sa dokumento para kung sakaling may tanong pa ang aming boss ay may maisagot ako.
“Sige, Ate. Ako na ang bahala. Mabilis lang naman sigurong pumirma si Sir Xavi?” Tinipon ko ang mga papeles at maingat na ipinwesto sa isang gilid ng aking mesa.
“Oo, mabilis lang ‘yan! Basta i-guide mo lang si Sir Xavi kagaya ng ginagawa ko para hindi na siya naghahanap at wala siyang malampasan. At heto nga rin pala ang susi, Solde.” Iniabot sa akin ni Ate Mitch ang maliit na susi. Kinuha ko iyon. “Pakilagay na rin sa drawer ko ang mga papeles pagkatapos ni Sir Xavi, ha? O, marami na akong abala, pero promise babawi ako sa’yo! Gagawan kita ng potato salad!”
Namilog ang mga mata ko at napangiti. Nagustuhan ko kasi ang potato salad na baon ni Ate Mitch sa office noong isang araw.
“O, paano? Ikaw na ang bahala, ha? Alam mo naman ang mesa ko sa Finance Office. Naroon din sa itaas si James at naglilinis. Uuna na ako, ha at nakakailang missed calls na ang yaya ng anak ko.”
“Okay. Ingat pag-uwi.”
“Thanks!” Kumaway muna sa akin si Ate Mitch bago tuluyang lumabas.
Naupo ako. Kinuha ko ang cellphone at tumawag sa bahay. Si Harlene lang ang nakausap ko dahil busy raw si Alfonso sa paggagawa ng assignments nito. Nagbilin na lang ako sa kasambahay at pagkatapos ay pinutol ko na ang tawag.
Napatulala ako sa mga dokumento sa aking mesa. Naalala ko bigla ang huling pag-uusap namin ni Sir Xavi. Hindi ko alam kung saan nito nakuha ang ideya na humahanap ako ng kapalit ng nasira kong asawa. He even tried to educate me about it, at aaminin kong nainsulto ako sa sinabi niya. Akala siguro nito ay hindi ko kayang mabuhay nang walang lalake sa aking tabi. Ni hindi ko nga naiisip na palitan si Ali sa puso ko.
Alas siete y medya nang magpaalam ang natitira kong kasama sa opisina. Hindi naman ako madalas mag-overtime kaya nagtaka pa sila nang makitang naroon pa ako.
“May… tinatapos kasi ako na urgent. Uuwi rin ako maya-maya.”
“Ah, gano’n ba? Siya, mauna na kami. Hindi naman umuuwi si James kapag may tao pa. May gwardiya rin itong building kaya safe kahit gabihin ka.”
Ngumiti na lang ako. Hindi naman ako matatakutin at totoo ang sinabi ng mga ito na may mga gwardiya lumilibot sa buong building tuwing gabi.
Nang pumatak ang alas ocho ay gumawa ako ng sandwich at nagtimpla ng dala kong tsaa. Nang mangawit ang aking leeg ay kinuha ko sa bag ang paborito kong herbal oil at siya kong ipinahid. Na-relax ako sa amoy. Isa iyon sa mga dati nang produkto ni Tatay na mas pinabango pa dahil sa halong lavender.
Hindi ko na namalayan ang oras. Mag-aalas dies na pala at halos natapos ko na ang iniwan kong trabaho na para sana sa araw ng bukas. Akala ko tuloy ay hindi na dadaan si Sir Xavi sa office kaya naman nagsimula na akong magligpit. Tatawag na lang ulit ako kay Ate Mitch para sabihin ditong hindi ko na nahintay ang aming boss.
“Yes, nasa office na ulit ako…”
Hindi ko namalayan ang pagbukas ng pinto kaya nagulat ako nang may biglang magsalita. Nakita ko ang pagpasok ni Sir Xavi, hawak niya ang cellphone sa tainga at doon may kausap.
Napahinto siya nang mamataan ako sa aking mesa. Napansin kong kumunot bigla ang noo niya kaya naman dali-dali kong dinampot ang mga dokumentong iniwan ni Ate Mitch at isinenyas sa kaniya. Nang makita ang aking hawak ay dumirecho na ulit siya ng lakad, pero huminto sa tapat ko. I smelled the masculine scent of his perfume. Hindi ko alam kung ilang beses siya maglagay ng pabango sa katawan dahil gabi na ay ang bango-bango pa rin niya.
“Tatawag na lang ako pag-uwi. Okay. Take care.” Ibinaba niya ang cellphone at hinarap ako. “What’s that?”
Natigilan ako sandali. Kanina nang tawagan ako ni Ate Mitch ay inulit pa niya sa akin na for signatory ang mga iyon ni Sir Xavi na kailangan na bukas. Iyon din ang isinagot ko sa aking kaharap. Sinabi ko rin na may emergency sa bahay si Ate Mitch kaya ito umuwi nang maaga.
“I see. Bakit ikaw ang pinaiwan niya?”
Nagkibit ako ng balikat. “Ako lang daw kasi ang available.”
Ilang segundo na pinagmasdan ako ni Sir Xavi bago siya marahang tumango. “Isunod mo na lang ang mga ‘yan dito,” utos niya nang tumalikod at maglakad papasok sa kaniyang office.
Pagpasok ko ay nakaupo na si Sir Xavi sa swivel chair niya. Hawak na rin nito ang ballpen na gagamitin sa pagpirma. Ipinatong ko sa harapan niya ang mga dokumento at ginawa ang bilin ni Ate Mitch. Hindi ko nga lang naisip na ganito pala ang mangyayari. Hindi maiwasang hindi ako lalapit kay Sir Xavi sa tuwing yuyuko para buklatin ang papeles at ituro sa kaniya ang mga dapat niyang pirmahan. Lalo ko tuloy nasamyo ang malinis at panlalakeng amoy niya.
“Saan dito?” tanong ni Sir Xavi. Napansin kong tila nag-iba ang kaniyang tono. Umatras ako nang bahagya habang igina-guide siya sa dokumento.
“D-dito, Sir…” Itinuro ko ang bandang gilid ng papel. Napalunok ako. Hindi ko alam kung bakit biglang nanuyo ang lalamunan ko na sinabayan ng pagsalakay ng kaba.
“Kumain ka ba ng dinner?” tanong na hindi ko inaasahan kaya napalingon ako kay Sir Xavi. Sumipa nang malakas ang puso ko nang pagtingin ko ay nakatingin din pala siya sa akin. Sahil nakayuko ako ng bahagya ay halos magpantay ang aming mga mukha. May ilang dali lang ang pagitan ng tungki ng aming mga ilong. Pagbaba ng tingin ko ay ang mga labi na niya.
Ilang segundo yata akong natulos bago nakabawi. Inalis ko sa kaniya ang aking tingin at saka tumuwid. Bukas pa ang air-condition sa office, pero parang uminit bigla sa paligid ko. Naging mabigat din ang aking bawat paghinga.
"Nag-dinner ka ba, Miss Aguilar? It's okay if you work overtime, but make sure that you still eat properly and on time. Ayokong maging dahilan ng pagkakasakit ng mga empleyado ang sobrang pagtatrabaho."
“N-nag-sandwich ako… k-kanina,” sagot ko sa mahabang sinabi niya. I swallowed again.
“Iyon na ang hapunan mo?” tanong pa ni Sir Xavi. Tumango ako at pagkatapos ay itinuloy na niya ang pagpirma.
Binuklat kong muli ang papeles. May ilang pahina na lang ang natitira at gusto ko nang madaliin si Sir Xavi para makaalis na rin ako. Binasa pa niya ang ilang nakasulat kaya naman may dalawang minuto pa yata akong nagtiis bago siya natapos. Nakahinga lang ako nang maluwag nang masamsam ko na ulit ang mga papeles.
“Thank you, Sir. Maiwan ko na kayo.”
“Pauwi ka na?”
Narinig ko pa ang tanong ni Sir Xavi kaya tumingin ulit ako sa kaniya at tumango. “Itatago ko lang muna ang mga ito sa drawer ni Miss Conde at uuwi na rin ako.” Naglakad na ako papunta sa pinto. Bago tuluyang lumabas ay nilingon ko ulit siya para minsan pang magpaalam kaya lang ay naunahan niya ako.
"Kumusta nga pala ang dating instructor mo? Nakausap mo naman ba?" Napansin kong napakaseryoso ng mukha niya nang magtanong.
Umiling ako. "Wala na sa school si Chef Roman. Ang sabi ay nag-resign na raw at nagbabakasyon ngayon sa probinsiya nila."
Tumango si Sir Xavi. "That's good. H'wag na lang niya maiisip na bumalik agad dahil may kalalagyan siya."
Nagusot ang noo ko. "Anong ibig mong sabihin? Alam mo bang umalis siya?"
"Sa'yo ko lang nalaman. I just went to your former school and gave him an advice the day after we talked. Mabuti naman na nakinig siya."
"Pinayuhan o binantaan mo siya?" nagdududang tanong ko.
"How ever you may call it."
Natigilan ako saglit sa kaarogantehan ng kaniyang sagot. Nagpasya na lang akong umalis na. “Mauuna na ako. Good night, Mr. Buencamino.” Bahagya pa akong yumukod.
Isang tango naman ang itinugon ni Sir Xavi at isinarado ko na ang pinto.
Isinukbit ko ang bag ko bago lumabas ng office. Gusto ko na talagang makatakbo pababa dahil sa pakiramdam na para akong sinasakal ng aking kaba kaya lang ay kailangan ko pang umakyat. Pumasok ako sa opisina sa itaas. Nadaanan ko si James na kumakanta habang isinasalin ang laman ng trash bin sa malaking trash bag. Binati ko ang lalake, pero hindi niya ako nilingon. Mukhang hindi nga niya ako narinig dahil nakasuot pa siya ng head phones.
Nasa dulong pinto ang pinaka opisina ng Finance. Pumasok ako at dumirecho sa mesa ni Ate Mitch. Binuksan ko ang drawer niya at inilagay sa loob ang mga papeles. Kung madaling buksan ang drawer ay siyang hirap naman na i-lock iyon. Nakailang hugot at pasok tuloy ako ng susi bago ko iyon tuluyang naisara.
Paglabas ko sa Finance Office ay saktong narinig ko ang pagbagsak ng sumaradong pinto. Kasunod noon ay ang pagkamatay ng lahat ng ilaw sa buong opisina.
“James!” tawag ko sa aming messenger/janitor at nagmamadaling lumakad papunta sa pinto. At dahil madilim ay hindi ko naiwasang tumama sa ilang mesa at filing cabinet. Hindi ko kasi kabisado ang opisinang iyon kaya bago pa ako makarating sa pinto ay nakailang bangga pa ako.
“James! James, andito pa ako! James, buksan mo!” sigaw ko habang kinakalampag ang pinto. Kinapa ko ang switch sa dingding, pero kahit anong pindot ay hindi ko mabuksan ulit ang mga ilaw. Naalala kong sa main switch nagpapatay ng lahat ng de-kuryente sa opisina. Nagsisigaw na ako nang husto dahil sa takot na maiwan ako roon magdamag.
“James! James, may tao! Tulong! Tulungan n’yo ako, nandito ako sa loob!”
Hindi ko namalayang umiiyak na pala ako. Patuloy pa rin ako sa pagkalampag ng pinto hanggang sa biglang lumiwanag ulit ang paligid. Nahinto ako sa pag-iyak. Naramdaman ko ang pag-agos hindi lang ng luha kundi maging ng pawis sa aking leeg. Maya-maya naman ay bumukas ang pinto at iniluwa noon ang mukhang kahalintulad ng sa aking asawa.
“Solde!”
Napanganga ako nang pumasok si Sir Xavi. At marahil sa sobrang takot na naramdaman ko kanina ay napaiyak pa lalo ako sabay yakap sa bagong dating. I felt him stunned. Pero walang puwang sa isip ko ang reaksiyon ng ibang tao dahil nangingibabaw sa akin ang emosyon. I controlled my sobs. Mistula akong bata na muntik nang maiwan ng magulang niya.
"Sshhh..." bulong ni Sir Xavi nang yakapin din ako. "It's all right, Solde. You're safe, now." Banayad niya akong hinaplos sa aking buhok. "Tahan na. Nandito na'ko. H'wag ka nang matakot..."