Kimberly Marquez
ISANG malaking ngiti ang binibigay sa akin ni mommy na ngayon ay nakaupo sa sofa na nasa aking harapan.
Kasalukuyan kaming nasa loob ng private house ng mga Perez at tinawag ako ni mommy kaya ngayon ay magkaharap kami habang may creepy siyang ngiti sa akin.
"M-Ma? Anong ngiti 'yan?" napangiwi kong tanong sa kanya.
"May dapat ka bang sabihin sa 'kin, Anak?" mas lumaki niyang ngiti sa akin.
Sa pagkakataong ito, halos hindi ko na makita ang kanyang mga mata sa sobrang pagkasingkit dahil sa ngiti ni mommy.
Isang buntonghininga ang aking ginawa, saka napakamot na lang ng ulo.
"Kung ang tinutukoy nyo ay 'yong nakita nyo kanina, nagkakamali ka ng iniisip, ma," pag-warning ko na sa kanya.
"Paanong nagkakamali?"
"Ganito kasi 'yon, ma."
Tumayo ako at lumapit sa kinaroroonan ni mommy. Binulong at kinuwento ko sa kanya ang mga bagay na pinagusapan namin ni Seven at tungkol sa aming pagpapanggap.
Kitang-kita ko kung paano manlaki ang kanyang mga mata dahil sa gulat.
"Seryoso? Ginawa nyo 'yon?" gulat na tanong ni mommy.
"Opo, Ma. May malaking benefits din naman ang nangyari at tulad ng madalas kong gusto, tahimik naman ang buhay estudyante ko."
"Ganoon ba? Sayang naman, na-excite pa naman ako."
Napakunot ang aking noo nang makita ko ang dismayadong mukha ni mommy. Hindi ko maintindihan kung bakit siya nasasayangan sa aking sinabi.
"Bakit naman sayang?" pagtanong ko.
"Kasi umasa ako na baka nga nade-develope na kayo," kinikilig pa niyang wika sa akin.
Mariin akong napangiwi dahil sa kanyang sinabi.
"Ma! Imposible 'yan," pagtanggi ko, saka umakto na tila kinikilabutan. "No way, Ma. Over my dead body."
Mabilis akong tumayo at lumakad patungo sa pinto, saka nagpaalam kay mommy na babalik na ako sa mga kasama kong estudyante. May activity kasi kaming ginagawa ngayon – ang tree planting.
***
Mataas ang sikat ng araw habang kami ay nakatayo at kasalukuyang nakikinig sa aming guro. Ramdam ko ang pawis sa aking pisngi kahit may suot akong sumblero. Ganito pala kahirap ang ginagawa ng mga nagtatanim.
"Sa ngayon, magtatanim tayo ng isang binhi at aalagaan sa loob ng isang linggo. Malalaman natin kung sino sa inyo ang unang makabubuhay ng isang binhi," sunod-sunod na paliwanag sa amin ng aming guro. "I want to have a partner para gawin ang bagay na ito at humanap ng isang pwesto ng lupa riyan sa inyong kinatatayuan," muli niyang wika.
Sabay-sabay kaming napalingon sa paligid at napatingin sa malawak na lupain na aming kinaroroonan. Mataba ang lupa at halata namang kahit anong itanim namin dito ay mabubuhay. Sagana rin ito sa araw dahil nakatutok ang sinag nito sa lupang kinatatayuan namin.
As usual, wala akong pagpipilian dahil si Seven ang naging kapareha ko sa activity na ito. Dahil nakakuha na ng mga kapareho ang aming mga kasama, nagsimula na ang aming gagawin. Binigyan kami ng tatlong binhi na itatanim namin sa lupa.
Kasama si Seven, lumakad kami sa malawak na lupain at naghanap ng magandang spot sa paligid. Ngunit sa tuwing nakakahanap kami ng magandang lugar, may ibang estudyante na agad na nauuna rito, kaya wala kaming choice kung hindi ang humanap ng ibang pwesto.
"Let's go there."
Napalingon ako kay Seven nang marinig ko siyang magsalita, saka ko nakita ang lugar na tinuturo niya.
Sumilay ang ngiti sa aking labi nang makita ko ang lugar na kanyang sinabi. Katabi ito ng isang puno na may magagandang bulaklak.
"Ang ganda," wala sa sarili kong nabanggit nang mamasdan ko ang magandang puno na may pulang bulaklak.
Napatingin si Seven sa bagay na aking tinitingnan. Sabay kaming naglakad patungo sa puno habang diretsong nakatingin doon.
"It's the American Redbud Tree," wika ni Seven na nagpakunot sa aking noo."
"Redbud?" tanong ko.
"Yup. Pinasadyang bilihin iyan ni mommy dahil gustong-gusto niya ang kulay pink nitong bulaklak. Agaw pansin din ito sa mga ibin at paro-paro."
Tumango-tango lang ako habang nakikinig sa mga bagay na sinasabi ni Seven. Hindi na ako magtataka kung makaagaw ito ng pansin, ang ganda naman kasi talaga.
Nang tuluyan kaming makalapit dito, hindi ko maiwasang hindi mamangha at hindi mapatigil nang tingin sa bulaklak.
Hanggang sa maya-maya lang, muli ko na namang narinig ang tinig ni Seven.
"Tapusin na natin ang activity na to dahil masiyadong mainit," aniya saka umupo nang animoy naka-squat.
Kibit-balikat na lang akong umupo sa tabi niya at nagsimula nang magbungkal ng lupa.
Palihim kong tiningnan ang ginagawa ni Seven, tila madali lang sa kanya ang pagbungkal ng lupa gamit ang isang maliit na pala, ngunit ako, tila hirap na hirap sa aking ginagawa.
Hanggang sa maya-maya lang, napansin ni Seven ang aking paghihirap kaya lumapit siya sa akin.
"Kung hindi ka sanay o marunong gumamit ng maliit na pala, gamitin mo ang kamay mo. Ayos lang marumihan, maghuhugas ka rin naman mamaya," turo niya sa 'kin.
Marahang nilapag ni Seven ang hawak niyang pala saka nilapat ang kamay sa lupa na nasa aming harapan. Gamit ang kanyang daliri, sinimulan niyang bungkalin ang lupa at gumawa ng isang maliit na butas. Tumingin siya sa akin dahilan upang mapatingin din ako sa kanya. "Sige, ikaw naman. Subukan mo," pag-aya niya sa akin.
Mariin akong napalunok ang nilapat ang aking kamay sa lupa. Tama nga siya, mas madali gamitin ang kamay dahil mas may puwersa ang naibibigay ko rito.
Pinagpatuloy mo lang ang pagbungkal ng lupa. Maya-maya lang, naramdaman ko ang pagkakahawak ni Seven sa aking kamay.
"Stop, masiyado nang malalim 'yan. Balak mo bang gumawa ng balon dito?" wika niya.
Hindi ko alam kung nagpapatawa siya o ano dahil seryoso pa rin ang mukha niya. Ngunit ano man iyon, tinigilan ko ang aking ginagawa.
"Ilagay mo itong buto riyan sa loob ng ginawa mong balon," muli niyang pagpapatawa.
Tinapunan ko siya ng masamang tingin dahil halata sa kanyang nang-aasar na lang siya.
Matapos kong ilagay ang binhi, muli ko itong tinabunan ng lupa at tulad ng turo sa amin ng aming guro, magtusok daw kami ng kahoy na may pangalan namin ni Seven upang malaman na sa amin ang tanim na iyon.
Sa pagtusok ko ng kahoy, tila ayaw nitong tumayo kahit anong gawin ko.
"Halika nga. Wala ka ba talagang alam sa ganito?" tila naiirita nang saad ni Seven.
"Bakit ba?" inis ko ring sagot.
Nanlaki ang aking mga mata nang hawakan ni Seven ang aking kamay. Inalalayan niya ito at nilapat ang magkabila kong palad sa lupa kung saan nakatusok ang kahoy.
Habang nakapatong ang kamay ni Seven sa likod ng aking palad, binibigyan niya ito ng marahan at maingat na puwersa upang maayos ang pagkakalagay ng lupa.
Sa pagkakataong ito, hindi ko alam kung bakit nanatili akong nakatulala sa mga bagay na nangyayari. Ramdam ko ang mabilis na t***k ng aking puso na animoy nais nang tumalon palabas ng aking rib cage.
Naka-focus ang aking utak sa mainit na palad ni Seven habang ramdam ko ang kanyang dibdib sa aking likod. Nagsimulang uminit ang aking mukha at hindi ko na rin mabilang kung nakailang lunok na ako ng laway.
Nagsimulang numipis ang aking paghinga. Hindi ko na rin nga namalayan na marami na palang estudyante ang nakatingin sa aming direksyon at kinakantyawan kami.
"Ayan, tapos na."
Naputol ang mga bagay na aking iniisip nang magsalita si Seven. Tila bumalik ako sa reyalidad nang bitiwan niya ang aking kamay.
"Hoy! Sabi ko, tapos na," muli niyang sabi na ngayon ay nakatayo.
"O-Oo narinig ko. Hindi ako bingi," iritable kong wika sa kanya sabay sa marahas kong pagtayo.
"Anong nangyari sa mukha mo? Bakit namumula?" tanong ni Seven.
Nanlaki naman ang aking mga ata dahil sa kanyang sinabi. Mabilis akong napatalikod sa kanya at napahawak sa aking mainit na pisngi.
"Ah! Mainit kasi kaya ganito," pag-deny ko.
Nagkibit-balikat naman si Seven saka tumalikod. Kinuha niya ang pala na hawak niya kanina, saka nagsimulang lumakad palayo sa aking kinaroroonan.
Habol tingin naman ako sa kanya nang tuluyan siyang makalayo.
Habang nakasunod ang aking mata sa kanyang kinaroroonan, hindi ko alam kung bakit unti-unting bumabalik ang nararamdaman kong bagay sa puso ko kanina. Nagsisimula na namang sumikip ang aking dibdib at bumilis ang t***k ng puso ko.
Pilit kong iniling ang aking ulo saka himinga nang malalim.
Kim! Wake-up! bulyaw ko sa sarili habang tinatapik ang aking pisngi.
Matapos akong makabalik sa matino kong paghinga, sinimulan ko nang lumakad at sumunod sa kanya.
***
Naging masaya ang pananatili namin sa malaking lupain ng mga Perez. Hindi ko nga akalain na dahil dito, mas magiging malapit at mas makikilala ko pa ang aking mga kaeskwela.
First time kong makipagkuwentuhan sa kanila dahil halos isang linggo rin kami sa lugar na ito, hanggang sa dumating na rin ang araw na magtatapos ang aming masayang activity.
"Okay, class. Now that we are in our last day. I hope alam nyo na ang gagawin natin ngayon. Bibisitahin natin ang halamang tinanim nyo noong unang punta natin dito. Naaalala nyo?" sunod-sunod na saad sa amin ng aming professor.
Lahat kami ay tuwang-tuwa dahil pinaghirapan namin ang bagay na iyon. Araw-araw kaming bumabalik sa malawak na lupa na iyon upang diligan ang halaman at alisin ang ano mang maliliit na damong sumasagabal dito.
Sa ngayon, ito ang huling araw na babalik kami roon at titingnan ang progress ng aming ginawa.
Sa pagdating namin sa lugar, kitang-kita ang magagandang ngiti ng mga estudyante na nasa paligid. Halatang-halata sa kanilang mukha na masaya sila sa naging outcome ng kanilang pinagpaguran.
Kasama si Seven, nagtungo kami sa spot kung saan kami nagtanim. Muli ko na namang nakita ang Redbud tree na labis na nagpapaganda sa mood ko. Hanggang sa maya-maya lang, bumaling ang aking paningin sa isang maliit na dahon na nakasibol sa pinagtaniman namin ni Seven.
Sumilay ang malaking ngiti sa aking mga labi nang makita ko ito.
"Ayan, lumalaki na siya," wika ni Seven na ngayon ay nakangiti rin. Tila satisfied naman siya sa ginawa namin.
Isang halaman na may maliit na dahon at tangkay ang nagpapangiti sa aming dalawa ngayon. Pakiramdam ko ay para akong isang magulang sa maliit na halamang ito.
Matapos iyon, kinailangan na naming bumalik sa Manila at ipagkatiwala sa mga caretaker na nandoon ang tanim namin.
Nakakalungkot mang isipin, masaya pa rin ang naging experience namin sa lugar.
***
Kinabukasan, wala kaming pasok sa school kaya nanatili na lang ako sa bahay at tumulong kanila tita at mommy.
Si Seven naman ay buong araw lang na nakakulong sa kanyang kuwarto. Bababa lang ito kapag kakain o may kailangan hingiin.
Hindi ko lubos maisip na siya ang Seven na jowa-jowaan ko sa aming campus.
"Anak, alam na ba ng mommy ni Seven ang tungkol sa inyo?"
Nanlaki ang aking mga mata nang marinig ang sinabi sa akin ni mommy. Agad akong lumapit sa kanya at mariing tinakpan ang kanyang bibig.
"Ma! 'Wag ka namang maingay!" pabulong kong bulyaw.
Tumingin ako sa paligid, mabuti na lang ay mesyo malayo ang sala sa aming kinaroroonan. Nasa loob kasi kami ng kusina at naghahanda ng miryenda para sa lahat. Nagtitimpla naman ako ng juice nang bigla na lang sambitin ni mommy ang bagay na iyon.
"Anong tungkol sa kanila ni Seven?"
Halos malaglag ang aking puso nang makita ko si Tita Martha na lumabas mula sa banyo na nanditi sa kusina.
Kunot-ang kanyang noo habang diretsong nakatingin sa amin.
Dahil wala na akong kawala, hindi ko na nagawa pang magsinungaling sa harapan ni tita.
Isang malakas na pagtawa ang kanyang ginawa nang makarating kami sa sala at sinimulang kunain ng miryenda. Sa totoo lang, hindi ko akalain na ganito ang reaksyon nila nang malaman ang tungkol sa aming pagpapanggap. Sigurado akong gigilitan ako nang buhay ni Seven kapag nalaman niya ito.
Mariin akong napakagat ng labi at ninanais na lamunin na lang ako ng lupa dahil sa kahihiyan.
"Seriously, hija? Sinabi niya 'yon?" pagpipigil na tawa ni tita sa mga bagay na kinuwento ko.
"O-Opo," pagkumpirma ko.
Muli siyang tumawa nang malakas kasabay ng kay mama.
"Kayo talagang mga bata, ang dami nyong alam," ani ni tita na nagpapahid ng butil ng luha sa kanyang mga mata. "Pero sa totoo lang, mas gugustuhin ko nang ikaw ang maging girlfriend ng anak ko. Ayoko kasi sa iba," muli niyang wika.
Napangiwi na lang ako at impit na natatawa sa kanilang sinasabi.
Ano ba naman ito. Nalaman na tuloy ng lahat ang pakulo ng lalaking iyon. Parang gusto ko na lang lumubog sa lupa dahil sa hiya. Kasalanan mo talaga ito, Seven!
Ramdam ko pa rin ang gigil sa sarili. Maya-maya lang, dahil sa mga kuwentuhan, hindi na namin namalayan ang oras at inabot na pala kami ng gabi.
Inutusan ako ni tita na tawagin si Seven sa kanyang silid dahil kakain na kami ng dinner.
Agad naman akong umakyat sa silid ni Seven at kumatok sa kanyang pinto.
"Seven, kakain na raw," pagtawag ko sabay sa pagkatok.
Sandali akong naghintay ngunit walang sumasagot sa kabila.
"Seven?" muli kong pagtawag at pagkatok ngunit wala pa rin.
Kumunot ang aking noo at naisip na hawakan ang doorknob. Doon ko napagtanto na hindi naka-lock ang pinto kaya naglakas loob na lang akong pumasok sa loob.
Bumungad sa aking mga mata ang isang madilim na kwarto. Sa paglibot ng aking paningin, nakita ko ang isang ilaw na mula sa laptop, ito ang tanging nagbibigay liwanag sa loob ng silid at doon ko napansin si Seven na nakayuko sa harapan ng laptop.
Tulog pala siya.
Maingat at marahan akong humakbang patungo sa kanyang kinaroroonan. Anong oras na rin kasi at kailangan na niyang kumain. Ngunit sa paglapit ko, isang bagay ang tumawag sa aking atensyon.
Hindi sinasadyang tumama ang aking mata sa screen ng laptop ni Seven. Kumunot ang aking noo nang makita ko ang isang larawan ng babae, hanggang sa tuluyan kong makita ang kabuohan ng litrato nang sandaling gumalaw si Seven.
Hindi ko alam kung bakit, ngunit nakaramdam ako ng kakaibang kirot sa puso nang makita ko ang litratong iyon.
Sa litrato, nakahawak si Seven sa balikat ng isang babae habang nakapako ang isang magandang ngiti sa kanyang labi.
Sino kaya ang babaeng ito? At bakit tinitingnan ni Seven ang litratong ito? Higit sa lahat, dapat ay wala akong pakialam sa ganitong mga bagay. Ngunit kakaibang sakit ang nararamdaman ko ngayon sa aking puso.