“MUKHANG naliligaw ka yata, Ma’am Halina.” Kita ni Halina ang pang-aasar sa mukha nito. Kahit na sa boses din kaya nakaramdam siya ng inis.
“Goddy—”
“Sa pagkakatanda ko, Mr. Vásquez ang tawag mo po sa akin.”
“R-right, Mr. Vásquez. Pwede ka bang makausap?”
Tumingin ito sa relong pambisig nito. “One minute lang ang kaya kong maibigay sa ‘yo, dahil sobrang late na po, ma’am.”
Napapikit si Halina. Parang ginagaya nito ang ginawa niya nakaraan.
“I’ll double your rate today, gawin mo lang ang ipapagawa ko.”
“Bakit ho ako, ma’am? Si Olivia ho ba, nasaan?”
“Tinanggal ko na siya dahil hindi niya ma-meet ang mga gusto ko.”
“You think ma-meet ko rin ang standard mo, ma’am? What if—”
“H-hindi ka ire-refer ni Kalei kung hindi ka magaling.” Ah, ang hirap sabihin! “Whatever the result is, I’ll pay for your time, plus night differential pay.”
Tumaas ang kilay nito na hindi nakatakas sa paningin niya.
“So, okay lang sa ‘yo na makatrabaho ako?”
Napalunok siya sa tanong nito. Gusto nga ba niya? Pero sa ngalan ng important meeting niya bukas, sige, lulunukin niya muna ang mga sinabi niya noon sa sarili.
“Y-yes. I-ikaw? Okay lang ba? O-okay lang ba kay Pia?” Tumingin pa siya sa bahay nito.
“Wala siya rito.”
“Oh.” Mabuti naman at hindi nito nasaksihan ang ginawa niya.
“S-so, pwede mo nang gawin ang ipapagawa ko?”
Saglit itong natigilan.
“Actually, hindi pera ang gusto kong ibayad sa akin.” Titig na titig ito sa kanya kaya napalunok siya.
“A-ayaw mo ng pera? Eh, ano ang ibabayad ko sa ‘yo?”
“Be professional, Halina. Alam kong malaki ang naging impact sa ‘yo ng nakaraan natin, pero hindi ba pwedeng isantabi mo? For your business?”
Hindi siya nakaimik.
“I-I’ll try,” sabi na lang niya.
Ngumiti ito nang matamis kaya napaiwas siya nang tingin. Isa ito sa kahinaan niya noon dito, kaya hindi siya dapat nakatingin dito kapag nakangiti.
“Okay na ang sagot mo. Tuloy ka, ma’am.” Sabay bukas nito ng gate.
“S-sandali kunin ko lang ang laptop—”
“‘Wag na. May laptop naman ako. May pc rin. May naka-install na rin na Ilustrator, kaya hindi na kailangan. Nasa email mo naman yata ang copy?”
Napatingin siya sa kamay nitong pumigil sa kanyang braso. Hindi ganoon kahigpit pero naiilang siya. Saka paano pala nito nalamang nasa email niya? Nasabi na ba ni Bobbet at Fanny?
“O-okay.”
Hindi nito binibitawan ang braso niya kaya napatikhim siya. Siya namang tanggal ng kamay nito.
“Sorry ho, ma’am.”
Tumango lang siya rito.
Sumunod siya rito nang igiya siya nito papasok.
Iginala ni Halina ang paningin sa loob ng bahay nito. Maganda at malinis iyon. Mukhang nakakaluwag-luwag na rin dahil sa maganda ang mga kagamitan. Painting at mga flower vase ang halos na nakalagay sa mga gilid.
“Nirerentahan lang namin ito. Nasa US na kasi ang dating nakatira dito.”
“Ah,” aniya. Nakita pala nito ang malikot niyang mata.
“Maupo ka muna. Ano nga po pala ang gusto niyo, ma’am? Gatas, kape, o soft drinks?”
“Tubig na lang.” Naupo siya sa pinakadulo ng sofa na iyon.
Ngumiti ito kaya sa iba niya tinuon ang tingin.
Habang nasa kusina ito ay muli niyang pinaglikot ang paningin. Wala siyang makitang picture frame nito at ni Pia. Kahit na ng pamilya nito. Marahil, ayaw ng may-ari na ipagalaw ang sala.
“Salamat,” aniya nang ilapag nito ang tubig. Nagpaalam na rin ito na kukunin ang laptop nito. At iyon nga ang bitbit nito pagbalik.
“G-Goddy,” anas niya nang piliin nitong maupo sa tabi niya. “Umusog ka nga.”
“Ay, sorry po. Gusto ko lang naman kasing ipakita sa ‘yo kung paano ako magtrabaho.”
“I-ipakita mo na lang sa akin kapag tapos ka na.”
“Okay.” Umusog nga ito pero konti lang ang distansya nila.
Tumayo siya kapagkuwan.
“Um, sa sasakyan na lang ako maghihintay. Katukin mo na lang ako kapag tapos ka na.”
Napasimangot si Goddy. “Sabi ko ‘di ba, maging professional ka? Kaya bakit ka lalabas? Hindi mo ba alam na delikadong mag-stay sa loob ng sasakyan?”
Napilitan na lang siyang umupo.
Ano ba naman kasi itong sarili niya, hindi marunong sumunod sa usapan!
Hinarap nito sa kanya ang laptop nito. “Email ko nga pala.”
Inilabas niya ang cellphone niya at sinend dito ang file.
“Thanks, Halina.” Natigilan ito sa sinabi. “Ma’am pala.”
Hindi na siya umimik.
Inalok siya nitong manood ng palabas pero tinanggihan niya ito. Tinaas niya ang cellphone para sabihing abala siya. Pero hindi niya naiwasang mapatingin sa binata. Naka-side view lang ito pero hindi maikakailang magandang lalaki ito. Ang tangos ba naman kasi ng ilong saka maganda ang mata na bumagay sa mukha nito.
Parang gustong pukpukin ni Halina ang sarili sa ilang beses na pagsulyap kay Goddy.
Sa totoo lang, lalong lumakas ang appeal ni Goddy. Mas lalong gumanda ang pangangatawan nito. Talagang nasa tamang edad na nga. At mukhang alagang-alaga sa gym.
Hindi nakaiwas si Halina nang tingin nang mahuli siya nitong titig na titig.
“May dumi ho ba ako sa mukha, ma’am?”
“U-um, wala naman. Napaisip lang ako kung bakit walang mga pictures niyo rito.”
Sumandal ito. “Ah, ‘yon ba? Nasa silid namin. Baka kasi pumangit ang design kapag nilagay namin pagmumukha namin.”
Natawa siya sa sinabi nito. “Bakit? Mukha bang panakot ng daga?”
“Itong mukha na ‘to, panakot ng daga? Hindi ka mahuhumaling sa akin kung panakot lang ‘to ng daga.”
Bigla siyang natigilan nang mapagtantong nakikipag-usap at nakikipag tawanan siya rito.
“Hey. Trabaho nga muna. Kailangan ko ‘yan tomorrow, remember?” Nakaramdam siya ng awkward habang sinasabi iyon. Siya itong nanguna kaya.
Binalik na lang ni Goddy ang tingin sa ginagawa nito. Ganoon din siya. Iniiwasan niyang tingnan ito nang matagal.
TUTOK na tutok si Goddy sa ginagawa ng mga sumunod na sandali. Kailangan niyang matapos din talaga kaagad para makauwi na ito. Hindi naman kaya ng konsensya niya na abutin ito ng madaling araw sa daan.
Napatingin siya sa balikat niya nang maramdaman ang ulo ni Halina. Nakatulog na pala ito.
Akmang ililipat niya ang ulo nito sa backrest ng sofa nang gumalaw ito. Lalo nitong nilapit ang sarili sa kanya at isiniksik ang ulo sa kanya. Kaya napilitan siyang harapin ito. Inayos niya ang likuran nito sa sofa.
Ang sabi niya, hahayaan niya na lang ito munang matulog sa tabi niya. Pero hindi siya nakatiis nang muntikang tumama ulo nito sa armchair ng sofa na iyon. Kaya naman nagpasya siyang ilipat ito sa silid niya.
Akmang tatanggalin niya ang kamay sa bahaging leeg nito nang gumalaw ang dalaga. Sobrang lapit niya na rito. Magkamali ito nang baling, mapapahalik ito sa pisngi niya.
Hinintay niyang hindi ito makakakilos bago muling gumalaw. Pero iyon ang pagkakamali niya, kumilos ito at hindi sinasadyang dumikit ang labi nito sa kanya.
Matagal bago siya nakahuma dahil sa pagdikit ng kanilang labi. Napalunok din siya dahil sa labi nitong bahagyang naka-pout at kumikibot-kibot. Para bang nang-aanyaya.
Sa wakas ay nakatayo siya. Pinagmasdan niya ang dalaga. Napangiti siya sa posisyon nito, yakap na yakap nito ang unan niya. Mukhang inantok kakahintay sa kanya talaga. Pero malapit na siyang matapos. Iniisip niya kung gigisingin ba ito mamaya o hayaan itong makatulog.