Tama ang hinala ni Rosario, kasalukuyang nag-eensayo si Devon ng kanyang mga linya. Muli siyang pumwesto sa dati niyang pinagkukublihan at tahimik niyang pinanood si Devon mula doon.
"Juliet, bakit mo ginawa ito? Bakit mo 'ko iniwan? 'Di ba nangako tayo sa isa't isa na magmamahalan hanggang sa huli, nasaan na ang pangako mo na 'yun Juliet?" mga linyang binitiwan ni Devon na nasaktuhang datnan ni Rosario.
"My gaaad. Ang galing n'ya talaga. Nakakadala ang acting n'ya." sabi ni Rosario sa sarili.
Dahil sa nakaluhod si Devon habang umaarte ito, hindi ito tanaw ni Rosario. Mataan siyang naghintay sa muling pagtayo nito subalit nanatili itong nakaluhod kasabay ng pananahimik nito.
"Hindi pa niya siguro memorize 'yung part na 'yun. Lapitan ko kaya?" sabi sa sarili ni Rosario na nakaramdam ng pagkainip sa muling pagtayo ni Devon.
Hindi na nagdalawang isip si Rosario at marahan siyang lumapit sa bintana nito. Mula sa ilalim ay dahan-dahan niyang iniangat ang katawan upang masilip ang ginagawa ni Devon.
Nakita niyang nakaluhod pa din ito at may hawak na papel kung saan nakasulat ang script nito. Naririnig niya ang paulit-ulit nitong mahinang pag-usal habang kinakabisa nito ang mga linya.
Ilang sandali pa ay muling binalingan ni Devon ang pag-arte na may emosyon. At dahil nakaluhod ito, hindi nito tanaw si Rosario na pinanunuod siya mula sa pagkakadungaw nito sa kanyang bintana. Gaya ng dati niyang ginagawa, ikinakapit ni Rosario ang mga kamay niya upang hindi lumikha ng ingay ang pagaspas ng kanyang mga pakpak.
Patuloy sa pagsasalita si Devon na tila may kausap na nakahandusay sa sahig. Ang eksena ay ang inakala niyang nagpakamatay si Juliet. Kinailangan ni Devon ng maraming emosyon dahil 'yun ang pinakamalungkot na parte ng istorya. Kailangang pumatak ang mga luha niya para mas makumbinsi niya ang mga manunuod sa araw ng kanilang pagtatanghal.
Malapit na sanang mabuo ni Devon ang buong linya nang bigla na naman siyang may nakalimutan. Sa inis nito ay napatayo ito bigla at tinungo ang bintana upang dito ilabas ang inis niya sa muli niyang pagkakamali.
Kaagad namang naibaba ni Rosario ang kanyang katawan nang matanawan niya ang biglaang pagtayo ni Devon subalit nanatiling nakakapit ang kanyang mga kamay sa pasimano ng bintana nito. Hindi naman ito napansin ni Devon. Subalit nang itukod nito ang mga kamay sa pasimano ng bintana ay saktong nahawakan niya ang mga kamay ni Rosario.
Napayuko siya bigla upang tingnan ang kanyang nahawakan at sa kanyang pagkabigla ay napaatras agad siya. Nanlalaki ang mga mata niya kasabay ng pagtayuan lahat ng balahibo niya. Nais niyang magtatakbo upang lumabas ng kanyang silid pero para siyang naparalisa sa pagkakasandal niya sa dingding ng kanyang kwarto.
Kinabahan naman si Rosario sa pangyayari. Alam niyang nakita siya ni Devon at kung lalayo siya ay makikita nito ang kanyang paglipad. Hindi na nito iisipin na panaginip ang lahat. Naaalala niyang bigla ang mga magulang niya, ang mga habilin sa kanya ng mga ito. Tiyak na maeeskandalo sila dahil sila lamang ang pinaghihinalaan na may lahing manananggal sa lugar na iyon.
Wala ng ligtas si Rosario. Isang bagay na lang ang pumasok sa isipan niya. Isusugal na niya ang mabilis niyang naging plano. Kaya't imbes na umalis siya ay ipinakita na niya ang sarili kay Devon. Mas iniangat pa niya ang kanyang sarili hanggang sa makita ni Devon ang kanyang itsura.
Mas nanginig sa takot si Devon. Kitang-kita niya at sigurado siyang manananggal ang nasa harapan niya. Ang kalahati nitong katawan na nakalutang sa hangin habang pumapagaspas ang mga malalapad nitong pakpak gaya ng sa paniki.
"'H'wag ka ng sumigaw. H-hindi mo ba 'ko n-nakikilala?" kaswal pero pautal-utal na sambit ni Rosario.
"L-lumayo k-ka. T-totoo nga a-ang b-balita d-dito na m-manananggal k-kayo." nanginginig man ay nagtatapang-tapangan si Devon. Nakilala man niya si Rosario, nawalang bigla ang paghanga niya dito at napalitan 'yun ng takot.
"And so? Ano naman kung manananggal kami?" sagot ni Rosario na nagkunot pa ng noo.
"Layuan mo 'ko. T-teka." nakita agad ni Devon ang krus na inihanda niya at itinapat 'yun kay Rosario. "Lumayo ka, matakot ka sa Kanya."
"Hello. Katoliko din ako noh. Ginawa mo naman akong bampira n'yan eh. Bakit naman ako matatakot diyan eh marami din kami sa bahay n'yan?" sagot ni Rosario.
inisip ni Devon na malakas ang kapangyarihan ni Rosario kaya't hindi ito natakot sa krus. Kaya't mabilis niyang kinuha ang lalagyan ng asin at sinabuyan niya agad si Rosario.
"E-eto ang dapat sa 'yo. Um um um." sabi ni Devon na nakaipon na ng tapang sa sarili. Sunod-sunod ang ginawa niyang pagsaboy ng asin kay Rosario.
"Ano ba? Ang alat niyan. Kakaligo ko lang. Hindi pa iodized 'yang asin n'yo, tigilan mo nga 'yan. Nakakasakit ka na ha." sigaw ni Rosario.
"H-hindi mo 'ko masasaktan. D-dito ka na tiyak masusunog." gigil na sambit ni Devon sabay hawak niya sa luma nilang palaspas.
Inihataw niya 'yun kay Rosario.
"Oops." Mabilis namang nakaiwas si Rosario sa unang paghampas sa kanya ni Devon.
Muling sumubok si Devon na hampasin si Rosario ng hawak niya.
"Oops. Sablay ka na naman." sabi ni Rosario nang muli niyang nailagan 'yun.
Wala ng maisip si Devon na maaari niyang ipanlaban sa kaharap niyang manananggal kaya't dinampot niya ang kanyang unan at inakma niyang ipalo ito kay Rosario.
"Oh teka teka, ano 'to pillow fight? Dapat meron din ako, unfair naman 'yan." saad ni Rosario.
Hindi na itinuloy ni Devon ang iniisip niyang gawin. Dahil nawala na ang kanyang pagkabigla, naisipan niyang takbuhin ang pintuan upang lumabas duon. Tinalikuran niya agad si Rosario, patakbo na siya nang naramdaman niyang may pumigil sa kanya, hawak ang damit sa likod niya.
"H'wag mo 'kong papatayin. Aaahh. H'waaag." sigaw ni Devon.
"Huy 'wag ka nga maingay. Bakit naman kita papatayin? Ayokong makulong noh. Saka hindi ako kriminal." sambit ni Rosario sabay bitaw sa damit ni Devon.
Dahil sa biglang pagbitiw ni Rosario sa damit ni Devon, muntikan na itong masubsob dahil sa kagustuhan nitong makatakbo.
"Parang awa mo na. H'wag mo 'ko papatayin." ulit ni Devon na halos magsumiksik sa dingding ng kanyang silid.
"Kahit pala sa horror pwede kang umarte, akala ko pang-drama ka lang. Hindi nga kita papatayin. Ano naman ang dahilan para patayin kita ha?" humalukipkip pa si Rosario at nagtaas ng isang kilay habang patuloy itong pumapapagaspas sa labas ng bintana ni Devon.
"Eh a-ano kailangan mo? D-dugo ko? P-puso ko o l-lamang-loob ko?" nanginginig pa din na sagot ni Devon.
"Magbobopis ba ko o dinuguan? Umayos ka nga ng upo. Hindi kita papatayin noh saka hindi kita kakainin. Hello, diet kaya ako. Saka bakit kita kakainin eh ang daming pagkain sa ref namin. Excuse me, hindi ako carnivorous. Vegetarian ako." dugtong ni Rosario.
Bahagyang nabawasan ang takot ni Devon pero nanatili siyang nakaupo sa sahig.
"Eh ano kailangan mo sa 'kin? Ano ginagawa mo dito?" tanong ni Devon na nawala na panginginig sa boses nito.
"Kalma lang. Hmm, pinanunuod ko lang 'yung praktis mo. Romeo and Juliet 'yun 'di ba? Taray ha, ikaw ang bida. Boring kasi sa bahay kaya ayun, pinasyalan kita...este namasyal muna 'ko." kaswal na pagkakasabi ni Rosario.
"I-ibig sabihin h-hindi kayo kumakain ng lamang loob ng tao?" si Devon.
"Common sense, nakita mong kakalahati katawan ko, kung kakainin kita saan mapupunta yung kinain ko? Eh naiwan nga 'yung bituka ko du'n sa kalahati ng katawan ko 'di ba." pagtataray ni Rosario.
"Hindi mo man lang ba 'ko papapasukin? Oh gusto mo kainin nga kita. Awooooo." dugtong ni Rosario at biniro pa nito ng pananakot si Devon.
"S-sigurado ka ha? H-hindi mo 'ko kakainin ha." turan ni Devon habang unti-unti siyang tumatayo.
"Oo nga. Ki-kiss na lang kita." bulong ni Rosario sa huling sinabi niya.
"Hah? A-ano 'yun?" tanong ni Devon habang pabalik siya ng kanyang higaan upang maupo duon.
"Wala. Sabi ko hindi mo ba 'kako 'ko papapasukin? Nilalamok na 'ko dito." si Rosario.
"S-sige, p-pasok ka." imbita ni Devon.
Mabilis namang pumasok si Rosario. Nanlalaking muli ang mga mata ni Devon nang makita niya sa liwanag ang mga pakpak ni Rosario.
"Oh para kang nakakita ng multo niyan. Manananggal ako. Hindi ka pa ba maka-get over? Pwede,bang makiupo? Ay wala pala kong puwet, makilapag na lang pala ng katawan." nakangiting sambit ni Rosario.
'S-sige." matipid na sagot ni Devon. "'W-wag mo akong lalapitan ha. B-baka traydurin mo 'ko." dugtong pa niya.
"Bakit ba ang kulit mo? Sabi ng hindi kami kumakain ng tao eh. Yuck, makakakuha pa kami ng virus. Saka never talaga kaming kumain ng lamang loob ng tao eversince the world began." nakangiting sambit ni Rosario.
Nakaramdam ng bahagyang pagkakampante si Devon sa kaharap. Sa mukha lang ni Rosario siya nakatingin. Iwinawaksi niya ang mga mata sa mga pakpak nito at sa putol na katawan. At sa patuloy na pagsilay ng mga ngiti ni Rosario, muling nanunumbalik ang paghanga niya dito. Walang ipinagbago ang ganda ng mukha nito kahit may kakaiba sa itsura nito ngayon.
"'D-di ba kabilugan lang kayo ng buwan lang kayo lumalabas?" usisa ni Devon.
"Ano? Bakit naman maghihintay pa kami ng kabilugan ng buwan? Ano 'yun monthly period? Once a month lang? Anytime pwede kami lumabas noh, 'yun nga lang, without our wings. At kahit anong oras pwede naming hatiin ang katawan namin, basta gusto namin. Kaya lang, for what?" tugon ni Rosario.
"Eh a-ano nga pakay mo sa 'kin? Bakit ka narito?" muling tanong ni Devon.
"Ang lalim nu'n ha. Pakay. Ulit-ulit ka naman, 'di ba sabi ko manunuod ako ng praktis mo. Gusto mo para mas makatotohanan ako ang gaganap na Juliet eh.
"S-siguro ikaw din 'yung nakita ko nu'ng isang linggo d'yan sa may puno sa tapat noh?" napamulagat muli si Devon.
"Tumpak. Ako nga 'yon. Hindi ko naman alam na pugad pala ng hantik 'yang puno n'yo." sagot ni Rosario.
"Sabi ko na nga ba hindi ako nananaginip eh. Ini-stalk mo ba 'ko?" si Devon.
"Wow, feeling ka ha. Nadaanan lang kita nu'n habang nagpapahangin ako. Eh nakita ko super acting ka, kaya tumambay ako saglit. Eh sino ba naman ang hindi mapapalingon eh ang lakas ng boses mo nu'n." tugon ni Rosario.
"Natural, alangan namang ibulong ko eh kailangang malakas talaga ang boses du'n. Saka malay ko ba na dumadaan ka, sino namang mag-aakalang may dadaan na kagaya mo dito sa harap ng bahay namin? Nakita mo naman mga bahay dito, layo-layo at kung may mapadaan man, duon sa kalsada, hindi diyan sa may taas ng puno." saad ni Devon na naging komportable sa kausap dahil wala naman siyang makitang palatandaan na mananakit ito.
"Oh sige na ituloy mo na praktis mo. Naabala pa yata kita." sabay kindat ni Rosario kay Devon.
"Ku, ayoko nga. Nahihiya ako." si Devon.
"Nahihiya? Eh for sure mas maraming manunuod sa 'yo 'pag nag-perform kayo. Tapos ako lang mag-isa nahihiya ka? Come on." si Rosario.
"Eh basta, ayoko. Mas maganda siguro kung kwentuhan mo na lang ako. T-tungkol d'yan sa pagiging manananggal mo. Sigurado kang hindi mo ko aanuhin ha. Kung hindi, sisigaw talaga ko." sambit ni Devon.
"Big deal talaga kami sa inyo noh. Okay sige, magkekwento ko. Sa isang kondisyon." nakangiting saad ni Rosario.
"Ano namang kondisyon?" kunot noong tanong ni Devon.
"Papakita mo sa 'kin 'yung acting mo pagkatapos kong magkwento." patuloy ni Rosario.
Bahagyang nag-isip si Devon. Interesado siyang malaman ang kwento sa likod ng pagkatao ni Rosario kaya't pumayag siya sa gusto nito.
"Okay sige."
Bumwelo na si Rosario upang simulan nitong magsiwalat tungkol sa lihim ng kanilang angkan.