Tinakpan ng isang lalake ang aking bunganga para patigilin ako sa pagsigaw. Impit akong tumili at umiyak. Umagos na parang gripo ang aking mga luha, habang ang aking dibdib naman ay patuloy sa pagsikipz dahil sa bilis na t***k ng aking puso na dulot ng takot sa sitwasyon na kinasasadlakan ko ngayon.
Lumapit pa ang dalawang lalake sa akin, kaya pinikit ko na lang ang aking mga mata. Ayaw kong mamemorya ang mga mukha nila. Kung makalabas man ako na buhay dito, ayaw kong maalala ang bawat parte ng mukha ng mga lalakeng ito.
At nang akala ko wala nang dadating na tulong, nakarinig ako ng malakas na kalabog. Tila pinuwersang binuksan ang pintuan ng kuwarto na kinaroroonan ko.
Nakarinig ako ng sigaw. Ang mga lalake naman ay napamura. Pikit mata akong tumili dahil sa takot.
"Ligtas ka na, tahan na..." Ang boses ni Lily ang nagpakalma sa akin. Niyakap niya ako at inalo.
Tulala ako hanggang sa makalabas kami ng club. Galit na galit si mamang sa amin ni Lily, nakatanggap kami ng mga masasamang salita galing sa kaniya. Kung hindi pa nagbanta si Lily na ire-report namin sa pulis ang nangyari, e, hindi pa siya titigil.
Ayaw kong makarating ang nangyari sa mga tao sa amin, kaya pinili ko na lang na huwag magsuplong sa pulis. Mayayaman silang tao kaya baka hindi din pakikinggan ang salaysay ko. Salita ko laban sa pera nila.
"Masama talaga ang kutob ko kanina, e. Hindi ako mapakali na hindi ko alam." Umiling-iling siya. Nandito na kami sa labas ng ospital.
Hindi pa din mawala ang kaba sa aking dibdib at panginginig ng buo kong katawan, pero pilit kong nilalabanan.
Hindi ako puwedeng maging mahina. Kailangan ako ng kapatid kong may malubhang sakit.
"Mabuti na lang talaga at mabait iyong nilapitan ko na isang customer kanina sa club. Humingi ako ng tulong. Sinabi ko na puntahan ka namin, kasi pakiramdam ko talaga may hindi magandang mangyayari. Ayun, inutusan niya ang mga bodyguard niya na samahan ako at tignan ka." Pailing-iling si Lily habang patuloy sa pagsasalita.
Hinawakan ko ang kaniyang kamay. Nanginginig din ito, halata ang kaba at pagkabalisa niya dahil sa nangyari.
"Salamat, Lily. Kung wala ka hindi ko na alam kung ano ang nangyari sa akin." Baka ikamatay ko kung sakaling natuloy ang gustong gawin ng mga lalake.
Diyos ko po! Maraming salamat.
"Hindi talaga ako matahimik, Iya. Paano kung tuluyan kang napahamak? Sisisihin ko ang sarili ko, kasi ako ang nagdala sa'yo kay Mamang. Walang hiya talaga ang matandang iyon. Plano ka pang ibugaw sa tatlong lalake! Napakahayop!"
Sinaway ko siya na hinaan ang kaniyang boses.
"Hindi mo iyon kasalanan. Ako ang humiling sa'yo na dalhin ako du'n."
Bumuntong hininga ako at tiningala ang mga bituin sa langit.
"At saka puwede ba na kalimutan na lang natin ang nangyari ngayong gabi na 'to? Huwag mo na din sanang mababanggit pa ito kahit kanino, puwede ba?" pakiusap ko sa kaniya.
Tinignan ko siya ng seryoso. Gusto ko siyang mangako, dahil kilala ko siya. Minsan sa sobrang kadaldalan niya nadudulas na lang siya.
"Oo na!" Napipilitan niyang sambit. Inakbayan niya ako.
"Paano na iyan?" tanong niya.
"Mahalaga ka sa akin, kayo ni Amanda. Puwede namang ako na lang ang gumawa ng paraan para sa operasyon ni Amanda."
Hinarap ko siya. "Tumigil ka nga! At sa tingin mo papayag ako na gawin mo iyon?!" asik ko. Tumawa siya pero sumeryoso din agad kalaunan.
"Huwag mong gagawin 'yan. Magagalit kami ni Amanda sa'yo."
"Paano na iyan? Itutuloy mo pa din ang plano mong gawin? Hindi ka ba natatakot? Paano kung maulit ang nangyari?"
"Mas takot akong mawala si Amanda sa akin, Lily. Alam mo namang siya na lang ang pamilya ko..."
"...tatanggapin ko ang alok ng matanda."
Eksaherada siyang huminga. "Sabi ko na kasi sa'yo na mas okay 'yun, e."
"Oo, malaking halaga nga ang ibabayad niya. Pero, Lily, hindi ka ba magdadalawang isip kapag ganu'n? Hindi lang katawan ko, ang virginity ko ang babayaran niya. Babayaran niya ang batang dadalhin ko sa aking sinapupunan." Dugo't laman ko. Naiisip ko pa lang iyon parang ang bigat na sa dibdib.
"Pero wala naman na tayong ibang choice. Du'n ka na lang, kaysa magpabugaw ka. Hindi mo kikitain iyong pampaopera ni Amanda sa isang gabi o sa iisang lalake lang." Tama siya. Ayaw ko ng sumugal ulit sa mga club.
PINAGMASDAN ko ang natutulog kong kapatid. Paminsan-minsan itong ngumingiwi, kahit sa pagtulog ramdam niya ang kirot na dulot ng iniinda niyang sakit.
Hinaplos ko ang kaniyang buhok, hanggang sa kumalma ang kaniyang mukha at naging mahimbing ang kaniyang tulog.
Sa buong magdamag pinag-isipan kong maigi ang aking gagawin. Kailangang maging wais ako. Oo, malaking halaga ang ino-offer nila pero malaking bagay din naman ang virginity at ang katawan ko. Hindi naman ako patapon lang na babae.
MAAGANG umuwi si Lily sa kanila para maligo at kumuha ng damit ko. Hahanapan daw niya ako ng maayos na damit, para mukha daw akong presentable kapag dumating ang matandang babae.
Maaga akong nananghalian at alas-dose pa lang ng tanghali ay nag-abang na ako sa may entrance ng ospital. Ala-una nang dumating siya.
Malapad ang kaniyang mga ngiti sa lagi nang masilayan niya ako.
"Oo ba ang sagot mo sa inaalok ko?" nakangiti niyang tanong. Pinilit kong ngumiti at sumagot.
"Opo, pero may mga kondisyon po sana ako," sabi ko. Tumango siya at hinawakan ang aking kamay.
"Huwag tayo dito."
Inaya niya ako sa isang maayos na restaurant na malapit lang sa ospital.
Gaya kahapon, um-order ulit siya ng pagkain para sa akin. Hindi naman ako gutom kaya tinikman ko lang. Plano kong ipabalot na lang mamaya para kay Amanda at Lily. Tiyak na matutuwa sila kapag natikman nila ang mga pagkain na 'to. Ang sasarap at mamahalin pa.
Tumikhim ang matanda. "Manang, pumapayag po ako pero may mga kondisyones ko po." Nilabas ko ang papel mula sa aking bag.
Pinagpuyatan ko itong isulat kagabi. Pinag-isipan kong maigi.
"Una po, kailangan bayaran po muna ako bago po ako makipagsiping sa kaniya," sabi ko habang papahina ang mga huling tatlong salita.
Tumango ang matanda at tila wala naman siyang reklamo.
"Pangalawa po, kailangan po namin ng maayos na tirahan. Nakikitira lang po ako sa bahay ng kaibigan ko sa skwater. Naisip ko po na mas makabubuti kung sa medyo maayos na bahay ako tumira, habang magbubuntis ako. Kapag nanganak na po ako, lilisanin din po namin ng kapatid ko ang bahay."
Taimtim siyang nakikinig sa akin kaya nagpatuloy ulit ako.
"Pangatlo po, hiling ko po sana na kapag ginawa po namin iyon, maari po ba na madilim ang buong silid. Iyong hindi po namin kita ang itsura ng isa't isa. At gusto ko po sana na hindi namin alam ang pangalan ng isa't isa, ang pagkakakilalanlan at hindi alam maging ang aming mukha."
Nagulat si Manang sa huli kong sinabi. Para bang hindi makapaniwala o naiimposiblehan sa kondisyones na aking binigay.
Kalaunan naman ay tumango siya. "Sige, hija. Ipapaalam ko sa aking amo ang mga kondisyones mo," sagot niya.
Natahimik ako, napapaisip at kinakabahan, dahil baka hindi pumayag ang sinasabi niyang amo. Paano kung ayaw niya tapos maghanap sila ng ibang babae.
Pagkatapos magbayad ay nagpaalam na si Manang. Bitbit ang paper bag na naglalaman ng pagkain ay nilakad ko ang pabalik sa ospital.
Tulala ako at balisa. Kinakabahan at natatakot sa maaring kahinatnan ng lahat. Paano kung... Kailangan kong maging positibo.
Kumaway ako kay Amanda nang makita ko siyang nakaupo sa kaniyang kama. Sinusubuan siya ni Lily ng lugaw.
"Ayaw ko na," tanggi niya sa pagkain.
"Pero nakakailang subo ka pa lang," reklamo naman ng kaibigan ko.
Nilapag ko sa mesa sa gilid ang dala kong pagkain. Napatingin silang dalawa dito.
"May dala akong pagkain para sa inyo," nakangiti kong sabi habang isa-isang nilalabas ang mga pagkain.
Nangningning ang kanilang mga mata at kita ko ang pagkamangha at pagkatakam sa kanilang mga mukha.
"Wow!"
"Gusto ko iyan, Iya," parang bata na sambit ni Amanda. Tumawa ako.
"Alam ko na magugustuhan mo 'to," sabi ko. Hinati ko ang pagkain para sa kanilang dalawa ni Lily.
Masaya nilang nilantakan ang pagkain. Sinusubuan ko si Amanda dahil masakit na ang mga kamay at braso niya na tadtad na ng injection. Sinusubuan din ako ni Lily, kahit pa tumatanggi ako.
"Alam kong gusto mo din 'to," sabi niya. Ang sarap ng pagkain. Sumaya si Amanda at naging magana siya sa pagkain.
"Ang sarap!" halos umungol ito sa sarap habang ninanamnam ang pagkain na nasa bunganga.
Sana nga pumayag ang boss ni Manang, para araw-araw masarap ang pagkain mo at mapaopera na kita.
NANG makatulog si Amanda ay pinag-usapan namin ni Lily ang nangyari. Sinabi ko sa kaniya ang bagay na bumabagabag sa aking isipan.
"Magdasal na lang tayo," aya niya sa akin sa chapel na nasa loob ng ospital. Iyon nga ang ginawa namin. Una kong hiningi ang pagpapatawad ng Diyos. At hiniling ko na sana bukas ay bumalik si Manang.
Sa kaniya nakasalalay ang buhay ni Amanda. Ang buhay naming magkapatid.
Binigay ko ang number ni Lily kay Manang. Sa buong magdamag ay nag-abang kami ng kaniyang tawag o mensahe pero wala.
Sana bumalik siya...
MAAGA pa lang nang makatanggap ng tawag si Lily mula sa isang hindi kilalang numero.
Nanlalaki ang mata niya na tumingin sa akin.
"Opo!" sabi niya bago binaba ang tawag.
"Nasa labas daw siya," sabi niya sa akin sa nanlalaking mga mata. Nagtanong si Amanda, pero hindi ko na nagawa pa itong sagutin, dahil nagmamadali na akong lumabas ng ospital.
"Pumayag siya," pagbabalita sa akin ni Manang. Sa sobrang saya ko ay niyakap ko siya. Naluluha akong nagpasalamat.
"Pero kailangan muna kitang patignan sa ospital, hija. Kailangan nating makasigurado na may kakayahan kang magdalang tao," aniya. Hindi pa din pala pinal ang lahat?
"Kailan po?" tanong ko. Tumatakbo ang oras, kaya gusto ko matapos na ang lahat ng ito. Bawat oras ay mahalaga. Buhay ng kapatid ko ang nakasalalay dito.
"Ngayon na. Pupunta tayo sa ibang ospital para mapa-check up kita."
Lulan kami ng isang magarang sasakyan na nagpunta sa ospital.
Kinuhanan ako ng ilang mga laboratory test, sa aking dugo, pati ihi sinama na din.
Nakita ko sa papel na halos malagyan ng tsek ang lahat ng nakasulat sa laboratory request.
Hindi naman ako mangmang, alam ko kung para saan ang lahat ng test na ni-request.
Kasama sa test ay ang HIV, STD at maraming pang iba. Alam ko sa sarili ko na malinis ako, dahil birhen pa ako, pero sumunod na lang ako sa gusto ni Manang.
Ang sabi ay malalaman daw ang resulta pagkatapos nang tatlo hanggang pitong araw.
Sana walang maging problema.
Huling ginawa sa akin ang ultrasound. Ang sabi ng doktor maayos naman daw ang aking matres. Sa ibang test talaga nakasalalay ang lahat.
"Magkikita ulit tayo kapag lumabas na ang resulta ng test na ginawa sa'yo. May nakahanda na ding kontrata na pipirmahan lang natin kapag naging maayos ang lahat," sabi ni Manang bago siya umalis.
TILA naging mabagal ang paglipas ng mga araw. Inip na inip ako habang inaabangan ang pagpapalit ng oras sa isang buong araw.
Sana naman mapabilis ang resulta. Sana naman hindi abutin ng isang linggo. May pera naman ang boss ni Manang. Baka puwede niyang madaliin ang ospital.
At sana walang maging problema.
Sa ikaapat na araw, tumawag si Manang. Sinundo niya ako sa labas. Sabay kaming nagtungo sa ospital para sa resulta ng laboratory.
Ang sabi ng doktor na nagbasa ng resulta na malusog daw ang aking katawan. Walang nakitang problema.
Tinanong kung kailan ang unang araw at huling araw ng aking regla. Nagsulat-sulat ito sa papel. Tumingin sa kalendaryo at nagbilang ng kaniyang daliri, bago niya pinaliwanag sa akin kung kailan ang magandang araw para makipagtalik at siguradong mabubuntis.
Nag-iinit ang aking mukha habang nakikinig sa kaniyang mga paliwanag. Sa edad kong eighteen nandito ako sa harap ng isang ob-gyne at nakikinig sa kaniyang payo kung paano magbuntis.
May mga katanungan din sa aking isip pero hindi ko na sinatinig pa.
Paano kung pagkatapos ng isang gabi at hindi ako magbuntis? Uulitin ba namin ulit?
Dinala ulit ako ni Manang sa restaurant. Nilabas niya ang kontrata. Pinabasa niya ito sa akin bago ko pinirmahan. Sinabi dito na ibibigay nila ang kabuuan na bayad, sa araw na nakasaad sa kasunduan, ilang oras bago pa man ako makipagkita sa boss.
Ang mga kondisyones na sinabi ko ay nakatala din dito.
Nakalagay din ang ilang mga consequences kung may gagawin ako na taliwas sa kasunduan. Kung hindi ako sumunod sa kasunduan, makukulong ako. Kung itatakas ko ang bata, makukulong din ako.
Pangalan niya ang nakasulat sa kontrata. Surrogate mother din ang nakalagay at hindi ang aking pangalan. Nanginginig ang kamay ko na pumirma.
"Hintayin mo ang tawag ko," sabi ni Manang. "Maghanda ka."
Paano'ng maghanda?
"Ibibigay ko sa'yo ang pera, bago kita dalhin sa kaniya," bilin niya.
Kahit hindi maganda ang aking gagawin, may mabuti pa din naman itong idudulot. Ngayon pa lang masaya na ako para sa kapatid ko. Ayaw ko na munang isipin pa ang mga bagay na maaring idulot nitong desisyon na ginawa ko.
Mahigpit kong niyakap ang aking kapatid dahil sa saya. Nagreklamo ito na napipiga siya kaya agad ko din siyang binitawan.
Tinatanong niya ako kung bakit ako masaya pero sa ngayon hindi ko pa masabi sa kaniya ang dahilan. Hindi ko pa hawak ang pera. Ayaw ko muna siyang paasahin.