Kinabukasan ay maagang nakabalik si Tyreen sa bahay ng mga Caballero. Paglabas ni Manang Ingga ay siyang pasok niya kaya nagulat ang matanda.
"Diyos na mahabagin!" palatak nito habang tutop ang dibdib. "Ang aga mo naman yatang bumalik?" gilalas pa ni Manang Ingga.
"Naku, mahirap na pong ma-late sa trabaho, baka wala na akong off sa susunod," nakangiting wika sa matanda.
"Sabagay, gusto ko 'yan, tulog pa si Elsa kaya pinasok ka na sa silid at gisingin. Kayo na muna ang magluluto ng agahan habang naghahanap pa ng bagong kusinera," wika ni Manang Ingga.
Mabilis na nagtungo sa kanilang silid at nilagay sa may kama niya ang dalang back pack.
"Elsa," gising niya sa kasamahan na mukhang nananaginip pa dahil naungol ito. "Hoy, Elsa," turan niya ngunit hindi pa rin ito nagigising."Elsa," aniya sabay hila sa paa nito.
"Ahhhh! Ahhh! Uhmmm!" anito na ungol na mukhang nananaginip pa.
"Elsa, tanghali na," malakas na turan sabay hila ng paa nito nang bigla itong magising.
"My goodness, Manang Ingga, ang sarap ng panaginip ko, e," bulalas nitong maktol habang kinukusot-kusot ang mukha at nang tuluyang idilat ang mga mata ay nakitang siya ang nagising rito. "Marga! I-Ikaw pala 'yan?" bulalas nito sa gulat.
"Maaga na pero mukhang masarap pa ang panaginip mo?" aniya rito.
Napangiti si Elsa sa kanyang sinabi.
"Oo nga, e, malapit na 'yon, malapit ko na sanang maabot ang langit sa piling ni Senyorito Perry tapos bigla mo akong ginising," palatak ni Elsa.
Napakunot-noo si Marga sa sinabi ni Elsa.
"You mean, pinagnanasahan mo si Senyorito Perry?" maang na wika.
"Iyon na nga, e, kahit sa panaginip man lang sana ay malasap ko ang alindog niya tapos napurnada pa!" kamot ni Elsa sa ulo.
Kung nasa baba lang ito ay nabatukan na niya pero nasa itaas kasi ng double deck.
"Kaya pala umuungol-ungol ka pa! Ang landi mo, a," palatak kay Elsa. "Akala ko naman hinahabol ka ni Kamatayan kaya hinggal na hinggal ka 'yon pala ay pinapaligaya ka niya sa panaginip,"dagdag pa ni Tyreen.
Nakitang akmang hihiga ulit si Elsa na mukhang balak pang dugtungan ang kanyang panaginip.
"Bumangon ka na raw riyan at tayo ang magluluto ng agahan habang naghahanap pa sila ng bagong kusinera," hirit niya kay Elsa dahilan upang mapilitan itong bumangon na.
***
Ipinasya ni Perry na huwag na munang ipaalam sa mga magulang ang hinggil sa nalaman kay Marga. Sinabihan niya rin si Tonyo na huwag babanggitin ang hinggil sa kanilang nakita.
Gusto niyang malaman kung ano talaga ang pakay ni Marga sa kanila at bakit mas pinili nitong mamasukan sa bahay nila kaysa sa opisina.
Habang sa hapag-kainan ay hindi maiwasang titigan ni Perry si Marga na noon ay may dalang pagkain.
"Kayo ba ang nagluto?" pormal na tanong ng ina rito.
"Opo, senyora, sabi ni Manang Ingga ay kami na muna ang magluto ni Elsa habang naghahanap pa kayo ng bagong kusinera," tugon ni Tyreen.
"Oo, naghahanap pa ako ng ipapalit kay Letecia," anito saka tumikim sa kanyang niluto.
Simpleng omelet lang naman 'yon, toasted bread at garlic cream.
Hindi tuloy maiwasang hintayin ni Tyreen ang komento ng senyora sa kanyang nilutong omelet.
"Well, mukhang magaling kang magluto, nag-aral ka ba sa culinary school?" untag ni Senyora Franceska.
"Naku, hindi po, senyora, ang tiyahin ko po kasi ay may karendirya noon kaya lang namatay na po kasi si tiyang kaya wala na. D-Doon po ako natuto," tugon ni Tyreen na medyo nag-buckle nang mapansin ang matitim na titig ni Perry sa kanya.
Naalala niyang nakita pala siyang sinundo ng kanyang Kuya Tyrese, hinintay niya kung magtatanong ito pero wala naman siyang narinig.
"Well kung wala akong makitang magiging kusinera, it is okay with you, Marga kung ikaw ang susunod na reyna ng kusina?" maang ni Senyor Franceska.
"Po? Ako po? Naku, ayos lang po pero baka hindi po ako marunong sa ibang luto," aniya sa senyora.
"Madali na lang ngayon, you can search it sa internet, mas maganda pa siguro kung mas bata kasi mas resourceful," wika pa ng senyora.
Napangiti na lamang si Tyreen pero hindi makagawang itudo dahil tila nakabantay ang mga tingin ni Perry sa kanya.
Halos masapo ni Tyreen ang dibdib nang tuluyang makabalik sa kusina. Hindi niya tuloy napansin na naroroon pa rin pala si Elsa.
"Ano? Bakit ganyan ang hitsura mo, hindi ba nagustuhan ni Senyora Franceska ang niluto mo?" maang na usisa nito.
"Naku, nagustuhan niya," sagot rito.
"E, bakit ganyan ang hitsura mo parang takot na takot ka na hindi mawari," palatak ni Elsa na usisa sa kanya.
"Sabi niya kasi na kapag hindi raw siya nakahanap ng magiging kusinera ay ako na raw," saad niya.
"Ano?!" gulat naman nitong wika. "Paano naman ako, 'di ako na naman ang double shift nito?" palatak ni Elsa. "'Buti sana kung bumalik na si Belinda pero mukhang matatagalan pa," anang ni Elsa.
"O, anong ingay 'yan at abot hanggang sa labas ang boses mo?" sita ni Manang Ingga kay Elsa.
"Hay naku, Manang Ingga, sabi raw ni senyora na baka itong si Marga ang gawing cook," bulalas ni Elsa sa matandang kasama.
"O, anong problema doon?" maang naman ng matanda. "Masarap namang magluto itong si Marga," hirit pa nito.
"Nandoon na ako, Manang Ingga pero mahihirapan na naman tayo nito, sa paglilinis at paglalaba. Mainam sana kung babalik na si Belinda pero mukhang matagagalan pa siya," hirit pa rin ni Elsa.
"Naku, iniisip mo na naman kasi ang ikakaginhawa ng trabaho mo. Baka naman naghahanap si senyora ng iba pang makakasama," ani Manang Ingga.
Hindi naman maiwasang isipin ni Tyreen kung ano ang iniisip ni Perry sa kanya. Ramdam niya ang matiim nitong mga tingin kanina sa kanya na tila nagtatanong kung bakit niya kasama si Tyrese Escodero.
"O, siya kumain ka muna at baka malipasan ka ng gutom sa kakaisip mo sa trabaho mo," birong saad ni Manang Ingga kay Elsa.
Dumulog na sila sa mesa nang mapansing nakatayo pa rin siya.
"Marga?" untag ni Manang Ingga pero tuon ang isipan kay Perry. "Marga," tawag pa rin nito na mas malakas na.
Nagulat tuloy si Tyreen sa pagtawag sa kanya ng matanda.
"Ayos ka lang ba, Marga?" usisa nito nang mapansing natitigilan.
"Ha? Uhmmm, oo naman po, manang, ayos lang ako," aniya saka naupo sa tabi nito.
Nagsimula na silang kumain dahil marami pa silang gagawing trabaho sa malaking mansyon ng mga Caballero.
Habang maganang nakain ang dalawang kasama sa niluto niya ay hindi naman maiwasang mag-isip si Tyreen. Bakit kasi sa dinami-rami ng pagkakataon ay sakto pang napadaan doon ang kapatid at sa dami talaga ng tao roon ay nakita pa siya nito.
"O, Marga, hindi ka mabubusog kung tutusuktusukin mo lang ng tinidor ang omelet na 'yan," maang ni Manang Ingga sa kanya.
"Pasensiya na po, may iniisip lang kasi ako," aniya sa matanda.
"Problema sa pamilya o sa love life?" singit ni Elsa.
Napangiti na lamang si Tyreen sa tanong ni Elsa.
"Both," sagot niya rito.
"Naku, mahirap 'yan, idagdag pa ang pressure sa trabaho natin," hirit pa nito.
"Bakit, hija, ano bang problema sa inyo?" untag ni Manang Ingga na hindi niya inaasahan.
Wala tuloy siyang maisip na idadahilan hanggang sa naalala ang hinggil sa dalawa niyang kuya.
"Naku, ang dalawa ko po kasing kapatid na lalaki. Alakain ba ninyong sa iisang babae sila nagkagusto, ayon hindi tuloy maiwasang mahati ang pamilya," kuwento sa mga ito.
"Naku, mahirap nga niyan. Akalain mo, nobya ng kapatid mo ang babaeng bumasted sa 'yo?" segunda ni Elsa. "Ikaw, kanino ka kampi?" hirit pa nito.
"Iyon ba nga, e, wala akong kakampihan kasi pareho ko silang kapatid," tugon kay Elsa.
"Mahirap talaga kapag ganyan ang sitwasyon, babae at pera talaga ang puno't dulo ng mga awayan sa pamilya," hirit pa ni Elsa.
"O, siya, kung ako sa 'yo, Marga ay neutral ka lang sa dalawa mong kapatid at pilitin mong ipaintindi sa isa na hindi siya mahal ng babae kaya hindi siya ang pinili. Lalo na kung balak pa nilang magpakasal, dagdag torture 'yon sa parte ng nabasted dahil araw-araw niyang makikita ang mga ito," wika naman ni Manang Ingga.
Napangiti siya dahil isang linggo pa lamang siya roon ay ramdam na niya ang concern ng mga kasamahan sa kanya at maging ang problema niya ay pinapayuhan siya ng mga ito bagay na kinaka-guilty ni Tyreen.
Matapos ang almusal ay nagtungo na si Perry sa kural dahil balak niyang magtungo sa kagubatan. Sa loob kasi ng kagubatan ay may magandang talon, nasa pagitan 'yon ng lupain ng Caballero at Escodero na isa pa sa pinag-aagawan nila. Dulo 'yon ng Hacienda Caballero at dulo naman ng Rancho Iluminada ng mga Escodero.
Saktong nailabas na niya sa kural ang kanyang kabayo nang makitang palabas naman ng pinto si Marga dahilan upang magtama ang kanilang paningin.
Nakita niyang umilap ang mga mata nito at nag-iwas dahilan upang mas lalong maghinala si Perry. Mukhang hahakbang na ito patungo sa bodega nang hindi mapigilan ni Perry ang sariling salubungin ang babae.
Sunod-sunod na lunok ang pinakawalan ni Tyreen, mukhang ito ang pagkakataon na iniiwasan siya, ang kumprontahin siya nito sa kanyang nakita kahapon.
"Tell me, sino ka bang talaga?" tinig ni Perry na nagpatigil sa kanya.
Hindi niya nilingon ang lalaki dahil baka mahalata nitong nagsisinungaling siya.
"Ginagamit ka ba ng kasintahan mong si Tyrese Escodero para maging espiya sa aming bahay?" maya-maya ay wika ni Perry na kinagulat ng husto ni Tyreen.
Nasapo tuloy niya ang ulo sa narinig. Inakala yata nito na ang Kuya Tyrese niya ang sinasabi niyang kasintahan. Ngunit hindi nagtagal ay napangiti si Tyreen, mainam na lamang ay 'yon ang naisip nito.
"Kasintahan? Espiya? Bakit naman ako ipapadala ng boyfriend ko para maging espiya?" maang na wika kay Perry sabay lingon rito. "Teka, kilala mo si Tyrese?" maang na usisa kuno kay Perry.
Natigilan si Perry nang mapansing tila wala talagang alam si Marga hinggil sa hidwaan ng pamilya nila.
"Sorry, kasi hindi naman ako nagtatanong sa kanya besides, bago pa lang kami," pagsisinungaling sa lalaki at sinakyan na lamang ang akala nitong kasintahan niya ang nakakatandang kapatid.