Max's POV
Nanlalaki ang aking mga mata habang nanginginig ang kamay sa hawak kong dokumentong hinagis sa akin ni Jake kanina. Hindi ako makapaniwala na nangyayari ang mga bagay na ito.
'Ang lalaking 'yon! Siya ang ama ng dinadala kong bata,' sambit ko sa sarili sabay sa paggapang ng luha sa aking pisngi.
"Paano mo nagawa sa 'kin ang bagay na 'to, Max? Paano mo ko nagawang lokohin!"
Halos tumalon ang aking balikat nang marinig ang malakas na sigaw ni Jake. Sa unang pagkakataon, nagalit siya sa akin.
Hinawakan ko ang kanyang kamay at nagmakaawa.
"J-Jake! This is a mistake! Hindi ko to sinasadya! A-Ang totoo na-set up lang ako!"
"Na-set up? Nino? Paano? Ilang kasinungalingan pa ba ang sasabihin mo sa 'kin, Maxine?! Tama na! Tapos na tayo, tama na!"
Marahas na binawi ni Jake ang kanyang kamay at padabog na lumabas ng pinto ng ospital. Hindi ko malaman ang gagawin ko, ang tangi ko lang nagawa ay humagulgol nang todo.
"Sorry, Jake! Sorry!"
***
Tatlong linggo ang lumipas, kahit anong gawin kong pagtawag kay Jake, hindi siya sumasagot. Madalas akong bumisita sa opisina niya ngunit lagi siyang wala. Hanggang sa nagdesisyon akong maghintay sa labas ng kanilang gusali.
Malamig na ang buo kong katawan, nanginginig ang aking kamay at hindi ko na mabilang kung ilang beses akong lumuha at nagmakaawa habang nakaluhod.
Kahit malakas ang ulan, pinili kong gawin ito, nagbabakasakaling mapansin niya ako.
"M-Ms. Maxine, tumayo na po kato diyan. Pinagtitinginan kayo ng mga empleyado. Huwag po kayong gumawa ng eksena," sambit sa akin ng guard na naka-assign doon.
Sa pagtaas ng aking ulo, nakita ko ang mga tao sa loob ng gusali, nakasilip sila sa aking kinaroroonan at nagbubulungan.
"Balita ko buntis daw 'yan at hindi si Sir Jake ang ama."
"Naku! Malandi pala! Dapat lang sa kanya ang nangyari."
Ilan lang ang mga ito sa mga bagay na naririnig ko mula sa mga tao, ngunit wala akong pakialam.
"S-Si Jake? Nasaan siya? Pakisabi na nandito ako sa labas. Hindi ako aalis hangga't hindi kami nag-uusap," sunod-sunod kong wika sa guard.
"Ms Maxine, alam po ni sir na nandito ka, pero wala po siyang instructions. Besides, umalis na po si sir kanina pa."
Nanlaki ang aking mga mata sa bagay na kanyang sinabi. Agad akong napatingin sa kanya nang diretso, ngunit nang akmang tatayo na ako, mabilis akong bumagsak sa sahig dahil sa sakit ng aking binti.
"Miss, okay ka lang?"
Nagsimula muling bumagsak ang aking luha kasabay ng patak ng ulan sa aking pisngi.
"Alam niyang nandito ako pero hindi man lang niya ako pinuntahan at kinumusta? Alam niya ang lahat?" basag ang tinig kong saad.
"Yes, miss."
Hinawakan ng guwardiya ang aking braso upang alalayan ako sa pagtayo, ngunit kahit ganoon, pakiramdam ko ay hinang-hina ako at ang puso kong durog na durog.
Matapos akong sumakay ng taxi, dumiretso ako sa bahay ngunit hindi ko akalaing sa aking pag-uwi, mas madudurog ang aking puso.
Agad kong naibagsak ang dala kong basang bag sa sahig sa pagpasok ko sa loob. Nanlaki ang aking mga mata at napanganga nang makita ko si Jake sa loob ng aming bahay.
"J-Jake, anong ginagawa mo rito?" panimula kong tanong, pilit kong ningiti ang aking labi, nagbabakasakaling bumalik siya para sa akin. "Nandito ka ba dahil–?"
Naputol ang aking sasabihin nang tumama ang tingin ko sa kamay ni Chelsea na naka-angkla sa kanyang braso.
"J-Jake? Anong ibig sabihin nito?"
"Tonta! Hindi mo ba nakikita?" napalingon ako sa likod nang marinig ko ang boses ni Nanay Amelia, ang aking nanay-nanayan.
Lumakap siya patungo sa dalawa at humarap sa akin. Sinandal naman ni Chelsea ang kanyang ulo sa balikat ni Jake.
"Umpisa palang ang anak kong si Chelsea na talaga ng dapat na pinakasalan ni Jake. Hindi ko akalain na nag-ampon kami ng isang katulad mong maruming babae!" sunod-sunod na sigaw sa akin ni nanay.
"Alam nyong hindi totoo 'yan, nay!"
"Paanong hindi totoo? Buntis ka, Max. Paano ma ipapaliwanag 'yon?"
Mariin kong kinuyom ang aking kamay at hindi na nakapagsalita.
"Tama na 'yan, nay. Hayaan nyo na ang kapatid ko. Siguro naman pinagsisisihan na niya ang nangyari," wika naman ni Chelsea.
Isang matalas na tingin ang binato ko sa kanya. Alam kong siya ang may gawa ng lahat ng ito. Nang gabing nasa party kami, alam kong plano niya ang lahat. Ngunit paano? Paano ko patutunayan ang sarili ko?
"Tama na 'yan! Ayoko nang maalala pa ang nakaraan," pagputol naman ni Jake sa aming usapan.
Kumunot ang aking noo nang hawakan niya ang kamay ng aking kapatid, dahilan upang makangiti ito nang matamis.
"Maxine, nandito ako hindi dahil sa 'yo. Nandito ako dahil kay Chelsea. Nagdesisyon na akong siya ang pakakasalan ko."
Nanlaki ang aking mga mata. Tula napako ang aking paa sa kinatatayuan ko.
"S-Sabihin mo, nagbibiro ka lang, hindi ba?" basag ang boses kong tanong sabay sa pagluha.
Diretsong tumingin sa akin si Jake nang walang emosyon.
"Seryoso ako dahil si Chelsea ang babaeng nariyan noong mga panahong nasasaktan ako dahil sa 'yo. Ayoko na, Maxine."
Ang mga salitang iyon ay tila bato na dumurog sa aking puso. Hindi ko alam kung paano ko kinayang igalaw ang aking binti at nagmadaling tumakbo sa labas ng aming bahay, kung saan man ako dadalhin ng aking mga paa ay hindi ko rin alam.
Para akong nasa alapaap habang lumalakad sa walang katapusang kalsada. Basang-basa na ang aking damit at parang baliw na umiiyak sa ilalim ng ulan.
Sino nga ba naman ako, hindi ba? Ampon lang ako ng pamilya Reyes. Nang mawala si tatay, si Nanay Amelia na ang nag-alaga sa akin at simula noon, hindi na naging maayos ang buhay ko.
Hindi ako nakapagtapos ng pag-aaral at lalong wala akong magandang trabaho, hindi tulad ni Chelsea, nasa kanya na ang lahat.
Wala sa sariling napalingon ako sa isang tulay. Pakiramdam ko ay tinatawag ako ng tulay na ito. Pakiramdam ko ay nais na niyang wakasan ang lahat ng paghihirap ko.
Sinimulan kong ihakbang ang aking paa at tumayo sa ibabaw ng tulay na ito. Ilang beses akong nagdasal at lumuha ngunit buo na ang desisyon ko.
"Tama na, ayoko na."
Hinawakan ko ang aking tyan.
"Baby, patawarin mo si mommy. Pasensya ka na kung pinili ko ang bagay na ito. I'm sorry. I'm sorry, anak ko."
Hinakbang ko ang aking paa, saka hinayaang mahulog ang aking katawan sa rumaragasang ilog.