"Bakit sa Del Castillo? Bakit hindi sa VincElla Hotel?" tanong ni May nang sabihin niya sa kaibigan na balak niyang gawin ang on-the-job training niya sa Del Castillo Resort, ang nag-iisang resort sa bayan ng San Miguel na pagmamay-ari ng pamilya Del Castillo. Graduating student na siya sa San Miguel University sa kursong HRM.
"Mas gusto kong matuto ng mga bagay-bagay sa may beach," tanging sagot niya kay May na halos apat na taon na niyang kaibigan mula nang mag-enroll siya sa San Miguel University.
"Pero boring doon, hindi gaya sa VincElla Hotel ang daming gwapong nag-o-overnight, dagdag mo pa na makikita natin si Vincent Dela Merced doon."
"Ano ka ba, may asawa na iyon," saway niya sa kaibigan at inisa-isa ang gamit sa mesa at nilagay sa backpack
"Sulyap lang naman eh, hindi naman kasalanan ang sumulyap."
"Bahala ka, basta ako sa Del Castillo Resort ako papasok."
"Ano ngang dahilan?"
"Wala, kailangan ba may dahilan?"
"Kung iniisip mo eh si Aiden Del Castillo, huwag ka nang umasa. Matagal nang wala iyon dito sa San Miguel at sa tingin ko hindi na babalik pa," sabi ni May na nagpahinto sa kanya sa paglalagay ng mga gamit sa bag.
"Bakit hindi na daw siya babalik?"
"Hindi mo ba alam ang tsismis na pinatapon siya ng Papa niya sa America dahil sa mga kabalastugan niya rito sa San Miguel," mabilis na sagot ni May sa kanya.
Hindi siya kumibo.
"Kaya huwag ka nang umasa na makikita mo iyon doon, dahil matagal na siyang wala dito sa San Miguel," patuloy ni May.
"Ano ka ba, hindi naman siya ang sinasadya ko sa Resort, gusto ko lang doon," tanging sagot niya at nagpaalam na sa kaibigan matapos ayusin ang mga gamit.
Naglakad siya sa may guardhouse kung saan niya laging iniiwan ang bike niya. Malayo-layo kasi ang bahay nila mula sa unibersidad. Sayang naman kung mamasahe pa siya kaya naman nagba-bike lang siya sa tuwing papasok ng eskwela, at aaminin niyang mag-isa lang siyang estudyanteng pumapasok na naka-bike. Karamihan kasi naka-kotse, o di kaya naman hatid-sundo ng mga magulang. Alam naman niyang puro mayayaman at mga kilalang pamilya lang ang nakakapasok sa SMU, ang mga katulad niya na nakatira sa San Miguel na wala namang sinasabi sa buhay sa public school lang pumapasok, kaya lang naman siya nakapasok sa SMU dahil matalino siya. Nakakuha siya ng scholarship at ang kalahati ng tuition ay ang Ate Grace niya ang nagbabayad.
"Mella! Madali ka, andito ang Ate Grace mo!" masiglang salubong ng Nanay niya pagpasok niya sa gate ng inuupahan nilang bahay. Mula nang ipinanganak siya at nagka-isip, sa mga paupahang bahay lang sila nakatira. Wala silang sariling bahay.
"Ate Grace!" masiglang tili niya nang makapasok na sa loob ng bahay at makita ang magandang kapatid.
"Mella! Haba, gumaganda ka ah, nagiging kamukha na kita," bati ng Ate Grace niya sa kanya at niyakap siya nito.
"Syempre naman Ate, ikaw ang kamukha ko."
"Ano ka! Ako daw ang kamukha mo no!" sabat ng Ate Lanie niya. Nginusuan lang niya ang kapatid.
"Kayo talaga oh, magkakamukha tayo," sabat naman ng Ate Joan niya habang karga-karga ang baby nito.
Lima silang magkakapatid, apat na babae isang lalaki, anak ng Nanay niya ang Ate Grace, Ate Joan niya at ang Kuya Erwin niya sa unang asawa nito. Nang maghiwalay ang Tatay ng mga ito at ang Nanay nila, nakilala ng Nanay niya ang Tatay nila ng Ate Lanie niya at sila ang naging bunga. Bata pa lang siya nang mamatay ang Tatay niya, inatake sa puso at hindi na nag-asawa muli ang Nanay niya. Inasikaso na lang sila nito.
"Kumusta Mella," bati naman ni Ryan, boyfriend ng Ate Grace niya. Isa itong negosyante sa Maynila. Katunayan nga ito ang tumutulong sa kanila, pera nito ang ginagastos nila sa pang-araw-araw. Walang trabaho ang Nanay niya, nag-aalaga lang ng anak ng Ate Joan niya. Wala din namang maayos na trabaho ang Ate Joan niya, nagbebenta lang ng mga kung anu-ano online at alam niyang hindi sapat iyon. May trabaho ang kinakasama nito na si Arman sa pagawaan ng cellphone sa may Tragora Mall. Ang Kuya Erwin naman niya wala ding maayos na trabaho, hindi naman sa tamad ito kundi tila ito laging tulala mula nang iwan ng dating kinakasama at dinala ang anak ng mga ito. Hanggang ngayon wala pa silang balita sa pamangkin niya kaya naman hinahayaan na lang nila ang Kuya nila kung ano man ang gusto nitong gawin sa buhay para lang makalimot kahit papano sa nawalay na anak nito. Ang Ate Lanie naman niya na siyang tunay na kapatid, nakapag-tapos ng vocational course sa tulong ng Ate Grace nila. Nagtatrabaho na rin naman ito sa isang boutique sa Tragora Mall, at alam niyang sa mga pampaganda at mga mamahaling gamit pa lang ng kapatid kulang na kulang na rito ang kinikita nito, kaya naman malimit lang nito kung abutan ng pera ang Nanay nila. At siya naman bilang bunso sa kanilang lahat, ginagawa ng Ate Grace niya ang lahat para makapag-tapos siya ng pag-aaral. Nakagraduate ng Culinary ang Ate Grace niya sa Maynila sa tulong ng boyfriend nito at siya naman ngayon ang pinapaaral ng mga ito, kahit scholar siya malaki-laki pa rin ang binabayaran nila sa eskwelahan lalo na ngayong malapit na siyang maka-graduate. Pinagpapasalamat niyang mabait ang boyfriend ng Ate Grace niya at mukhang totohanan na ang relasyon ng mga ito, dahil nagpaplano na ang dalawang magpakasal.
"Hello po Kuya," magiliw na bati niya rito.
"Magbihis ka na Mella, kakain tayo sa labas," sabi ng Ate Grace niya. Sa tuwing uuwi ng San Miguel ang Ate Grace niya, lagi sila nitong pinapakain sa labas o di naman kaya pinapasyal kung saan at pinamimili ng mga kung anu-anong mga gamit na nais nitong ibili sa kanila. Minsan nahihiya siya sa boyfriend nito dahil alam naman niyang pera ng boyfriend nito ang ginagamit nito para sa kanila.
"Kaya pala pula ang labi ni Nanay eh," biro niya sa ina at mabilis na tumakbo sa silid para magbihis. Dalawang palapag ang inuupahan nilang bahay, sama-sama silang lahat doon. Tatlo ang kwarto, dalawa sa itaas. Ang isang silid ay sa kanya at sa Nanay niya at ang isang silid naman sa Ate Lanie niya. Sa ibabang silid naman ang Ate Joan nito at ang kinakasama nito't anak. Sa may sala lang ng bahay nila natutulog ang Kuya Erwin niya.
"Iba talaga pag mamahaling sasakyan," sabi ng Nanay niya habang pasakay na sila sa puting Montero na nakaparada sa may gilid ng kalsada, at umaagaw ng pansin sa mga ilang kapit-bahay nila. At kahit hindi niya lingunin ang mga ito, alam niyang pinagbubulungan nila ang pamilya nila, lalo na ang Ate Grace niya. Malimit lang umuwi ng San Miguel ang Ate Grace niya at alam na alam niyang sa tuwing darating ito, humahaba ang leeg at nguso ng mga tsismosang kapitbahay nila. Hindi maganda ang reputasyon ng Ate Grace niya sa bayan ng San Miguel. Bago ito nakarating ng Maynila, kung kani-kaninong mayayaman muna sa bayan nila ito sumama, at hindi lingid sa kaalaman niya na halos matatandang may asawa ang mga kinasama ng Ate niya, kaya kung tignan sila ng mga kapitbahay nila ay tila mga salot at may sakit na nakakahawa. Alam niyang ginagawa ng Ate Grace niya ang bagay na iyon para sa kanila, para kahit papano'y hindi na sila magugutom pa tulad ng mga bata pa sila na halos ilang araw na hindi sila kumakain dahil wala silang pera.
Maganda ang Ate Grace niya, maamo ang mukha, makinis ang balat nito, hindi ito katangkaran tulad nila ng Ate Lanie niya na matatangkad, marahil nagmana ito sa side ng Ama nito. Sa edad na bente syete ng Ate Grace niya, masasabi niyang hindi niya magawang bilangin sa mga daliri ang mga kinasama nito at may mga ilang nasirang pamilya dahil sa inosenteng mukha ng kapatid. Isa na ang pamilya Del Castillo sa mga pamilyang nasira ng kapatid para lang mabigyan sila nito ng maayos na buhay.