“HEY, are you alright?” tanong ni Gaizer.
Kumislot si Alexa nang tapikin ni Gaizer ang kanang braso niya. Lumipad na kasi ang isip niya sa side ni Franco. Nagulat siya nang si Gaizer na ang naghahalo sa ginagawa niyang fruit salad. Hindi na niya iyon binawi.
“Pasensiya na,” wika niya sa malamyos na tinig.
“Ang layo naman ng inisip mo. Nami-miss mo na ba ang fiance mo? Huwag kang mag-alala, masaya siya sa piling ng iba,” pang-aasar pa nito.
Tiningnan niya ito nabg masama. “Halos lahat naman ng lalaki kapag malayo sa partner nila ay nangangaliwa.”
Napalis ang ngiti ni Gaizer. “Ganyan siguro si Franco, ano?” sabi nito.
Tinitigan lang niya ito. Kumislot siya nang ipahid nito ang spatula na may cream sa tungki ng ilong niya. Itinabig niya ang kamay nito.
“Ano ba?” angal niya. Pinahid niya ng kamay ang cream sa kanyang ilong.
Nakangisi ang binata. “Let me guess, may natuklasan ka tungkol kay Franco, ano? Ayaw mo kasing maniwala sa akin. Hindi magtatagal sa isang lugar si Franco kung wala siyang makakasamang babae sa kama. Puwede ka niyang seryosohin pero hindi mo maiaalis sa kanya ang bisyo niya. ‘Yon lang ang maganda sa kanya, magaling siyang magtago. Magaling din siyang magsinungaling, at siyempre, magaling umarte.”
Hindi na siya nagkomento. Kumuha siya ng isang pirasong ponkan sa mga dala nitong prutas saka binalatan.
“Puwede na ba ito?” tanong nito.
Tumango siya. Si Gaizer na ang naghanap ng takip para sa salad saka iyon ipinasok sa refrigerator.
PAGKATAPOS maihanda ang mga pagkain ay naligo na si Alexa. Pinahiram siya ni Lola Amara ng night gown nitong kulay abo. Backless ang gown at hanggang gitna ng hita niya ang slit. Ganoon karamihan ang design ng gown ng matanda na nakatago. Kasya rin sa kanya ang three inches na itim na sandals ni Lola Amara. Pinahiram pa siya ng isang set na black diamond nitong alahas.
Itinali lang niya ang ga-baywang niyang buhok na isang bungkos. Wala naman siyang kailangang paghandaan na bisita. Parents lang naman daw ni Franco ang darating at ilang kaibigan.
Nagsisimula na ang party pagdating ni Alexa sa hardin kung saan naka-set-up ang lahat. Pulos puti lahat ng cover ng lamesa at upuan. Parang ayos ito sa isang hotel events accommodation. Hindi siya magtataka dahil dating owner ng resort at hotel si Lola Amara. Sanay ito sa magarang party.
Look young at her attire ang lola nila with red night gown suot ang kumikinang nitong mga alahas. Kahit nakaupo sa wheel chair ay kitang-kita ang kagandahan nito. Parang nasa early fifties lang itong tingnan. Iba talaga ang nagagawa ng makeup. Walang panama ang simple niyang makeup rito.
Naka-ayos ang pagkain sa malaki at mahabang lamesa. Buffet ang ayos nito kaya malinis ang ibang lamesa. Mayroong taga-serve ng pagkain sa buffet table. Nakalatag ang litsong baka sa gitna ng lamesa at ang six layer na cake. Si Roger daw ang bumili ng cake at balloons.
Hindi niya namalayan ang pagdating ng mga ito. Nagsisimula na ring tumugtog ang banda sa ginawang munting entablado. Sa gitna ng venue ay may space para sa dance floor. Nag-hire ng ballroom dancer si Lola Amara for entertainment.
Nagsidatingan na rin ang mga di-kotseng mga bisita. Naroon din si Engr. Vergara at ibang empleyado ng Sta. Maria. Dumating na rin ang mga amega ni Lola Amara at dating kaibigan at kliyente ng yumaong asawa nito. Nagsisimula na sa paghayag ng munting mensahe si Lola Amara.
Nakita ni Alexa ang parents ni Franco na nakaupo sa VIP table sa harap ng entablado. Nag-aalangan siyang lumapit dahil nakita niya si Gaizer na nakaupo rin kasama ng soon to be parents in law niya.
Hindi siya nakaiwas nang tawagin siya ni Mrs. Armera. Lumapit siya sa mga ito. Umupo siya sa katabing silya ng ginang. Si Gaizer ay nakapuwesto sa dulo ng mahabang lamesa kasama si Kent na head ng accounting department at manager. Doon nakaupo ang malalapit na kaanak ng celebrant.
“Kanina pa kita hinahanap, hija,” sabi ng ginang.
“Tumulong pa po kasi ako sa pagluluto,” aniya.
“Ang ganda mo sa suot mo. Bagay sa ‘yo,” puri nito, malapad ang ngiti.
“Salamat po.”
“You look gorgeous tonight, hija. Sayang at wala si Franco,” sabi naman ni Mr. Roger na katabi ng ginang.
“Thanks, Tito,” nakangiting sabi niya. “Bakit po hindi sumama si Papa?” pagkuwan ay tanong niya.
“Ayaw niya. Wala raw kasama ang mama mo,” tugon ng ginoo.
Na-miss niya bigla ang mama niya.
“Kumusta naman ang project ninyo kay Mr. Herera?” pagkuwa’y tanong ng ginoo.
“Ayos naman po. Mabilis po ang construction,” sagot niya.
“Good. Kumusta naman ang partner mong si Gaizer? Maayos ba ang pakikitungo niya sa ‘yo?” usisa nito.
Sinipat niya si Gaizer. Busy ito sa pagsimsim ng inumin nito.
“Ahm, okay naman po,” tipid niyang sagot.
Nagpalakpakan ang mga tao pagkatapos magsalita ng celebrant. Nagsimula namang sumayaw ang ballroom dancers. Nakihalubilo na sa kanila si Lola Amara. May nag-serve ng pagkain sa kanila. Masaya ang celebrant. Naitanong na naman nito sa mag-asawa si Franco.
Napansin ni Alexa na hindi nakikihalubilo si Gaizer sa kasiyahan ng pamilya nito. Tulala itong nanonood sa sumasayaw habang sinisimsim ang inumin. Lumitaw lalo ang kaguwapuhan nito sa suot nitong itim na amerikana.
Nang matapos sumayaw ang dancers ay inanyayahan naman ang lahat para sumayaw sa gitna. Nagulat si Alexa nang yayain siya ni Roger na sumayaw. Inudyok pa siya ng asawa nito.
“Sige na, hija. Kailangan mo ring maranasang maisayaw ng magiging biyanan mo. Wala kasi si Franco na dapat ay kasama mo rito,” sabi nito.
“Sige po,” aniya saka tumayo. Humawak siya sa kamay ng ginoo saka sila naglakad patungo sa gitna.
Ballad ang kanta kaya mabagal ang sayaw. Tinapos lang nila ang kanta, mabuti maiksi lang. Naiilang kasi siya sa ginoo. Pagkuwa’y nagyaya nang umupo si Roger. Nauna na itong lumakad. Pabalik na siya sa lamesa nila nang may kamay na humawak sa kanang braso niya. Huminto siya sa paglalakad at pumihit paharap sa may-ari ng kamay.
Napamata siya nang makita si Gaizer.
“May I have dance with you?” nakangiting tanong nito.
Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Nilingon muna niya ang mga magulang ng fiance niya. Nakatingin sa kanila ang mga ito na may pag-aalala sa mukha.
“Don’t mind them. Let’s make our own moment,” sabi ng binata.
Ibinalik niya ang atensiyon dito. Iginiya siya nito pabalik sa gitna. Maraming kaedaran nila ang naroon at sumasayaw. Kinakanta ng banda ang kantang “Having You Near Me” ng Air Supply.
Hinakawan ni Gaizer ang mga kamay niya saka ipinatong sa mga balikat nito. Pagkuwa’y inilingkis nito ang mga kamay sa baywang niya. Nakatutok lang ang mga mata niya sa mga mata nito habang sinasabayan nila ang saliw ng awitin. Seryoso ito habang nakatitig sa kanya.
“You’re beautiful, Alexa. Looking into your eyes, I can see your hiding emotions and eagerness to open your heart for me. But there’s something in your mind why you’re hesitating. Please be yourself. Don’t mind the consequences if you want to live happy and free,” seryosong pahayag nito.
Sigurado siya sa nararamdaman niya para rito pero tama ito. May gumugulo sa isip niya. Pero hindi na siya natatakot sa kahihinatnan ng lahat. Masaya siya sa nangyayari sa kanilang dalawa.
“Don’t rush it, Gaizer. Kung sakali mang hindi matuloy ang kasal ko, sa ‘yo ako mapupunta,” walang abog na sabi niya.
Gumihit ang pilyong ngiti sa mga labi ng binata. Pinisil nito ang baywang niya. “Aasahan ko ‘yan. Maikasal ka man o hindi, akin ka pa rin,” anito.
Nilinis niya ang kanyang lalamunan. Hinila siya nito para magdikit ang mga katawan nila. Inilingkis niya ang kamay sa batok nito. Nanatili siyang nakatitig sa mga mata nito habang dinadama ang mainit nitong kamay na humahaplos sa pisngi niya. Lumandas ang hintuturo nito sa kanyang labi at hinawakan ang kanyang babae. Ini-angat nito ang mukha niya saka ginawaran ng halik ang kanyang bibig.
Hindi nagtagal ang halik na iyon dahil mabilis natapos ang kanta. Dagling bumitiw si Alexa sa binata. Nagulat siya pagtingin niya sa puwesto ng parents in law niya ay nakatayo si Roger at nanlalaki ang mga matang nakatingin sa kanila. Lumayo siya kay Gaizer at naglakad patungo sa lamesa ng mga pagkain.
UMALIS si Gaizer sa dance floor at nagtungo sa lamesa na pinaglagyan ng mga inumin. Kumuha siya ng wine glass saka sinalinan ng red wine.
“How are you, Gaizer?” tanong ng pamilyar na boses ng lalaki.
Pagtingin niya sa kanyang kaliwa ay naroon si Roger. Kumuha rin ito ng baso saka sinalinan ng wine.
“I’m good, Tito,” kaswal niyang sagot.
“I hope so. Napansin ko mukhang nagkakamabutihan kayo ni Alexa. I think naging bad influence ang pagkakasama ninyo sa iisang proyekto,” anito.
Inaasahan na niya ang sasabihin nito. “How did you say that?” kalmado niyang tanong.
“Kanina ko pa kayo pinagmamasdan ni Alexa habang sumasayaw. And I was disappointed to notice that you kissed my son’s fiancee,” sabi nito sa matigas na tinig.
Ngumisi siya. “Wala naman sigurong masama roon. Alexa was not married yet, and she accepted me,” pagmamalaki niya.
Humigpit ang pagkakahawak ng ginoo sa baso nito. “Are you insane? Huwag na huwag mong sisirain ang kasal ng anak ko!” gigil na sabi nito.
Matapang niya itong hinarap. “I will if needed.” He grinned. “Don’t scare me, I’m not afraid. Kung nararapat matuloy ang kasal ni Franco, mangyayari kahit may tutol. Unless kung ang fiancee niya mismo ang magbago ang isip at umurong sa kasal,” buwelta niya.
Nagtagis ang bagang ng ginoo. “Alexa is a good girl. She can’t break Franco’s ego unless you’ll seduce her,” akusa nito.
Tumikwas ang isang kilay niya. “Kung mahal ni Alexa si Franco kaya siya magpapakasal, kahit sinong lalaki ang aakit sa kanya ay hindi siya basta-basta bibigay. Puwera na lang kung ang pagpapakasal nila ay gawa-gawa lang ng mga taong ganid sa kayamanan at kapangyarihan. Please, kung tama ang naisip ko na ginagamit ninyo si Alexa para sa kapakanan ninyo, tumigil na kayo. Maawa kayo sa inosenteng tao. At once napatunayan ko’ng tama ang hinala ko, wawasakin ko lahat ng plano ninyo kontra sa akin at walang kasal na magaganap,” hamon niya.
Nanlaki ang mga mata ng ginoo. Nang hindi ito nakapagsalita ay iniwan na niya ito.
Sa kabila ng nangyari ay nakihalubilo pa rin si Gaizer sa kanyang kaanak. Gusto niyang ipakita sa mga kliyente ng kumpanya na nagkakaisa sila. Nakabalik na rin si Alexa sa table nila. Kausap ng lola niya ang mga kaibigan at kasosyo ng lolo niya sa negosyo.
Napag-usapan ng mga ito ang tungkol sa susunod na presidente ng kumpanya. Nagtatanong ang mga ito bakit hanggang sa mga sandaling iyon ay wala pa ring pumapalit sa posisyon ng lolo niya.
Katabi niya si Kent at ang lola niya. Si Alexa ay katabi ni Roger at asawa nito. Naiinis siya dahil bumibida si Roger at halatang ina-assume na anak nito ang susunod na magiging presidente ng kumpanya. Alam ng mga kasosyo ng lolo niya ang tungkol sa video na iniwan nito. Iyon din ang pinapaniwalaan ng mga ito na baselan kung sino ang tagapagmana ng Sta. Maria Group of Companies.
“Mukhang wala pang gustong umako sa responsibilidad dahil wala pang ni isa sa apo ni Lucio ang may balak mag-asawa,” sabi ni Mr. Castro, na malapit na kaibigan ng lolo niya.
Nagmadali kaagad si Roger sa pagsagot. “Hindi n’yo po pala alam na ikakasal na ang anak kong si Franco. Katunayan ay kasama natin ang fiancee niya. Please meet Alexa San Diego. She’s a good architect. Anak siya ni Engr. Manuel San Diego,” sabi nito saka ipinakilala si Alexa sa mga bisita.
Natuon ang atensiyon ng lahat kay Alexa na halatang pilit ang ngiti.
“Wow! That’s a good news! Kailan naman ang kasal?” sabi naman ni Mr. Alkaras, na may-ari ng pinakamalaking housing project nila sa Cavite.
“This month na. Pagdating ng anak ko mula Cebu ay magpapakasal na sila. Ang kaso gusto ni Franco na sa Korea gaganapin ang kasal. Kung sino ang gustong pupunta ay sasagutin namin ang plane ticket at accommodation,” pagyayabag ni Roger.
“Magandang balita iyan,” komento ng iba pa.
“Kami na ang mamasahe, Roger. Napalapit na sa akin si Franco kaya gusto kong mag-volunteer maging ninong ng kasal. Puwede pa ba akong humabol?” ani Mr. Castro.
“Walang problema. Ang anak ko na ang bahala,” nakangiting sabi naman ni Roger.
“So ibig sabihin niyan ay si Franco na ang magmamana ng Sta. Maria Group of Companies?” tanong ni Mr. Alkaras.
Biglang tumahimik. Umiinit ang ulo ni Gaizer habang nakikinig. Nabaling sa kanya ang tingin ng mga bisita.
“Mukhang wala namang interes si Gaizer sa pag-aari ng lolo niya. Wala pa ata siyang balak mag-asawa. Ano, Gaizer?” sabi ni Mr. Castro.
Mariing nagtagis ang bagang niya. Humigpit ang kapit niya sa kanyang baso. Naramdaman niya ang pagpigil ng lola niya sa kanyang kamay. Ito na ang sumagot kay Mr. Castro.
“Huwag muna nating husgahan si Gaizer. Kaya siya umuwi ng bansa ay para makatulong sa kumpanya. Marami siyang pagkukulang pero bumabawi naman siya,” anang lola niya.
“Kung gano’n, bakit wala siya noong namatay si Lucio? Wala siya noong kailangan siya ni Hector sa kumpanya. Huwag niya sabihing bumalik lang siya dahil sa mana,” ani Mr. Castro.
Tuluyang sumabog ang init ng ulo ni Gaizer.
Ibinagsak niya sa lamesa ang baso saka marahas na tumayo. “Excuse me everyone,” tawag niya sa atensiyon ng lahat na kasama sa table nila. Napatingin naman ang mga ito sa kaniya. “Kung mana ang pag-uusapan, hindi pa ako ipinanganak ay nakapatong na ito sa ulo ko. Alam ni Lola kung sino talaga ang dapat magmana ng ari-arian ng lolo ko. Nararapat lang iyong mapunta sa totoong Sta. Maria at hindi sa sampit lang na sapilitang pinanagutan dahil sa awa,” may patamang sabi niya.
Awtomatikong binato siya ng matalim na titig ni Roger.
“Apo, tama na!” pigil ng lola niya. Humigpit ang kapit nito sa braso niya.
“Tama ako, Lola, hindi ba? Alam mo ang sinasabi ko,” matigas niyang sabi saka lumisan. Walang sino man ang pumigil sa kanya.
Tumigil siya malapit sa pampang ng dagat na mayroong ginagawang cottage na gawa sa native materials. Mayroon na itong bubong na kogun at mayroon nang kawayan na sahig. Upuan na lang ang kulang. Maliwanag ang buwan kaya kitang-kita niya ang malalaking alon sa karagatan. Nagdala siya ng isang bote ng tequila at shot glass. Pinagawa ng lola niya ang cottage na iyon para pahingaan ng mangingisda.
Nakadalawang shot siya ng tequila bago kumalma ang inis niya. Lalo siyang nanggigil na guluhin ang plano ng kaaway. He will fight for his rights no matter what happen.