ALINGAWNGAW ng malakas na putok ng baril ang nagpagising kay Ezekiel. Butil-butil ang namuong pawis sa kaniyang noo. Habol niya ang paghinga. Pagkuwan ay inilibot ang tingin sa paligid.
Nahilamos niya ang mga kamay sa kaniyang mukha nang masigurong panaginip lang ang lahat. Napalunok siya.
Sa panaginip niya ay tinuluyan siyang barilin ng lalaking nasa unahan niya sa kaniyang kinasasakyang kotse. Animo mga high sa drugs na nanlilisik ang mga mapupulang mata ng tatlong lalaking kasama niya sa loob ng kotse.
Kung maaari lang burahin sa isipan ang pangyayaring iyon sa buhay niya, ginawa na niya. Ngunit heto at umulit pa maging sa panaginip niya.
Bumangon si Ezekiel mula sa pagkakahiga sa kaniyang kama bago ipinasyang bumaba para uminom nang malamig na tubig sa kusina. Matapos uminom ay dumiretso naman siya sa labas, sa kinaroroonan ng swimming pool. Naupo siya sa gilid niyon at hinayaang nakalubog sa tubig ang kaniyang mga paa. Ramdam niya ang lamig na umaakyat mula sa kaniyang mga binti paakyat sa kaniyang katawan.
“Hindi ka ba makatulog, apo?”
Nagpaling ng tingin si Ezekiel sa kaniyang likuran nang marinig ang boses na iyon ng kaniyang abuelo. Umiling siya nang makita ito. Pagkuwan ay nagbawi ng tingin.
Marahas siyang bumuntong-hininga. “Nanaginip po ako ng masama,” amin niya sa kaniyang Lolo Alonzo.
“Galing ako sa CR nang matanawan kita rito. Kaya ipinasya kong babain ka at baka kailangan mo ng kausap.” Naupo si Lolo Alonzo sa isang silya na kinuha nito sa may lanai at inilagay sa may tabi niya. “‘Yong nangyari ba sa iyo kanina sa Maynila?” mayamaya ay muli nitong tanong.
Tumango si Ezekiel. Ikinuwento niya rito ang kaniyang masamang panaginip.
Alam na rin nito kung ano ang sinapit niya matapos niyang umuwi sa Pilipinas na hindi man lang tumawag dito para sana masundo siya sa airport. Ganoon pa man ay wala siyang narinig na sumbat sa kaniyang abuelo na kesyo, sana tumawag siya para napasundo siya nito at nang hindi niya naranasan ang nangyari sa kaniya kanina. Walang ganoong litanya, sa halip ay agad siyang inasikaso.
Ipinatawag pa nito ang doktor nito para lang gamutin ang galos niya. Baka raw kasi kung mapaano pa. Agad din itong nag-utos sa kanang kamay nitong si Ernesto na ibili siya ng mga personal niyang gamit. Dahil walang-wala siyang dala bukod sa suot lang niya nang dumating siya sa Hacienda Alonzo. Ilang taon na rin simula nang huli siyang umuwi sa hacienda kaya naman maliit na sa kaniya ang mga naiwan niya roong damit. Medyo lumaki kasi ang katawan niya ngayon dahil sa pag-gi-gym niya noong nasa Spain pa siya.
Tinapik-tapik siya ni Lolo Alonzo sa kaniyang balikat. “Apo, masyado pang sariwa ang sinapit mo kanina.” Bumuntong-hininga ito. “Ganoon pa man, lubos akong nagpapasalamat na walang ibang masamang nangyari sa iyo. At nakauwi ka rito ng ligtas. Hindi ko mapapatawad ang sarili ko kung may mangyayari sa iyong masama.”
May haplos sa puso ni Ezekiel ang sinabing iyon ng kaniyang abuelo. “I’m sorry. I didn’t tell you right away na uuwi ako.”
“Sigurado akong gusto mo lang akong isurpresa kaya bigla ka na lang umuwi.”
Tumango siya. Isa ang bagay na iyon. Pero may iba pang tunay na dahilan kaya biglaan ang kaniyang pag-uwi. Bagay na hindi naman niya basta masabi sa kaniyang lolo.
“Nami-miss ko na rin po ang hacienda,” sabi na lang niya. Mas okay na iyon na lang ang isipin nito.
“Sabi mo ay mayroong nagmagandang loob na tulungan ka na makauwi dito sa San Fernando. Gusto ko siyang pasalamatan sa ginawa niyang kabutihan sa iyo. Ibinigay ba niya ang pangalan niya?”
Umiling siya. “No.”
Napatingin siya sa malayo. Ang maamo niyong mukha. Ang matamis na ngiti sa labi at ang mukhang natural na pagiging mabuti. Hindi niya basta makalimutan. Dangan nga lamang at hindi niyon ibinigay ang kahit pangalan sa kaniya. Daig pa niyon ang isang anghel na literal na bumaba sa lupa mula sa langit.
“She just wanted to help me without asking anything in return,” aniya mayamaya.
“She?” anang lolo niya.
Hindi niya naulit dito kanina na babae ang tumulong sa kaniya. Ngayon pa lang. Tumango siya.
“Kung ganoon, naniniwala ako na Diyos na ang bahalang gumanti sa kaniya ng kabutihang ginawa niya sa iyo.”
A good karma. Naniniwala naman siya roon.
Marahas siyang bumuntong hininga. “Napasama sa nanakaw nila ‘yong regalo kong limited edition na relo para sa inyo, ‘Lo.”
“Ezekiel, apo, ‘wag mo na ‘yong panghinayangan. Basta masaya na ako na nabisita mo ako rito. Ligtas ka. Wala na akong ibang mahihiling pa. At hindi matutumbasan ng mamahaling relo na regalo mo ang kasiyahan ko ngayon na narito ka sa hacienda. Makakalimutan mo rin ‘yong nangyari kanina. Subukan mong mag-focus sa ibang bagay. Bukas, libutin natin ang hacienda para naman malibang ka.”
Tumango siya. “Sige po.”
“Bumalik na tayo sa pagtulog, apo. Mahamog na rin dito sa labas.”
Tumayo na si Lolo Alonzo kaya naman tumayo na rin si Ezekiel at umagapay sa paglalakad nito pabalik sa loob ng mansiyon. Malaki ang mansiyon na iyon kung saan siya nagkaisip noon. Ngunit ngayon, mag-isa na lang doong naninirahan ang kaniyang abuelo kasama ang mga kasambahay nito.
Ayaw naman nitong iwan ang San Fernando at ang hacienda. Doon na raw ito tatanda at mamamatay at hindi sa ibang bansa.
“Sigurado po ba kayong okay lang kayo rito kahit kayo lang mag-isa?” tanong pa niya sa kaniyang abuelo.
“Oo naman, apo. Narito ang lahat ng alaala ng iyong yumaong Lola Esmeralda.”
“Hindi ba kayo nalulungkot sa mga alaalang ‘yon ng lola?”
Umiling ito. “Masaya akong alalahanin ang lahat.”
Kung ganoon, bakit gugustuhin pa nitong makasal sa mas bata ang edad kaysa rito? At sa mas higit na bata pa kaysa sa kaniya? For Pete’s sake, nais ng lolo niya na makasal sa isang eighteen years old!