Chapter 3

2401 Words
Yumi's POV GAMIT ang maliit at bilog kong salamin na pinatong sa gitna ng libro, lihim akong nakatingin sa kinaroroonan ni Akira. Nakadungaw lang siya sa bintana at tila hindi nakikinig sa tinuturo ng aming professor na ngayon ay nasa harapan ng classroom. Kumunot ang aking noo dahil dito, paano siya nakapasok sa ganitong paaralan kung tamad siyang makinig sa klase? Ngayon ko lang din naramdaman ang presensya niya to think na classmate ko pala siya? ito ang mga bagay na bumabagabag sa aking isip. "Ms. Yumi Ortega, are you listening?" Bumalik sa reyalidad ang aking isip nang marinig ko ang pagtawag ng aming professor sa aking pangalan. "S-Sir?" gulat kong saad saka mabilis na napatayo. "Ms. Yumi, how many times do I have to call your name?" inis na wika ni prof. "Tinatawag nyo ko, Sir.?" Kumunot ang noo ng aming professor at napakamot ng ulo. Ang totoo, hindi ko talaga alam na tinatawag niya ako, marahil ay ganoon talaga ka-occupied ang isip ko kanina. "S-Sorry, Sir," paghingi ko na lang ng paumanhin saka yumuko. "Anyway, solve the problem on the board," utos niya saka binigay sa aking ang marker. Kumunot naman ang aking noo at walang nagawa. Sandali akong tumingin sa whiteboard at inaral mabuti ang mga nakasulat dito. Makalipas ang sampung segundo, sinimulan kong ihakbang ang aking paa at nagtungo sa platform ng teachers area. Hinayaan kong gumalaw ang aking daliri at sinimulang sagutin ang equation na nasa whiteboard. Rinig ko ang bulungan ng aking mga classmates habang ginagawa ko ito. Wala pang ilang minuto ay tapos na ang aking sinusulat. Muli akong bumalik ng tingin sa aming professor na ngayon ay nakatulala sa whiteboard at sa aking sinulat. "I'm sorry, Sir. Hindi na po mauulit," muli kong paghingi ng paumanhin at bahagyang yumuko. Binigay ko sa kanya ang marker na hawak ko saka bumaba ng platform at bumalik sa aking upuan. Napabuntonghininga pa ako dahil sa kapabayaan na aking nagawa. "V-Very good, Ms. Ortega. This is the simplest form to solve this equation," pagbati sa akin ng aming professor. Ang totoo, kahit naman hindi na ako makinig sa klase, basta makita ko lang ang mga bagay na nakasulat sa whiteboard, madali ko na itong magagawa. Mabilis ang aking isip sa ganitong mga bagay. Isang malalim na paghinga ang aking ginawa, saka marahang tinaas ang hawak kong libro kanina. Ngunit sa pagtaas ko nito, nanlaki ang aking mga mata nang makita ko si Akira na nakatingin sa akin mula sa bilog na salamin. Dali-dali ko namang sinara ang librong iyon dahil sa kaba na aking naramdaman. Pilit kong kinalma ang sarili at nag-focus na lang sa professor na nagsasalita sa unahan. *** MATAPOS ang klase, hindi pa rin maalis ang tingin ko kay Akira. Sinundan ko siya ng tingin habang papalabas siya sa aming classroom. Pinalipas ko lang ang ilang sandali bago ako tumayo at sundan siya. Mabuti at hindi pa siya nakalalayo. Palihim ko siyang sinundan sa corridor ng school. Nakapamulsa lang siya habang naglalakad at binabati siya ng mga babaeng nadaraanan niya, ngunit hindi niya ito pinapansin. Diretso lang ang tingin niya at ni isang ngiti ay hindi niya ginagawa. Ang suplado naman pala ng lalaking 'yon. "Ang gwapo talaga niya, ano?" "Sa true! After Ariston, siya ang guwapo sa campus na ito, suplado nga lang." Hindi ko maiwasang marinig ang usapan ng mga babaeng iyon habang naglalakad. Hanggang sa maya-maya lang, nawala na rin sa paningin ko si Akira. Napahinto ako at lumingon sa paligid. Saan na nagpunta ang unggoy na 'yun? Muli akong naglakad habang nakakunot ang noo. Maya-maya lang, nakuha ng isang bakanteng room ang atensyon ko – ang music room. Sa totoo lang, sa tuwing makikita ko ito, otomatikong lumalakad ang aking paa papasok sa silid na iyon at ganoon na nga ang nangyari, namalayan ko na lang na nasa loob na ako ng music room. Tanging sinag ng araw ang nagbibigay liwanag sa loob ng silid. Sa paglibot ng aking paningin, tumama ang tingin ko sa isang malaking piano na nandoon. Pakiramdam ko ay tumalon sa tuwa ang aking puso. Sa oras kasi na makakita ako ng mga instrumento, labis na tuwa ang nararamdaman ko. Wala sa sariling sumilay ang ngiti sa aking labi at namalayan ko na lang, nasa tabi na ako ng piano. Tumingin muna ako sa paligid bago marahang umupo roon. Hindi naman siguro masama kung tutugtugin ko ang paborito kong pyesa. Matagal na rin mula nang tinugtog ko iyon dahil tanging mga competition piece lamang ang pinatutugtog sa akin ni mommy. Marahan kong nilapat ang aking mga daliri sa piano. Pagpindot ko rito, kusa itong gumalaw at bumuo ng napakagandang musika. Napapikit ako habang pinakikinggan ang bagay na iyon. Moonlight sonata, isa itong obra ni Beethoven. Ginawa niya ito para sa isang babaeng minahal niya. Nagpropose siya rito ngunit ayaw ng magulang ng babae sa kanya dahil wala siyang rango. Marahan kong minulat ang aking mata at hindi ko namalayang tumulo na pala ang mga luha mula rito. "Saan mo natutunan ang ganyang pagtugtog?" Tumalon ang aking balikat nang makarinig ng isang tinig ng lalaki, dahilan upang agad akong mapatayo at mapalingon sa likod. "A-Akira?" gulat kong wika saka mahigpit na hinawakan ang aking dibdib. "Diyos ko! Papatayin mo ba ko sa takot?" inis kong saad. Lumakad siya palapit sa akin na parang walang narinig, sersyoso ang kanyang mukha, dahilan upang mariin akong mapalunok. Hinawakan niya ang aking kamay at tiningnan ang aking braso. Agad ko naman iyong binawi sa kanya. "Anong ginagawa mo?" saad ko "Sino ka?" Mas lalo akong naguluhan sa kanyang sinabi. Totoo nga, ang weird niya. "Yumi, Yumi Ortega. Sigurado kang hindi mo ako kilala?" Hindi ko alam kung bakit, ngunit hindi maipinta ang kanyang mukha. Animoy nakakita siya ng multo. Ngunit maya-maya lang, naramdaman ko ang pagkalma niya. Sinimulan niyang ilagay ang mga kamay sa bulsa at tumayo siya nang diretso. "Bakit mo ko sinusundan?" tanong niya. Natigilan ako at pansamantalang hindi nag-process ang aking isip. Hanggang sa maya-maya lang, naalala ko kung bakit nga pala ako nasa lugar na ito. "A-Ah! Oo nga pala. 'Y-Yung tungkol kahapon," nauutal kong wika. "You're having an affair?" Nanlaki ang mga mata ko sa kanyang sinabi. Agad kong tinakpan ang walang preno niyang bibig gamit ang aking palad. "Shhh! Pwede ba huwag kang maingay?!" pabulong kong wika. Nang makompirma kong hindi na siya magsasalita, agad kong tinanggal ang palad kong nasa kanyang labi at pinunasan ang nakakadiring laway na dumikit doon. "Hindi ba sinabi ko nang wala akong pakialam," aniya. "A-Alam ko, naninigurado lang ako kasi siyempre baka nagpapanggap ka lang." Narinig ko ang malalim niyang hugot sa paghinga, saka minasahe ang kanyang sentido. "Listen, I don't interfere in anyone's business," saad niya. Halata sa kanyang tinig ang pagkairitable. "Ah... Eh 'di thank you," sarkastiko kong tugon. "Sure 'yan, ha? Safe ang sekreto ko sa 'yo?" Kumunot ang kanyang noo dahil sa aking sinabi. "Whatever," aniya saka mabilis na lumakad. "Aray!" pagreklamo ko nang banggain niya ang aking balikat. Sumunod na lang ang aking tingin sa kinaroroonan niya hanggang sa tuluyan na siyang lumabas sa loob ng silid. "Sinundan sundan ko pa siya wala naman pala akong dapat ipag-alala." Muling nanumbalik ang aking ngiti at nawala ang kaba sa puso ko. *** KINABUKASAN, nagising ako dahil sa alarm ng aking cellphone. Pupungas-pungas pa ang aking mata nang mag-ayos ako ng sarili. Ang totoo mas masarap ang tulog ko sa lugar na ito kaysa sa bahay, tila ba komportable ako sa dorm ng Montecillo. Matapos akong mag-ayos, ngumiti ako sa vanity mirror na nasa aking makeup table. Maya-maya lang, naramdaman ko ang pag-vibrate ng aking cellphone. Kinuha ko ito sa bulsa at napakunot ang noo. Number ito ni Shane. Nabalot ng pagtataka ang aking isip, alam ko kasing hindi naman madalas mag-iwan ng mensahe si Shane at kung may nais siyang sabihin, walang ano-anong pupunta siya sa akin at kukulitin ako. Huminga ako nang malalim bago binuksan ang mensahe na iyon. Sa pagbukas ko, nanlaki ang aking mga mata at nabalot ng kaba ang puso ko. I know your secret, b*tch! Paano mo nagawa ang bagay na 'yon? Agad akong napatayo at nabitiwan ang cellphone, dahilan upang bumagsak ito sa sahig. Nagsimulang manginig ang aking katawan, maging ang mga luha ay nagsimulang mamuo sa aking mata. "P-Paano niya nalaman?" bulong ko sa kawalan. Halos hindi ako makahinga dahil sa sikip ng dibdib. Hindi ko alam kung paano ko haharapin si Shane at kung paano ako lalabas sa silid na ito. Muling nag-alarm ang aking cellphone, hudyat na malapit nang magsimula ang klase ko, ngunit hindi pa rin mapanatag ang aking isip. Agad kong dinampot ang cellphone sa sahig at mariing pinahiran ang luha gamit ang aking kamay. "Act normal, Yumi. Kailangan mo pa ring magpanggap at kausapin siya nang maayos," utos ko sa sarili. Huminga ako nang malalim. Kailangan kong magpanggap dahil doon naman ako magaling. Kinuha ko ang aking bag at lumabas ng silid. Dumiretso sa elevator at ang unang lugar na pinuntahan ko ay ang silid ni Shane, ngunit wala siya rito. Nakailang katok ako ngunit walang sumasagot. Mukhang pilit niya akong iiwasan. Lumabas ako ng dorm at patuloy ang pag-bati sa akin ng mga estudyanteng nakakasalubong ko, ngunit hindi ako makatugon dahil lumilipad ang aking isip sa ibang bagay. Paano? Paano niya nalaman iyon? Anong mukha ang ihaharap ko sa kanya? P-Paano kung sabihin niya kanila mommy at daddy? Ito ang mga bagay na gumugulo sa aking isip. Agad akong huminto sa paglalakad at tinawagan si Adrian ngunit hindi siya sumasagot. Mas lalong nabalot ng kaba ang aking puso dahil baka nagtatalo na ang dalawang iyon. Hindi na ako nagsayang ng panahon at agad silang hinanap, ngunit kahit sa kanilang classroom ay wala ang dalawa. Sa aking pag-iikot, muli akong napadaan sa music room at doon nakita ko si Akira. Nakaupo siya sa tabi ng bintana at nakadungaw sa labas. Hindi ko alam kung bakit, ngunit agad na kumulo ang aking dugo dahil sa galit. Pumasok sa aking isip na baka siya ang nagsabi ng tungkol sa sekreto ko. Siya lang naman ang nakakaalam nito at wala nang iba pa. Marahas kong binuksan ang pinto ng music room, dahilan upang makuha ko ang atensyon ni Akora. Nakakunot ang kanyang noo at nababalot ng pagtataka ang mukha habang nakasunod ng tingin sa akin. Rinig ang malalakas na yabag ng aking paa habang naglalakad patungo sa kinaroroonan ni Akira. Nang tuluyan akong nakalapit sa kanya, isang malakas na sampal at dumapo sa kanyang mukha. Hindi ko napigilan ang aking sarili kaya nagawa ko ang bagay na iyon. "Hayop ka! Akala ko ba hindi mo ipagsasabi? Sinungaling ka!" sunod-sunod kong bulyaw sa kanya. Tumingin siya sa akin at nababakas sa kanyang mga mata ang gulat at pagtataka. Hinawakan niya ang kanyang pisngi at tila hindi makapaniwala sa ginawa ko. "What the f*ck are you talking about?" inis niyang wika. "How long are you going to act innocent? Ang sabi mo wala kang pakialam, 'di ba? You're a lier!" muli kong bulyaw. Ang mga bagay na kinikilos ko ngayon ay hindi ko alam kung saan nanggaling. Hindi ko akalain na magagawa ko ang sumigaw at magalit ng ganito. "Look, I don't know what you're talking about." "Ikaw lang ang nakakaalam ng sikreto ko, Akira." "Hey! Stop accusing me!" Sabay kaming natigilan ni Akira nang muling tumunog ang cellphone ko dahil may tumatawag. Ayoko mang sagutin iyon ngunit agad akong nag-panic nang makita ang numero ni Shane. Mariin akong napalunok at tinapat ang cellphone sa aking tainga. "Be quiet!" utos ko kay Akira bago tuluyang sagutin ang tawag. "Girl, sorry na-wrong send ako!" bungad na salita ni Shane. "I'm sorry, ignore mo na lang 'yung message, ha? Doon kasi 'yun sa kinaiinisan kong girl, eh. Sorry talaga," sunod-sunod na wika ni Shane sa kabilang linya. Matapos ang tawag na iyon, dahan-dahan kong binaba ang cellphone at hindi makatingin nang diretso sa lalaking nasa tabi ko. Inikot ko ang aking paningin sa paligid at kunwaring sumipol, saka nilaro ang dulo ng aking sapatos sa sahig. "Ahem! So ganoon na lang 'yon?" pagbasag ni Akira sa katahimikan." Napangiwi ako at agad na tumingin sa kanya. Mabilis akong yumuko sa kanyang harapan. "I'm sorry!" mabilis kong tugon. Narinig ko ang pagbuntonghininga ni Akira, saka hinagod ang kanyang sentido at nagpameywang. "Pagkatapos mo kong sampalin, sorry lang ang sasabihin mo?" aniya. "A-Ano ba dapat? P-Patawad?" Muli akong napayuko nang isang matalas na tingin ang ibato sa akin ni Akira. Maya-maya lang, nagulat ako nang hawakan niya ang aking braso, dahilan upang muling iangat ko ang aking ulo. Ngunit sa aking pag-angat, nanlaki ang aking mga mata nang makita ang napakalapit niyang mukha sa akin. Tila tatlong pulgada lamang ang pagitan ng aming ilong. "Tell me, where did you get this scar in your arms?" seryoso niyang tanong. Napatingin naman ako sa aking braso at muling nakita ang malaking pilat na nandoon, isang pilat na labis kong kinahihiya. Agad kong binawi ang aking kamay at lumayo sa kanya, tinakpan ko naman agad ang aking braso ng suot kong baller. "N-Nakuha ko to noong bata pa ako," tugon ko na hindi ko alam kung bakit ko sinasabi. Napatingin ako kay Akira nang muli siyang bumuntonghininga. Tumaas ang gilid ng kanyang labi at nang ngumisi siya nang ganoon, naramdaman ko ang pagtayo ng aking balahibo. "Since you slapped my face, I guessed you owe me." Mariin akong napalunok dahil sa kanyang sinabi. Ngayon ko lang nakita ang ganitong hitsura ni Akira. Kadalasan kasi ay blanko lang ang kanyang mukha at mayroong malamig na presensya. Ngayon, pakiramdam ko ay nagbago siya at naging demonyo. "A-Anong ibig mong sabihin?" nauutal kong wika. Unti-unti siyang lumapit sa akin at dahil sa katangkaran niya, halos mangalay na ang leeg ko sa pagtingala. Inilapit niya ang kanyang mukha sa aking mukha. Halos hindi ko na rin matingnan ang diretso ang kanyang mga mata dahil sa nararamdaman kong kaba. "May gusto lang akong i-confirm kaya mula ngayon, you will stay by my side." Kumunot ang aking noo sa kanyang sinabi. "Ha? Anong ibig mong sabihin?" Muli siyang ngumisi na malademonyo at marahang nilayo ang mukha sa akin. "You'll see," saad niya na naghatid ng panlalamig sa aking pakiramdam. Hindi ko alam kung ano ang pinaplano ng lalaking ito, ngunit kung ito lang ang paraan upang mapanatili ang tinatago kong sekreto at makabawi na rin sa ginawa ko sa kanya, tatanggapin ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD