Nagtungo si Acer sa isang grocery upang bumili ng alak na stocks niya sa bahay at chocolates na pasalubong para sa kanyang anak. Nang mapansin niya ang isang babae na mukhang takot na takot habang nasa harapan ng counter.
Hawak niya ang dalawang bote ng alak at isang supot ng chocolate nang lumapit siya sa may counter.
May dalawa pang security guards na lumapit na sa babae. Hawak nito ang back pack na pilit na binubuksan ng isang security guard.
Tumukhim si Acer at nakuha niya ang atensyon ng security guard.
"May mga rules ang regulations naman kayo hindi ba? Kung nagnakaw siya makikita ninyo iyon sa CCTV. Hindi ninyo p'wedeng pwersahin ang costumer ninyo dahil p'wede kayong makasuhan," seryosong ani Acer sa dalawang security guard.
"Sir, napansin ng saleslady namin na may inilagay siya sa bag niya. Kanina pa namin siya kinakausap pero hindi naman siya sumasagot. Yakap-yakap pa rin niya ang bag niya," sagot naman ng isang security guard.
Tinignan ni Acer ang babae na mukhang nanginginig na sa takot.
"Miss, huwag kang matakot, okay. Ibigay mo na iyang bag mo sa kanila. I'm here for you. Hindi kita iiwan."
Nagtaas ng tingin ang babae at nakita niya na umiiyak na pala ito.
"Sir, wala po akong ninanakaw. Hi-Hindi po ako... mag-magnanakaw, sir." Dahan-dahan na iniabot ng babae ang dala nitong bag sa security guard at tinignan naman ng mga ito iyon.
Bukod sa mga damit ay walang nakita na ibang bagay sa bag ng babae. Maliban sa kapirasong papel na naroon sa bulsa ng bag nito na listahan ng mga dapat nitong bilhin.
"Ire-report ko kayo sa manager ninyo dahil sa nangyaring ito," naiinis na aniya. Ibinaba niya sa may counter ang mga alak at chocolates na binili niya 'tsaka binayaran ang mga iyon.
Nang makapagbayad siya ay tumingin muli siya sa babae. "Okay ka na, huwag ka ng umiyak, miss."
"Salamat po, sir," mahinang sabi nito sa kanya.
"Ano nga pala ang pangalan mo?" tanong ni Acer dito.
"Ahm... ako po si..."
Hindi na naituloy pa ng babae ang sinasabi nito nang may babaeng lumapit dito.
"Kosa, pasensiya ka na. Okay ka lang ba?" narinig na lamang niyang tanong ng babaeng lumapit dito habang papalayo na ang mga ito.
Nagtungo si Acer sa sasakyan niya at hinintay ang dalawang babae na lumabas sa grocery. Palapit ang mga ito sa gawi niya kaya minabuti ni Acer na sumakay sa loob ng sasakyan niya.
"Kosa, okay ka na ba? Hindi ko akalain na ganoon ang mangyayari sa iyo. Kung alam ko lang hindi na kita isinama," bakas sa boses ng babae ang pag-aalala sa kasama nito.
"Okay lang iyon, Ate Julie. Bigla na lang akong nag-panic kanina. Pakiramdam ko kasi may nagawa na naman akong kasalanan. Ate, natatakot pa rin ako... pakiramdam ko anumang oras p'wede akong makulong."
"Kosa, huwag kang nag-iisip ng kahit na ano, okay? Mabuti na lang may nagmalasakit sa iyo kanina."
Naramdaman ni Acer ang lungkot habang nakikinig sa mga ito. Hindi niya maiwasan na maalala si Marie at ang insidenteng nangyari noon.
"Mabait ang lalaking iyon, Ate Julie. Hindi man lang ako nakapagpasalamat sa kanya."
Sumilip si Acer sa may bintana ng sasakyan niya ngunit umalis na ang mga ito.
Hindi nga kaya si Yana ang babaeng iyon? Pero impossible... nasa Manila ito at pinagbabayaran ang kasalanan nito sa kanila ng kanyang namayapang asawa.
"SIENA, come here my baby!" malambing na pagtawag ni Acer sa anak nitong anim na taong gulang. Naglalaro ito sa garden kasama ang Yaya Juris nito at si Manong Harold na kanila namang family driver.
Bibong bata at matalino ang kanyang anak, hindi na ito nakita ng kanyang namayapang asawa nang ipinanganak nito si Siena dahil naging critical ang panganganak nito dahil sa komplikasyon sa sakit nito sa puso.
Dumagdag pa roon ang insidenteng nangyari noong nakalipas na anim na taon. Sinisisi ni Acer ang katulong niyang iyon na siyang naging dahilan kung bakit napaaga ang panganganak ng kanyang asawa. Mabuti na lamang at naipakulong niya ito nang hindi na makagawa pa ng masama sa kanyang pamilya.
Lahat ng katulong nila noon ay pinaalis niya. Ibinenta niya ang bahay nila sa Manila, ang negosyong bakery nila ni Marie, at ang iba pa nilang mga ari-arian. Ginawa niya iyon para magbagong buhay dito sa Pangasinan kasama ng kanyang anak.
Dahil sa trauma na naranasan nila sa Manila ay nakaapekto iyon sa pagsasalita ni Siena.
"Give me a kiss and hug muna," aniya na itinagilid ang mukha para madantayan ng halik ng kanyang anak.
Sumunod naman ito at hinagkan siya sa pisngi at saka niyakap nang mahigpit.
"Kumusta ang pag-aaral mo, anak?"
Hinila ni Siena ang kanyang kamay at dinala sa loob ng bahay. Ipinakita nito ang mga ginawa nitong art works.
"Wow, ang galing mo naman, sweetie. So, ano ang gusto mong gift?"
Namilog ang mga mata nito at itinuro ang labas ng bahay nila.
"Siena, hindi ba sinabi ko na hindi ka p'wedeng lumabas? Delikado sa labas."
Gusto lamang niya itong protektahan kaya niya iyon ginagawa. Napagtangkaan na noon ang kanilang buhay at hindi na niya hahayaan pang mangyari ulit iyon sa kanila.
"Yaya Juris, ikaw na ang bahala rito. Iyong pagkain ni Siena huwag mong kakalimutan, mga vitamins niya dapat nasa oras kapag pinapainom mo siya. Hindi rin siya p'wedeng maglaro sa garden kapag mataas na ang sikat ng araw," maawtoridad niyang bilin dito habang naglalakad patungo sa kotseng naghihintay sa kanya.
"Opo, sir. Ako na po ang bahala kay Siena," magalang na sabi naman nito sa kanya.
"Good. Hindi ko alam kung anong oras ako makakauwi dahil may business meetings pa ako na pupuntahan. Si Lolo Antonio nga pala pupunta siya rito kasama iyong isang katulong na inirekomenda niya. Ikaw na rin ang bahala at ituro mo sa kanya ang mga dapat at hindi niya dapat na gawin."
"Opo, sir." Isinara nito ang pinto ng kotse at dali-dali pang binuksan pa ang gate.
Tumingin naman siya kay Manong Harold na nakatingin din sa kanya sa salamin.
"Sir, okay lang po ba kayo?"
"Yes, of course. Sa Sandoval Wirings tayo," aniya at isinandal ang likod sa upuan ng kotse.
Alam niya na nagtatampo na sa kanya si Siena dahil sa paghihigpit na ginagawa niya rito. Ginagawa lamang niya ang kanyang tungkulin bilang ina at ama rito. Wala siyang nakikitang masama kun'di ang makakabuti lamang sa kanyang anak.
Nag-ring ang cellphone niyang nakasuksok sa bulsa ng kanyang suot na suit. Kinuha niya iyon at sinagot ang tawag.
"Sir, nandito na po si Sir Philip Amara sa office ninyo," ani Femie, secretary niya.
"I'm on my way, Femie." Tinapos niya ang phonecall at saka bumuga nang malalim.
Mahirap kausap ang Philip Amara na iyon ngunit kailangan niya pa ring maging mahinahon sa harapan nito para sa kanilang negosyo. Kailangan ng Sandoval Wirings ang suporta ng Amara Exporting Company upang mapalawak ang kanilang negosyo.
"Naku, traffic pa sir," ani Manong Harold na nagkamot ng ulo habang nakatingin sa kalsada.
Mariin niyang ikinuyom ang kanyang kanang palad habang nakatingin sa nagbanggang sasakyan sa kanilang harapan.
Hindi niya p'wedeng paghintayin ng matagal si Philip dahil mainipin ito. Kung hihintayin pa niya na matapos ang usapan tungkol sa banggan ay aabutin sila ng matagal.
May nakita siyang motorsiklo sa kabilang lane ng kalsada. Mukhang pampasaherong motorcycle ang isang iyon dahil nakahilera iyon sa lane ng mga pampasadang single na motor.
"Sir Acer, saan ho kayo pupunta?" nagtatakang tanong ng matanda nang bukasan niya ang pinto ng kotse.
"Magtatagal pa tayo rito kung hindi ako sasakay sa iba, manong. Ako na na ag bahala sa sarili ko, sumunod na lang kayo sa akin."
"Ingat ka, sir," anito bago siya tuluyang umalis.
Habang naglalakad siya patungo sa kabilang lane ay eksakto naman na dadaan sa kanya ang isang motorsiklo.
"Sir, good morning. Trenta pesos lang ang minimum ko, sakay na kayo," pang-aalok nito sa kanya.
Babae ang driver at naka-full face helmet pa ito. Nakaauot ng safety gears sa siko at tuhod. Naka-jacket din ito ng black at saka nakasapatos. May extra helmet itong iniabot sa kanya.
Hindi na siya nagdalawang-isip at isinampa ang isang paa para makasakay na sa motorsiklo nito. Isinuot na rin niya ang helmet at saka humawak magkabilang gilid ng motorsiklo.
"Manang, sa San Bartolome tayo... sa Sandoval Wirings."
"Okay, sir. Kumapit kang mabuti, sir. Hindi pa naman kita masasalo kapag nahulog ka riyan. Okay lang na kumapit sa bewang ko huwag lang humimas," dire-diretsong sabi pa nito. "Huwag mo na rin akong tawagin na Manang, sir. Mas bata pa naman ako sa iyo, e. Tawagin mo na lang ako Yang." Sinipa nito ang stand ng motorsiklo at saka pinindot ang starter button.
Hindi alam ni Acer kung bakit siya napangiti sa sinabi ng babaeng rider. Ngunit okay iyon at prangka ito na katulad niya.
"Okay na akong nakakapit sa likod ng backseat mo. Sige na, mahuhuli na ako sa meeting ko."
"Okay, sir. Areglado!" anito na pinaharurot na ang motorsiklo dahil naka-green na ang signal light sa may intersection kung saan sila liliko.
"Anak ng hipon, naman, oo!" Narinig niyang sabi nito ng may check point sa daraanan nila.
Huminto ito sa may kanto at saka bumuga nang malalim.
"Don't tell me na wala kang lisensya!" naiinis na aniya rito.
"Ngayon lang ako lumabas ng... este ngayon lang ako namasada, sir. Mukhang hindi ko na kayo maihahatid sa pupuntahan ninyo dah---"
"Just go on! May lisensya ako at ito na lang ang gagamitin natin. Kailangan kong magmadali dahil late na ako ng five minutes sa meeting ko. At hindi mo alam kung ilang libong piso na ang nasasayang dahil sa iyo."
Hindi na umimik ang babae at ipinagpatuloy ang pagdra-drive. Ipinakita niya ang lisensya niya sa police officer at pumayag naman ito na palusutin sila ngayong araw dahil sa dahilan niya na hindi siya makakapag-drive at ang kapatid na lamang niya ang kanyang inutusan.
Nagmukha tuloy na kapatid niya ang babaeng ito.
Nang makarating kami sa Sandoval Wirings ay ibinigay na niya ang helmet dito. Kumuha na rin siya ng pera para ipambayad dito. Limang daang piso ang binigay niya sa babae at hindi na ito nilingon pa para kunin ang sukli niya.
"Sir Acer," ani Manong Harold na mas nauna pa pala sa kanya sa company.
Napabuga na lamang siya nang malalim dahil sa nakakainis na nangyari sa kanya ngayong araw.