CHAPTER 1:
I GREW UP in a happy family, I am an only child. Hindi nagkulang ang mga magulang ko sa pagpaparamdam sa akin kung gaano ako kamahal-mahal at kung gaano ko ka-deserve ang lahat ng bagay na ibinibigay nila sa akin. Kaya ibinabalik ko sa kanila ang lahat ng pagmamahal na ibinubuhos nila sa akin. Ayaw kong ma-disappoint sila kung may magawa man akong pagkakamali. But for the first time in my life, sinuway ko ang gusto nila para sa akin. I was 17 years old when I got a boyfriend, he’s Mike. My parents don't like him but because I really love Mike, I disobeyed them not knowing that he would hurt me after I gave everything to him.
“You’re boring, Rory.”
Matatanggap ko pa sana kung may nagawa akong hindi maganda o kaya naman ay may third party, pero hindi. Iniwanan niya ako dahil boring ako. I don’t know what boring he was referring to. I always make sure that he’s happy whenever we are on a date. Ini-entertain ko siya sa lahat. I even gave him what he wanted–myself. I gave it to him just to satisfy what he needed. Pero ganoon yata talaga, kahit na anong gawin mo, kung iiwan ka, iiwan ka talaga.
“Come on, Rory! Isang taon na ang nakalipas! Move on, girl!” si Milly na kanina pa nagrereklamo dahil ayaw kong sumama sa birthday party ni Davie.
“Ayaw ko nga, alam ko naman ang gagawin ninyo kapag naroon na tayo. Ipipilit n’yo na naman ako kung kani-kanino.”
“Girl, si Davie magtatampo. Last year hindi ka pumunta dahil naghiwalay kayo ng lintek mong ex. Tapos ngayon hindi ka na naman pupunta dahil natatakot kang ireto ka namin. Basta, pumunta ka. Hindi ka namin irereto, promise! Peksman, mamatay ka man.”
“Milly!” saway ko sa kanya.
She raised both her hands then sighed. “Okay, fine. Hindi na kita pipilitin. Hintayin mo na lang na si Davie na ang mangulit sa ‘yo. Magtatampo na talaga ‘yon!”
Umiling na lamang ako at hindi na pinansin pa ang sinabi ni Milly. Kung ayaw ko, wala naman silang magagawa. At saka, ilang beses na ba nila akong isinama sa birthday nila tapos ang ending, irereto nila ako sa kung sino-sinong single! Sino ba naman ang hindi magdadala? Hindi na ako naniniwala sa sinasabi nilang hindi nila ako irereto.
Pagkarating ko sa bahay, sumalubong kaagad sa akin si Mama na may bitbit na dalawang tasa ng kape. Nakasukbit pa sa kanyang leeg ang headphones na gamit niya sa kanyang computer.
“Kumusta ang araw, ‘nak?” bati nito sa kanya kahit dire-diretsong naglalakad patungo sa kwarto kung saan ang opisina ng kanyang mga magulang.
“Ayos lang naman po, anong oras ang out n’yo?” tanong ko.
Alas-singko na rin kasi at kanina pa silang umaga nagtatrabaho. Work from home sila. Si Papa ay web designer habang ang Mama ko naman ay isang service representative. Nitong nakaraang buwan lang, nagdesisyon silang mag-work from home na lang dahil gusto na nilang masulit ang isa’t isa at umaasang makakapangalawa pa kahit 19 years na ang nakalipas.
“Alas-sais. Pwedeng ikaw na muna ang magluto, ‘nak?”
“Okay po.” Iyon na lang ang nasabi ko saka dumiretso na sa sariling kwarto. Ganito na ang eksena mula noong nag-umpisa na silang mag-work from home. Ayos na rin naman sa akin na nandito sila palagi, ang hirap din kasi kung minsan gabi na at wala pa rin sila sa bahay. Kung minsan nag-aaway na silang dalawa dahil sa isang bagay–kulang daw sila ng time sa isa’t isa pati na rin sa akin.
Pagkapasok ko sa kwarto, mabilis na tinungo ko ang cabinet para kumuha ng pamalit ng damit. Nang makapagpalit ng kulay pink na sando at pajama pants na kulay puti ay nagpahinga na muna ako. Kahihiga ko pa nga lang sa kama nang tumunog na ang cellphone ko dahil sa isang text.
From: Davie.
Rory, hindi ka talaga sasama mamaya?
May nakalagay pang sad emoticon sa dulo ng text niya. Wala naman akong gagawin buong gabi pero hindi ko talaga gustong pumunta dahil nga sa madalas nila akong ireto sa kung sinong single na kaibigan. Nag-iisip pa ako ng palusot nang muling nag-chat si Davie.
From: Davie.
Sige na, promise hindi na talaga mauulit 'yong kagaya noong birthday ni Milly. Malulungkot ako kung hindi ka kasama.
Nakonsensya naman ako sa sinabing ‘yon ni Davie. Kung hindi ako pupunta, sigurado akong hindi ako papansinin no’n kagaya noong last year. Ang tagal pa naman niya kung magtampo!
Pumikit ako nang mariin bago bumangon muli at saka nagtipa ng reply.
Me:
Anong oras ba?
Davie:
Yes! 8:00 p.m. See you later!
Napairap ako nang mabasa ang reply ni Davie. Hindi pa nga ako pumapayag pero nag-expect na kaagad itong pupunta talaga ako. Wala tuloy akong choice kundi ang pumunta. Imbes na matulog ay dumiretso ako sa cabinet para maghanap ng isusuot. Kulay itim na button down blouse, faded ripped jeans at puting rubber shoes ang napili kong isuot. Iyon lang at lumabas na ako papuntang kusina para magluto na ng dinner.
Abala ako sa pagluluto ng adobong manok nang marinig ko ang boses ni Papa.
“Ang aga mong magluto anak, aalis ka?”
Kilala talaga ako ni Papa, alam niya iyong mga kilos ko.
“Opo, papayagan n’yo po ba ako?” tanong ko saka nilingon si Papa.
Naabutan ko siyang kumukuha ng tubig sa refrigerator. “Depende kung saan ka pupunta.”
“Hmm, birthday po ni Davie.”
Marahang tumango si Papa saka inabot ang basong nasa ibabaw ng ref, doon siya nagsalin ng tubig. “Oo naman, birthday pala ni Davie. Batiin mo siya para sa akin.”
Ngumiwi ako at saka muling ibinalik ang tingin sa niluluto. Malaki talaga ang tiwala sa akin ng mga magulang ko kahit minsan ko na silang nadismaya.
Matapos kong magluto ay bumalik na ako sa kwarto saka naghanda para sa gaganaping party mamaya.
Lagpas na alas-otso nang dumating ako sa venue. Kumain pa kasi ako bago umalis para hindi ako masyadong malasing. Pagkarating ko ay nagkakantahan na sila Milly at Phil sa loob ng videoke bar. At halos takpan ko ang mga mata ko nang pagbukas ko ng pinto ay nakahubad na ang pang-itaas na damit ni Phil habang iwinawagayway iyon sa ere.
“Woooh! Iba na ang 'yong ganda! Iba na ang nadarama! Lalo na't ika'y nag-iba! Yeah!” Hindi kumakanta si Phil, sumisigaw.
“Oh kay bilis mong nagbago! Pati ang pagmamahal mo ay naglaho! Ooohh!” si Milly naman.
Halos matawa ako sa dalawang nag-tandem pa sa pagkanta e pareho namang sintunado.
“Si Rory Serene Matikas nand’yan na! May kasama ka nang single, Travis!”
Hindi pa man tuloy ako nakakapasok sa loob, gusto ko nang umatras. Mukhang balak na naman yata nila akong ireto. Sinasabi ko na nga ba!