“CONGRATULATIONS.”
Si Daboi ang nalingunan ni Arianne na nasa kabilang sasakyan. Katatapos lang ng event na in-organized niya at naghahanda na siya sa pag-alis.
“Thanks.”
“You look tired.”
“I am tired.” She pushed down the trunk of her car and walked to the driver’s seat. “Kaya kung puwede lang, huwag mo na muna akong asarin ngayon.”
“Kailan kita inasar?” napakainosente ng boses nito.
“Kanina.” She opened her car’s door. “Nang akbayan mo ako nang walang paalam.”
“Hindi ko alam na kailangan pa palang magpaalam nun.”
“Sa akin, oo.” Papasok na siya ng kanyang kotse nang may maalala. “Ano pa nga pala ang ginagawa mo rito? Bakit hindi ka pa umalis?”
“Nagpapahangin lang ng konti.”
“Nagpapahangin? Dito sa parking lot? Adik ka ba?”
“Masarap magpahangin dito,” nakangiti nitong sagot. “Lalo na kapag may magandang dilag kang nakikita.”
Napailing na lang siya bago tuluyang pumasok ng kanyang sasakyan. Bolero talaga ang unggoy kahit kailan. Mabuti na lang at aware siya sa pagiging palikero nito dahil kung hindi, siguradong nadala na siya ng mga pambobola nito.
“Arianne.”
Napakunot ang kanyang noo nang malingunan ito sa labas ng bintana niya. How the hell did he get there that fast? Napaurong siya ng bahagya. Bakit ba sa tuwing ganito ito kalapit sa kanya, lagi na lang tila nadaragdagan ang kaguwapuhan nito?
“Arianne ka diyan,” asar na siya. Ewan nga lang niya kung kanino. Sa kanyang sarili na nag-iiba na ang reaksyon sa lalaking ito, o sa lalaki mismong ito na walang ginawa kundi ang biglain siya sa mga pinaggagagawa nito. “Hindi tayo close.”
He leaned his arm over the open window of her car. “Can I invite you out to dinner?”
There. See? Binigla na naman siya nito. Mabuti na lang at kahit paano ay nakakapag-adjust na siya sa siraulong ito. “Bakit?”
“Isn’t it obvious? I like you.”
“Like mong mukha mo. Hoy, akala mo ba madadala mo ako sa mga pagpapa-cute mo? Huwag mo akong igaya sa mga babae mo. Hindi mo ako madadala sa mga diskarte mo.” Isinalpak niya sa mukha nito ang kanyang kamay at itinulak ito palayo. “Ayoko sa mga guwapong matangkad!”
“Bakit naman?”
“Dahil guwapong matangkad si Ericson! Pero anong nangyari? Naging…naging…”
“Naging?”
“Wala!” Sa sobrang emosyon ay basta na lang niya tinapakan ang silinyador ng kanyang sasakyan nang hindi na nagmaniobra pa. Diretso tuloy siyang sumalpok sa isa pang kotse sa katapat niya. Malakas siyang napasinghap saka sinilip ang sasakyang nadisgrasya.
“Oh, no…”
“Arianne! Are you okay?” Mabilis na palang nakalapit sa kanya si Daboi at ito na mismo ang nagbukas ng pinto ng driver’s seat. “Are you hurt?”
“I’m fine. ‘Yung sasakyang nabangga ko ang dapat nating inaasikaso.”
“Bakal lang iyan. You’re the one who could have been hurt.”
“I said I’m fine—ano ba?”
Hinawakan na kasi nito ang braso niya. “You’re hurt.”
May maliit ngang galos sa kanyang braso na maaaring nagasgasan sa manibela ng kotse niya nang bigla niyang tapakan ang preno kanina. “Galos lang iyan—“
“I’ll take you to the hospital.”
“Hindi na kailangan. Malayo iyan sa puso.”
“Arianne—“
“Bakit ba ang kulit mo? Sinabi ko na sa iyong okay lang ako!” Binawi na niya rito ang braso niya saka nilapitan ang nadisgrasyang sasakyan. “Umalis ka na nga lang at iwan ako dito, Daboi. Wala ako sa mood na makipag-deal sa mga kapraningan ninyong mga lalaki.”
“I’m just worried about you.”
“Bakit? Girlfriend mo ba ako? Asawa? Anak?”
“Hindi.”
“Kung ganon bakit pinagkakaabalahan mo pa akong istorbohin?”
“Ganito talaga ako kapag crush ko ang isang babae. Hindi ko mapigilang mag-alala.”
Tinalikuran na niya ito. “Ewan. Kausapin mong sarili mo.”
“Daboi, hindi ba’t nagsasabi naman ako ng totoo? Oo nga naman, Daboi. Ang babae talagang iyan, hindi na naniwala sa iyo kahit kailan.”
Asar niya itong nilingon. Talagang kinausap nga ang sarili! Nang-aasar talaga ang kumag. Ngunit nang makita siya nitong nakatingin dito ay umayos ito ng tayo at ngumiti sa kanya.
“I’m just doing what you told me to do,” wika pa nito. “Masunurin kasi ako. That’s one of the most wondrous things about me.”
“Sagasaan kaya kita diyan at nang tumahimik ka na?”
“Huwag naman. Sayang ang genes ko. Magagalit sa iyo si Lord. Isa pa naman ako sa mga greatest creation Niya.” Sumandal ito sa kotse niya at humalukipkip habang nakamasid sa kanya. “So, what are you going to do now? Masyadong malaki ang damage ng kotse na iyan. Siguradong magagalit sa iyo ang may-ari niyan kapag nakita ang ginawa mo sa kotse niya.”
Hindi niya alam kung ano ang dapat isipin sa lalaking ito nang gabing iyon. Kung nang-aasar nga lang ba ito o concern sa kanya. But one thing was for sure. Hinding-hindi siya magtitiwala sa Danniel ‘Daboi’ Bustamante na ito. Wala siyang kabalak-balak na mapasama sa sandamukal nitong babae.
Nickname pa lang, hindi na dapat pinagkakatiwalaan. Daboi. Babaerong babaero ang dating.
“Hindi mo na problema kung ano man ang gagawin ko ngayon,” aniya. “Wala kang kinalaman dito.”
“Diyan ka nagkakamali, kabayan. Because I own that car.”
“What?”
“I own that car.” Itinuro pa nito ang kotse. “And I just bought that yesterday.”
Tiningnan niya ang sasakyang kinatatayuan nito kanina bago ito lumapit sa kanya. “Huwag ka ngang magpatawa, Daboi. Hayun ang kotse mo, ‘no. Lolokohin mo pa ako.”
“Of course not. I’m a Stallion boy, honey. Hindi ako bibili ng mga pipitsuging kotse.” Itinuro uli nito ang BMW sa harap niya. “Iyan talaga ang kotse ko. Kaya…sa akin ka may atraso.”
“What…” Lumayo siya sa sasakyan at nagpapalit-palit ng tingin doon at sa lalaking prenteng nakasandal lang sa kotse niya na tila balewala lang naman kung may malaking yupi ang bagong-bago nitong sasakyan. He must really be that rich not to freak out after seeing his car smashed by another car.
And what’s with the Stallion boy thing? May lahi itong kabayo, ganon? Napailing siya. Kung ano-ano pa ang iniisip niya samantalang malaki ang problema niya ngayon. Hinarap niya si Daboi.
“So, what do you want me to do now?” Kung yayayain uli siya nitong makipag-date, tatanggi siya. Wala siyang panahong—
“Sumama ka sa akin sa ospital.”
“What?” Tama ba iyong narinig niya? Hospital? Ano naman ang gagawin nila doon?
“May galos ka sa braso. Kailangang matingnan iyan at baka magka-impeksyon ka pa.” Humalukipkip ito. “Ngayon kung ayaw mo, puwede na tayong dumiretso sa presinto.”
Natural na piliin niya ang unang sinabi nito. Sinong siraulo ang gugustuhing makulong? She watched his face, looking for a trace of mischief. Sa maiksing panahong pagkakakilala niya rito, alam na niyang marami itong kalokohan sa kukote. Ngunit sa pagkakataong iyon, habang nakamasid din ito sa kanya, wala siyang makita ni katiting na palatandaan na gusto lang siya nitong pag-trip-an.
He really did want to take care of her wound.
Lumapit na uli siya sa kanyang kotse. Ngunit ang pinto ng passenger seat ang binuksan nito.
“Ano iyan?” tanong niya rito.
“I’ll drive.”
“Kaya ko—“
“Or, we could go straight to the nearest police station.”
Isinalpak niya rito ang susi ng kotse niya.