PART 1
"SAAN ka magkukolehiyo, Tiffany?" tanong ni Krishna sa kanya habang nagliligpit sila ng mga gamit sa desk nila.
Uwian na. Tapos na ang klase nila. At dalawang buwan na lang din ay graduation na nila. Magpapaalam na sila sa buhay senior high at maghe-hello na sila sa buhay college. Excited na silang parehas na magkaibigan na lusungin ang next na baitang na naman ng kanilang buhay estudyante, ang pinaka-last bago ang totong pakikipagsapalaran nila sa buhay.
"Ikaw saan?" balik-tanong ni Tiffany kay Krishna. Kaibigan na niya si Krishna since grade 7. Naging kasundo niya agad ang kaklase dahil simple lang din ito tulad niya. Simple ang mga gusto sa buhay, simple sa mga gamit, at simple lang din ang mga pangarap.
"Sabi ng Daddy ko ay sa Sanchi College raw. Dapat doon ka rin, besh, ha, para magkasama ulit tayo."
May kaya sa buhay sina Krishna kaya hindi na siya magtataka kung sa isa sa pinakasikat na college school gusto ito pag-aralin ng mga magulang nito. Seaman ang daddy ni Krishna at teacher naman ang mommy nito.
Actually, iyon ang hinahangaan ni Tiffany sa kanyang kaibigan, iyong may kaya sila sa buhay pero napakasimple pa rin nito. Hindi maarte si Krishna tulad ng mga rich kid nilang mga kaklase.
"Titingnan ko," natuwang tugon niya sa matalik na kaibigan. Ang totoo, doon talaga sa sikat na school na iyon din niya pangarap mag-aral ng college noon pa man. Sasabihin niya kay mama niya kapag tumawag sa kanya.
Domestic helper lang ang mama ni Tiffany sa Hong Kong pero alam niyang pagsisikapan ng mama niya ang pag-aaral niya. Sabi nga sa kanya noong huli na tumawag ang mama niya ay kahit saan daw na school niya gusto mag-college. Sabihin lang daw niya.
Subalit ang pangarap niyang iyon ay natapos din noong araw na iyon. Pag-uwi ni Tiffany ay nadatnan na niya ang mama niya sa bahay nila. Umiiyak at lumong-lumo. At nang nakita siya ay niyakap siya nang mahigpit.
"Bakit biglaan yata ang pag-uwi mo, 'Ma?" tanong niya na nag-alala at nagduda.
Hindi kasi ugali ng mama niya na umuwi na walang abiso sa kanila. Kapag umuuwi ito ay gustong-gusto na nagpapasundo sa airport. Tapos bago umuwi ay kakain muna sila sa isang sikat na restaurant. Gano'n ang mama niya, pasyal agad at celebrate agad. Ang dahilan nito ay na-miss daw sila nang sobra.
"Lola?" baling ni Tiffany sa abuwela nang hindi sumagot ang ina. Patuloy lang sa kakaiyak.
Subalit ay hindi rin sumagot sa kanya ang kanyang lola. Napaiyak na rin ang matanda.
"Ma, please, sabihin mo sa akin kung bakit biglaan ang uwi mo. May nangyari po ba?"
Nang sinagot ng nama niya ang tanong niya ay para siyang pinagsinakluban ng langit at lupa. Siya naman ang ilang sandaling hindi nakapagsalita.
"May breast cancer ako, Anak, kaya pinauwi na ako. Noong una'y naitatago ko pa ang sakit ko pero nang magtagal ay hindi na kaya kalaunan ay nalaman na ng employer ko." Iyak nang iyak ang kanyang mama habang sinasabi iyon.
Pinilit ni Tiffany na magpakatatag ng mga sandaling iyon. "Hindi, 'Ma. Hindi ako naniniwala. Sabihin mo sa akin na nagbibiro ka lang, Mama, please?"
Kaysa sabihin iyon ay umiyak lalo ang kanyang ina.
"Ah, alam ko na. May sorpresa po kayo sa akin, ano? Nabili mo na ang cellphone na gusto ko, 'Ma?" she jokingly said to lighten up the atmosphere. Iyon kasi ang request niyang pasalubong sa ina. Ang pinaka-latest na model ng isang brand ng mobile phone na nagkakahalaga ng hindi birong libo.
"Tiffany, apo, totoo ang sinasabi ng mama mo," lumuluhang pagpapatotoo ng kanyang lola.
"Sorry, anak. Sorry kung nagkasakit ako," segunda ng mama niya.
All trace of humor had vanished from Tiffany's face. Natulala siya, tinitigan niya sa mata ang ina. At nang napagtanto niyang seryoso nga ito sa sinabi ay rumagasa na ang mga luha niya sa pagbagsakan.
"Mama ko..." Umiiyak na rin siya na niyakap niya ang ina.
LUMIPAS ang madaming araw, animo'y tumigil ang ikot ng mundo sa buhay ng mga Cañete.
"Ma, kailangan nating ipagamot ka. Sige na, pumayag ka na," pamimilit na naman ni Tiffany sa ina noong sandaling nakikita na naman niya itong namimilipit sa matinding sakit.
"H-Hindi na, Anak. Mag... magsasayang lang tayo ng pera," ngunit ay matigas na pagtanggi pa rin ng mama niya.
Ayaw magpagamot ng kanyang mama dahil ayaw raw nitong mabawasan ang ipon nila, para raw iyon sa kanya. Inipon daw 'yon ng mama niya para sa kanyang pag-aaral kaya ayaw nitong galawin kahit na ano'ng mangyari raw.
"Ma, please. Hirap na hirap ka na, oh. Ang pera ay napapalitan pero ikaw ay hindi kailanman mapapalitan, Mama. Sige na po? Tayo na po sa ospital?" pakiusap pa rin ni Tiffany. Wala na siyang pakialam sa mga pangarap niya. Mas mahalaga sa kanya na mabuhay ang pinakamamahal na ina.
"Sige na, Marites, magpagamot ka na. Makinig ka sa anak mo." Tumulong na rin ang lola niya sa pagkumbinsi.
At awa ng Diyos, sa huli ay pumayag ang mama niya na magpagamo. Napipilitan man ang ina ay gumaan ang dibdib ni Tiffany. Natuwa siya na kahit paano ay lalaban na ang mabait niyang ina para sa buhay nito.
Nga lang, sa ilang linggo pa lang na pagpapagamot at pagpapa-chemo ng mama niya ay malaki na agad ang nabawas sa savings nito. Nakadagdag pa iyon sa stress ng mama niya kahit pa paulit-ulit na sinasabihan siya na huwag niyang alalahanin iyon.
"Apo?"
"Lola, bakit po?"
Nagbabantay sila ng lola niya sa mama niya na natutulog.
"Sa isang linggo ay graduation mo na, hindi ba? Ano'ng plano mo sa susunod?"
Lalong naging malungkot ang mukha ni Tiffany sa tanong na 'yon ng lola niya. Sa pagkakataong iyon ay hindi niya ikinubli ang kalungkutan dahil tulog naman ang kanyang mama. Kapag gising kasi ang mama niya ay ginagawa niya ang lahat para maging good vibes lang sila. May bawal malungkot policy siya. In fact, kinuntyaba niya ang kanyang lola. Naisip niya kasi na baka kapag nakikita ng mama niya na nalulungkot sila o nababahala sila dahil sa sakit nito ay lalong panghinaan ito ng loob. Ang mas kailangan din ngayon ng mama niya ay suporta.
"Nakapag-entrance exam ka na ba sa sinasabi mong school?" tanong pa ng kanyang lola.
"Kasi, Lola," sasagot na sana siya na hindi pa kaso ay parang may pumilipit naman sa kanyang dila kaya hindi niya nasabi. Bagkus napatingin siya sa nakakaawang mukha ng mama niya, sa mukha ng mama niya na ang laki nang ipinayat at wala na ring buhok.
She sighed dramatically. Iisipin pa ba niya iyon? Kung ang tanging mahalaga na lang sa kanya ngayon ay ang buhay ng mama niya? Isa pa, kung sakali, saan naman siya kukuha ng pangkolehiyo, eh, umaasa lang naman siya sa mama niya?
"Anak, magka-college ka, hindi ba?" bigla ay salita ng kanyang mama at dahan-dahang nagmulat ng mga mata. Gising na pala ito.
"Ma, huwag na muna nating pag-usapan 'yan. Nagugutom ka ba? Ano po'ng gusto mong kainin?" pagwawala niya sa topic. Masuyong ginagap niya ang isang kamay ng ina.
Umaktong uupo mag-isa ang ina kaya madali niya itong tinulungan. Maayos niyang inilagay ang isang unan sa likod nito.
Hinang-hina ang hitsura ng mama niya. Kaawa-awa. Sa tuwing tinitingnan nga niya ito ay parang sasabog ang puso niya sa sobrang awa. Sana, siya na lang ang nasa kalagayan ng kanyang ina. Sana siya na lang ang ganito na nahihirapan.
"Anak, dapat nating pag-usapan iyon. Ang tungkol sa pag-aaral mo sa college. Alam mong iyon lang ang nag-iisang pangarap ko para sa 'yo, kami ng papa mo, ang makapagtapos ka."
"Alam ko naman iyon, 'Ma, pero puwede namang saka na ulit ako mag-aral kapag maayos na ang kalagayan mo."
"Nararamdaman ko na hindi na iyon mangyayari. Last na ang pagki-chemo ko na ito. Tama na. Mauubos lamang ang pera natin sa pagpapagamot ko. Dapat ay sa pag-aaral mo iyon ginagamit, hindi dito sa ospital."
"Hindi, 'Ma. Mas importante ang magamot ka," matigas pa rin niyang sabi. Her eyes were watering with tears again. Aanhin ba naman niya kasi ang mga diploma kung wala naman siyang pag-aalayan, kung mawawala naman ang mama niya. "Huwag mong isipin ang pag-aaral ko, 'Ma. Ako na po ang bahala. Basta magpagamot ka. Kahit maubos lahat ang pera natin ay wala akong pakialam dahil ang gusto ko lang ngayon ay ang gagaling ka, Ma."
Matagal siyang tinitigan ng mama niya. "Tiffany, Anak..." bago garalgal ang boses nitong sinambit ang pangalan niya bago siya niyakap nang sobrang higpit.
Hindi na rin nakayanan ni Tiffany, napahagulhol na rin siya ng iyak. Sana... sana hindi ito ang huli na mabanggit ng mama niya ang pangalan niya, hindi niya kakayanin. Hinding-hindi niya kakayanin na mawala ito.
"Mama ko..." Tinumbasan niya ang mahigpit na yakap ng kanyang ina sa kanya. Ipinaramdam niya kung gaano niya ito kamahal. Na kahit bata pa lang siya'y handa niyang pasanin ang lahat ng responsibilidad basta mabuhay lamang ito ng matagal pa.
Iyakan na silang tatlo dahil pati ang lola niya ay tahimik na ring lumuluha habang pinapanood sila.
"Anak, sorry... sorry dahil nagkasakit ako, pero alam ng Diyos na ang kinabukasan mo lang ang tanging idinadasal at hinahangad ko sa buong buhay ko. Gustong-gusto ko na makita kang makapagtapos ng pag-aaral," madamdaming saad ng mama niya habang hinahagud-hagod nito ang kanyang likod, habang yakap-yakap pa rin siya.
"Huwag kang mag-alala, Mama, dahil ipinapangako ko na makakapagtapos po ako ng pag-aaral. Pero sana ipangako mo rin po sa akin na gagaling ka. Gagaling ka, Mama. Gagaling ka please."