NAKATULALA si Patti habang nakatitig sa puting vase na may lantang dried flowers sa loob. Nakapatong ito sa ibabaw ng side table niya kung saan may katabing litrato niya noong bata pa siya kasama ang kaniyang mga magulang.
Nagpakawala siya ng malalim na buntong-hininga. Dalawang araw na ang lumilipas simula nang mangyari ang mapangahas niyang kilos sa kusina ng kanilang bahay.
Sa tuwing iniisip niya kung paanong bigay-todo siyang nakipaghalikan kay Andriano kahit na wala naman siyang karanasan, hindi niya mapigilan ang hindi batukan ang sarili.
"Nakakahiya ka, Patti. Uhaw lang? Takam na takam? Hindi naman ulam ang labi niya, pero bakit mo pinapak!"
Mabilis niyang dinampot ang unan sa tabi niya at ibinaon ang mukha roon. Natigilan lamang siya nang marinig ang boses ng ama mula sa labas.
"Patti, anak, tapos ka na bang magmuni-muni? Aalis muna si Itay, ha? Kailangan kong puntahan ang tiya mo sa karinderya."
Muli siyang nagbuga ng hangin bago inayos ang buhok na bahagyang nagulo. "Opo, `tay. Ako na po ang bahalang mag-deliver ng cupcakes."
"O, sige, anak. Huwag kalimutan kumain, ha? Huwag kang magpapagutom, baka pumayat ka."
Umiirap siyang natawa sa biro ng ama. Matapos mag-ayos ng sarili, bumaba na siya para makapag-bake ng chocolate cookies and cream cupcake. Sa ngayon ay itong flavor ang mabenta sa bakery ng kaibigan niyang si Mae-Mae.
Inabot din siya ng dalawang oras sa pag-aayos ng lahat. Matapos makapaghanda ay lumakad na siya upang hindi maabutan ng isang taong iniiwasan niya.
Halos araw-araw nagpupunta si Andriano sa mansiyon ng kanegosiyo nito. Mula tanghali hanggang alas-dos y medya. Kabisado na niya ang schedule ng lalaki kaya nagagawa niya itong maiwasan.
"Next month, baka dalawang flavor na ang order-in namin, Patti."
Ngumiti siya sa kaibigang si Mae-Mae matapos makuha ang bayad para sa mga cupcakes. "E, `di welcome."
Natawa naman ang babae. "Welcome?"
"Oo! Kasi kung hindi masarap ang cupcakes ko, hindi babalik-balikan ng customers n'yo."
Mula sa kabilang counter, lumapit ito sa kaniya at pinulupot ang dalawang kamay sa kaniyang braso. Pilit siyang hinihila patungo sa isang mesa.
"Dumito ka na muna. Magkuwento ka sa akin tungkol sa guwapong bisita n'yo."
Bigla siyang natigilan sa narinig. "Guwapong bisita?"
"Ikaw, ah! Hindi ka nagsasabi! Bali-balita na kaya sa buong lugar natin ang tungkol sa handsome guy na nakatira ngayon sa inyo."
Napabaling sa ibang direksiyon ang ulo niya. "Ah, si Andriano . . . "
"Alam mo ba, sabi ng ibang mga babaeng nakakita sa kaniya, ang guwapo raw at ang tangkad! Parang modelo! Ano? Basketball player ba? O artista?"
Hindi niya sinagot ang tanong nito. Pilit niyang inaalala ang trabaho ng lalaki. Sa pagkakaalam niya kasi, may-ari ito ng malalaking business.
Dalawang kompanya ang hawak ni Andriano. Ang isa ay minana pa nito sa yumaong ama, at ang pangalawa ay ito mismo ang nagtayo at nagpalago. Sa murang edad, naging bilyonaryo na ito sa sariling pagsisikap.
"Kaya ka siguro nagpaganda, ano? Dahil sa kaniya?" Nagtataka niyang nilingon ang dalaga. Nginuso naman nito ang suot niya. "First time mo kayang magsuot ng casual dress!"
Natigilan siya nang marinig ang sinabi nito. Hindi naman talaga niya first time magsuot nang ganoon, pero first time siya nitong nakitang magsuot ng dress. At aaminin niya, dahil nga kay Andriano kaya siya nagsuot nang ganoon. Nagsisisi na siya.
Binawi niya ang brasong hawak ni Mae-Mae saka tinitigan nang masama ang babae. "Akala ko pa naman, na-miss mo ako. Ayaw mo lang pala akong umalis dahil sa kaniya?"
Natawa ito sa kaniyang sinabi, pero bigla rin natigilan at mabilis na naglaho ang ngiti sa mga labi. Umasim agad ang mukha nito habang nakatingin sa pintuan ng bakery.
Nang sundan niya ang tinitingnan nito, maging siya ay natigilan sa nakita—si Maggie ang bagong dating, ang batchmate nilang bruha.
"O, nandito pala ang kaibigan mong bouncer," baling nito kay Mae-Mae na ang tinutukoy ay siya.
Natawa ang dalawang babaeng kasama nito. Siya naman ay nag-iwas ng paningin. Mahigpit niyang hinawakan sa braso ang kaibigang si Mae para pigilan ito.
"Bakit ba kasi ayaw mong patulan iyang witch na iyan. Iniinsulto ka, hoy!" nanggigigil nitong bulong.
Umiling siya at pilit na ngumiti. "Hayaan mo na."
Mula sa likuran ni Maggie, lumapit ang dalawang kasama nito sa counter para bumili. Wala tuloy nagawa ang kaibigan niyang si Mae-Mae kundi iwan siya kasama si Maggie.
Nang makaalis ang dalaga, nagdesisiyon na rin siyang umalis na, pero agad rin natigilan nang muling magsalita si Maggie.
"Sa susunod, huwag kang pakalat-kalat kung saan-saan. Nakakainis, e." Hinawi nito ang mahaba at medyo kulot nitong buhok na kinulayan ng golden brown. "Alam mo bang nakakasira ka ng view?"
Pinagmasdan niya ang naiinis nitong mukha habang nakatitig sa kaniya nang may pang-uuyam. As usual, mukha na naman itong clown dahil sa kapal ng makeup sa mukha nito.
"Tingnan mo nga iyang sarili mo. Sa sobrang taba mo, puputok na ang mga bilbil mo. Mag-diet ka nga."
"Pakialaman mo iyang katawan mong parang kawayan sa payat. Huwag ako."
Ngumisi ito na parang nang-iinis. "This is a model-like body. Hindi mo alam iyon dahil katawang restler ka."
"Maggie, tigil-tigilan mo nga si Patti! Sumusobra ka na, ah." Tumigil sa ginagawa nito si Mae-Mae para lang sumingit sa usapan nila. Mukhang hindi na nakatiis ang dalaga sa mga pang-iinsulto ni Maggie sa kaniya.
Hindi naman ito binigyan ng pansin ng babae. Patuloy siya nitong tinitigan nang may pang-iinsulto sa mga mata.
Pinasadahan siya nito ng tingin mula ulo hanggang paa. Doon niya tuluyang pinagsisihan na nagsuot pa siya ng dress. Siguradong kukutyain lang siya nito.
Natatawa nitong pinagsalikop ang mga braso sa tapat ng dibdib. "Nagsuot ka pa talaga nang ganiyang damit? Bakit? Nagpapaganda ka? Para kanino naman? Akala mo ba, may lalaking magkakagusto sa iyo?" Tumawa itong may pang-uuyam. "Keep dreaming! Walang lalaki ang magkakagusto sa tulad mong mataba."
Marahas na ibinaba ni Mae-Mae ang ballpen nito matapos ibigay ang sukli sa dalawang kaibigan ni Maggie. Pikon itong lumapit sa kanilang dalawa ng babae.
"Umalis na kayo rito. Shiela, Annie, dalhin n'yo na nga iyang babaeng iyan. Gandang-ganda sa sarili, kapit lang naman sa makeup."
"Ano'ng sabi mo!" Mabilis na pinigilan ng dalawang babae si Maggie nang akmang susugurin nito si Mae-Mae.
Sa huli, nagtitimpi itong huminga nang malalim habang inaayos ang buhok. Maarte pa sa maarte kung kumilos. Napakataas ng tingin sa sarili.
Matalim nitong tinitigan si Mae-Mae bago ngumisi. "Nakapagpatayo ka lang ng bakery, akala mo, kung sino ka na? E, hindi ba nga, galing lang naman sa lalaking kinabitan ng nanay mo ang pinagpatayo nito?"
Natigilan siya sa narinig. Sinulyapan niya si Mae-Mae na ngayon ay hindi makapagsalita at namumutla ang mukha. Dahil sa reaksiyo nito, lumapad ang ngiti sa mukha ni Maggie.
Hindi na niya napigilan ang hindi magsalita, "Lumago at naging successful ang bakery ni Mae dahil sa sipag at galing niya. Hindi siya katulad mo na ayaw magtrabaho at inaasa ang lahat sa ate mo."
Nanlalaki ang mga matang binalingan siya nito. "Ano?"
"Hindi ka ba naaawa kay Marie? Lahat ng suweldo niya, napupunta sa pa gkain n'yo at mga luho mo. Ayaw mong magbanat ng buto. Feeling mayaman ka."
"Ikaw!" Umangat ang kamay nito sa ere at akmang sasampalin siya, pero mahigpit iyon pinigilan ng isang kamay.
Umawang naman ang bibig niya nang makita ang seryosong mukha ng taong may-ari ng kamay—si Andriano.