"Cupcake!" Namilog ang mga mata niya nang makitang nakadapa sa sahig si Patricia. Mabilis siyang tumayo at dinaluhan ang asawa. "Ano ba? Bakit hindi ka nag-iingat?" Sinubukan niya itong tulungan na makatayo, pero mahigpit na umiling si Patti habang nakapikit ang mga mata. "Lucia, ang sabi ko sa iyo, iwan mo akong mag-isa!" Halos hindi maintindihan ang sinasabi nito dahil tila nagkabuhol-buhol na ang dila sa tindi ng tama ng alak. Nailing na lamang siya. "Bakit mo kasi inubos ang laman ng bote?" Salubong ang mga kilay nito habang pilit inilalayo ang mga kamay niyang sumusubok na hawakan ito. "Ano ba naman iyan? Bakit hindi ka nakikinig sa akin, Lucia?" Napalunok siya nang balingan siya nito ng paningin. Namumungay ang namumulang mga mata ni Patti, maging ang buong mukha nito ay pulang