KABANATA 4:
BAHAGYANG UMAWANG ANG LABI niya nang marinig ang mga sinabi ko. Ilang segundo yata siyang nakatitig sa akin bago siya ngumiti at saka tuluyang napatawa. Ngayon, ako naman ang nangunot ang noo. Hindi lang 'yon ang ikinakunot ng noo ko, kundi ang ngiti niya. Hindi na iyon katulad ng ngiti niya noong unang pagkikita namin, dahil pati ang mga mata niya ay nakangiti na rin. Hindi na nakakaduda ang tawang 'yon, halatang totoo na ito.
"Akala ko hindi mo na ako maaalala," aniya sabay ngiti. "Talagang sinadya mo pa 'ko rito nang gan'to kaaga para lang mag-sorry. Matagal nang nangyari 'yon at alam ko na ngayon na bata pa tayo no'ng mga panahong 'yon."
Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya. Pakiramdam ko ay namutla ako sa sinabi niya. So ibig sabihin sa loob ng ilang taong nakokonsensya ako, ako lang pala ang nag-isip na ang sama kong tao?
Nang ibalik ko ang tingin sa kaniya, nakatitig siya sa akin na para bang binabasa ang nasa isip ko. Mas lalo tuloy akong nailang dahil sa klase ng tingin niya. Hindi ko alam kung ako lang ba pero parang hinuhubaran niya ang pagkatao ko habang nakatitig sa akin.
"I-iyon na 'yon?" tanong ko.
"Ang punto ko, matagal na kitang pinatawad kaya huwag mo nang alalahanin 'yon."
Yumuko ako dahil hindi talaga ako makapaniwala sa mga sinasabi niya. . . Tandang-tanda ko ang mga nangyari at kung ako ang nasa kalagayan niya, malamang na may galit pa rin ako sa kaniya.
Hinawakan niya bigla ang kamay ko. Sa gulat ko ay napatingala ako sa kaniya na may nanlalaking mga mata. "B-bakit?" utal na tanong ko. Sana lang ay hindi niya nahahalata na kabado talaga ako lalo na at basa at nanlalamig na ang mga kamay ko. Pakiramdam ko nga e, namumula pa pati ang pisngi ko.
"Sige, isipin na lang natin na hindi pa kita napatawad. Para mapatawad kita, samahan mo ako ulit kumain. Ikaw naman ang magluto ng almusal," aniya.
Ilang segundo akong napatitig sa kaniya bago napatango.
Hindi ko alam kung bakit ako napunta sa ganitong sitwasyon, ang alam ko lang, gusto kong makalayo sa manyak kong ex-bestfriend. Hindi ko naman inakala na magiging ganito pala ang kapalit. Ang muling makatagpo ng landas si Denzel. Pagkatapos kong nagtiis sa pagkakonsensyang naranasan ko noon, ito lang pala ang isasagot niya sa akin. . .
Nasa Grade 6 kami no'n nang mangyari ang lahat. Si Denzel, mabait siya at kilala sa school dahil sa galing niya sa Math at Science. Marami ang may crush sa kaniya, mas magaganda at mas matatalino sa akin pero sa hindi ko malamang dahilan, palagi niya akong dinidikitan kahit pa nasa kabilang classroom siya.
-
"Nand'yan na naman si Denzel, malamang na tatanungin na naman niyan kung anong numero ng telepono ninyo," bulong sa akin ni Nena. Napakamot ako sa ulo, nakakainis na kasi iyan. Hindi makaintindi ng sagot kong wala kaming telepono. Matigas ang ulo, nakakainis!
Nang makalapit ako sa pintuan, ngiting-ngiti siyang sinalubong ako. Itinaas niya ang isang maliit na piraso ng papel na may nakasulat na numero. . . Numero ng telepono namin!
"Paanong. . ."
Ngumiti si Denzel nang malapad at saka kumaripas nang takbo. Inis na inis ako na pinaghahampas si Nena kasi nga ayaw ko kay Denzel. Ayaw ko sa kaniya hindi dahil hindi ko talaga siya gusto bilang tao kundi dahil marami ang may gusto sa kaniya at marami ang may galit sa akin dahil sa ginagawa niya. Bukod pa roon, napakabata pa namin para sa gano'ng bagay! Dose anyos pa lang ako 'no! May pangarap pa akong makapagtapos ng pag-aaral.
Wala akong nagawa kundi ang tanggapin na lang na kinuha niya ang numero ng telepono namin. Kinakabahan nga ako sa tuwing magri-ring ang telepono sa bahay, baka kasi si Denzel at baka si Papa ang makasagot ng tawag. Nakakahiya lalo na at ang bata ko pa para magkaro'n ng manliligaw!
Pero, tatlong araw na ang nakalipas mula noong kinuha niya ang numero namin pero hanggang ngayo'y hindi pa rin siya tumatawag. Hindi ko alam kung maiinis ako o matutuwa dahil doon. Ni hindi na rin siya nag-aabang sa pintuan ng classroom namin tuwing recess o tuwing uwian. Hindi ko alam kung bakit pero sa tingin ko, kung hindi niya naiwala ang papel na pinagsulatan niya ng numero, baka nagsawa na siya sa akin.
"Ponce," napahinto ako sa paglalakad nang tawagin ako ng isa sa aming guro.
"Po?" takang tanong ko. Siya ang class adviser ng klase nila Denzel.
"May balita ka ba kay Denzel Valerio?"
Nangunot ang noo ko, "Wala po ma'am, bakit po?"
Bumuntong-hininga ito at saka umiling, "Lahat kasi ng ka-close niyang kaklase, natanong ko na kung alam nila ang dahilan kung bakit hindi na pumapasok si Denzel, pero walang nakakaalam sa kanila."
Sa pagkakataong 'yon, nakaramdam ako ng kaba sa kung ano na kaya ang nangyari sa kaniya. Hindi ko alam na hindi pala siya pumapasok, ang buong akala ko talaga ay iniiwasan niya lang ako.
Hindi tuloy ako makatulog sa kaiisip kung ano na ang nangyari. Nagdrawing na lang ako para lang mawala ang antok ko.
Katitingin ko pa lang sa wall clock na nasa kwarto ko, alas onse ng gabi nang tumunog ang telepono sa baba. Hindi ko sana iyon papansinin kasi baka sila mama o kaya si papa na ang bababa para sagutin pero naka-ilang ring na ay wala pa ring sumagot kaya bumaba na ako. Mabilis na tinungo ko ang kinaroroonan ng telepono at saka iyon sinagot.
"Hello?"
Tinubuan ako ng kaba nang marinig ang mabibigat na paghinga sa kabilang linya.
"Hello? Sino po ito?" pag-uulit ko.
Mas lalong bumigat ang paghinga kaya mas lalo akong kinabahan. Ibababa ko na sana ang telepono kasi gabi na at saka ang naiisip ko ngayon, baka multo itong tumawag sa akin!
"Hello? Ibababa ko na po ito—"
"B-bellatrix, t-tulong. . . tulungan mo kami please. . . H-hindi ko alam ang numero ng mga pulis. . .T-tulong. . ."
-
"Paano mo nagawang patawarin ako?" Halos hindi pa rin kasi ako makapaniwala.
Hindi niya ako sinagot at nagpatuloy siya sa paghahalo ng kapeng tinitimpla niya. Kaya ilang beses ko 'yong tinanong sa kaniya, at nang makulitan siya sa akin, saka niya pa lang ako sinagot.
"Paano nga kung nagbibiro talaga ako sa'yo no'ng gabing 'yon? At talagang tumawag ka sa mga pulis? Edi ikaw ang mapapasama," aniya.
"Pero totoo ang nangyari. . ."
"Wala kang kasalanan, Bellatrix. Wala kang ginawang masama kaya huwag ka nang makonsensya sa bagay na wala ka namang kasalanan," sagot niya sabay abot sa akin ng kape. "Magkape na tayo para mapatawad na kita sa hindi mo pagpansin sa nararamdamn ko noon."
Nanlaki ang mga mata ko sa sinabi niya pero nginisihan niya lang ako at saka humigop sa tasa ng kapeng hawak niya. Napahigop din tuloy ako sa kape na kamuntik ko na ring maibuga nang maramdamang mainit pa iyon!
"Paano mo nahigop 'to na ang init-init pa?!" reklamo ko.
Again, tinawanan niya na naman ako na parang isa akong komedyante. Bakit ba tawa ito nang tawa? Nabaliw yata ito dahil hindi ko nga pinansin ang feelings niya. Akala ko talaga tahimik siyang tao no'ng unang nakita ko siya sa flower shop pero hindi. Katulad pa rin siya ng Denzel na nakilala ko.
Kumain kami ng niluto niyang puto. Masarap nga ang pagkakaluto niya at malinamnam, lasang-lasa rin ang gatas, hindi katulad ng binebenta sa bangketa o kaya iyong nilalako na lasang tubig lang dahil siguro ay tinipid.
"Bakit gano'n, hindi ka pa rin nagbabago?" tanong niya.
Inirapan ko siya pagkatapos ay ibinaba ang baso na ininuman ko ng tubig.
"Ikaw rin naman, hindi ka pa rin nagbabago."
Bahagya siyang ngumisi sa isinagot kong 'yon, iyong ngisi niya, para bang may itinatago siyang hindi maganda. Pero. . . siguro nagkamali lang ako ng nakita. Kilala ko si Denzel noon na madalas magkwento sa lahat. Ni wala nga yata siyang sikreto dahil madalas siyang pagchismisan ng mga kaklase naming babae. Kesyo narinig daw nila na ganito at ganyan, na ikinwento raw mismo ni Denzel.
Matapos kong kumain, nagpasalamat ako at umalis na kaagad. Hindi ko na planong manatili pa. Inalok niya pa nga akong ihatid pero tinanggihan ko na dahil masyado na akong naiilang.
Kinakapkap ko na ang susi ng pinto ng apartment ko nang mapahinto ako. Si Joah, papalapit sa kinatatayuan ko. Nanliit na naman ako dahil sa tangkad niya. 6 flat ang taas niya, malinis ang gupit, moreno at mapungay ang mga mata. Simple siya kung pumorma pero malakas ang dating. Marami ang mga babaeng nagkakagusto sa kaniya noon lalo na at basketball player siya noong highschool. Maraming naiinggit sa akin dahil nga bestfriend ko siya, pero kahit kailan, inaamin kong hindi ko siya nagustuhan katulad ng pagkakagusto ng ibang babae sa kaniya. . . Pero, aminado akong namiss ko siya. Iyong bestfriend kong masaya kong kasama sa kalokohan, noon.
"Rix, kung hindi ko pa tinanong si Nena, hindi ko pa malalaman kung nasaan ka," bungad niya sa akin.
Napailing ako bigla sa sinabi niya. Lintek! Sana pala nakalimutan na talaga ni Nena kung saan ako nakatira. Hindi kasi alam ni Nena ang dahilan kung bakit ako umalis sa bahay ni Joah. Wala akong pinagsabihan, maski kay mama hindi ko sinabi. Ayaw kong siraan si Joah sa mga mata ng iba. Kahit papaano, marami akong masayang ala-ala kasama siya.
"Bakit mo pa ako hinanap?"
"Kailangan mong bumalik sa bahay, tumawag sa akin ang mama mo at tinanong kung bakit hindi ka na niya ma-contact. Sinabi ko ang totoo, na umalis ka. . ."
Napaismid ako sa sinabi niya. "Talaga bang sinabi mo ang totoo?"
Kumunot ang noo niya, "Look, kung ano man ang ibinibintang mo sa akin, hindi 'yon totoo. Siguro naiilang ka lang sa akin dahil lalaki ako at babae ka. First time nating magsama sa iisang bubong. Rix, sa tingin mo ba talaga e, magagawa ko 'yon?" mahabang paliwanag niya.
"Akala ko rin, Joah. Akala ko hindi mo magagawa," sagot ko.
Humakbang siya palapit sa akin, pero hindi ko hinayaang mas makalapit pa siya. Nakita ko kung paano siya napalunok at kung paanong rumehistro ang kaba sa kaniyang mukha.
"Rix, hindi ko sinasadya ang mga 'yon, sa tingin ko na-misunderstood mo lang ang lahat. Please, nag-aalala ako sa'yo." Inikot niya ang paningin sa paligid at saka ibinalik ang tingin sa akin. "Hindi ako makapapayag na titira ka sa ganitong lugar, wala akong tiwala. Paano kung bigla ka na lang pasukin d'yan sa apartment mo habang tulog ka? Sinong tutulong sa'yo kung wala kang kasama?"
Lumapit ako sa pinto at sinusian ang seradura ng pinto, "Mas wala na akong tiwala sa'yo."
Nagpasalamat akong hindi na niya ako kinulit pa. Kasi kung ginawa niya `yon, tatawag ako sa barangay at irereport ko siya. Hindi madaling ibalik ang tiwala, isang beses niyang nagawa 'yon sa akin, inisip kong baka nagkamali lang ako ng akala at baka hindi niya sinadya. Pero nang nasundan pa ng pangalawa, pangatlo at ilang beses na niyang nagawa, hindi ko na iyon natiis pa. Palagi na akong naghihinala na baka gawin niya ulit, nawalan na ako ng tiwala. At hindi ako naniniwalang hindi niya 'yon sinadya.
Humiga ako sa papag at hinayaan kong lamunin ako ng antok at pagod. Masarap matulog nang ganito. Iyong wala nang papasok na kahit ano sa utak ko bago matulog. . .
-
"HALA! TOTOO BA ANG NANGYARI sa mga magulang ni Denzel?"
Iyon ang usap-usapan pagkapasok na pagkapasok ko sa school. Hindi ko alam kung anong nangyari sa mga magulang ni Denzel at wala rin naman akong pakialam. Pagkatapos ng panloloko niya sa akin kagabi, hindi ko na talaga siya gugustuhing kausapin pa.
Iignorahin ko na sana nang tuluyan ang mga usapan kung hindi lang ako sinalubong ni Nena.
"Bellatrix! Nabalitaan mo na ba?"
Napakamot ako sa ulo. "Ang alin ba? Kung tungkol 'yan sa mga magulang ni Denzel, wala akong pakialam. Issue ng mga magulang ni Denzel, papakialaman ninyo pa? Ang babata niyo, ang tsitsismosa na!"
Bumuga nang malalim na hininga si Nena at saka umirap.
"Pinatay ang mga magulang ni Denzel! Sa harap niya mismo, nakita niya kung paano sila pinatay! Ngayon, wala ka pa rin bang pakialam?"
Umawang ang labi ko sa sinabi niya. Nanlamig at nanginig ang buong katawan ko dahil sa natuklasan.
Ibig sabihin, totoo ang lahat ng mga sinabi niya sa akin kagabi? Ibig sabihin, hindi lang iyon masamang biro? Ibig sabihin, totoo iyong narinig kong mga sigaw at. . .
Putok ng bala!