"Hannah," mahina akong siniko ng kaklase kong si Rhea.
Mula sa pagmamarka ng highlighter sa pinag-aaralang aklat ay nag-angat ako ng tingin. Nginuso niya kaya bumaling ako sa dumating. Suminghap lang ako at binalik ang atensyon sa ginagawa.
Ramdam ko ang paghuhuramentado ng mga kagrupo sa presensya ni Troy doon. Umupo ito sa tabi ko. Bumuntong hininga ako. Wala na kaming matatapos nito.
Sinimulan kong magligpit ng gamit. Pagkatapos ay tumayo na. Kinuha na rin ni Troy ang mga libro ko.
"Kung okay lang ay mauna na ako," paalam ko at binigay na kay Rhea ang mga nagawa kong notes.
Tumango naman ang mga kagrupo namin at tinalikuran ko na sila. Nagsimula akong maglakad na maagap sinabayan ni Troy.
Batid ko ang atensyong nakukuha ni Troy sa paligid. Lalo na sa mga babae. Hindi siya dito nag-aaral. Sa mas exclusive na escuelahan sila pumapasok nila kuya Kenneth at Tristan.
"Busy na naman si Tristan." sabi ko habang palapit kami sa naghihintay niyang sasakyan.
Ang totoo ay nagtatampo ako sa palaging kawalan ng oras para sa 'kin ni Tristan. Ni hindi niya ako magawang ihatid o sunduin man lang sa escuela. Palagi naman niya akong pinapadalhan ng mga regalo, flowers at chocolates. Sobrang dalang nga lang niyang bumisita sa akin.
"Ano ba'ng pinagkakaabalahan ni Tristan," hindi ko na napigilan. Kahit pa alam at sanay na naman akong palaging studies niya ang rason.
Ayokong maging immature. Kailangan kong intindihin si Tristan at ang responsibilidad niya sa mamanahing pamamahala ng hospital nila. Isa iyon sa mga nagustuhan ko sa kanya. Ang pagiging responsable niya sa halos lahat ng bagay. Hindi katulad ng ibang puro party at pambababae lang ang alam gawin.
Tumingin ako kay Troy at halos irapan ko siya.
Pinagbuksan ako niya ako ng pinto ng kanyang kotse. Pumasok ako doon at umikot naman siya para makasakay na sa driver's seat. Sa pag-iisip ay nakalimutan ko nang magkabit ng seatbelt kaya si Troy na ang gumawa.
"Don't be sad, Hannah. Hindi naman nambababae si Tristan." bahagya siyang tumawa sa sinabi. Sinimulan niyang paandarin ang makina ng sasakyan. "He's just busy with his studies. 'Pag may panahon 'yon pupuntahan ka naman niya agad..." aniya habang nakatuon na ang atensyon sa daan.
Nagsimula ang paghahanda para sa nalalapit kong eighteenth birthday. Pinlano pa nila Tatay na idaos ito sa isang hotel ngunit hiningi kong dito nalang sa bahay at malawak din naman ang garden ni Nanay. Ayoko kasing gumastos pa. At dahil isa rin event organizer si ate Janice, na girlfriend ni kuya Ron, ay siya na ang umasikaso.
Suot ko na ang pinatahing gown nila Nanay. Na-makeup-an narin ako ng kinuhang makeup artist.
"Hannah pinapatawag ka na nila Nanay. Naroon na rin ang mga bisita sa baba." tawag sa akin ni ate Emily na girlfriend naman ni kuya Cris.
Tumango ako at sumama na kay ate palabas sa may garden. Binati ako ng palakpakan ng mga dumalo. Ginantihan ko rin ng ngiti ang mga ito.
Nakangiting naglahad ng kamay sa akin si Tristan. Siya ang escort ko sa gabing ito. Nakangiti ko rin pinatong sa kanya ang kamay ko.
Si Tatay ang aking first dance. Pormal ito sa suot na suit and tie. Naging emosyonal ito kaya hindi ko rin napigilan ang pamumuo ng luha sa aking mga mata.
"Parang kailan lang noong una kitang kargahin. Ang liit, liit mo pa noon at sobrang gaan na halos matakot akong kargahin ka." bahagyang tumawa si Tatay sa kabila ng maluha luhang mga mata.
"Tatay talaga," ngumuso ako. Naiiyak na rin.
Kung ipapanganak man akong muli ay sila pa rin ni Nanay ang pipiliin kong maging mga magulang. Para sa akin ay sila ni Nanay ang the best.
Sunod kong nakasayaw sila kuya Cris at kuya Ron na kahit sa kaarawan ko ay hindi pa rin nilubayan ng pang-aasar nila. Sa kabila no'n ay alam kong mahal nila ako. Ako lang kaya ang nag-iisa nilang kapatid na babae.
Sumunod akong sinayaw ng mga lalaking kamag-anak at ilang kakilala o kaklase.
Maligaya kong tinanggap ang nakalahad na kamay ni kuya Kenneth. Ang guwapo nito sa kanyang suit... Napangiwi ako sa sarili at pinilig ang ulo. Bakit ba naiisip kong pinupuri ko rin si Troy?! Sabagay ay kambal naman sila.
"You know Hannah, gusto talaga kitang maging kapatid." aniya na may mabait na ngiti sa mga labi. 'Pag si Troy 'yan ay ngisi. Hindi ko pa 'ata nakikitang ngumiti talaga ng ganito tulad sa kapatid niya ang isang 'yon!
Ngumiti ako sa sinabi ni kuya. Siguro ay sabik lang siya sa kapatid na babae at dadalawa lang sila ni Troy.
Mahina akong bumuntong-hininga nang si Troy na ang makakasayaw ko. Oo na at ang guwapo niya rin. Mukha siyang dashing villain sa suot na all black tux.
Hindi halos ako makatingin dahil nakatitig siya sa akin. Gusto ko siyang asarin na gandang ganda siguro siya sa akin ngayon pero alam kong ako lang din ang ma-a-awkward sa huli.
Naramdaman ko ang init sa aking magkabilang pisngi nang maalala iyong paghalik niya sa 'kin noon! Kahit matagal na 'yon ay malinaw ko parin naaalala.
Isang ngisi ang kumurba sa mga labi niya. Para bang alam niya kung ano ang naiisip ko. Napakagat ako sa pang-ibabang labi at patuloy na nag-iiwas ng tingin.
Bumalik lang siguro sa normal ang paghinga ko nang si Tristan ang kasayaw ko. Sinalubong ko siya ng isang matamis na ngiti. Nagsimula kami sa pagsasayaw.
"You're beautiful, Hannah." nakangiting aniya.
Hindi ko napigilan ang naramdamang kilig. Lalo siyang nagmukhang prince charming sa suot at ngiti n'yang 'yan.
"Tristan," tawag ko makaraan ang ilang sandali naming pagsasayaw.
Nagkatinginan kaming dalawa.
Noon pa man ay binalak ko ng sagutin siya sa aking eighteenth birthday. Gusto ko lang maging espesyal ang mga alaala naming dalawa.
"Sinasagot na kita," mahina kong sabi ngunit alam kong narinig niya.
Nanlaki ang mga mata ni Tristan at natigil kami sa pagsayaw. Mahigpit ko siyang niyakap.
Napawi nga lang ang ngiti ko nang namataan si Troy na nag-w-walk out sa party ko.
Hindi ko maalis ang mga mata sa likod niyang unti-unting nawawala sa paningin ko.