Nomi's PoV
PINAPANOOD ko ang aking kasintahan na nasa may sala at pinapagalitan ang mga nakababata nitong kapatid habang nakaupo naman ako sa labas ng maliit na bahay ng mga ito. Third year college kami ni Ryder noong maging kami. Una ko pa lang siyang nakita noon sa university crush na crush ko na siya hanggang sa maging varsity player ng basketball si Ryder at ako naman nasa cheering squad.
Hindi na ako nagpakipot dito at sinabi ko sa kanya noon na gusto ko siya. At hanggang ngayon inlove na inlove pa rin ako kay Ryder. Hindi lang kasi ito guwapo, responsable din at mabait. Higit sa lahat mapagmahal ito at maunawain.
Sa loob ng tatlong taon na naging magkasintahan kaming dalawa mas nakilala ko pa siya ng lubusan at minahal. Pilit ko siyang ipinaglalaban sa mga magulang ko at alam ko na matatag ang aming pag-ibig.
“Iha, pasensiya ka na kung nabasag ni Nestor iyong iniregalo mong cellphone niya,” hinging paumanhin sa akin ni Nanay Fe, ang Ina ni Ryder. Nasa tabi nito ang asawa na si Tatay Lukas.
Nakikinig kami sa panenermon ni Ryder sa nakababata nitong kapatid na si Nestor, fourth year highschool na magtatapos next month, samantalang si Rylan ay third year highschool at si Roy graduating student din sa elementary na kasabay ni Nestor na magtatapos.
“Okay lang ho, ‘nay. Hindi naman po sinadya ni Nestor. Nahulog niya habang naglalaro ng basketball,” nakangiting sabi ko rito.
“Nomi, anak. Hindi ka ba pagagalitan ng mga magulang mo kapag nalaman nila na nandito ka na naman sa bahay?” mahinang tanong sa akin ni Tatay Lukas.
Ngumiti na lamang ako rito at saka umiling. “Hindi naman po.” Gusto kong iparamdam sa kanila na nagugustuhan na ng mga magulang ko si Ryder. Kahit na ang totoo, pilit nila akong inilalayo rito.
“Iha, alam kong mahal na mahal ka ng anak ko. Kung may balak na kayong magpakasal, hindi kami tututol. Babasbasan namin ang inyong pagmamahalan,” sabi pa ni Nanay Fe na naluluha ang mga mata. “Handa kang ipaglaban ng anak ko kaya ganoon din kami para sa inyong dalawa.”
Niyakap ko si Nanay Fe, nangilid din ang luha sa aking mga mata na kaagad kong pinahid.
“Maraming salamat po, ‘nay,” naiiyak na sabi ko rito.
Hinaplos ni Nanay Fe ang aking likod. “Iha, mahal ka namin. Hindi ka na iba sa amin, alam mo iyan. Maraming salamat sa pagtanggap mo sa amin lalong-lalo na sa anak ko. Langit at lupa ang agwat natin sa isa’t isa at ikaw pa itong narito para sa amin.”
“Mahal na mahal ko rin po kayo ‘nay. Maraming salamat ho sa pagtanggap ninyo sa akin. Wala po akong pakialam sa estado ng mga buhay natin. Simpleng buhay lang po ang gusto ko na kasama si Ryder.” Mahigpit kong niyakap si Nanay Fe.
Sa totoo gusto kong umiyak dito at magsumbong. Ngunit hindi ko kayang gawin dahil alam kong maapektuhan ito kapag sinabi ko ang ginagawa ng mga magulang ko kay Ryder. Alam kong tinitiis lamang nito ang lahat dahil mahal na mahal niya ako.
“Baby…” Kumalas ako sa pagkakayakap kay Nanay Fe at tumingin sa aking kasintahan.
“Bhe, huwag muna kasing pagalitan si Nestor. Hindi niya iyon kasalanan at hindi naman mamahalin iyong cellphone na inire—”
Masama akong tinignan nito. “Mura man o mahal dapat na ingatan, baby.”
Hindi na ako sumagot dito. Kapag nagdidisiplina ito ng mga kapatid ay bawal kaming umimik. Kinakatakutan ng mga kapatid nito si Ryder dahil grabe ito kung manermon daig pa nito si Tatay Lukas.
“Ryder, anak. Sige na umalis na kayo ni Nomi para sa date ninyo. Kami na ang bahala ng Tatay mo na manermon dito kay Nestor,” ani Nanay Fe.
“Ate, sorry talaga. Magagawa pa naman iyon, e. Papalitan lang ng LCD kasi nabasag,” sabi naman ni Nestor na nagkakamot ng ulo.
“Saan ka kukuha ng pambayad mo?” seryosong tanong ni Ryder sa kapatid na akma sanang babatukan ito pero napigilan ko.
“Baby, naman. Hayaan mo na si Nestor na ipagawa iyong cellphone niya dahil may allowance naman siya.” Ang hindi alam ni Ryder nauna ko nang nakausap si Nestor kanina dahil nakasalubong ko siya sa palengke. Binigyan ko siya ng pera pampagawa sa nabasag nitong cellphone.
Malapit ako sa lahat ng kapatid ni Ryder. Hindi lang si Nestor ang binigyan ko ng cellphone kun'di ang dalawa rin nitong kapatid. Nagpakabit na rin kasi ako ng wifi ng mga ito noong nakaraang linggo at si Ryder naman ang nagababayad no’n monthly.
“Sige na nga. Nestor, kapag napagawa iyong cellphone mo at nabasag ulit, makakatikim ka sa akin ng palo!”
Tumango na lang si Nestor habang naiiling sa sinabi ng kapatid.
Hinawakan ko ang kamay ni Ryder at saka kami naglakad palabas ng bahay ng mga ito. Isinara pa nito ang lumang gate bago kami tuluyang umalis.
“Punta tayo sa mall para bumili ng damit na isusuot mo sa birthday ko?” mahinang pag-aaya ko rito.
Tumingin sa akin si Ryder na may lungkot sa mga mata. “Kailangan ba talaga?”
Hinaplos ko ang pisngi nito at saka tumango. “Kailangan dahil haharap ka sa mga magulang ko para alukin ako ng kasal.”
Biglang natigilan si Ryder sa sinabi ko. Nakatitig siya sa aking mga mata.
“Mahal na mahal kita, baby. Hindi ko kayang mawala ka sa buhay ko kaya magpapakasal na tayong dalawa.”
Bigla niya akong niyakap nang mahigpit sa gilid ng kalsada sa tapat ng nagtitinda ng barbecue.
“I love you so much, baby.”
Niyakap ko rin siya nang mahigpit kahit na pinagtitinginan kami ng mga tao sa aming paligid. “I love you more, baby.” Kumalas ako sa pagkakayakap dito at saka ko siya tiningala. “Halika na baka mahalikan na naman kita,” mahinang sabi ko rito.
Natawa ito sa sinabi ko. Sumakay kami sa tricycle at nagpahatid sa mall na nasa bayan. Gusto kong bilhan ng magandang damit si Ryder para magmukha siyang kagalang-galang sa birthday ko. Hindi dahil ikinakahiya ko siya kun'di gusto kong respetuhin siya ng mga kamag-anak namin, kasosyo sa negosyo at ng aking mga magulang.
MATAPOS naming bumili ng formal attire ni Ryder ay nagtungo kami sa isang canteen.
“Ako na ang magbabayad dahil malaki ang ginastos mo kanina sa mga damit at sapatos na binili mo para sa akin,” nahihiyang sabi nito sa akin.
“Wala iyon, baby. Sariling ipon ko naman ang pinambili natin. Mula ngayon hindi ka na p'wedeng tumanggi sa akin dahil magiging asawa mo na rin naman ako.” Hinawakan ko ang kamay ni Ryder at pinisil iyon. “Naiintindihan mo ba ako, baby?”
“Oo… nahihiya lang talaga ako.”
Malapad ko siyang nginitian. “Kung ganoon kailangan mo akong ilibre ng isang bote ng wine.” Kinindatan ko pa si Ryder.
Nagkamot ito ng batok at saka umiling. Alam na nito ang ibig kong sabihin. At hindi nito gusto ang ginagawa ko tuwing nalalasing ako.
“Pagkatapos nating kumain, ihahatid na kita sa inyo,” seryosong sabi nito sa akin bago ito nagtungo sa counter para mag-order ng hapunan naming dalawa.
Bumuga ako nang malalim habang nakatingin kay Ryder. Nag-vibrate ang cellphone na nasa aking hand bag. Kinuha ko iyon at binasa ang text messages sa akin ni Mommy. Pinapauwi na niya ako dahil may dinner daw kami kasama ng anak ni Tito Joseph na si Lyndon, ang tagapagmana ng Milano Corporation, alcohol drinks ang negosyo ng mga ito.
Ini-off ko ang cellphone ko at muling ibinalik sa aking handbag. Ayokong pumunta sa family dinner dahil alam kong irereto na naman ako ni Mommy sa anak ni Tito Joseph.
Gusto ni Mommy na mag-invest sa amin si Tito Joseph para makapag-expand kami ng negosyo sa ibang lugar. Masiyadong mataas ang ambisyon ni Mommy at ganoon din si Daddy. Ako lang ang nag-iisa nilang anak kaya ako ang gagawin nilang kasangkapan para maisakatuparan ang mga plano ng aking mga magulang, kahit na ang kapalit no'n ay sarili kong kaligayahan.
Hindi ko napansin si Ryder na nakalapit na pala sa akin. Nasa lamesa na rin ang mga pagkain na in order nito.
Relyenong bangus at adobong pusit. May dalawang malamig na softdrinks at dalawang order ng kanin.
“Baby, okay ka lang ba?” nag-aalalang tanong nito sa akin.
“O-Oo… halika na at kumain na tayo.” Pilit akong ngumiti kahit na sa loob ko ramdam ko ang malakas na pagtibok ng aking puso.
NANG matapos kaming kumain ng hapunan ay gusto akong ihatid ni Ryder sa bahay ngunit pinigilan ko siya.
“P'wede ba tayong mag-stay ngayong gabi na magkasama?” mahinang tanong ko rito.
“Baby…”
Malungkot akong tumingin dito. “One week ako sa Baguio next week bago ang birthday party ko. Magiging busy ako dahil sa mga trainings na pupuntahan ko at mamimiss kita.”
Bumuga ito nang malalim. Iniiwasan ni Ryder na magsama kaming dalawa dahil hindi namin kayang kontrolin ang aming mga sarili. Gusto nitong iharap ako sa altar na malinis, at sa loob ng tatlong taon hanggang intim@te touch lang kami at hindi pa nagtat@lik.
Luminga ako sa paligid at hinila ang kamay nito. “Halika na, baby.”
Wala iyong nagawa nang magtungo kami sa isang motel at doon mag-check in.
Habang nasa loob ng kuwarto ay natatawa na lang ito sa akin. Nagpabili kasi ako sa bellboy ng isang Alfonso Light at dalawang plastic ng cornik.
“Wala na akong masabi sa iyo, baby. Mas malakas ka na rin yatang uminom sa akin, e.”
Pilit akong ngumiti rito. Sa loob ko ang lungkot ko. Hindi ko alam kung ano ang gagawin ko para hindi mawala sa akin si Ryder. Pinagbantaan na ako ni Daddy na kapag ipinagpatuloy ko ang relasyon namin ni Ryder sisirain nito ang buhay ng kasintahan ko.
Inilapag ko sa lamesa ang pinabili kong alak. Kinuha ko ang paper bag na hawak ni Ryder at kinuha doon ang binili kong sleep dress kanina sa mall.
“Naka-ready ka pa talaga.” Nasapo na lang nito ang noo habang nakatingin sa akin.
“Huwag ka na ngang magreklamo diyan. Pakakasalan mo rin naman ako, e. Wait lang at maliligo ako. Mas masarap uminom ng alak kapag bagong ligo.”
“Nomi Marie Vicosta!” natatawang sabi nito sa buong pangalan ko.
Hinatak ko ang batok ni Ryder at kinagat ang ibabang labi nito. “Misis Nomi Marie Arandrea!” Pinisil ko ang matangos nitong ilong bago ko siya talikuran.