Chapter 1

2197 Words
Amanda Pabustan “Oh Amy, ito na sahod mo.” Inabot ni Seyang ang limang daan sa palad ko. Ngumiti ako sakaniya at nagpasalamat nang bigla naman siyang mag-abot ng isang libo na dinukot niya mula sa bulsa na ikinagulat ko. “Ito, tulong ko nalang sa’yo ah. Dadalaw ako bukas kay Dang Tina.” Halos manubig ang mga mata ko sa galak dahil sa kabaitang ipinapakita saakin ni Seyang. Nahihiyang ngumiti ako saka siya niyakap. “Maraming salamat Seyang! Pangako at babawi ako sa’yo pagdating ng araw!” Pagpapasalamat ko habang nakayakap sakaniya. Naramdaman ko naman ang hagod niya sa likod ko nang suminghot ako. “Hindi ka na iba saakin at si Dang Tina.” Humiwalay na ako sa yakap saka pinahiran ang butil ng luha na kumawala sa aking pisngi. “Sige na Amy at baka abutin ka pa ng curfew sa daan, mag-iingat ka.” Muling paalam niya kaya’t tumango na ako, muli akong nagpasalamat saka na lumabas ng salon na pinagtatrabuhan ko. Seyang Salon. Si Seyang ang may-ari at matalik ko siyang kaibigan, isa siyang bakla at napakaswerte ko dahil nakilala ko siya at naging kaibigan. Nag-umpisa na akong maglakad papunta sa sakayan ng tricycle. Napahinga ako ng malalim at napapikit nang maramdaman ko ang sakit saaking batok, buong-araw kasi akong nagtrabaho at marami-rami ring kostumer itong salon ni Seyang na kakabukas lang tatlong buwan na ang nakalilipas. Halos isang taon na rin noong tumigil ako sa pag-aaral, na kapag naaalala ko ay nadudurog ang puso ko. Nawala ang scholarship ko dahil sa pagpapaliban sa klase, nagkasakit kasi ang nanay ko at kaming dalawa nalang ang magkasama sa buhay kaya’t ako lang ang nag-asikaso sakaniya. Mag-iisang taon na rin na comatose si Nanay dahil naatake siya sa puso at mula noon ay hindi pa siya nagigising at sa isang taon na lumipas ay palipat-lipat ako ng trabaho para may pang-tustos sa araw-araw na gastusin at gamot ni Nanay. Pagdating ko sa sakayan ng Tricycle ay mabuti nalang at may isa pang natira. Malalim na rin kasi ang gabi kaya’t hindi nakapagtatakhang wala na ang ibang mga namamasada. “Akala ko ay hindi ka na darating,” Napatingin ako sa nagsalita at pamilyar ang boses na iyon, napangiti ako nang makita ko si Mang Tonyo na tumayo mula sa bench ng toda nila saka na sumakay ng tricycle niya. “Mang Tonyo! Hinintay niyo po ba ako?” Nakangiting tugon ko nang buksan niya ang pintuan ng tricycle niya. “Oo, kanina pa dapat ako uuwi pero baka wala kang masakyan papuntang ospital. Alam ko kasing halos doon ka na umuuwi.” Para naman na hinaplos ang puso ko sa sinabi niya. Sumakay na ako sa tricycle. Si Mang Tonyo ay isang tricycle driver at mula nang magtrabaho ako kay Seyang ilang buwan na ang nakalilipas ay palaging siya ang nasasakyan ko ‘pag babalik na ako ng ospital na disoras ng gabi. Nakatira kasi siya malapit sa ospital at parang naging Tito ko na rin siya dahil naging close kami kalaunan. Pinaandar na ni Mang Tonyo ang tricycle saka na ito pinasibad. Isa ito sa mga rason kung bakit nagagawa kong maging positibo sa buhay sa kalagitnaan ng hirap. May mga tao pa rin na handang tumulong sa’yo at magpakita ng kabaitan kaya’t alam kong hindi pa rin ako pinababayaan ng Diyos. “Kumusta na ang Nanay mo, Ineng?” Dinig kong tanong ni Mang Tonyo habang nagmamaneho ito. “Ganoon pa rin po, hindi pa siya nagigising.” Malungkot na sagot ko. “Napakabuti mong anak Amy, hindi mo talaga pinabayaan ang Nanay mo pero huwag kang mawalan ng pag-asa at magigising rin ang Nanay mo. Kung buhay pa lang sana ang anak ko ay siguro magkasing-edad na kayo,” Sa huli ay nahimigan ko rin ang kalungkutan sa boses ni Mang Tonyo. “Kayo rin po Mang Tonyo, mabuti rin kayong asawa sa asawa niyo dahil hindi niyo siya iniwan ano man ang nangyari. At napakabuti niyo pong tao, panigurado ako at proud na proud ang anak niyo sainyo.” Sagot ko. Ang anak kasi niya ay namatay noong limang taong gulang palang ito dahil sa isang aksidente na pagkakabangga ng rumaragasang truck. Minsan na ring nabanggit ni Mang Tonyo saakin na parang nakikita niya ang yumao niyang anak saakin. Kagaya ng sinabi niya kanina na kung buhay lamang ang anak niya ay magkasing edad na kami nito. Ito rin siguro ang dahilan kung bakit palagi akong hinihintay ni Mang Tonyo, upang masiguradong ligtas akong makakapunta sa ospital sa lalim ng gabi. Napakabuting tao. Isang malungkot na ngiti ang sumilay saaking labi. Hindi ko alam ang pakiramdam ng pagmamahal ng isang Ama. Mula kasi noong isinalang ako ay wala na ang tatay ko, ang sabi ni Nanay ay iniwan niya kami at nag-asawa ng iba, pero mula nang magkaisip ako ay parang nagdududa ako sa mga reaksyon ni Nanay tuwing magtatanong ako tungkol sa tatay ko, para kasing may kalungkutan at pangungulila sa mga mata niya. Kahit gaano ko kagustong ipagsalawang-bahala at tuluyang kalimutan ang tungkol sa tatay ko ay hindi ko magawa. Paminsan-minsan ay hinahanap ko rin ang aruga ng isang Ama. Sa loob ng 23 taong kong pamumuhay ay ni minsan hindi ko pa nakita ang itsura ng aking Ama. Ilang minuto ang lumipas ay kaagad rin kaming nakarating sa ospital. Bumaba na ako saka na nagbayad kay Mang Tonyo. “Maraming salamat Mang Tonyo, mag-iingat ka sa pag-uwi.” Paalam ko sakaniya kahit malapit lang ang bahay niya rito, tumango lang siya habang nakangiti. “Mag-iingat ka rin, Ineng.” Sambit niya saka na tuluyang umalis. Hinintay ko pang makalayo si Mang Tonyo bago tumalikod at maglakad papasok ng ospital. Dire-diretso lang ako hanggang sa makarating sa silid na kinaroroonan ni Nanay. Sakto naman na may nadatnan akong nurse na mukhang tinitingnan ang kalagayan ni Nanay, kaagad kong ibinaba ang sling bag ko sa upuan saka ito nilapitan. “K-Kumusta po ang Nanay ko? Wala bang nangyari o nagbago sa buong araw?” Bungad ko sa nurse na napalingon saakin, pagkatapos nitong magsulat sa hawak na record ay umiling lamang ito na ikinabagsak ng balikat ko. “Wala pa rin. Siya nga pala, ito prescription ng Doctor para sa susunod na linggo, magpunta ka nalang sa may parmasya ng ospital para magbayad at magtuloy-tuloy ang maintenance ni Nanay.” Wala akong nagawa nang iabot ng nurse saakin ang piraso ng papel. Tumango nalang ako saka na ito nagpaalam, napatitig ako sa mumunting papael na hawak ko. Ito ang mga medisinang itinuturok kay Nanay para mapanatili ang kalusugan niya habang naka-comatose siya. Napabuntong-hininga ako saka na lumapit sa tabi ni Nanay. Halo-halo na ang nararamdaman kong pagod, hirap at pangungulila sakaniya kaya’t nanunubig ang mga matang nakatitig sa mukha ni Nanay na pawang natutulog lang habang may nakakabit na oxygen sa bibig nito. “’Nay, nakauwi nako galing trabaho, kumain na rin ako at ayos lang naman na lumipas ang araw ko. Ikaw, kumusta ang araw mo?” Pagkausap ko kay nanay kahit na alam kong hindi ito sasagot. Ang sabi kasi ng Doctor ay maaaring paminsa-minsan ay naririnig nito ang mga ingay sa paligid kaya mas mabuting kausapin ito palagi. Umupo ako sa isang upuan sa gilid ng kama niya saka hinawakan ang kamay niya. Kita ko ang pag-hihirap ni Nanay mula bata pa ako para lang hindi kami magutom at mairaos ang pamumuhay namin sa araw-araw kaya’t ni minsan ay hindi ko iisiping hayaan na lang si Nanay, mahal na mahal ko siya higit pa sa sarili ko. “Nga pala, binigyan tayo ulit ni Seyang ng pera bilang tulong sa pambili ng mga gamot. Ang bait niya ‘no ‘Nay? Kaya gumising kana diyan nang sabay natin na mapasalamatan si Seyang sa hindi niya pag-iwan saatin kahit hindi niya tayo kaano-ano.” Patuloy lang ako sa pagsasalita. Sa gabi ay dito ako dumidiretso para makasama si Nanay, gabi-gabi ko rin siyang kinukwentohan, at sa umaga naman ay doon ako umuuwi sa bahay namin para makapagpalit ng damit saka ulit magtatrabaho. Ganito ang naging routine ko sa loob ng isang taon mula nang ma-comatose si Nanay. Suminghot ako saka pinahiran ang luhang pumatak sa pisngi ko, habang nakatitig ako kay Nanay ay napahilig ang pagod kong katawan sa gilid ng kama niya habang nakatitig pa rin sakaniya at hindi ko narin namalayan na nahila na ako ng antok.   Kinaumagahan, napangiwi ako at bahagyang umungol nang maramdaman ko ang pangangalay ng batok ko kaya’t napahimas ako roon saka nag-inat, hindi pa malinaw ang paningin ko dahil sa kakagising ko lang pero naramdaman kong may nahulog na parang tela mula sa likod ko nang umupo ako ng diretso sa kinauupuan ko. Saglit akong natigilan. “You’re awake.” Mabilis akong napalingon sa taong nagsalita, gulat ang mga matang napatitig ako sa taong nagsalita habang hindi maiproseso ng utak ko ang nakikita ko. “T-Theon?” Medyo paos at gulat na sambit ko sa pangalan niya. Nakasandal ang likod nito sa pader habang nakakrus ang mga kamay sa dibdib at nakaharap sa gawi namin ni Nanay. “Kumusta ka, Amanda?” Nang magsalita siya ay mabilis akong napatayo, napatingin pa ako sa sahig at nakita ko ang isang kulay gray na coat, mabilis ko iyong pinulot saka muling tiningnan si Theon ng hindi makapaniwala. “A-Anong ginagawa mo rito? Bakit hindi ka man lang nagsabi?” Hindi ko pa alam kung tatawa ba ako o mahihiya habang naglalakad papalapit sakaniya. Tumingin ako sa may kalumaan ko nang pambisig na orasan saka ako napakunot-noo at muling tumingin kay Theon, “Ang aga mo!” Gulat na palahaw ko. Bahagya naman siyang natawa nang bigla niyang abutin ang buhok ko at naramdaman kong parang inayos niya ito, malamang ay nagulo ito habang natutulog ako, nakaramdam naman ako ng kaunting hiya kaya’t mabilis kong pasimpleng iniwas ang ulo ko saka ko na ito mag-isang inayos. “May kikitain akong tao malapit rito sa lugar niyo mamaya kaya naisipan kong dumalaw rito.” Dinig kong sagot niya saka ko naman nakita ang pagsulyap niya sa gawi ni Nanay. “Kaya naman pala. Salamat at nag-abala ka pa,” Pagpapasalamat ko saka tipid na ngumiti sakaniya, umalis naman siya mula sa pagkakasandal sa pader saka ako nilagpasan, sinundan ko naman ng tingin ito. Theodore Salvatore or known as ‘Theon’, matalik ko siyang kaibigan pero bihira lang kaming nagkikita dahil busy ito sa buhay niya lalo na at ibang-iba ang estado ng buhay nito kumpara sa buhay na meron ako dahil mayaman siya at isa pa ay hindi siya rito sa probinsya nakatira. Matanda siya ng ilang taon saakin, matangkad at matipunong lalaki si Theon, gwapo ito at sa unang tingin palang ay sumisigaw na ang karangyaan nito sa buhay dahil sa pananamit at nakaka-intimidang tingin nito. “I brought some food because as expected you’re still sleeping here in the hospital at night.” Nakita kong lumapit siya sa nag-iisang table rito sa hospital room, doon ko lang napansin ang iilang mga paper bag na ngayon ay kinakalikot na ni Theon. Mabilis ko siyang nilapitan, “Ikaw talaga, sobrang abala na ito sa’yo.” Kumento ko saka na siya tinulungan sa pag-aayos. Sa totoo lang ay hiyang-hiya na ako sa taong ito, siya kasi ang nagbabayad sa pag-sstay ni Nanay rito sa hospital mula noong ma-coma siya. Kaya sa tuwing magkikita kami o dadalaw siya rito ay hindi ko alam ang magiging reakyon, may halong tuwa at saya pero minsan ay nangingibabaw ang hiya. Labis-labis na ang ginawa niyang iyon at hindi naman namin inasahan na magtatagal ang pagka-comatose ni Nanay kaya noong sinabihan kaming kailangan ni nanay ng mga tinuturok na gamot na pang-maintenance kahit na naka-coma ito ay hindi ko na pinaako kay Theon, sobra na kasi ang naitulong niya saakin. “You still haven’t answered my question, how are you, Amy?” Pagsasalita niyang muli, ngumiti lang ako sakaniya. “Ayos lang ako, kinakaya pa naman.” Simpleng sagot ko, kita ko ang saglit na pagtitig saakin ni Theon na parang hindi ito kumbinsido kaya napaiwas ako ng tingin. “Panigurado hindi ka pa din kumain, sabay na tayo.” Aya ko sakaniya para mawala ang titig niya saakin na parang gusto pa niyang magtanong. At hindi pa nga siya kumain ng umagahan kaya sinabayan niya akong kumain ng pagkain na dala niya na mukhang sa isang fast food chain galing. “Eh ikaw? Kumusta ka? Kumusta ang buhay sa lungsod? Kumusta ang buhay bilang boss? Sinusungutin mo pa rin ba ang mga empleyado mo?” Sambit ko habang kumakain kami. Nagkibit-balikat lang siya, “Alam mo naman na sa’yo lang ako nakikipag-usap ng ganito.” Sagot niya, napabuntong-hininga nalang ako saka napailing-iling. “Panigurado at lagpas na sa bilang ng daliri ang mga empleyadong sinisante mo sa loob ng ilang buwan na hindi tayo nagkita.” Natatawa na saad ko. Napabuntong-hininga lang si Theon at kita ko ang pagsasalubong ng kilay niya, “Hindi ko kasalanan na tatanga-tanga sila at sinasagad nila ng pasensya ko.” Matalim na sagot niya. “Oh ‘di ba! Tama ako! Hay nako Theon! Malala ka na.” Naiiling na sambit ko.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD