KWARENTA y medya bago mag-alas dose ng hating gabi. Pagod na pagod na binabagtas ni Cassandra ang daan pabalik sa kanilang munting tahanan.
Sinasadya niyang bagalan ang paglalalakad dahil hindi pa niya alam kung paano sasabihin sa kaniyang mga kapatid ang natanggap na masamang balita. Nanghihina ang kaniyang mga kalamnan sa lamig at sa pagluluksa.
Gusto na niyang ipikit ang mga mata ngunit natatakot siya na baka hindi na niya hilinging gumising pa kinabukasan.
"Ate?"
Tumigil sa paghikbi si Cassandra noong marinig ang boses ng kapatid niyang si Toto. Tinakpan niya ang kaniyang mata dahil malakas ang ilaw ng sulo na hawak nito.
"Kumusta? Nai-report mo na sa mga pulis iyong nangyari? Anong sabi nila? Hinahanap na ba nila si papa?"
Mas lalong sumikip ang dibdib ni Cassandra dahil dumating na ang kinakatakutan niya. Gusto niyang sagutin ng masayang balita ang kaniyang kapatid ngunit ayaw niyang magsinungaling dito.
Mas lalo lamang silang masasaktan kapag kumatok na sa kanilang bahay ang kabaong kung saan nakasilid ang kanilang ama.
"Ahm, sa bahay na natin pag-usapan ang tungkol doon. Masyadong malamig dito sa labas," sabi ni Cassandra kay Toto.
"Umiyak ka ba, te? Namumula ang mata mo."
Ang akala ni Cassandra, makakaligtas siya at maitatago niya iyon kay Toto. Pero noong tanungin siya nito, wala na siyang ibang nagawa kung hindi ang bumutonghininga.
"Dahil 'to sa lamig. Naglakad lang ako tsaka marami akong nakakasalubong na gamo-gamo. Di naman maiiwasang may makapasok sa aking mata," pagsisinungaling niya.
Hindi ko mawari kung bakit kailangan niyang itago sa kapatid ang katotohanan. Kung aaminin niya rin naman sa kanila mamaya ang totoong sinapit ng kanilang padre de pamilya? Bakit ang maliit na bagay na iyon ay ipinagkait niya pa sa kaniyang kapatid na concern lang naman sa kaniya?
Mukhang hindi lamang si Toto ang naghihintay may Cassandra kung hindi pati na rin iyong dalawang bubwit nilang kapatid na nakaupo sa sahig sa loob ng kaniyang bahay. Kaagad silang tumayo noong matanaw ang kanilang ate at kuya.
Masaya ang dalawa na makitang nakabalik na ang kanilang ate ngunit ang guhit sa kanilang mukha ay mabilis ding maglaho noong mapagtanto nilang wala ang inaabangan nilang tao.
"Ate... nasaan si papa?" tanong ni Pampam.
"Nai-report na ni ate sa pulis ang nangyari kay papa. Hinahanap na nila ito kaya bukas uuwi na 'yon si papa, di ba, te?" tanong ni Toto kay Cassandra pagkatapos nitong magpaliwanag kay Pampam kahit di pa niya naririnig sa panganay na kapatid kung totoo ngang nai-report niya nga ito.
"Totoo, ate? Uuwi na bukas si papa?"
Gustong sagutin ni Cassandra ng oo ang bubwit dahil totoo namang uuwi na bukas ang kanilang papa ngunit uuwi ito nang wala ng buhay.
"May kailangan kayong malaman. Halika sa loob," aya ni Cassandra. Inakay niya iyong dalawang bata papasok tapos dumiretso sila sa munti nilang kwarto at doon naupo.
Huminga nang malalim si Cassandra. Handa na siya. Ayaw na niyang patagalin pa ang gabing ito dahil mas mabigat ang sasapitin nila bukas.
"To, Pam, Jek... si papa, uuwi na bukas."
"Talaga! Yey!!"
"Shh... wag masyadong maingay Pam at natutulog si mama," saway ni Jekjek.
CASSANDRA
Anong gagawin ko? Masyadong mabigat sa akin ang basagin ang kanilang pag-asa. Hindi pa humuhupa iyong sakit sa puso ko noong makita kong wala nang buhay si papa tapos ngayon naman, ako ang babasag sa ngiti sa kanilang mukha.
"Ate? Anong nangyari sa pagpunta mo sa pulisya? Bakit ka umiiyak?" kuryosong tanong ni Toto.
Hindi ko na iyon sasagutin dahil didiretsuhin ko na sila. Gusto ko na 'tong matapos nang makapagpahinga kahit saglit, kung papayagan man ng Panginoon na makapagpahinga.
"Si papa... wala na siya. Uuwi siya bukas na hindi na natin siya makakausap, hindi niya na tayo makikita," panimula kong wika. Tumigil ako kasi di ko na kayang pigilan iyong iyak ko, puno na 'yung mata ko.
"H-Ha? Paanong wala? Anong nangyari kay papa, te?"
Nagsimula nang mag-ingay sina Jekjek at Pampam. Siguro nahawa na rin sila sa pag-iyak ko o nakuha na nila kaagad ang gusto kong sabihin.
"May pumatay kay papa... hindi pa alam ng mga pulis. Wala na siyang buhay noong makita ko siya."
Ibinuhos kong lahat ng aking luha, ng sakit habang sinasabi ko iyon. Hindi ako makatingin sa mata ng mga kapatid ko dahil baka hindi ko na kayanin.
Nag-iyakan kami sa ilalim ng papalubog na buwan. Makakabot kaya da kalangitan ang palahaw naming magkakapatid? Kung oo...
Panginoon, bakit mo hinayaang mawala sa amin ang aming ama? Bakit siya pa ang kinuha niyo? Hindi pa ba sapat ang hirap na dinaranas ng pamilya namin? Akala ko ba kayo ang Diyos ng awa? Bakit ganito po ang nangyayari sa amin ngayon? Itong sakit na nararamdaman namin, kailan lalayo? Ang pagdurusa namin ay kaylan hihinto? Anak niyo rin kami? Pero bakit di po namin ramdam?
Talaga po bang ito ang plano niyo sa amin? Ang malugmok? Hindi naman po kaya napaka-unfair no'n? Wala kaming ibang hiningi sa inyo kung hindi ang mairaos ang aming pang-araw-araw... ni minsan hindi kami nagnais nang labis. Si papa at mama na lang ang lumalaban sa amin sa mundong ito tapos kukunin niyo pa po 'yung isa?
Ang sama ng loob ko ngayon...
Patawarin niyo po ako pero kinukwestyon ko po kung bakit niyo ito hinayaang mangyari sa amin.
KINABUKASAN, kalat na sa mga nakakakilala kay Facundo ang nangyari. Kakaunti lamang ang dumalo, iyon lamang talagang tunay na nagmamalasakit ang pumunta upang silipin ito sa huli nitong araw sa lupa. Dahil walang sapat na pera upang ipanggastos sa mga bisita, napagpasyahan ni Cassandra na isang araw lamang nilang paglalamayan ang ama. Iyon din lang kasi ang ibinigay na sustento ng munisipyo sa kanila.
Kapag gusto pa nilang magdagdag ng araw, sila na ang gagastos at hindi na sasagutin iyon ng munisipyo.
"Anong balak mo ngayon, Cassandra? Hindi kaya ito na ang senyales mula sa langit na kailangan mong tumuloy sa kasunduan natin? Kailangan mong pag-isipang mabuti iyon, Cassandra. Wala nang tututol sa iyo... este wala nang bubuhay sa inyo kung hindi ikaw na lang. Wag mong sabihin sa aking mangangalakal ka? Gasino ang 200-300 pesos sa buong maghapon, ha. At saka di mo alam kung marami kang makukuha dahil marami na ring nangangalakal sa daan," wika ng tiya ni Cassandra, pinsan ng ama nitong namatay.
"Pwede po bang bukas na po natin pag-usapan ang tungkol doon, tita? May pinaglalamayan po ang pamilya namin, gusto ko po sanang sulitin ang huling araw na ito na makakasama namin si papa dahil hindi na namin siya makikita bukas," mahinahong pakiusap ni Cassandra sa kaniyang tiya.
Hindi nakapagpigil ang matanda at nataasan ng kilay ang kaniyang pamangkin. "Sige... sana bukas ay matauhan ka na. Ako ay tumutulong lang. Matuto kang tumanggap dahil hindi naman kita dinadala sa masamang landas, di ba?"
"Opo at nagpapasalamat po ako sa inyo dahil doon. Pero sana po sa pagkakataong pong ito, ilugar niyo po sana. Gusto lang po talaga namin ng mapayapang araw para po sa tatay po namin," ani 'ya.
"Tsss... para namang ginugulo ko kayo. Magpasalamat kayo't nag-abot ako ng abuloy, may pangkakain kayo mamaya. Oh siya, aalis na kami. Aasahan ko ang pasya mo bukas, Cassandra... Condolence ulit."
Pagkatapos ng pag-uusap ng dalawa ay umalis na ang ginang kasama ang anak nito. Kaagad na lumapit si Toto sa kapatid noong makakita na ng oportunidad. "Anong pinag-usapan niyo, te? Wag mong sabihin sa aking inaalok ka na naman niyang magtrabaho? Ate, wala ka pa sa hustong edad para pumasok bilang katulong..."
"To, kailangan kong makipagsapalaran para sa inyo. Pasensya ka na, pero-- wala na akong ibang maisip na paraan para maitaguyod ang pamilya natin. Hindi sapat ang pangangalakal para sa gastusin dito sa bahay. Isama pa ang gamutan ni nanay at ang utang na babayaran natin kay tiya. To, alam kong tutol ka pa rin... pero kailangan ko ng suporta mo ngayon, suporta niyong lahat dahil iyon ang magiging lakas ko sa papasuking bagong mundo."
Ito ang unang beses na narinig ni Toto na humingi ng pakiusap ang kaniyang ate. Gusto niyang tumulong sa pamilya at balak sanang sabihin dito na hihinto na lang siya sa pag-aaral para magtrabaho ngunit hindi na lang niya iyon sinabi.
"Sige te... kung iyan na ang naisip mong sulusyon... susuportahan ka namin," tugon ng binatilyo.
Noong marinig iyon ni Cassandra, niyakap niya nang mahigpit ang kapatid. "Salamat... maraming salamat. Pangakong hindi na mangyayari itong muli. Hindi na tayo magiging punching bag ng kahirapan, ng kawalang hustisya. Pag-iigihan ko sa Maynila para sa inyo... hmmm? Iaahon ko kayo rito, pangako iyan ni ate."