CASSANDRA
Alas otso na ng gabi, malamig na ang kanin sa kaldero ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nakakabalik si papa. Nakatambay ako rito sa munti naming balkonahe sa labas lang ng pinto ng aming bahay, nakadungaw sa daanan, umaasang makita na ang anino nito.
"Te, pasok ka na sa loob, malamok sa labas," aya ni Toto. Tumango lamang ako't hindi binigyang pansin ang kaniyang sinabi. Nakasuot naman ako ng jogging pants na nakuha ko sa basurahan noong huli kong pangangalakal kaya di ko iniisip masyado ang lamok.
"Darating na lang 'yun si papa, pumasok ka na. Baka nakahanap na ng trabaho kaya ginabi masyado."
Kinuskos ko ang aking kamay sa magkabila kong balikat upang tanggalin ang lamig na yumayakap sa aking katawan.
"Hindi ba't masyado namang gabi na? Kung nag-overtime man siya sa trabaho niya, sana ngayon ay nakauwi na siya. Saan naman kaya siya nakatagpo ng trabaho at inabot na siya ng ganito?" tanong ko sa kawalan.
Labis na akong binabagabag ng pag-aalala. Hindi man aminin ni Toto, alam kong pareho kami ng nararamdaman. Pati sina Pampam at Jekjek ay walang humpay akong tinatanong kung anong oras uuwi si papa dahil alam nilang may dala itong pasalubong para sa kanila.
Kung hindi ko lang sila pinagsabihan na kailangan na nilang matulog dahil may pasok pa sila bukas, paniguradong naghihintay rin sila katulad namin ni Totoo ngayon.
"Maghihintay ka rin?" tanong ko kay Toto. Hila-hilw na niya ang upuan na monoblock tapos tumabi sa akin.
"Baka kasi mabagot ka kapag mag-isa ka lang dito," ani 'ya.
Sumilay ang maiksing ngiti sa aking mukha. Tama ako ng hula, nag-aalala rin siya kay papa.
"Kumusta ang klase mo kanina? Nakinig ka ba nang mabuti sa iyong guro?" tanong ko. "Paano ako makakapakinig nang mabuti kung puro panunukso ng mga kaklase ko ang naririnig at iniintindi ko."
"Edi wag mong intindihin. Alam mo, papansin lang sila... titigil din ang mga iyon kapag di mo sila pinatulan."
Nagpakawala ng mabigat na buntonghininga ang kapatid ko't nagkibit-balikat pa. "Kung pwede ko lang hindi sila intindihin, ginawa ko na. Kaya ko namang tiisin ang pangungutya nila sa akin, pero iyong idamay kayo? Hindi mananatiling nakasara ang aking bibig," sabi niya sa akin.
Napuno ng kuryosidad ang aking utak sa sinabi ni Toto. "An-Ano bang sinasabi nila?"
"Na, wala raw kayong silbi. Na ang malas ko raw dahil napunta ako sa mahirap at tamad na pamilya. Siguro raw gabi-gabi kong hinihiling na sana'y sa ibang pamilya na lang ako ibinigay ng Diyos... iyong may maayos na bahay, maraming pagkain."
"Ni minsan ba, hindi mo hiniling na sana nararanasan mo ang gano'ng buhay? Ayos lang naman kung sasabihin mo sa akin ang totoo," sabi ko nang may paghahamon.
"Ate... ni minsan hindi ko hiniling na maging mayaman na ako lang. Gusto ko, kung titira ako sa malaking bahay, kung makakakain ako ng masarap na pagkain, gusto ko kasama ko kayo. Kung bibigyan akong muli ng Diyos ng pagkakataong makapili ng pamilyang sasamahan ko, pipiliin kong maging mahirap kasama niyo kesa mapunta sa mayamang pamilya pero di ko kayo kasama," mahaba niyang tugon.
Hindi siya nakatingin sa akin kung hindi sa malawak na kalangitan. Para akong sinampal ng mga salitang lumabas sa kaniyang bibig.
Mas bata siya sa akin pero ang pag-iisip niya mas matured. Bilib ako kay Toto. "Nagpapasalamat ako sa Panginoon na kapatid kita, To. Na parte ka ng pamilya namin," sabi ko sa kaniya.
Tumingin siya sa akin tapos ngumiti. Iyong mata niya ay nangingilid ng luha. Sa aming dalawa, ako nga dapat ang maiyak dahil nakaka-touch iyong sinabi niya.
Ngayong gabi, may natutunan akong mahalagang aral mula sa sinabi niyang iyon. Na walang mas mahalaga sa mundong ito kung hindi ang pamilya.
"Ako ang dapat na magpasalamat dahil binigyan niya kami ng ate na katulad mo. Na handang gawin ang lahat para sa ikabubuti namin. Wag mo na lang sanang maisip na iwan kami para sa pera dahil hindi lang ikaw ang pwedeng maghanap buhay, nandito ako... sasamahan kitang mangalakal," ani 'ya.
"Nakuuu... ang atupagin mo ay iyong pag-aaral mo, ha? Kung may tutulong kay papa sa pagbabanat ng buto? Ako iyon, dahil ako ang panganay," sabi ko sa kaniya habang ginugulo ang buhok nito.
Habang nagkakasiyahan kami ni Toto, hindi namin namalayan na lumabas na rin ang kapatid naming si Pampam.
"Ate, wala pa si papa?" garalgal na tanong niya habang kinukusot-kusot pa ang isang mata. Mukhang naalimpungatan ito. Pati siguro sa panaginip ay iniisip niya si papa.
"Ahm, wala pa, be. Pero parating na iyon. Gigisingin na lang kita kapag nandito na siya, ha? Balik ka na ro'n sa loob, malamok dito. Tabihan mo si Jekjek do'n," sabi ko sa kaniya.
"Ehhh... hihintayin ko si papa." Bumaba ako sa kinauupuan ko dahil bigla na lang umiyak si Pampam. Hinawakan ko ang kaniyang balikat tapos ang isang kamay ay ipinampunas ko sa kaniyang luha.
"Tahan na... bakit ka umiiyak? Darating naman 'yun si papa. Baka na-traffic lang kaya wala pa rin," paliwanag ko.
"Gusto kong makita si papa! Ayaw kong matulog kapag wala pa si papa!"
Tumingin ako kay Toto. Humingi na ako ng tulong dahil mas lalong lumalakas ang iyak ni Pam, baka magising si nanay tapos si Jekjek ss loob.
"Pam, tara na. Gigisingin ka naman ni ate kapag dumating na si papa. Wag nang umiyak, sige ka maririnig ka ng kapre dyan."
Sinamaan ko ng tingin si Toto dahil bakit kailangan niya pang takutin si Pampam? Baka mas lalong hindi matulog. "Si papaa! May dugo si papa!"
"Huh? Dugo? Walang dugo iyon," sabi ko. Baka dinalaw ng masamang panaginip si Pampam, kawawa naman.
"Siya, To, ikaw na muna ang magbantay rito, ha? Tatabihan ko lang ito."
Inaya ko na si Pam na pumasok na sa loob. Kinarga ko na siya para hindi na makapalag. Alam ko rin namang inaantok pa siya dahil hindi nakamulat nang husto ang kaniyang mata.
"Napanaginipan mo ba si papa, hmmm? Kaya ka bumangon sa higaan?" mahinahong tanong ko sa kaniya.
Kaagad itong tumango tapos nagsalita, "M-May dugo si papa sa katawan. Ti-Tinatawag niya ako. Gisingin daw kita. K-Kasi humihingi si papa ng tulong sa iyo." Utal-utal ang kaniyang pagsasalita dahil sa labis na pag-iyak.
"Shhhh... panaginip lang iyon, ha? Hindi nangyayari iyon sa totoong buhay kaya tahan na, Pam. Uuwi iyon si papa ngayong gabi. Makita mo mamaya, gigisingin ka ni kuya," wika ko bago siya ihiga sa banig.
Tumango ito tapos niyakap na si Jekjek. Tumabi ako sa kaniya at tinapik-tapik ang bewang nito para mas mabilis siyang makatulog. Habang ginagawa iyon, sinasabayan ko ng pag-awit ng lullaby, iyong paboritong kantang pampatulog ni pampam.
Nabaling ang tingin ko sa oras na nakasabit sa gilid ng pinto. Alas nuebe na ng gabi ngunit wala pa rin si papa. Kapag lumipas ang bente minuto na wala pa rin siya, siguro kailangan ko nang kalampagin si Tiya para manghingi ng tulong o pupunta na lang ako mag-isa sa pulisya para mag-report.
"Sana naman dumating na si papa," bulong ko.
Nagpalipas muna ako ng ilang mga minuto rito sa loob hanggang sa maramdaman ko na lang na mayroong kumakalabit sa aking braso.
Pagmulat ko ng aking mata, nakita ko si Toto, umiiyak.
"Bakit?" tanong ko sa kaniya, kunot ang noo. "Si papa... wala pa rin siya hanggang ngayon. Anong gagawin natin, te?" nag-aalala niyang tanong pabalik.
Tumingin akong muli sa orasan, alas dyes na.
Nagsimula nang kumalabog nang malakas ang aking dibdib. "Gising pa kaya iyon sina tiya?" tanong ko.
"Hindi ko alam te. Di ka rin naman papansinin no'n kapag humingi ka sa kanila ng tulong. Hindi ka naman na tutuloy sa Maynila," wika niya.
Bumangon ako tapos inaya ko si Toto sa labas. "Pupunta ako sa pulisya, ire-report kong nawawala si papa. Ikaw muna ang magbantay rito, ha?" bilin ko.
"Sigurado ka te? Delikado na sa daan."
"Wag kang mag-alala, mag-iingat ako. Magsara kayo ng pinto. Kakatok na lang ako. Sige na, kailangan ko nang umalis."
MATAAS na ang sikat ng buwan sa kalangitan. Malakas ang liwanag nito, nasisinagan pati ang bangkay ng isang lalaking nakahandusay sa maruming eskinita, pinalilibutan ng mga asong galang sinusubukang kunin ang hita ng manok na nakaipit sa kamay ng lalaki.
Maririnig ang kantang Mang Jose ng bandang Parokya ni Edgar. Kahit malalim na ang gabi, buhay na buhay ang mga tao sa kalsada. Palibhasa'y syudad kaya animo'y hindi natutulog ang mga tao.
"AHHHHHHHH!"
Sa wakas, may panibagong tunog na narinig ang buwan. Isang babae ang napaupo sa daan, sapo-sapo ang bibig nito sa gulat.
Nanlalaki ang kaniyang mga matang nakatingin sa walang buhay na lalaki. "P-Pulis... Tu-Tulungan niyo ako. Ma-May patay rito sa eskenita. B-Bilisan niyo," tarantang sumbong nito sa kabilang linya.
Tumayo siya't pinagpagan ang suot na palda. Medyo lumayo ang babae at gumilid. Kinuha nito ang panyo sa loob ng bag at ipinantakip sa ilong niya.
Hindi nagtagal, dumating din ang mga otoridad. Ang iba ang dumiretso sa bangkay at inasikaso ito, ang ilan naman ay nagtungo sa babae upang tanungin.
"Hindi ko siya kilala. At saka, mukhang kanina pa siya patay dahil may amoy na iyong katawan. Wala akong ginalaw. Basta noong makita ko 'yung bangkay, gumilid ako at hinintay kayo," sagot no'ng babae.
"Chief, Facundo Cabrera ang pangalan. Nandito sa Id niya," sabi no'ng isang pulis. Ibinalandra pa nito ang hawak na id para suportahan ang kaniyang ulat.
"I-report na kaagad iyan sa pamilya ng biktima para alam nila kung ano ang nangyari sa kamag-anak nila. Paniguradong nag-aalala na iyon ngayon."
"Paano makokontak, Chief? Walang nakalagay sa id kung sino ang kokontakin."
"Huh? Imposible... wala bang cellphone 'yan?"
"Wala po."
Napakamot na lang iyong hepe sa kaniyang ulo sa pagkadismaya. "Aysus! Ultimo magsasaka sa panahon ngayon ay may cellphone na. Bakit iyan, wala? Oh siya, i-report na lang 'yan da baranggay kung saan siya nakatira. Sila na lang ang bahalang magpunta sa bahay ng biktima."
"Yes, Chief."