CASSANDRA
"Don Fernando ito po ang aking pamangkin na sinasabi ko po sa inyo na ubod ng sipag. Siya'y di-disiotso anyos."
Napatingin ako kay tiya noong magsinungaling ito tungkol sa aking edad. Hindi ako kumibo dahil baka kapag ginawa ko iyon ay mabulilyaso ang pagkakaroon ko ng trabaho, hindi iyon maaari dahil nasa hospital si nanay. Kailangan nila ng makakain at pantustos sa gamot.
"Hindi mo naman sinabi sa akin na batang-bata pala itong ipapasok mo. Talikod ka nga iha," utos no'ng mayamang matanda. Napalunok muna ako ng laway bago sundin ang kaniyang utos. Bakit niya naman kasi ako pinapaikot? Titingnan niya ba ang suot kong damit?
Kukutyain niya ba dahil hindi iyon branded? Dahil may tagpi-tagpi iyon?
Isa bang basehan kung makakapasok ako sa trabaho ay sa aking kasuotan?
Noong makabalik na ako sa aking pwesto ay hindi ko maitago ang aking pagkangiwi noong makita kong gumuhit ang mapaglarong ngiti sa kaniyang mukha.
Anong kahulugan niyon? May nakakat'wa ba sa aking suot? Kung mayroon man, bakit parang tinitingnan niya ako na para akong hubad.
Bigla akong kinilabutan noong sabihin niyang 'pwede na' na para bang isa akong bagay.
Pumalakpak si tiya noong sabihin iyon ni Don Fernando. "Mainam. Oh siya, paano na itong pamangkin ko?"
"Chabita! Kunin mo na itong bago nating kasama rito sa bahay. Paliguan mo, bihisan mo nang maganda at malinis na uniporme tapos pagpahingahin mo muna sa kwarto niya habang nag-uusap kami ni kaniyang tiya, ha?"
Tiningnan ko si Tiya at tiningnan niya rin ako pabalik. Ang lapad ng ngiti niya, kasinglapad ng isang libong piso.
"Wag kang mag-alala, kukunin ko na iyong sahod mo para ngayong buwan, hmmm? Nang may maibigay na ako sa kapatid mo. Heto ang cellphone na de keypad. Nandyan na ang number ko, tatawagan na lang kita para makamusta mo sila, ha?"
Mabilis akong tumango tapos kinuha ko iyong cellphone na iniaabot niya sa akin.
"S-Salamat po, tiya--"
Gusto ko pa sanang magsalita kaso hinila na no'ng isa pang manang iyong braso ko. Dinala niya pati iyong bayong na pinaglagyan ko ng mga damit.
"Ilang taon ka na? Bata ka pa. Imposibleng disiotso ka na. Ibinenta ka ba ng tiyahin mo?" sunod-sunod nitong tanong. Pabulong lamang niyang sinabi iyon sa akin.
Hindi ako tinuruan ng magulang ko na magsinungaling, pero sa pagkakataong ito, tinimbang ko kung sasabihin ko ba ang totoo o hindi. Nakasalalay rito ang pangarap ko para sa aking pamilya...
"Wag kang mag-alala, di kita isusumbong sa ating amo. Gusto ko lang malaman," ani 'ya. Mabuti at sinabi niya kaagad kung hindi baka hanggang ngayon ay namomroblema pa rin ako.
"Ang totoo po, katorse pa lamang po ako pero kaya ko na pong magtrabaho."
"Pero totoong tiyahin mo iyon? Hindi ka niya ibinenta?" tanong niyang muli. Mabilis akong umiling.
"Hindi po. Tiyahin ko po siyang tunay. Pinsan po siya ng papa ko pong namatay," sagot ko.
Huminto kami sa tapat ng malaking pinto. Hindi pa man iyon bumubukas ay namangha na kaagad ako sa maganda nitong disenyo. Makaluma at makintab... iba talaga kapag mayaman.
"Dito ang silid mo. Dalawa kayo rito, si Abet tapos ikaw. Mabait naman iyon kaya wag kang mag-alala. Sa ngayon wala siya dahil day off niya pero babalik din iyon bukas," sabi ni manang Chabita.
Binuksan na niya iyong pinto. Nalukot ang noo ko noong makita ang maruming silid. "D-Dito po ang silid namin?" tanong kong muli. Mukha kasi itong dating imbakan ng mga papel dahil iyon ang naaamoy ko. Mangangalakal ako kaya pamilyar ang amoy.
"Oo. Pasensya na, di masyadong masipag na tagalinis si Abet dahil ang gawain niya rito ay magluto."
"Naku ayos lang po iyon. Ako na lang po ang maglilinis," ani ko. Hindi naman mahirap na trabaho ang paglilinis. Walis lang ang katapat ng mga sapot ng gagamba tapos kuskos ng bunot kikintab din ang sahig na kahoy.
"Siya. Nandyan na sa kama mo iyong pamalit mong damit. Bumaba ka pagkatapos ng isang oras, ha? Hanapin mo ko para mailibot kita sa bahay," ani 'ya.
Tumango ako tapos sinenyasan niya ako na pumasok na sa loob. Hindi pa rin ako makapaniwala na nandito na ako sa bagong mundo.
Isinara ko na ang pinto, binuksan ang ilaw at doon tumambad sa akin kung gaano karumi ang silid. "Malaki nga ang bahay, maganda sa labas ngunit mayroon din palang itinatagong karumihan sa loob. Katulad ng tao... nag-i-invest sa kagandahang pisikal, binabago ang panlabas na anyo base sa kanilang kagustuhan, base sa kung anong uso, ngunit kumusta naman ang kanilang panloob? Mas mainam sana kung pareho nilang pinapaganda."
Huminga ako nang malalim, sino ang sinesermunan ko? Gagamitin ko na lang ang isang oras kong pahinga para maglinis.
Una ko munang inasikaso iyong mga agiw sa itaas. Hindi na ako nagbihis dahil marumi na rin naman anng damit ko, at least mukhang marumi dahil sa kalumaan.
Pagkatapos kong wasiwasin ang mga agiw, winalisan ko naman iyong sahig. Hindi ko mabilang kung ilang beses akong naubo dahil sa alikabok. Tinakpan ko na lang ng damit ang aking ilong para kahit papa'no ay mayroon itong pananggalang.
"S-Sir?"
Natigilan ako sa paglilinis noong bigla na lang bumukas ang pinto at tumambad sa akin ang matanda kong amo. Umayos ako ng tayo, hinihintay kung ano ang ipag-uutos nito.
"Hindi ba't malinaw ang utos ko? Magbihis ka kaagad ng malinis na damit. Kung maaari ay maligo ka na rin muna dahil hindi maganda ang iyong amoy. Ayaw ko na mayroon akong katulong na amoy lupa, ha?"
Napalunok ako ng laway.
Kalma, Cassandra. Amo mo ang kaharap mo... kailangan mong magtimpi. Tinuruan ka ng magulang mo na huwag pumatol sa mas nakakatanda sa iyo.
"O-Opo, sir, maliligo na po ako kaagad. Pasnsya na po," ani ko.
Tumango siya ng tatlong beses tapos isinara na niya ang pinto. Magpapakawala pa lang sana ako ng buntonghininga, bigla muling bumukas ang pint, dahilan para higupin ko iyon pabalik.
"Mayroon pa po ba kayong ipag-uutos?"
"Pumunta ka sa silid ko pagkatapos mong maligo at makapagbihis, ha? Ang silid ko ay mayroong nakasabit na sungay ng kalabaw, hanapin mo iyon, hmm? Magmadali ka," ani 'ya. Sumang-ayon ako kahit na bigla akong kinutuban ng masama pagkatapos niyang sabihin iyon.
Bakit niya ako pinapapunta roon?
Baka may ipapalinis lang siya sa akin.
Nakasara nang muli ang pinto. Tiningnan ko ang dumi na nasa sahig. Inilibot ko ang aking mata ngunit wala akong nakitang dustpan. Napakamot na lang ako sa aking noo dahil paano ko ito dadakutin?
"No choice, kamayin na lang," bulong ko bago umupo't dakutin ang dumi. Mga alikabok lang naman iyon na malalaki, isa pa, maliligo rin naman ako pagkatapos kaya ano naman kung madumihan ako nang husto ngayon?
Pagkatapos ko sa aking gawain ay nagtungo na ako sa loob ng banyo. Mainam at malinis ito, akala ko kasi marumi rin. Hinubad ko na ang aking suot na damit at nagsimula nang maligo sa ilalim ng tubig. Ang tawag ng mayayaman dito ay shower...
"Paniguradong matutuwa sina Jekjek at Pampam kapag naranasan nila ang ganito," bulong ko nang nakangiti.
"Kumusta na kaya sila? Simula ngayon, makakakain na sila ng masasarap na pagkain," wika ko habang ninanamnam ang pagdausdos ng malamig na tubig sa aking katawan.
HABANG ninanamnam ni Cassandra ang kaniyang bagong buhay sa magarang bahay, mukhang kabaligtaran naman ang tinatamasa ng kaniyang mga kapatid. Ang inaasahang perang sahod nito na para sana sa ikabubuti ng kaniyang pamilya ay napunta sa malaking pitaka ng kaniyang tiyahin.
"Iyang isanlibo, pagkasyahin niyo na iyan sa isang buwan at kinuha ko na ang sahod ng ate niyo. Sa susunod na buwan pa ulit siya makakapagpadala. Sobra-sobra na iyan sa inyo, di ba? Imposibleng hindi... sanay naman kayong magtipid, mag-ulam ng murang mga pagkain."
"Paano po iyong gamot ni nanay? Kinuwenta na po iyon ni ate at aabutin mo sa limangdaan ang pang-isang buwan ni nanay. Limangdaan na lang po ang matitira sa amin kung ibabawas po namin dito iyon. Hindi po kakasya iyon para sa isang buwan," depensa ni Toto. Bago umalis ang kaniyang ate ay sinabi niya kay Toto kung magkano ang sasahurin niya at kung magkano ang dapat nilang makuha sa kaniyang tiyahin.
"Hindi po ba nasa limang libo dapat ang ibibigay niyo sa amin, tiya?" paglalakas loob ni Toto. Tumaas ang isang kilay ng ginang tapos biglang nagtaas ng boses. "Anong limang libo? Alangan hindi niyo ako babayaran sa mga utang niyo, ha? Binawasan ko na iyon sa sahod ng ate niyo. Sampung libo lang ang sahod niya, iyong limang libo roon ay napagkasunduan namin na ibabayad niya sa akin sa pag-abunar ko sa pampahospital noon ng mama niyo, tapos iyong apat na libo naman ay bayad sa utang niyo sa tindahan. May mga listahan pa ako noon na halungkat... m-matagal nang utang ng papa niyo sa akin. Magpasalamat na lang kayo dahil may natira pa sa inyo," mahabang paliwanag ng ginang.
Hindi na nakakibo pa si Toto dahil tinalikuran na siya ng kaniyang tiyahin. Napailing na lamang ito dahil sa panlulumo. "Napakagahaman talaga..." bulong niya.
Tiningnan niya ang mga kapatid na nakakapit sa kaniyang damit. "May pambili na ba tayo ng pagkain kuya?" tanong ni Pampam.
Ngumiti nang pilit si Toto. "Oo. May pambili na tayo ng maraming pagkain," ani 'ya.
Sumilay ang masayang ngiti sa mukha ng kaniyang mga kapatid. Nilingon din ni Toto ang kaniyang ina tapos ipinakita rito ang hawak na pera. "May pambili na rin po tayo ng gamot niyo nay!" masayang bulalas ng bata.
Pinipigilan niya ang luha, pilit na ikinukubli sa ilalim ng kaniyang mga mata. Para kay Toto, kung nagsasakripisyo ang ate niya sa Maynila para sa kanila, kailangan niya ring gantihan iyon ng pagsasakripisyo rin. Siya naman ngayon ang sasalo ng problema ng kanilang pamilya. Siya ang magpoprotekta sa kanila. Gagampanan niya nang maayos ang ipinangako niya sa kaniyang ate...
"Oh siya, anong ipapabili niyong pagkain, ha, Pam?" tanong ni Toto sa kapatid. "Ako po, chocolate! Tapos papop! Iyong pumuputok sa dila!"
"Sige, ililista iyan ni Kuya. Ikaw, Jek?"
"Gusto ko ng laruan kuya, iyong barilbarilan."
"Ehh? S-Sige, maghahanap ako ng ganoon sa palengke. Kayo po, nay? Ano po ang gusto niyo?"
"Alam ko gusto ni nanay! Gatas!" bibong sagot ni Pampam. Nagtawanan sila na para bang hindi sila salat sa salapi.
Ang pamilya nila ang patunay na sa kabila ng problema, ang pagiging masaya ay nasa tao. Salat man sa salapi, hindi iyon hadlang upang ngumiti. Naua'y maraming maging katulad ng pamilyang ito...
Naua'y magsilbi silang paalala sa bawat isa na hindi porket nasa ilalim ng gulong ng buhay, mawawalan na ng pag-asang lumaban. Ang bagong araw ay bagong pag-asa... piliin nating makipagsapalaran kesa magmukmok. Dahil ang Diyos, marunong maawa, marunong tumingin sa pagpapagal ng tao. Magtiwala sa kaniya at matatamo rin ng bawat isa ang nararapat sa kanila.