Chapter Two
"Alam mo bang nagkaroon ulit ako ng inspiration para mabuhay?" nakabuntot ako sa lalaki. Hindi sa mga nakahanay na bus ang tungo nito. Hindi rin sa direction na ito ang tungo ko. Pero nakakita ako ng oportunidad para magpapansin dito.
"I don't care." Tugon ni Abelardo.
"Taray! Englishing ang person." Sinubukan kong sumabay sa lakad nito pero sobrang bilis talaga niya. Kaya humawak na ako sa laylayan ng shirt nito. Napahinto naman ito at masama akong tinitigan. "Pansinin mo naman ako. Ikaw, ha! Porke obvious na crush kita ay nagsusuplado ka d'yan."
"Excuse me?" ani nito.
"Daan ka na..." inalis ng lalaki ang pagkakahawak ko sa laylayan ng damit niya.
"Miss, hindi ako nakikipagbiruan sa 'yo. Don't bother me."
"Abelardo, right? Huwag ka namang magsungit sa akin. Mukhang hindi mo alam, at ako lang ang nakakaalam---"
"Nang alin?" nakuha nitong alisin ang kamay kong nakahawak sa kanyang damit.
"Na ako ang future wife mo. Unang kita ko pa lang sa 'yo ay gusto na kita at nakita ko na agad na magiging asawa mo ako. Tapos magkakaanak tayo ng sampu kasi sa sobrang gwapo mo at sobrang ganda ko ay magparami tayo ng lahi."
"Stop! Stop!" ani nito sa akin. "Baliw ka ba?" salubong na salubong na ang kilay nito. Parang stress na stress ito sa akin. Kaya naman itotodo ko na ang pagpapa-cute rito.
"Oo, baliw ako... baliw na baliw sa 'yo." Kinilig pa ako sa hirit ko habang parang walang effect dito.
"Miss, whoever you are... leave me alone."
"Stop englishing me! Tagalog lang tayo, pogi. Baka kapag may anak na tayo ay mahirapan akong manermon sa kanila kasi english speaking sila tapos ako Tagalog lang."
"You're so unbelievable, miss."
"Odessa. Iyon ang pangalan ko. Huwag mong kalimutan. Iyan ang pangalan na lagi mong ilalagay sa spouse name."
"Dream on!"
"Tama! Kasi mula ngayon ay ikaw na ang papangarapin ko." Natapik ng lalaki ang kanyang noo. Parang pati iyon ay sumakit sa stress sa akin.
"Just... just leave me alone. Okay?" ani nito sa akin.
"Not okay." Pagkasabi ko no'n ay lumakad na ang lalaki. Nagmamadali ito kaya muli akong humabol. "Hoy! Huwag mo naman akong iwan... hindi pa nga tayo ay iniiwan mo na ako." Nang bumukas pa ang isang gate at lumabas ang mga tao mula roon ay nagkaroon ng harang sa pagitan namin.
"A-ray! Stop! Stop!" ani ko. Nabubungo-bungo na kasi ako ng mga kalalakihan na nagmamadali para makasakay.
"f**k it!" ani ni Abelardo na biglang sumulpot sa tabi ko at hinila ako para gumilid. Nakahawak ito sa braso ko. Salubong ang kilay nito sa akin. "Huwag mo akong sundan. Pwede ba iyon?" sobrang sama talaga ng tingin niya.
"Hindi ko pwedeng kontrahin ang puso ko, Abelardo. Sabi niya ay sundin ko raw ang tinitibok niya. Ikaw... sa 'yo ngayon tumitibok ang puso ko."
"Naka-drugs ka ba?"
"Hindi... pero adik na ata agad ako sa 'yo." Napapikit nang mariin si Abelardo. Huminga nang malalim. Nang nagmulat ito ng mata ay akala ko'y may sasabihin pa siya. Pero bigla na lang itong kumaripas nang takbo.
Gano'n ba kiligin ang lalaki? Bigla na lang tumatakbo?
Ay! Hindi siya kinilig, Odessa. Nakakita lang siya nang chance na takasan ka. Pero okay lang iyon... may bukas pa.
Nang hindi ko na ito natanaw ay lumakad na ako patungo sa sakayan. Napalayo tuloy ako. Si Abelardo kaya... napalayo rin kaya siya?
--
Maaga akong natulog, kaya ito ako't maagang nagising. Madilim pa ay papunta na kami nila tatay sa canteen. Ihahatid lang kami ni nanay dahil sa barangay naman ito papasok.
Kagawad si tatay sa Barangay Pula. Tagahatid ito sa amin sa umaga. Tapos sa gabi ay sinusundo niya si nanay sa canteen.
"Mukhang hindi nahirapan gumising itong dalaga natin, darling. Maganda rin ang mood at halatang excited tumulong sa canteen." Nanunudyo ang tinig ni tatay.
"Tay, may pogi kasi akong nakita na trabahador doon sa construction. Nakita ko na ang future ko, Tay." Kinikilig na kwento ko rito.
"Magtigil ka, Odessa. Hindi kita pinag-aral ng apat na taon sa kolehiyo kung sa construction boy ka lang babagsak." Galit agad si nanay. Si tatay naman ay natawa.
"Aba'y paano kung sa isang construction worker nga na in love itong dalaga mo... hahadlangan mo?" ani ni tatay. Feeling ko'y supportive ito sa kilig na nararamdaman ko.
"Talaga!"
"Nanay, hindi tayo mayaman para maging matapobre ka d'yan. Kung sino man ang mapili ko at gusto ay dapat tanggapin ninyo iyon. Saka marunong po akong kumilatis ng tao." Saka ako napabuntonghininga. Sa dating jowa na si Ferdinand at sa dating best friend na si Quenny lang naman ako sumablay sa pagkilatis.
Akala ko mga tunay sila sa akin... pero nagtitirahan na pala sila kapag nakatalikod ako.
"Odessa, makikialam ako kung hindi mapapabuti ang buhay mo. Dapat sa lalaking may maayos na trabaho at sure ang kinabukasan mo."
"Nanay, kaya ko naman pong magdesisyon para sa sarili ko. May standard din naman po ako. Chill ka lang, nay. Hayaan mo munang lumandi ang anak mo." Nakurot tuloy ako nito.
Sa canteen ay busy na sila Cress at ang tatlong kasama pa namin sa paghahanda ng mga rekado para sa lulutuin nila nanay at ng dalawa pang cook. Iyong isa ay katu-katulong naman sa pagharap sa mga customer.
Ako at si Cress ay agad nang nag-ayos ng mga mesa dahil tiyak dumog na naman ang mga tauhan na rito na nag-aalmusal. Kaya talagang maaga pa lang ay nagpre-prepare na rito.
"Odessa, iyong water dispenser ay isaksak mo na para may mainit ng tubig. Ilagay na rin ang mga basong disposable at kutsara para abot-abot na lang ng kapeng bibilhin nila."
"Sige po, nay." Tugon ko na agad ginawa ang utos nito. Habang busy ako sa utos ng ina ay may napansin agad akong parating. Sobrang aga naman nito... parang siya ang first customer namin... si Abelardo.
"Manang, kape po." Nag-abot agad ito ng bente kay nanay.
"Hindi pa mainit ang tubig. Makakapaghintay ka ba?" tanong ni nanay.
"Sige po." Tugon naman ni Abelardo.
"Anong kape?"
"Iyang original po." Agad namang kumuha si nanay at iniabot sa lalaki.
"Doon na lang kumuha ng mainit na tubig sa water dispenser mamaya." Tumango naman si Abelardo at tinungo ang mesa malapit sa akin.
Lumapit ako sa table nang tumalikod na si nanay at inasikaso ang mga lulutuin pa niya.
"Good morning, future ko." Bati ko sa lalaki.
"Wala na... wala nang good sa morning." Agad na pagsusungit nito. "Nasira mo na, miss."
"Odessa. Nakalimutan mo na naman ang pangalan ko? Huwag mo nang kalimutan... kasi tiyak na ako na tayo ang itinadhana." Napailing ito at hindi na ako tinignan pa.
Nang uminit ang tubig ay agad itong kumuha saka nagtimpla ng kape niya.
"Alam mo ba na magkatulad kami ng kapeng iyan?" tanong ko sa lalaki. Tumingin ito sa akin.
"Bakit?" tanong nito sa akin saka siya marahang humigop.
"Kasi pareho kaming hot." Dahil sa banat ko'y napaso ang lalaki. Sumama na naman ang tingin nito sa akin.
"Saan banda ang hot, miss? Hindi ko makita." Pambabara nito.
"Ay! Pasensya na, Abelardo. Nakatago kasi. Pero kung gusto mong makita ang hotness ko... hubarin mo ang panty ko." Hirit ko rito. Biglang namula ang pisngi ng lalaki. Walang sali-salita na tumayo ito at nag-walkout.
Feeling ko remarkable iyong hirit kong iyon dito. Natatawa na lang ako sa sarili ko.