Chapter 3

1888 Words
"IKAW na naman?" kunot-noong wika ni Marco nang bumungad sa kanya ang magandang mukha ng dalaga nang buksan niya ang pinto. "Magandang umaga rin sa 'yo!" malawak ang ngiting wika nito at narinig niya ang mahinang pagtawa ni 'Tay Ramon na muling naghatid dito. "Aalis na ako, hijo. Ikaw na ulit ang bahala sa kanya," nakangiting wika ng ginoo bago ito naglakad patungo sa sasakyan at sumakay roon. Bumaling lang ang atensyon ni Marco sa dalaga nang tuluyang makaalis ang ginoo. "Ano na namang ginagawa mo rito?" masungit na tanong niya sa dalaga na nahuli niyang nakatitig sa kanya. "Agang-aga ang sungit mo. Maaga ka niyang tatanda," wika nito at mahinang tumawa. Sinamaan niya ito ng tingin pero hindi man lang ito naapektuhan. "Ang guwapo mo talaga lalo na kapag nagsusungit ka..." malawak ang ngiting wika nito at tila nanggigigil na pinisil ang magkabilang pisngi niya. Mahina niyang tinapik ang kamay nitong nasa pisngi niya. "Sungit..." wika nito pero hindi pa rin nawawala ang ngiti sa labi. "Plano mo bang abalahin ako araw-araw? Wala ka bang ibang planong gawin kundi ang araw-araw na pumunta rito? Sinusulit mo dapat ang bakasyon mo, hindi 'yong sinasayang mo lang ang oras mo sa pagpunta rito," masungit na wika ni Marco bago pumasok sa loob ng bahay. Sumunod ito sa kanya hanggang sa makapasok siya sa kusina. "Sinong nagsabi na nasasayang lang ang oras ko habang nandito ako? Hindi mo ba alam na masilayan at makasama lang kita ay buo na ang araw ko? Sulit na sulit kaya ang bawat araw ng bakasyon ko kapag nasisilayan at nakakasama kita," wika ng dalaga dahilan para bahagyang matigilan si Marco. May kung ano sa loob niya ang natuwa pero mabilis niyang itinaboy iyon. Hindi iyon ang dahilan ng kanyang paglayo kaya dapat ay isinasantabi niya ang nararamdaman niyang iyon sa dalaga. Hindi tama at hindi puwede... "Nag-almusal ka na ba?" pag-iiba ni Marco sa usapan. Umiling ang dalaga bilang sagot bago umupo sa harap ng hapag at pinanood siyang ihanda ang mga lulutuin niya. Tuyo, itlog at hotdog ang kanyang lulutuin. At siyempre, hindi puwedeng mawala ang fried rice. "Hindi ka ba nabo-boring dito sa bahay?" maya-maya ay tanong ng dalaga na ikinailing ni Marco dahil alam na naman niya kung saan tutungo ang usapan nilang iyon. "Huwag ka nang magtanong dahil alam ko na naman kung saan tayo hahantong sa pagtatanong mong 'yan. Gusto mo na naman akong isama sa ilog, 'di ba?" nakataas ang isang kilay na tanong niya at narinig niya ang mahina nitong pagtawa. "At kahit tumanggi ka ay wala kang magagawa dahil whether you like it or not ay isasama kita," malawak ang ngiting wika nito na ikinailing niya. "Kung hindi ka lang ipinagkakatiwala sa akin ni 'Tay Ramon, hindi ko kukunsintihin ang lahat ng gusto mo," wika niya habang hindi rito nakatingin. "Ganoon ba? Ibig sabihin matitiis mo talagang tanggihan ang isang tulad ko? Palay na nga ang lumalapit sa manok pero tumatanggi ka pa." "Hindi naman kasi lahat ng manok tuka nang tuka basta magkita ng palay. Namimili rin sila ng gustong tukain," basag niya sa sinabi nito. "Ang ibig sabihin hindi ako masarap sa paningin mo kaya ayaw mo akong tukain? Sexy naman ako, ah. Maganda rin. Ano pang kulang sa 'kin? Bakit ayaw mo akong tukain?" tila wala sa sariling wika nito at muntik na niyang mahiwa ang daliri habang naggagayat ng bawang nang marinig ang sinabi ng dalaga. "Alam mo pa ba ang mga sinasabi mo?" hindi makapaniwalang tanong ni Marco sa dalaga. "Iyan ba ang naging epekto sa 'yo ng liberadong bansang pinuntahan mo?" dagdag pa niya habang hindi makapaniwalang nakatingin dito. "Bakit ba? Ano bang masama? Nagtatanong lang naman ako, ah..." nakasimangot na pangangatwiran nito. "Itigil na natin ang usapang ito. Tumahimik ka na lang diyan at manood kung ayaw mong labi mo ang iprito ko," wika niya at mabilis nitong tinakpan ang sariling labi na ikinataas ng sulok ng labi niya. "Huwag! Hindi mo na ito kailangan pang lutuin, mas masarap 'to kapag hilaw. Wanna taste it?" wika ng dalaga na ikinanganga niya. "Joke lang. Sige na, magluto ka na. Tatahimik na po ako," tumatawang dagdag nito na ikinailing na lang niya. Ibang klase talaga ang kaulitan nito. Parang girl version ito ni Salvador sa kakulitang taglay. Ibinalik na lang ni Marco ang atensyon sa ginagawa at pilit na hindi pinansin ang presensya ng makulit na babae. At laking pasasalamat niya nang tumahik nga ito hanggang sa matapos siyang magluto. Pero sandali lang pala ang pananahimik nito dahil nagsimula na naman ito pagkatapos nilang kumain. "Sige na... samahan mo ako sa ilog. Doon na lang tayo magpalipas ng oras. Hindi ka ba nababagot dito sa bahay?" pangungulit nito sa kanya habang nakaupo siya sa sala at nanonood ng tv. "Paano ako mababagot kung may makulit na babaeng wala nang ibang ginawa kundi ang abalahin at kulitin ako?" masungit na wika niya na ikinasimangot ng dalaga. "Hindi talaga kita titigilan hangga't hindi mo ako sinasamahan sa ilog," nakasimangot na wika nito na ikinahinga niya nang malalim. Ini-off niya ang tv bago tumayo para magtungo sa kuwarto niya. Naramdaman niyang sumunod ito pero agad niya itong pinigilan bago pa ito makapasok sa loob ng kanyang kuwarto. "Diyan ka lang. Huwag mong tatangkaing pumasok kung gusto mong samahan kita sa ilog," wika niya at mabilis itong humakbang patalikod. "Okay. Dito lang ako," malawak ang ngiting wika nito na ikinahinga niya nang maluwag. Tinalikuran niya ang dalaga bago hinubad ang kanyang pang-itaas at narinig niya ang pagsinghap nito. "Turn around. Huwag mo akong panoorin," masungit na wika niya dahil ramdam niya ang titig nito sa likod niya. Narinig niya ang pilya nitong pagtawa at ang mahina nitong pagkanta. "Nasa 'yo na ang lahat, minamahal kita pagkat, Nasa 'yo na ang lahat, pati ang puso ko..." Umiling na lang siya at kumuha ng damit na maisusuot. Pang-itaas lang ang pinalitan niya at hindi na siya nagpalit ng pang-ibaba dahil sa ilog lang naman ang punta nila. Plano niya ring maligo dahil kahapon pa niyang gustong-gustong maligo sa ilog pero pinigilan niya lang ang sarili dahil sa dalaga. Pero ngayon, wala nang makakapigil sa kanya. Makabawi man lang siya sa pangungulit at pang-aabala sa kanya nito. Susulitin na lang niya ang pagkakataong puwede pa siyang pumunta at lumigo sa ilog dahil may permiso siya ng dalaga. "Tara na?" excited na tanong sa kanya ng dalaga nang lumabas siya ng kuwarto. Hindi niya ito sinagot at nilampasan niya lang ito. Pero hindi nagtagal ay naramdaman niya itong umabrisyete sa kanyang braso habang naglalakad siya. Huminga siya nang malalim at hinayaan na lang niya ang dalaga. Pagkarating nila sa ilog ay walang inaksayang oras ang dalaga at agad itong naligo matapos nitong magpahinga ng ilang minuto. Nagpalit lang ito ng isang oversized t-shirt na kulay puti at isang cotton shorts na kinuha nito sa kubo. Habang siya ay pumuwesto muna sa ibabaw ng bato para magpahinga at namnamin ang sariwang hangin doon habang naglalakbay ang mga mata sa magandang kapaligiran. Hindi niya masisisi ang dalaga kung bakit gustong-gusto nito sa lugar na iyon dahil kahit siya kung pagmamay-ari nila ang lupaing iyon ay doon din ang kanyang magiging tambayan. Perpektong lugar para makapagpahinga at makapagmuni-muni. Tahimik, sariwa ang hangin at maganda ang kapaligiran. Ibang-iba sa lugar na kinalakihan niya. "Hindi ka ba maliligo?" maya-maya ay tanong ng dalaga habang nasa ibabang bahagi ito ng malaking batong inuupuan niya. Nasa tubig ang katawan nito habang nakahawak sa bato. Medyo malalim sa parteng iyon pero parang wala lang iyon sa dalaga dahil marunong itong lumangoy. Hindi niya pinansin ang dalaga at iniiwas rito ang tingin. Habang kasama niya ang dalaga ay hindi maiwasan ang pagkumparahin ito at si Phoenix. Sobrang magkaiba ang dalawa at sa dalawang araw na nakasama niya si Amor ay masasabi niyang marami itong ugaling kabaliktaran ng ugaling mayroon ang kababata niya. Hindi niya alam kung gaano siya katagal na nakatitig sa kawalan habang may malalim na iniisip dahil nang muli niyang tingnan ang dalaga ay hindi na niya ito makita. Wala ito sa tubig at wala rin ito sa kubo na hindi kalayuan sa puwesto niya. Nilibot niya ng tingin ang buong lugar pero hindi pa rin niya ito makita. Tinambol ng matinding kaba ang dibdib niya at walang pagdadalawang-isip na tumalon sa tubig para doon hanapin ang nawawalang dalaga. "f**k! Where the hell did you go?" hindi maiwasang pagmumura niya nang ilang beses na siyang sumisid pero hindi pa rin niya makita si Amor. At habang tumatagal ay lalo siyang kinakain ng pag-aalala. Muling sumisid si Marco at nakailang beses pa niyang ginawa iyon pero hindi pa rin niya makita ang dalaga. Doon na siya tuluyang nag-panic at tuluyang kinain ng pag-aalala ang buong pagkatao niya. "May hinahanap ka? Akala ko ba ayaw mong maligo?" boses na nanggaling sa ibabaw ng bato na kinauupuan niya kanina dahilan para hindi matuloy ang muli niyang tangkang pagsisid. Nag-angat siya ng tingin at doon niya nakita ang kanina pa niyang hinahanap. Nakakunot ang noo nito na tila nagtataka sa kanya. "f**k! Saan ka nagpunta? Akala ko kung anong nangyari na sa 'yo!" hindi naiwasang singhal niya sa dalaga habang madilim na nakatingin dito. "Huh? Hindi ba nagpaalam ako sa 'yo kanina na gagamit ako ng banyo? Nandoon ang banyo, oh..." wika nito at itinuro ang likod na bahagi ng kubo. Fuck! Ganoon ba kalalim ang iniisip niya kanina para hindi niya marinig ang pagpapaalam ng dalaga? Damn! Nag-alala lang pala siya sa wala. At hindi niya ito masisisi dahil siya ang may kasalanan. Huminga siya nang malalim bago lumangoy patungo sa tabi at umalis sa tubig habang nagtatalo ang isip niya. Hindi niya alam kung bakit ganoon na lang ang pag-aalala niya sa dalaga kanina. Kanina lang siya nakaramdam ng matinding takot at kaba sa pag-aakalang may nangyaring masama rito. May ibang ibig sabihin kaya iyon o dahil lang sa kanya ipinagkatiwala ni 'Tay Ramon ang dalaga kaya pakiramdam niya ay responsibilidad niya ito. Siguro nga ay iyon lang ang dahilan, wala ng iba pa. "Hoy! Saan ka pupunta? Ayaw mo nang maligo?" may kalakasang tanong ng dalaga dahilan para lingunin niya ito. Mabilis ang kilos nitong bumaba sa bato at naglakad palapit sa kanya. "Puwede bang magdahan-dahan ka sa kilos mo. Paano na lang kung madulas ka at tumama ang ulo mo sa bato?" singhal niya sa dalaga nang makalapit ito sa kanya. "Uy, concern siya..." pang-aasar pa nito sa kanya habang may malawak na ngiti sa labi. Sinamaan niya ito ng tingin pero hindi ito nagpaapekto at sa halip ay hinawakan siya nito sa braso bago siya hinila pabalik sa tubig. "What do you think you're doing?" kunot-noong tanong ni Marco sa dalaga pero nagpaubaya naman siya sa paghila nito. "Huwag ka nang mag-inarte. Samahan mo na akong maligo. Parang ikaw pa itong babae na takot na baka may gawin ako sa 'yong masama. Huwag kang mag-alala, safe na safe ka sa mga kamay ko," wika nito bago malakas na tumawa na pumuno sa buong lugar. Napailing na lang siya sa kakulitan nito at nagpaubaya na lang sa gusto ng dalaga. At natagpuan na lang niya ang sariling naliligo sa ilog kasama ang dalaga, nag-e-enjoy sa kakulitan at kaingayan nito. Ayaw niya sa makulit at maingay pero pagdating sa dalaga hindi alam kung bakit natitiis niya iyon.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD