PART 6

1020 Words
"ANO ba kasing nangyari? Ba't biglaan na tinanggal ka? Ano'ng ginawa mo?" Hinahagud-hagod ni Veron ang likod ni Kim. Panay kasi ang iyak ng dalaga kanina pa. Nandito sila sa employer's locker room ng resort. At buti na lang may nakapagsabi kay Veron sa nangyari kay Kim kaya nadamayan nito ngayon ang kaibigan dito. "Wala naman akong ginawa, eh. Sinuot ko lang 'yung binili kong damit tapos inirinampa ko lang tapos nag-posing-posing lang ako tapos ayun na 'I'm fired' na raw agad sabi ni Sir Jay," paliwanag ni Kim na ngumangawa. Halos 'di na maintindihan ang sinasabi niya dahil sinasabay niya iyon sa pag-iyak. "Pero wala ka ba sa oras ng trabaho?" "Wala pa." Parang batang padyak-padyak din niya. "Kaya nga rumarampa pa ako, eh." Tumabingi ang mukha ni Veron. Sa isip nito ay paano nga nangyari 'yon? "Veron, help me. Ayokong mawalan ng trabaho." Hinawakan niya sa braso ang kaibigan. "Heh!" Pero pinalis iyon ni Veron. "Tumahimik ka nga! Kagagahan mo rin kasi minsan, eh!" "Malay ko ba kasing bawal na pala ngayong mag-posing-posing. Wala naman akong natanggap na memo," katwiran pa rin niya. Inirapan siya ni Veron. Pero ito man ay naniniwala rin namang wala sa katwiran ang biglang pagtanggal kay Kim. Ngunit dahil utos ng anak ng may-ari ng resort ay wala itong masuhestyon o magawa. "Kim?" bungad ng visor nilang si Mrs. Peres. Umayos ng sarili silang magkaibigan. Ayaw pa sana niya pero kasi ay kinurot siya sa pwetan ni Veron. Sisinghot-singhot pa rin siya na humarap kay Misis Peres. "Huwag ka nang umiyak. Hindi tuloy ang pagsisante sa 'yo ni Sir Jay," pagsasabi ng good news ni Misis Peres. Unti-unting nagliwanag ang mukha nilang magkaibigan. Lalo na siya. "T-talaga po?!" hindi siya makapaniwala. Tumango si Misis Peres. "Kaya umayos ka na, Kim. Ayusin mo 'yang sarili mo." "Opo. Salamat po. Salamat po, Misis Peres." Hindi mailarawan ang sayang naramdaman niya. Salamat sa Diyos at may trabaho pa rin siya. "H'wag ka sa 'kin magpasalamat. Kay Sir Ernest ka magpasalamat kasi siya ang nakipag-usap kay Sir Jay na huwag kang tanggalin." Sunod-sunod ang naging tango niya. Oo, magpapasalamat talaga siya kay Sir Ernest nila 'pag nakita niya ang binata. Si Sir Ernest nila ay ang general manager ng resort. At talagang mabait ang Sir Ernest nilang iyon. "Back to work na. Sige na." Iiwanan na sana sila ni Misis Peres nang muling lumingon ito sa kanya. "Kim, sabi nga pala ni Sir Ernest ay iwasan mo raw si Sir Jay. Hangga't maaari ay huwag kang magpapakita sa kanya. Iwasan mo siya nang maigi dahil kahit isang hibla man ng buhok mo ay ayaw na ayaw raw niyang makita. Oras na makita ka raw ulit ni Sir Jay ay hindi na siya magdadalawang isip na tanggalin ka sa trabaho. Naiintindihan mo ba?" Napamaang sila Veron na nagkatinginan. "Bakit parang ang harsh naman po yata ni Sir Jay kay Kim?" hindi nakatiis na tanong ni Veron kay Misis Peres. "Hindi ko alam. Siguro naalibadbaran sa pagmumukha ni Kim. Ang panget niya kasi," taas noong sagot ni Misis Peres at umalis na. Ganoon talaga ito, minsan mabait, minsan maldita. Hindi maintindihan ang ugali. Palibhasa ay malapit nang mag-menopos. Muling nagkatinginan sila ni Veron. Lumaylay ang balikat niya at nakangiwi naman ang kaibigan. "Bakit gano'n sa akin si Sir Jay?" Pagpapatuloy na iyak na naman niya. "Wala naman akong ginagawang masama sa kanya, ah. Actually 'di ba crush ko pa nga siya? Gusto ko nga, eh, paglingkuran sana siya. Pero ba't siya ganoon sa'kin parang kinasusuklaman na niya ako?" "Wala nga ba? Baka naman may nagawa kang hindi maganda sa kanya na ikina-turn-off niya talaga sa 'yo o ikinainis?" Napaisipi siya. At namilog na ang kanyang mga mata nang naalala niya 'yong una nilang pagtatagpo ni Sir Jay. "Oh, no!" sambit na niya na nakagat ang isang hintuturo niya. "So, meron nga?" Tumango siya sa kaibigan na maasim ang kanyang mukha. "Ano 'yon?" Ayaw niyang sagutin. Ayaw niyang sabihin kay Veron 'yong pangyayaring iyon. Nakakahiya. Nakakahiya 'yung katangahan niyang iyon tungkol sa restroom. "Ano nga 'yon, Kim?" "Wala kalimutan mo na 'yon," aniya sabay humakbang patakas dahil alam niyang hindi siya titigilan ni Veron tungkol do'n. "Kiiiiiiimmmmm!" Pero habol nito sa kanya. "Eiiihhhh!" tili niya na nagtatakbo. Ayaw niyang malaman 'yon ni Veron. Ayaw niya talaga. Ayaw niyang makantyawan ng kaibigan. Hingal siyang nagtigil lang sa pagtakbo nang makalayo siya sa kaibigan. At tatawa-tawa na lang na naglalakad. Sa mga VIP room ang tuka niya ngayon na lilinisan. Monday kasi ngayon at day off ng totoong tagalinis do'n. Reliever siya nito 'pag ganitong araw. Medyo magaan na ang pakiramdam niya na naglalakad. Buti na lang talaga at 'di siya natanggal sa trabaho. Pero hindi niya talaga maintindihan kung bakit ganoon na lang kabilis nagbago ang pakikitungo sa kanya ni Sir Jay nila kanina. Hindi ba't ang bait nito no'ng una? Na parang ipapagtatanggol pa nga siya kay Misis Peres pero bigla na lang gano'n. Kala mo, eh, may double personality na biglang lumabas ang pangalawang pagkatao at naging masungit na lang bigla-bigla. Tsk! Nakakabaliw isipin! Natigilan siya nang madaanan niya ang poster na naka-display. Poster iyon ni Sir Jay nila na nagsu-surfing. Puwede rin kasing mag-surf sa resort dahil may parte ng dagat na malalakas ang alon. At 'yung poster na iyon ay naghihikayat sa mga customer na subukan ang surfing. Tinitigan niya ito nang masama. Kung noon kapag nakikita niya ang mga larawan ni Sir Jay nila sa resort ay kinikilig siya, ngayon iba na. Naiinis na siya dahil ngayon pa lang ay nakita na niya ang masamang ugali ng binata, na hindi pala ito dapat hinahangaan. Ang sama ng ugali. "Tse!" suplada niya sa larawan. Sayang lang 'yung kilig-kilig niya noon. Hinalukipkipan niya pa ito. Tapos taas noong humakbang na siya. Akala mo ay totoong tao ang larawan na minamalditahan niya. Lumampas na siya pero bumalik pa talaga siya para ingusan at dilaan ito. "'Di na kita crush!" duro din niya sa larawan.  Turn-off talaga siya sa binata. Porket boss dito sa resort, eh, kung makasesante akala mo na kung sino. Ang sama ng ugali pala. Hmmmmp!.........  
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD