Kabanata 2:
Minsan, sa sobrang miserable ng buhay ko, naisip ko na ring magpakamatay. Ikaw ba naman ang makakita ng mga pangit na halimaw sa likod ng magagandang itsura ng tao, masisiyahan ka pa ba? Gugustuhin mo pa bang mabuhay sa mundong ikaw na nga lang ang mag-isa, may nakakatakot na kakayahan ka pa.
Minsan, nakuwestiyon ko na rin ang Diyos. Kung bakit kailangan sa akin pa ibinigay itong kakayahang makita ang mga demonyo? Bakit sa akin pa na naghihirap na nga sa mga alaalang iniwan sa akin ng aking pamilya? Akala niya ba masaya ako?
Hindi.
Napapagod na ako. Sa totoo lang, gustong gusto ko nang sumuko. Pero sa tuwing sinusubukan ko, pakiramdam ko may pumipigil sa akin. May bumubulong sa akin na huwag kong gawin. . .
"Ma'am Ezrae."
Nabalik ako sa wisyo nang tawagin ako ni Morris. Natulala pala ako dahil sa pag-iisip. Naalala ko na naman kasi iyong bangungot ko kagabi. Hindi na yata talaga ako makakawala sa nakaraan.
"A-ah, yes? Halika." Nginitian ko siya ngunit ganoon pa rin ang isinukli niya sa akin. Walang emosyong mukha.
Lumapit siya sa akin at nauna nang kinuha ang mga gamit na naroon. Ikinrus ko ang braso ko sa ibabaw ng aking dibdib. Mukhang maalam naman pala siya. Kaya lang parang may pagkabastos.
"Anong height mo? Ang tangkad mo pala?"
Sinubukan kong magbukas ng isang usapan pero nilingon niya lang ako at simpleng sinagot ang tanong ko. "5'11."
Kinuha niya iyong baking powder, measuring cup, pampaalsa, asukal, iodized salt. . . at ang mga sangkap para sa i-bi-bake naming pandesal. Tumaas ang kilay ko. Bakit hindi siya nagtatanong?
"Morris, alam mo ba kung anong secret recipe ko sa pandesal namin?"
Muli niya akong nilingon. Napaka-creepy ng mga mata ng taong 'to. Well, ang totoo, wala akong nakikitang demonyo sa likuran niya. As in wala, kaya ini-expect ko na hindi siya normal na tao o kung hindi, baka katulad siya ng mga bihirang tao na hindi kayang lapitan ng mga demonyo.
"Hindi," sagot niya pagkatapos ay nagsimula na.
Napabuntonghininga na lang ako. Hindi ko alam kung nahihiya ba siya sa akin o sadyang gano'n lang siya, e. Kaya kahit na na-o-awkward-an ako sa kaniya, itinuro ko ang sikreto para sa masarap, malinamnam at nakabubusog na pandesal.
-
"Kaya mo pa, ma'am?" nakangiwing tanong ni Bella. Siya ang nakatoka sa cashier.
Umiling ako at kaagad na lumapit sa kaniya. "Hindi n'yo ba nakakausap iyang si Morris?" bulong ko.
"Naku ma'am, sobrang bihira niya kung magsalita. Tapos parang mangangain nang buhay kung makatingin!" Hindi ako sumagot, mukhang may kakaiba talaga sa kaniya. "Bakit mo ba siya tinanggap, ma'am? Baka mamaya masamang tao iyan," dugtong niya pa.
Nginitian ko lang si Bella bilang tugon sa sinabi niya. Kailangan kong malaman kung anong meron kay Morris. Gustong gusto kong matuklasan kung anong meron sa kaniya. Kakaiba siya. . . Ito 'yong unang pagkakataon na nakakita ako ng taong walang naka-aligid na demonyo. Ibig bang sabihin 'non, banal na tao si Morris? Pero hindi rin, e.
Natigil si Bella sa pagsasalita nang biglang lumabas si Morris sa baking area. As usual, wala pa ring emosyon sa mukha niya. Ibinaling niya ang tingin sa akin, mukhang ako ang kailangan niya.
"Wala ng asin," aniya.
Nagkatinginan kami ni Bella. Nagkibit balikat siya, ipinahiwatig na hindi niya alam na naubusan na pala ng stock. Hindi manlang nagsabi iyong dating panadero na wala ng asin, pasaway.
"Sige, bibili ako," sagot ko.
"Ma'am hindi ba't---" Nilingon ko si Bella at saka sinenyasan na tumigil sa pagsasalita.
"Ikaw na muna ang magbukas." Sumulyap ako sa 'king relos. "Alas otso na, aalis na ako."
Tumango si Bella, "Sige ma'am, ingat!"
Usually, iyong panadero ang pinabibili ko, pero nahihiya naman akong mag-utos kaagad sa kaniya gayong bago pa lang siya. Siguro 'tsaka na lang kapag matagal tagal na.
Sa Bayan, doon sa kung saan suki kami, doon ako bumibili ng asin. Maganda kasi ang iodized salt na gawa nila, pinong pino. Hindi katulad ng sa iba na parang hindi pa naman talaga naging iodized. May mga buo buo pa. Isa pa, mabait iyong tindero ng asin.
"Bago na naman ang panadero mo?" tanong ni Mang Elvin.
Bahagya akong natawa, alam na alam talaga niya. "Opo, hindi kinaya ang tulad ko."
"Mabait ka naman, pero bakit?" takang tanong niya.
Ngumiti na lang ako at saka nagbayad para sa limang kilong asin na ginagamit na namin para sa kalahati hanggang isang buwan.
Kaya siguro iniiwanan ako ng mga panadero ay dahil sa pagiging weirdo ko. Ang totoo, nalalaman ko kung naiinis ba o nagagalit sa akin ang taong kaharap ko. Naririnig ko kasi iyong mga demonyong nasa likuran nila. Iyong una kong panadero, palaging nagsisinungaling. Iyong pangalawa, naiinggit sa akin. Iyong pangatlo, laging gutom. Iyong pang-apat babaero kaya palaging bumabale sa akin at iyong huli, sinundan ni Morris, umalis dahil natakot siya sa akin. Hindi ko naman talaga sila tinatanggal sa trabaho, e. Kahit na ganoon ang mga ugali nila. Ang kaso, sa tuwing mapapansin nilang nalalaman ko ang mga kasamaang gusto nilang gawin, natatakot na sila sa akin. Ayaw na nila kaya bago pa man nila magawa ang gagawin nilang kalokohan, hindi na nila magagawa dahil nalaman ko na.
Ramdam na ramdam kong hindi ako normal na tao. Ang iba, nanghuhusga lang, wala namang patunay. Ako? Ito at hindi ko na kailangan pa silang husgahan nakikita at naririnig ko kung gaano sila kasama o kabait.
Napailing ako habang naglalakad bitbit ang limang kilo ng asin. Malayo layo pa kung saan ko ipinarada ang sasakyan ko. Kaya talagang ayoko na ako ang bumibili dahil iba't ibang tao ang nakakasalamuha ko sa mga ganitong lugar, matao. Mabuti na lang may madadaanang eskinita, shortcut papunta sa pinagpaparadahan ko ng sasakyan.
Kadalasan, wala akong nakakasabay na dumaan sa eskinita dahil masikip ang lugar na iyon. Pakiramdam ko nga ako lang ang dumadaan doon, e. Pero ngayon, nabigla ako nang may makita akong papalapit sa akin. Magkakasalubong kami.
Hindi ko na sana siya papansinin dahil ayoko nang makita kung ano ang itsura ng demonyong mayroon siya. Ngunit habang papalapit, napansin ko ang matingkad na kulay itim na usok sa kaniyang likuran. . .
Lalaki siya, nakasuot siya ng damit na kulay abo at may mahabang manggas. Mahaba ang buhok niya, siguro'y hanggang balikat iyon kung hindi nakapuyod. May dala siyang malaking kulay itim na backpack.
Nagtama ang mga mata namin at ang unang napansin ko ay ang mahabang peklat mula sa kaniyang kaliwang kilay hanggang sa kanang bahagi ng labi. Agad rin niyang binawi ang tingin sa akin at nagmamadaling dumiretso sa paglalakad. Bigla akong kinabahan, papalapit na siya sa akin. Nakita ko kung paano umangat ang demonyong nasa likuran niya at mas lalo akong natakot. Kasi sa tanang buhay ko, ngayon lang ako nakakita ng ganoon kalaki at katingkad na kulay itim na demonyo. Ngiting ngiti ito at tila tuwang tuwa sa gagawin ng lalaki!
Napahinto ako sa paglalakad noong lumagpas siya sa akin. Naestatwa ako roon ng ilang saglit dahil narinig ko ang utos ng demonyo. . .
"Patayin mo na siya, patayin mo para tapos na!"
Kinakabahan man, agad na nilingon ko iyong lalaki at sinundan siya para pigilan. Nahawakan ko ang kaniyang kamay na alam kong delikado. Ang tanga ko, alam ko. Delikado 'to, e. Pwedeng patayin niya ako, pero. . .
"Bakit? Sino ka?" Matalim ang mga matang ipinukol sa akin ng lalaki nang lingunin niya ako.
Sandali akong natigilan, bahagyang kinabahan. Kaagad ko siyang binitawan at lumunok muna bago nagsalita.
"K-kung. . . ano man ang binabalak mo, huwag mo nang gawin." Sagot ko pagkatapos ay mabilis na tinalikuran siya at kumaripas nang takbo.
Kahit na nagkandatapon tapon na ang asin, wala akong pakialam basta makatakas lang ako.
. . .