Chapter 7
NAALALA na nga lang ni Ricky ang style noon ni Coach Erik sa mga try-outs at dahil nga marami ang mga nandito ngayon ay hahatiin niya sa apat na grupo ito. Nang bilangin nga niya ang mga ito ay bente-uno sila lahat-lahat. May pitong 4th years, limang 3rd years, apat na 2nd years at limang freshmen ang kabuuan ng mga magta-try-out ngayon. Pasimple pa ngang napatingin si Ricky sa isa na naroon na nakasuot ng jersey na blue na may Leviste at numero singko sa likod. Naalala niya ang sabi sa kanya ni Sir Tuazon na magaling din daw itong maglaro. Gusto raw itong kunin nito noong nakaraang mga taon, kaso, baka lang daw magkagulo ang team dahil hindi nito kasundo si Salome na madali nitong pinapatulan.
“Pwedeng piliin ko ito… Pero mas magandang pag-aralan ko rin ang current players ng varsity. Hindi pwedeng puro guards o puro forwards ang piliin ko,” sabi nga sa sarili ni Ricky na nasa kanya na kanina ang mga pangalan ng natitirang players ng varsity. Sa pagkakatanda niya ay kulang sa matangkad at passer ang koponan. Kaso, nang pagmasdan niya ang mga magta-try-out ay mukhang si Leviste na rin ang pinakamatangkad sa mga ito at base rin sa infos na nakuha niya ay tatlo lang sa current players ang nasa 6-footer na mga narito.
“Bumuo kayo ng apat na koponan… at pagkatapos ay maglalaro kayo sa loob ng limang minuto,” wika ni Ricky sa mga estudyante na nakasuot na ng kanilang mga panlaro. Nasa tabi na nga rin niya si Sir Tuazon na siyang may hawak ng timer at si Ricky raw ang magiging referee na medyo napalunok pa dahil paano raw kung magkamali rin siya ng tawag?
“Wala akong pakialam kung magaling kayo sa pagpuntos o hindi. Ang gusto kong makita ay kung ano sa inyo ang basketball…” wika pa ni Ricky sa mga try-outees na medyo napa-isip sa huling mga sinabi niya.
“Ano sa amin ang basketball?” sabi nga ng isa na napatingin sa mga kasamahan niya na napakibit-balikat.
Nakabuo na nga ng apat na team ang mga ito at dahil nga may putal na isa ay ito na ang naghanap ng kanyang masasamahang grupo. Isa itong first year at mukhang hindi nito kabarkada ang mga kasamahan niya ng year na isang fourth year try-outees ang napiling maging panglima. Lumapit nga siya sa mga ito at sinabi niyang sa kanila na lang siya sasama.
Kaso, napangisi ang isa sa mga freshmen na singkitin ang mata sa lalaking iyon. “Sa amin ka pa talaga sasama? Alam ko kung paano ka maglaro… Hindi ko nga alam kung bakit ka magta-try-out, e wala ka namang ka-talent-talent sa basketball,” sabi pa nga nito.
“Kilala mo siya Harvey?” tanong ng fourth year na kasama nila.
“Oo kuya, ka-batch ko iyan noong elementary… Siya ang taga-bitbit ng team namin ng tubig. Sinali lang siya kasi kulang kami ng players,” sabi pa nga ng estudyante na napatawa pa.
“K-kahit hindi ako maglaro… Basta may kasama akong grupo…” sabi naman ng lalaki na tila wala lang sa kanya ang mga narinig niya. Ni hindi man lang ito nakitaan ng pagkagalit sa mga sinabi ng ka-batch daw niya noong elementary.
Siya nga ay si Kenneth Sanchez, isang first year at matagal na niyang gusto ang basketball… kaso, mukhang hindi naman siya gusto nito dahil wala naman daw talaga siyang talent sa larong ito. Sadyang pinipilit lang niya ang kanyang sarili na maging manlalaro ng sports na ito.
“Sa inyo na ako sasama, kahit hindi na ako maglaro,” sabi na nga lang ng lalaking si Kenneth na kalmadong-kalmado pa rin sa kabila ng pag-iwas ng mga nilapitan niya.
“Isali na natin, para matapos na,” sabi na nga lang ng fourth year na si Richard Hidalgo, kaklase niya si Ceejay Leviste at kaya siya lumayo sa kasamahan ay upang makalaban niya ito. Isa rin siyang transferee at balak din niyang hamunin ng one-on-one si Andrew Salome sa oras na mapili siya sa team at alam na alam naman daw niyang mangyayari.
“Ako ang bahala sa ating puntos, kayo sa depensa,” wika nga kaagad ni Richard sa mga kasamahan niyang mga freshmen. Tanging si Harvey nga lang ang kanyang kakilala rito. Nagtalaga na rin nga siya ng mga pwestuhan ng mga kasamahan niya at dahil siya ang pinakamatanda ay siya na talaga ang masusunod na ikinangisi naman ni Ceejay nang mapansin ang pagpunta ng bago niyang kaklase sa grupo ng mga first years.
“Richard Hidalgo… Tingnan natin kung magaling ka nga talaga,” sabi na nga lang ni Ceejay sa sarili at seryoso niyang tiningnan ang mga kakampi niya na kilalang-kilala na siya.
“Si Ceejay ang bahala sa puntos at tayo naman ang bahala sa depensa, at rebound… Napakasimpleng play,” sabi pa nga ng isa nitong kasama na kulot ang buhok.
Si Ricky naman ay pasimpleng nag-oobserba sa mga iyon at kahit walang interaksyon ang ilan sa mga ito ay ramdam niyang may tensyon na nagaganap sa ilan sa mga narito. Alam niya ito dahil kanyang napagdaanan din ito. Hindi raw talaga mawawala ang kompetisyon sa mga manlalaro sa anumang klase ng laro. Dito sa try-out ay kailangan nilang mag-excel para makitaan ng potensyal at ang unang nasa isip ng mga ito ay alam niyang ang “makapuntos”… ang mahawakan ang bola at maipasok sa loob ng basket.
Ang lahat nga ay naghanda na at ang unang laban ay sa pagitan ng grupo nina Ceejay Leviste at ng grupo ng mga freshmen na pinangungunahan ng fourth year na si Richard Hidalgo. Parang may napansin kasi si Ricky na tensyon na namamagitan sa mga iyon at mukhang maganda raw itong makita sa mismong laro nila.
“Magpapagalingan sila, at dito ko makikita kung dapat ko ba silang piliin. Dahil nga kailangan ko ng matangkad, ay gusto kong makita kung paano maglaro ang ilang 6-footer sa mga narito, na kabilang itong may Leviste at Hidalgo ang likod ng mga jersey… May datingan na rin kasi silang manlalaro,” sabi pa sa sarili ni Ricky at napatingin siya kay Sir Tuazon na sinabing ready na rin sa paggamit ng timer.
Pinatalbog na ni Ricky ang bola at papalapit na siya sa gitna, sa tapat ng dalawang player na tatalon para sa jumpshot na kanyang gagawin. Si Leviste at Hidalgo nga ito. Maririnig na nga rin sa mga manonood ang ilang cheer kahit hindi kalakasan. Ang iba naman ay napalunok dahil parang may kakaibang tensyon sa loob kahit pa isang 5-minute game lang naman ang magaganap.
“Ipakita ninyo kung paano kayo maglaro…” sabi pa nga ni Ricky sa mga nasa loob ng court na maglalaro. Sina Leviste at Hidalgo naman ay nagkatinginan na tila ba may galit sa isa’t isa. Ang mga kakampi nga nila ay nakapwesto na rin sa kani-kanilang babantayan. Makikitang tila dehado na kaagad ang mga freshmen na kasama ni Hidalgo, pero ayos lang daw ito para sa kanya… dahil nandito pa raw siya.
Pinataas na nga ni Ricky ang bola at kasabay nito ay ang pagtakbo ng limang minutong oras sa timer na hawak ni sir Tuazon.
Ang jumpball ay naganap na at sa pagbalik nito pababa ay siya namang sabay na pagtalon ng dalawang nasa gitna ng bilog. Mataas silang tumalon, ngunit isang team lang ang makakakuha sa unang possession na ito. Umalingawngaw na nga ang pagtama ng mga kamay nila sa bola at nang makita ng dalawa kung sino ang nakakuha nito ay doon na sila tumakbo, papunta sa direksyon na patungo ito.
Nakuha ng kakampi ni Ceejay ang bola kaya naman awtomatiko siyang tumakbo patungo sa side nila. Alam na alam na nga niya ang mangyayari, at ito ay ang isang quick pass patungo sa kanya.
“Inaasahan ko nang matatalo kami sa possession. Kaya kailangang mapigilan ko itong si Leviste,” sabi nga ni Hidalgo sa sarili na mabilis na humabol sa kanyang binabantayan na alam niyang papasahan ng bola.
Ibinato na nga ng kakampi ni Ceejay ang bola na mabilis namang sinundan ng mga mata ng manonood sa tabi. Si Ricky nga ay nasa bibig na rin ang silbato at nakaabang din siya sa mga mangyayari, at seryoso ring nakamasid sa galawan ng mga ito.
“Ganito nga pala kapag referee… Kailangang nakikita ang mga kilos ng lahat ng nasa loob,” sabi niya sa sarili at nasambot na nga ni Ceejay Leviste ang bola at mabilis namang inunahan ni Hidalgo ang daraanan nito palapit sa basket.
“Tingnan natin kung magaling ka talagang transferee ka,” sabi ni Ceejay at gumalaw ang mga paa niya palayo habang ang bola ay kanyang pinapatalbog. Nais niyang pasunurin ang kanyang defender at kapag nangyari raw ito ay doon na siya sasalisi ng kilos para sa isang mabilisang pagbabago ng galaw.
Umalingawngaw sa court ang magandang pagtalbog ng bola at kasunod nito ay ang paghakbang naman ni Hidalgo para sundan ito. Dito na nga napaseryoso si Leviste at sa paghabol ng kanyang defender ay siya namang biglaang pagkilos ng isang paa niya papunta sa kanan na kanyang sinundan ng mabilisang pag-lift sa bola. Matapos ang unang hakbang ay mabilis niyang nalampasan ang kanyang defender na ikina-wow ng mga manonood.
“Alam ko talagang magaling itong si Leviste,” nasabi na nga lang ni Sir Tuazon.
Ramdam na nga rin ni Ceejay ang tagumpay sa kanyang ginawa at hahakbang pa sana siya ng isa pa bago tumalon, kaso, umalingawngaw sa court ang tunog ng nahampas na bola. Makikita nga ang nagdidilim na paningin ni Hidalgo na may kasamang ngiti. Ang isa nga rin nitong kamay ay makikitang nasa ibaba at mukhang ito ang nag-intercept sa cross-over na iyon.
“Maganda ang galaw mo… pero baka nakakalimutan mo yata kung saan ako magaling?”
“Sa steals at interceptions!” wika ni Hidalgo at natigilan ang mga kaklase nila dahil sa nangyari. Ang bola ay tumapon nga palabas ng court na sinabayan ni Ricky ng pagsilbato. Sa team pa rin daw ni Leviste ang bola.
ANG KAKAMPI ni Leviste ang nag-inbound ng bola at napansin ni Ricky na ang ganda ng depensa rito ni Hidalgo. Ang isa tuloy sa kakampi ni Ceejay ang kumuha ng bola at mabilisan naman itong hinarangan ng freshmen na si Harvey na seryosong nakaabang sa gagawin nito.
“Akin!” sigaw nga ni Ceejay na humingi ng screen mula sa isa niyang kakampi para ma-delay ang paghabol ni Richard sa kanya. Nangyari nga iyon at nasa kamay na muli niya ang bola na sinundan muna ng pag-atras palayo sa three-point line. Ang mga kakampi nga niya ay agad na niluwagan ang pwesto sa gitna at isang isolation play ang ibinigay nila kay Ceejay na ikinailing ni Ricky dahil mali raw ito.
“Ano ang gusto ng mga ito? Si Leviste lang ang mapili sa kanila sa try out na ito? Kapag ganito ang gagawin nila, baka sa lower years ako makapili ng ipapasok,” sabi ni Ricky sa sarili na nakamasid nga sa nangyayaring laro sa loob ng court.
“Natsambahan mo lang ako kanina Hidalgo… Masyado lang akong naging kampante,” may pagngising wika ni Leviste na bumigla ng tira sa pwesto nito na ikinagulat nga rin ng kanyang defender na si Hidalgo.
“A-ang layo mo p---“ Magsasalita pa sana si Hidalgo, kaso, nilampasan siya ni Leviste na mukhang hindi pala tumira nang maayos. Mabilis nga siyang lumingon at humabol kaso, bumilis ang takbo ng kanyang binabantayan at pagkakuha sa bola ay malaya nitong ipinasok ito sa loob ng basket sa pamamagitan lang ng isang simpleng lay-up.
Napa-cheer nga ang mga kaklase ni Ceejay na kasalukuyan namang inaayos ang gilid ng kanyang buhok gamit ang kanyang palad. Naglakad siya at nilampasan si Hidalgo na napangiti na lang nang bahagya sa nangyari.
“Wala akong pakialam sa specialty mo,” mahinang wika ni Ceejay at tila lalong uminit ang tensyon na nagmumula sa dalawa.
“Magaling ang move na iyon,” sabi naman ni Ricky sa sarili na sumilbato pagkatapos at para naman sa possession ng kabilang koponan ay si Hidalgo nga ang nagtawid ng bola.
2-0 na ang score sa nakalipas na dalawampung segundo. Sa pagkakataong ito ay mukhang si Hidalgo naman daw ang magpapakita ng galing sa paglalaro ng basketball. Napailing na nga lang si Ricky nang makita na may pagkakatulad ang ginawa ng mga kakampi ng may dala ng bola sa ginawa ng kalaban kanina.
“Isolation play na naman? Mukhang uso sa mga batang ito ang iso,” sabi ng binata sa sarili na naka-abang na lang sa mga gagawin ng mga manlalaro.
Maririnig nga ang tunog ng dribbling ni Hidalgo at habang nakaabang si Leviste sa kanya ay dito na nga dahan-dahang bumaba ang galaw ng bola. Lumipat-lipat na ito sa magkabilang palad ni Hidalgo at umatras nang bahagya na parang gumagawa ng buwelo.
“Ang ganda ng ball handling ni Hidalgo…” sabi pa sa sarili ni Ricky at kumaliwa naman si Hidalgo na sinabayan ni Ceejay. Ang paggalaw nga ng bola ay tila kontrolado ng epektus at handling ni Richard na biglang binago ang direksyon, at sinabayan ng biglaang pag-iiba ng abante. Biglaang pagkanan ang kanyang ginawa at si Ceejay ay makikitang sa kaliwa dumiretso.
Umalingawngaw ang paghanga ng mga manonood at naiwanan si Leviste ng ngiting-ngiti na si Hidalgo. Pumasok sa basket ang bola nang isang libreng lay-up din ang kanyang ginawa.
“Simula pa lang ito Leviste… Sa oras na mapili rin ako sa varsity ay papalitan ko na rin ang kasalukuyang star player ng team na si Salome at ito ay sa pamamagitan ng gagawin kong paglampaso sa kanya na hindi mo magawa-gawa, hindi ba?” seryosong wika ni Hidalgo at si Leviste ay napakuyom ng kamao sa mga narinig niya mula rito.
“Hindi ko yata gusto ang tabas ng dila mo,” wika ni Ceejay at ang mga players na kasama nila ay napalunok dahil parang may hindi magandang mangyayari sa dalawa nilang kasama na hindi umaalis sa mga pwesto nito.
“Tss… Sige, sa paglalaro ko na lang ipapakita… Ipapakita ko sa iyo na malayo ang agwat ng talento ko kung ikukumpara sa iyo,” wika pa ni Richard Hidalgo at tumakbo na siya sa side nila para abangan ang pagpunta ng bola sa possession nina Leviste.
“Mayabang din pala ang transferee na ito… Sa basketball pala ah. Tingnan natin…”
“Ito na ang huling taon ko sa Balugo NHS at dapat mapili na ako sa varsity lalo pa’t hindi na ang mayabang na iyon ang pipili ng mga ipapasok,” sabi pa nga ni Ceejay sa kanyang sarili na mabilis na hiningi ang bola sa kanyang kasamahan.
“Mukhang ang limang minutong ito ay laro lang ng dalawang ito ang makikita ko? Paano ko kaya makikita ang galawan nitong iba nilang mga kasamahan? Mahirap ito, mukhang parehong buwaya itong dalawa nilang kasama na mukhang magkakainitan lalo,” sabi naman ni Ricky sa sarili na nakaabang sa mangyayari at ganoon din sa galaw ng mga players sa loob dahil sa siya rin ang referee ng labang ito.
Nang mga oras ngang iyon, makikita naman sa labas ng court, sa tapat ni Ricky ang freshmen na si Kenneth Sanchez na medyo may kaba sa mga mata. Naghihintay lang siya ng pagkakataon para magsabi sa referee at coach ng varsity team.
“Kailangang makita ako ni Coach maglaro… Kaya para makalaro ako, kailangang magsabi ako sa kanya. Paano niya makikita ang paglalaro ko kung hindi ako paglalaruin ng mga kasama ko?” sabi nga ni Kenneth sa sarili at kahit na hindi siya magaling ay gusto niyang makapaglaro para ipakita sa kanilang coach ang estilo niya sa sports na ito.
Tatlong minuto nga ang lumipas, at walang ibang napanood si Ricky at ang mga manonood kundi ang laban nina Hidalgo at Leviste. Oo, maganda raw ito sa mga mata ng mga manonood, pero para sa kanya… Walang pag-asang manalo ang ganitong play kung malalakas na koponan ang kanilang makakalaban. Napansin nga rin niya ang paghingal ng dalawa dahil sa sila lang naman talaga ang humahataw sa paglalaro. Dahil nga rito ay naisipan niyang bigyan muna ng isang minutong time-out ang paglalaro ng mga iyon para makahinga muna sandali.
Nang tumigil nga ang paglalaro sa loob ay doon naman tumakbo sa harapan ni Ricky ang estudyanteng si Kenneth Sanchez na ngiting-ngiti sa kanya.
“Coach! Gusto ko rin pong maglaro para makita ninyo akong mag-basketball kaso, dahil nga sa hindi ako magaling ay mukhang hindi ako palalaruin ng mga kasama ko… Baka naman po magagawan ninyo ng paraan?” wika ni Kenneth na sa likod ng lakas ng loob na ito ay baon din niya ang hiya na mamaya na lang daw niya dadamdamin.
“A-ako po coach ang putal sa mga nag-try-out… Ako po si Kenneth Sanchez, isang freshmen! Position! Point Guard!” wika pa nito na ikinaseryoso ng mga kasamahan niyang freshmen na nasa gilid lang din ng court nang oras na iyon.
“A-ano’ng ginagawa ng isang iyon sa harap ni Coach?” bulalas na nga lang ni Harvey at nang mapatingin siya sa isa niyang kasamahan ay may kausap naman ito sa phone nito.
“H-harvey… Mukhang hindi na ako tutuloy sa try-out… May emergency… Baka next year na lang ako,” biglaan ngang wika ng kasamahan niyang kakatapos lang ang pagsagot ng tawag sa kanyang cellphone.
“A-ano? E de kulang tayo ng isa?”
“P-pasensya na talaga… Biglaan kasi… Pa-paglaruin na lang ninyo iyong si Kenneth…” sabi ng lalaki na napakamot na lang sa ulo na kinuha ang kanyang gamit at magpapa-alam na rin daw muna siya kay Coach Mendez para maging maayos.
“Wala namang problema sa akin kung maglaro ang isang iyon… Huwag na lang nating pasahan,” wika naman ni Richard na kakatapos lang uminom ng tubig at pawisang-pawisan dahil sa pakikipagtagisan niya kay Ceejay Leviste na hindi niya inaasahang makakasabay rin pala sa kanya.