JERICHO'S POV
Nang makiusap si Kylie sa akin na samahan ko siya sa bahay ay hindi ako nakatanggi. Pumayag ako. Alam kong mali na sa kanilang bahay ako matulog kaya nakiusap ako sa babae na magpaalam muna sa aking ina. Mabuti na lang at maganda ang mood ni Mama at pinayagan ako. Pinayagan niya kami ng kapatid ko na makitulog sa bahay ni Kylie.
Kahit na magkaiba kami ng silid ay hindi pa rin ako nakatulog ng maayos dahil pakiramdam ko ay sobrang lapit lang namin sa isa’t-isa. Nainis na nga si EJ sa akin dahil sa sobrang likot ko sa aming higaan.
Oo nga at nakapikit ang aking mga mata ngunit pakiramdam ko ay gising lang ang aking diwa. Nang marinig ko ang pagtilaok ng mga manok ay kaagad akong bumangon at kinuha ang aking cellphone. Naisipan kong maglaro ng ML kasi maaga pa naman at sigurado na ako pa lang ang gising.
Nang mabuksan ko na ang ML, kaagad akong nagtungo sa classic na lobby.Habang hinintay na makumpleto ang aking mga kalaro, nakiramdam muna ako sa paligid kung may gising na ba maliban sa akin. Nang makumpirma ko na wala pa, hininaan ko ang volume upang hindi makaabala ng mga taong tulog pa.
“Pa-core please.” Iyon ang pinadala kong mensahe sa aking mga kalaro habang nag-picking pa kami ng mga hero. Si Lancelot ang pinili kong hero dahil gusto akong magsanay ng husto sa hero na iyon. Nangako kasi si Mama na bibilhan daw ako ng skin sa aking birthday. Baka masabihan pa akong skinner pero walang skills. Biglang umangat ang aking kilay nang may nakasama akong Angela. Hindi naman sa ayaw ko sa mga Angela user ngunit kadalasan kasi ay paglalandi lang ang alam habang naglalaro.
Habang pinag-aagawan nila ang Angela ay tahimik lang ako dahil hindi naman ako sanay na aasa lang sa Angela upang makapatay ng kalaban. Nakatutok lang ako sa screen ng aking cellphone habang hinintay na magsimula ang laro. Sa aming lima, tanging si Angela lang ang may skin. Naka-starlight ang player pero nakatutok ako sa skin ng mga kalaban namin, lalo na sa core nila na si Lancelot din. Habang nakatingin ako ay hindi ko naiwasang makaramdam ng inggit dahil ang ganda ng mga skins nila. Mga epic pa nga!
Nang magsimula ang laro, hinarot na kaagad ni Chou si Angela at hindi nga nag-focus ang Chou user sa laro at lagi na lang itong nakasunod sa Angela. Inakala ko na katulad lang din ng mga nakasama kong Angela dati ang player na hindi seryoso sa laro kaya nagulat ako nang sumanib sa akin habang may-clash.
FIRST BLOOD!
DOUBLE KILL!