Kung hindi lang dahil sa malaking mana na inihain sa harapan ni Ahtisa, hindi niya susundin ang gusto ng kaniyang tusong lola na si Donya Alejandra Lopez. Kailangan niyang magkaroon ng anak sa taon din na iyon kapalit ang malaking mana.
Nawawalan na kasi ng pag-asa ang kaniyang lola na mag-aasawa pa siya. Sa edad niyang twenty-six, sobrang namomroblema na ito sa kaniya. Lipas na lipas na raw siya. Mag-anak na lang daw siya at 'wag ng mag-asawa.
Hindi niya alam kung paano niyang isasakatuparan ang gusto ng kaniyang lola. Dahil napakapihikan niya pagdating sa isang lalaki. Dala-dala niya ang isiping iyon hanggang sa pagbabakasyon niya sa bayan ng San Roque.
Doon nagkrus ang landas nila ng makalaglag panga sa kaguwapuhan na si Kieran. Buong akala ni Ahtisa, isang hamak na farmer lang si Kieran. Pero dahil sa hindi maitatanggi nitong kaguwapuhan, tingin naman niya ay mabibigyan siya nito ng isang magandang lahi. Kaya kahit may kasungitan ang binata, gumawa siya ng paraan para mapansin nito.
Huli na nang mapag-alaman ni Ahtisa na si Kieran pala ang bilyonaryong nagmamay-ari ng malawak na lupain sa bayan ng San Roque. Nakatakda itong ikasal sa anak ng Gobernador sa probinsiyang iyon. Dahilan upang dumistansiya siya sa binata.