Lihim na nagbunyi si Jennie, hindi kasi sa bakanteng upuan na katabi niya umupo si Jordan. Doon ito umupo sa tabi ni Yasudhara, ang may lahing koreana nilang classmate at pinakamaganda sa kanila. At malamang tuwang-tuwa naman si Yasudhara dahil katabi na ang binatang guwapo.
Nawala ang kaba sa dibdib na niya. Ngayon, sigurado na siya na makapag-aaral pa rin siya ng mabuti kahit kaklase pa niya ang binatang pinaka-aayawan niya. Nayayabangan talaga siya, eh, kahit na wala namang ginagawang masama sa kanya ang binata. Ewan ba niya, siguro dahil sa hindi nila magandang first encounter noon sa date dapat nila ni Paul. Hindi niya talaga nagustuhan 'yung inasal nito na parang nang-uusig agad.
Nagbuga siya ng hangin. "Thank you, Lord!" at bulong niya, bahagyang tumingala pa siya sa taas. Totoong napakasaya niya kasi may babalikan pang upuan si Paul niya kapag pumasok na ito.
"Sayang naman! Dapat dito siya umupo, eh!" mahinang maktol ni Rose sa kanyang likuran.
Napadilat ang isang mata niya. "Sipain kaya kita riyan, eh!" mahinang sabi niya sa kaibigan. Kokontra pa, eh!
"Papa na naging bato pa!" pero sabi ulit ni Rose.
Nilingon na niya sa likuran ang kaibigan. "'Wag ka nang komontra puwede? Okay na, oh! Umupo na siya ro'n! Okay na 'yon!" At angil niya na pinandilatan si Rose, saka padaskol na tinalikuran din ito agad. Hindi na niya nakita ang pag-ingos sa kanya ng kaibigan.
Nag-umpisa na ulit ang kanilang klase. Bumalik na ulit ang kanilang prof na naghatid sa kanilang Dean.
Tumahimik ang kanilang klase.
Siya, bumalik sa normal ang kanyang pakiramdam. Iniisip na lang niya na ghost si Jordan at hindi niya ito nakikita. Kahit gustong-gusto niya itong sulyapan ay pinipilit niyang pigilin ang sarili. Ewan niya kung bakit. Nangalumbaba na siya para mahawakan ang ulo para hindi siya mapalingon.
Ang hindi niya alam ay si Jordan ang panay sulyap sa kanya. Nakakalokong ngiti ang pabalik-balik sa gilid ng mga labi nito. Hindi rin ito mapakali.
"Any question class?" tanong ng prof. Tahimik ang buong klase. Naunawaan ng lahat ang lecture ng kanilang guro. Maliban yata kay Jordan na biglang nagtaas ng kamay.
Doon napalingon siya sa binata na kusot ang mukha. An'liwanag naman ng eksplenasyon ng kanilang prof. Hindi pa ba 'yon naintindihan ni Jordan?
Tumaas ang gilid ng kanyang labi. Sayang ang kaguwapohan, mahina pala ang utak. Bakit ba 'to napadpad dito sa section nila? Ay! Kung sabagay anak nga naman pala ng Mayor! Bakit pa ba siya nagtataka?! Understood na 'yon! Tsk!
Tumayo si Jordan. Ang buong klase ay nakatingin sa binata. Pati ang kanilang prof ay takang-taka. Inantay nila ang sasabihin o katanungan ng binata.
"Sir, malinaw na malinaw po ang iyong lecture for today pero--" Sinadyang mag-pause muna sa sinasabi si Jordan dahil binalingan nito ng tingin si Jennie.
Nanlaki tuloy ang mga mata ni Jennie. Gulat siya sa biglang pagtingin sa kanya ni Jordan. Ayaw man niya pero nag-blush siya. Nasapo niya ang pisngi at nag-iwas ng tingin.
Nag-"Ooooooyyy!" sa kanila ang mga kaklase nila. Kinilig na naman ang mga ito sa kanila na pinangungunahan nina Rose at Joyjoy. Sarap mga pagkukutusan!
"Before you continue the lecture, Sir. Can I request?" pagpapatuloy ni Jordan.
"S-sure Fernandez what is it?" anang guro, ito pa ang nahihiya sa hindi ordinaryo nitong studyante.
Gustong batuhin ng sapatos ni Jennie ang binata. Porke't anak ng mataas na tao, may pa-request-request pang nalalaman. Kapal ng face!
"Sir, can I transfer a seat? It's hot here, pwede po bang doon na lang ako umupo para malapit sa aircon?" pagkuwa'y nadinig niyang wika ni Jordan na itinuro pa ang upuang bakante malapit sa kanya.
Awtomatiko ang panlalaki ng mga mata niya. "Hindi puwede!" protesta agad niya sa malakas na boses. Napatayo rin siya sa pagkontra at parang tao na prinotektahan niya ang upuan ni Paul.
Taka ang lahat. Si Rose, natampal ang sariling noo at si Joyjoy napahagikgik. Wala na! Baliw na talaga ang kaibigan nila! Nabaliw sa baduy na Paul na iyon!
"And why?" pormal na tanong ni Jordan.
"May nakaupo na rito! Si Paul! Absent lang siya!" she reasoned. Magkakamatayan na pero hindi niya ibibigay ang upuan!
Tumingin si Jordan sa kanilang prof. Humihingi ng tulong ang mga tingin nito.
Tumikhim ang prof. "Uhmm.. Miss Dalioan, puwede namang doon na lang uupo si Sanchez kapag pumasok na siya."
"Pero Sir, dito na po sanay si Paul na umupo!" hindi pa ring makakapayag na giit niya.
"Bakit close ba kayo?" sarkastikong tanong ni Jordan sa kanya.
"O-oo!" paninindigan niya.
Umismid si Jordan saka humalukipkip. "Akala mo lang 'yon, pero sabi niya sa 'kin napipilitan lang siyang makitabi sa'yo kasi ang kulit mo raw."
Nagtawanan ang buong klase.
Napahiyang umawang ang mga labi niya. Gusto niyang magpapigil kay Rose at baka mapatay niya ang Jordan na ito. Tumaas-baba ang kanyang dibdib sa sobrang inis. Hindi siya naniniwala na sinabi iyon ni Paul!
Naglaban ang tinginan nila ni Jordan. How she wish nakakamatay ang masamang titig.
"Ahmm.. Sige na Dalioan, hayaan mo na riyan na umupo si Fernandez. Alam niyo naman na hindi siya sanay sa mainit na lugar," pakiusap ng kanilang prof sa kanya.
"Pero, Sir?"
"Sige na, Dalioan. Wala pa naman si Sanchez."
"Bakit hindi na lang 'yung aircon ang ilipat niyo!" parang batang maktol na niya sa kanilang prof nang alam niyang wala na siyang laban.........