NABINBIN pa sa traffic si Janna kaya natagalan bago nakauwi. Nabili naman niya ang gamot ng papa niya. Inatake siya nang nerbiyos nang madatnan ang kaniyang ama na nakahiga sa sofa sa salas. Kinapa kaagad niya ang leeg nito, pinulsuhan. “Papa!” sigaw niya habang niyuyugyog ang balikat nito. Nang gumalaw ito at magising ay nahimasmasan siya, napaluklok sa sahig. Napaluha na siya dahil sa takot. Akala niya’y inatake na ang kaniyang ama. Nakatulog lang pala. “B-Bakit, anak?” tanong nito sa namamalat na tinig. Inalalayan niya itong makaupo at niyakap. “Akala ko napano ka na. Natatakot ako, Pa,” humihikbing wika niya. Hinagod naman nito ang likod niya. “Tahan na, ayos lang ako. May natira pa palang isang gamot sa wallet ko, at hindi ko kaagad nakita,” sabi nito. Naibsan ang kaba niya at k