"Kumpadre, bakit parang tahimik ka ngayon? Mukhang malalim ang iniisip mo, ha. Bakit may problema ba?" bungad na tanong ni Atty. Feliciano sa kaibigang si George.
Kanina pa siya nakapasok sa opisina nito ngunit tila ba hindi nito naramdaman ang presensiya niya, sa tagal niyang nakamasid dito ay hindi siya sanay na makita itong tahimik. Ang kaibigang si George kasi ay kilala ng lahat bilang masayahin at maraming kwento, kaya naman napapaisip siya kung may mabigat ba itong problema na dinadala?
"Huh! Kumpadre, andyan ka pala, kailan ka pa dumating?" gulat na tanong ni George.
"Kanina pa, at kanina pa kita nakikitang nakatingin sa malayo. Ano ba kasing iniisip mo ha? May problema ba sa kompanya?"
Sunod-sunod ang naging pag-iling ni George.
"No. Crisostomo Holdings is doing great as well as my other companies."
"So, ganun naman pala, eh bakit ganyan ang itsura mo? Mukha kang problemado."
Nilingon ni George ang kaibigan. "It's about my granddaughter."
"Huh! Why? What happened to Hannah?" nababahalang tanong ni Atty. Feliciano sa kaibigan.
Muli ay umiling si George.
"Nothing, it's just that I'm worried about her, Danilo."
Nakahinga naman ng maluwag si Atty. Feliciano. Ang akala kasi niya ay nagkasakit na naman si Hannah, na madalas mangyari. Hindi na kasi iba ito sa kaniya, itinuring na rin niya itong tunay na apo. Higit pa sa pagkakaibigan ang samahan nila ni George, para na silang magkapatid, kaya naman ang pamilya nito ay pamilya na rin niya, ganun din naman si George sa kaniya. Nasa college palang ay magkaibigan na sila, kaya naman kung susumahin ay halos limampung taon na silang magkaibigan.
"Ano ba'ng pinag-aalala mo para sa apo mo?" curious na tanong niya.
"I'm not getting any younger, Danilo. Natatakot akong maiwan ko si Hannah ng ganun na lang. She's weak, vulnerable and so naive. She’s at the right age now, and I just want her to settle down. I need to find the right guy for my precious princess — someone who’ll really take care of her. Yung lalaking masasandalan niya sa lahat bagay. Mabait, responsable at higit sa lahat ay mamahalin ang apo ko ng buong puso, doon lang ako mapapanatag."
"Naiintindihan kita, George. Kaya lang, hindi ba unfair naman kay Hannah kung ikaw ang pipili ng mapapangasawa niya? Bakit hindi mo na lang hayaan na ang apo mo mismo ang mamili ng lalaki na iibigin niya? Baka naman kasi makahanap ka nga ng lalaki na sa tingin mo ay babagay sa apo mo, kaya lang ay hindi naman niya gusto. Knowing Hannah, napakamasunuring bata nun, kung ano ang gusto mo ay siya niyang susundin. Kaya lang, ang pagsasama na walang pagmamahal ay kadalasan hindi nagtatagal. Gusto mo bang makulong ang apo mo sa pagsasama na walang pag-ibig? Hindi siya magiging masaya kapag ganun."
Napaisip si George, may punto ang kaniyang kaibigan, kaya lang, kung hihintayin niya ang kaniyang apo ay baka nakabaon na siya sa lupa ay wala pa rin itong nobyo. Si Hannah ay hindi pala labas, walang hilig gumimik, mag bar o mag-outing man lang kasama ang mga kaibigan. Palagi lang ito sa bahay at ang libangan nito ay magbasa at magpinta. Isa lang ang kilala niyang kaibigan ng kaniyang apo at iyon ay ang kababata nitong si Sarina, kaya lang ay nasa London na ito ngayon at kumukuha ng kaniyang masteral degree. Matatagalan pa bago ito makabalik ng bansa, kung suswertihin na makahanap pa ito ng magandang trabaho roon ay baka doon na iyon manirahan. Kaya paano magkakaroon ng boyfriend ang kaniyang apo kung bihira lang itong makisalamuha sa ibang tao?
"I get your point, Kumpadre, but, I'm sorry, hindi ko pwedeng sundin ang payo mo. Gusto ko pang makita ang mga magiging apo ko, hindi na ako aasa kay Hannah na magka-boyfriend, kaya ako na ang gagawa nang paraan. I will make sure na ang lalaking mapipili ko ay mamahalin siya at mamahalin rin niya."
"Huh! Bakit may prospect ka na ba?"
Napangiti si George sa tanong na iyon ng kaibigan. Bahagya siyang tumango. "May tatlo akong pinagpipilian, but I have to test them first para makapagdesisyon na ako kung sino ba sa kanila ang talagang nararapat para sa apo ko."
"Well, if that was the case, I wish you good luck. Sana ay mapili mo ang tamang lalaki para kay Hannah dahil ako rin naman ay walang ibang hangad kung hindi ang maging maligaya siya. She deserves all the love in this world. Sa dami ng pinagdaanan niya sa murang edad pa lang, dapat lang na maging maligaya siya sa piling ng tamang lalaki."
"Oo, kumpadre, sana nga ay gabayan ako ni Lord at ituro niya sa akin ang karapatdapat na lalaki para sa apo ko."
Natapos ang pag-uusap ng magkaibigan na puno ng pag-asa si George. Alam niyang wala nang mas tatama pa sa desisyon niya na pag-asawahin na ang kaniyang pinakamamahal na apo.
_
Isang linggo na siya sa Cebu, may malaking branch ang kanilang kompanya roon at isang linggo na rin siyang nag-oopisina roon. Inaasikaso niya ang ilang mahahalagang bagay, bukas ay uuwi na siya ng Maynila. Hindi na rin siya makapaghintay na makita ang kaniyang apo, ang nag-iisang pamilya na meron siya.
Mula sa drawer ng kaniyang lamesa ay nilabas niya ang isang brown envelop, sa loob niyon ay naroon ang mga larawan at pagkakakilanlan ng tatlong lalaki na napipisil niya para maging asawa ni Hannah.
Ang unang larawan ay matagal na niyang kilala. Anak ito ng kaniyang kliyente na nagmamay ari ng malaking construction company.
Binasa niya ang nakasulat sa portfolio nito.
-Miguel Aguilar, 29 years old, isang magaling na arkitekto, ito ang namamahala ng kanilang family business. Maganda ang reputasyon, mabait, family oriented, magandang lalaki, matalino at responsable.
Matapos basahin ang pagkakakilanlang ng unang lalaki ay ang pangalawang larawan naman ang kaniyang binigyan ng pansin.
-Walter Lacsamana, 27 years old sa murang edad ay nakapagpatayo na ito ng sarili niyang kompanya, galing sa isang prominenteng pamilya. Sa batang edad ay isa na itong philantropist, marami itong sinusuportahan na foundation at aktibo sa pagtulong sa mga taong nangangailangan. Katulad ng nauna, si Walter ay maganda ring lalaki, matalino, generous at marespeto. Pasado ang mga katangian nito na hinahanap niya para sa kaniyang apo.
Dumako naman ang mata niya sa pangatlong picture, kinuha niya ang isang papel na naglalaman ng mga credentials nito.
-Atty. Kenneth Marasigan, 28 years old, isang sikat na batang abogado, marami na ring napatunayan, maraming naipanalong malalaking kaso.Galing sa mayaman na angkan. Isa ring family oriented, wala ng ama kaya siya na ang tumayong padre de pamilya, mapagmahal sa kaniyang ina at dalawang kapatid na babae. Given na ang pagiging matalino at pagiging magandang lalaki na minana nito sa inang former model-beauty queen, ang socialite na si Brandy Orquiza.
Wala siyang tulak kabigin sa tatlo. Sa totoo lang ay nahihirapan siyang mamili. Para sa kaniya ay karapat-dapat ang mga ito. Ayon naman sa private investigator na inupahan niya para alamin ang tungkol sa mga lalaking ito ay pare-pareho namang single ang mga ito at walang lihim na karelasyon.
Ang dapat na lamang niyang gawin ay ang makita at makausap ang mga ito ng personal para ipakilala sa mga ito ang kaniyang apo.
Tiwala siyang magugustuhan ng mga ito si Hannah, hindi naman sa pagmamayabang, ang kaniyang apo ay napakaganda, pinalaki niya ito na parang isang prinsesa. Mabait ang kaniyang apo, mapagmahal at masunurin. Nakapagtapos ito ng fine arts with flying colors sa Espanya. Magaling itong magpinta, nung nakaraan lang ay siya ang nag-sponsor ng exhibit nito at naging successful naman. Hindi sila lugi sa kaniyang apo. Kahit prinsesa ang turing niya rito ay marunong naman ito sa mga gawaing bahay. Lumaki man ito sa karangyaan ay alam pa rin nito ang simpleng pumumuhay. Ingat na ingat nga lang siya rito dahil mahina ang pangangatawan nito at mabilis dapuan ng sakit. Pinagamot na niya ito sa iba't-ibang ospital sa iba't-ibang bansa ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin nabibigyan ng lunas ang karamdaman nito.
Matapos muling pasadahan ng basa ang mga nakasulat sa file ng tatlong binata ay ipinasok niya ang lahat ng iyon sa loob ng envelop atsaka muling itinago sa drawer.
Ilang segundo ang lumipas ay natigilan siya ng pumasok ang kaniyang sekretarya.
"Sir, nasa conference na po ang lahat, kayo na lang po ang hinihintay para simulan ang meeting," anito.
Tama lang ang dating ng kaniyang sektetarya.
"Okay, Rida, bumalik ka na roon at susunod na 'ko."
"Sige po, Sir," tugon naman ng kaniyang tauhan. Mabilis na itong tumalikod at lumabas ng opisina.
Tumayo naman si George, inayos ang kaniyang necktie at pagkaka tack-in ng kaniyang suot na puting long sleeve, bago kinuha sa sabitan ang kaniyang mamahaling coat, inalis iyon sa pagkaka-hanger at saka isinuot. Sinipat niya ang sarili sa body size mirror, nakuntento naman siya sa kaniyang itsura na mukhang kagalang-galang, kaya agad din siyang lumabas para tunguhin ang conference room. Kailangan niyang i-meeting ang kaniyang mga executive bago siya bumalik ng Maynila.
Sa edad niyang 68 years old ay malakas at matikas pa rin siya. Alaga niya ang kaniyang sarili sa masusustansiyang pagkain at ehersisyo. Marami pa siyang gustong gawin sa buhay at napapanatili niya ang sarili na maging malusog sa mahabang panahon para sa kaniyang apo.
Simula ng mamatay ang kaniyang nag-iisang anak at ang kaniyang manugang sa plane crash accident ay ipinangako niya sa puntod ng mga ito na hindi niya hahayaan na mawalan pang muli ng pamilya si Hannah.