"Ma'am Hannah, gising! Gumising ka na!" Niyugyog ni Dimples nang paulit-ulit ang balikat ng kaniyang alaga.
Papungas-pungas namang iminulat ni Hannah ang mga mata.
"Yaya, it's too early! Bakit ba nanggigising ka na?" medyo inis na tanong niya, masyado pa kasing maaga para bumangon, wala pa yatang alas siyete, nasa kasarapan pa siya ng pagtulog.
"Dumating ang lolo mo kagabi, nasa dining room siya ngayon at nag-aalmusal, kung gusto mo siyang makita ay bumangon kana para masabayan mo siyang kumain."
Napabalikwas ng upo si Hannah sa balitang iyon ni Dimples.
"Huh! Talaga ba, andiyan si Lolo?" naninigurong tanong niya.
"Oo. Pagdating sa bagay na 'yan ay hindi kita bibiruin. Alam ko naman kung gaano mo kagusto na laging nakikita at nakakasama ang lolo mo."
"Hmp! Oo naman, Yaya, may kasalanan pa sa akin ang matandang 'yon, magtutuos kami ngayon," aniya, mabilis na tumayo at sinuot ang kaniyang tsinelas. Agad siyang nagtungo sa banyo para maghilamos at mag-toothbrush. Naghanda na siya para makaharap ang kaniyang lolo. Halos dalawang linggo na rin kasi silang hindi nagkikita. Laging wala ito at abala sa trabaho.
Isapa, may kasalanan ito sa kaniya. Dapat lang na komprontahin niya ito.
_
"Lolo!" masayang bati ni Hannah nang makapasok sa dining room. Halata ang excitement sa tono ng boses ng dalaga. Nawala ang inis niya kanina lang, nang makita ang pinakamamahal na abuelo.
Mabilis namang napalingon si Don George sa kaniyang apo.
"O, Hannah, bakit gising ka na?" Bakas sa tono ng matanda ang pag-aalala na may halong kasiyahan na makita ang kaniyang apo na masigla at puno ng buhay.
Sanay ang ginoo na tanghali na gumigising ang kaniyang apo, kaya nagulat siya ng makita ito ng ganuong oras.
Nanulis ang nguso ni Hannah. "Kahit inaantok pa 'ko ay gumising talaga ako ng maaga para makita ka. Lagi ka nalang wala kaya ayokong palampasin ang araw na ito na hindi tayo nagkikita, mukha kasing nakakalimutan mo na, na may apo kang laging naghihintay sa'yong pagdating," pahayag niya na may himig pagtatampo.
"Hmm... Ikaw talaga apo ko! Para naman sa kinabukasan mo ang ginagawa ko. Kaya nga ako nagtatrabaho para maibigay ko ang mga bagay na makapagpapasaya sa'yo. Kaya, paano mo nasabi na nakakalimutan ko na, na may apo ako?"
"Isapa, hindi naman ako aalis ngayong araw. Marami tayong oras na magkakasama. Inilaan ko talaga ang araw na ito para sa'yo."
"Talaga ba, Lolo?!" nakangiting bulalas ng dalaga.
Nakangiting tumango ang matanda.
Mabibilis ang hakbang na lumapit ang dalaga sa kaniyang abuelo, kinuha niya ang kanang kamay nito para magmano.
"Kaawan ka ng Diyos, apo," ani nang matanda. Ginulo nito ang buhok ni Hannah na siyang paborito nitong gawin. Kahit hindi na bata ang kaniyang apo at ganap nang dalaga ay hindi pa rin nawawala sa matanda ang ganuong gesture.
Para naman kay Hannah, ramdam niyang iyon ang pamamaraan ng kaniyang lolo para ipadama sa kaniya na mahal siya nito.
"Lo, hindi naman materyal na bagay ang nagpapasaya sa akin. Makita lang kita araw-araw ay masayang-masaya na ako."
"Marami ka nang pera bakit kailangan mo pang magpayaman?"
Hinatak niya ang upuan sa tabi ng ginoo at doon naupo. Nakisabay siya sa pagkain nito.
"I told you, para sa'yo lahat ang ginagawa ko."
"Inaalala ko lang naman ang kalusugan mo, Lolo."
"Tsh! Don't worry about me, inaalagaan ko naman ang sarili ko."
"Teka—maiba nga tayo. Kamusta nga pala ang date mo?"
"Nabalitaan ko, nakipag-date ka raw habang wala ako?"
Natigil sa sanay gagawing pagkagat sa tinapay si Hannah. Tila ba nawalan siya ng gana, inilapag niya ang tinapay sa kaniyang plato at saka bumaling ng naiinis na tingin sa kaniyang lolo. Nakalimutan na sana niya ang tungkol doon kaya lang ipinaalala pa nito sa kaniya.
"Lolo...! Ikaw talaga, bakit mo ginawa 'yon?"
"Huh! Ang alin?" maang na tanong ng matanda.
"Tsh! Para namang wala kang alam. Huwag ka ng mag maang-maangan pa, Lolo. Umamin na sa akin, ang mga lalaking 'yon, kinausap mo raw sila para i-date ako."
"Alam mo bang nakakahiya ang ginawa mo? Ano na lang ang iisipin ng mga 'yon— na desperado na akong magkaroon ng boyfriend? O baka iniisip nila na walang nagkakagusto sa akin kaya kung kani-kanino mo na lang ako nirereto. Hello! Apo mo 'ko, baka nakakalimutan mo!" sermon niya sa matanda.
Imbes na magalit ay natawa na lamang si Don George, nakakatuwa naman kasi ang mga reaksiyon ng kaniyang apo, lalo na kapag ito ay nagagalit. Namumula ang mga pisngi at tenga nito sa inis sa kaniya.
"Hindi naman basta-basta lang ang mga lalaking naka-date mo, Hannah. Bago ko sila ipina-date sa'yo ay inalam ko muna ang mga background. Dumaan sila sa masusing pagkilatis. Mabubuting tao ang mga iyon, edukado, marespeto at galing sa mayayamang pamilya."
"Alam ko naman na hindi mo hahayaang i-date ako nang kung sino lang. Kaya lang Lolo, bakit hindi mo na lang hintayin na may ipakilala akong boyfriend sa'yo? Bata pa naman ako at hindi pa ako nagmamadaling mag-asawa," himutok niya.
"Ikaw bata pa, ako hindi na! Kung hindi ka magmamadali ay baka hindi ko na abutan ang mga magiging apo ko sa'yo," may tonong pagkadismaya na sabi ng ginoo.
"Lolo naman! Ang lakas-lakas mo pa, mas malakas ka pa nga sa kalabaw, bakit ka nagsasalita ng ganiyan?'
Bumuntong hininga ng malalim si Don George. "Hindi mo masasabi ang buhay, Hannah."
"Kung gusto mong maging masaya ang Lolo mo, mag-asawa ka na, iyon lang naman ang hiling ko sa'yo."
"Lo! Wala pa nga akong nagugustuhan."
"Huh! Huwag mo sabihing wala kang nagustuhan sa tatlong ipina-date ko sa'yo? Almost perfect na ang mga 'yon. Masyado ka namang pihikan."
"Ay naku Lo, hindi naman sa unang kita mo palang ay magugustuhan mo na ang isang tao. Aminado ako, they are all good looking, smart, gentleman and respectful. Kaya lang, walang spark."
Nangunot ang noo ni Don George, hindi niya makuha kung ano ang gustong sabihin ng kaniyang apo.
"What spark?" tanong niya.
"Lolo, ganito 'yon, ipapaliwanag ko ha. Yung spark na sinasabi ko ay iyong kapag nakita mo ang isang tao, kahit sa unang beses pa lang ay may mararamdaman ka nang kakaibang pakiramdam. Nangingibabaw siya sa lahat, para bang nababalutan siya ng liwanag. Yung, kapag nagkita kayo ay bigla na lang titigil ang mundo at magpi-freeze lahat ng tao sa paligid niyo, at kayo lang ang gumagalaw. Mararamdan mo na para bang may mga paru-parong nagliliparan sa loob ng tiyan mo at wala kang ibang maririnig kung hindi ang malakas na kabog ng iyong dibdib. Ganun 'yon, Lolo."
Napamaang ang matanda sa pinagsasabi ng kaniyang apo.
"Parang eksena sa pelikula 'yang sinasabi mo eh. Ikaw nga, bawas-bawasan mo na ang panunuod ng mga drama sa tv. Hindi nangyayari sa totoong buhay 'yang sinasabi mo, masyadong exaggerated."
Napasimangot si Hannah.
"Lo, hopless romantic ang apo mo. Ganun ang first encounter na gusto kong mangyari kapag nagkita kami ng lalaking para sa akin. I'm so sorry pero hindi ko naramdaman sa tatlong lalaking ipina-date mo sa akin ang ganuong feeling."
Napakamot ng ulo si Don George.
"Huh! Kumain na nga lang muna tayo, masisira ang ulo ko sa mga pinagsasabi mo."
"Ang mabuti pa nga, dahil kahit anong paliwanag ko, alam ko namang hindi mo maiintindihan ang gusto kong mangyari."
"Kahit ano pa 'yan, ang gusto ko ang dapat mong gawin. Lumagay ka na sa tahimik para maging masaya na ang lolo mo."
Napabuntong hininga ng malalim si Hannah. Hindi talaga sila magkakasundo ng kaniyang Lolo George kung ipipilit nila ang kani-kanilang gusto.
Ibinaling na lang niya sa pagkain ang frustration, hindi tuloy niya namalayan na naparami na pala ang kain niya.
Wala siyang planong sundin ang gustong mangyaring kaniyang lolo. Hindi niya nakikita ang future niya sa tatlong lalaki na nirereto nito sa kaniya.
Sa totoo lang, ni minsan ay hindi pa niya naranasan na magkaroon ng boyfriend kaya napaka-espeyal sa kaniya ang first encounter.
Hindi siya mapili, wala siyang especific na hinahanap sa isang lalaki, basta may spark sa first meeting pa lang ay iyon na yon.