Chapter 2

1490 Words
Point of view   - Ailana Martinez -   "Bukod sa sugat niya sa ulo, maayos naman at stable ang mga vital signs niya. Wala po kayong dapat ipag-alala," saad ni Doctor Hernandez, ang nag-iisang doktor sa isla na ito. "Ka-ano-ano nyo po ba ang pasiyente?" pagtatanong ni Doctor Hernandez.   "Hindi po namin siya kilala, doc. Nakita lang namin siya sa tabing dagat na walang malay," saad ni tatay.   "Ganoon ba? sige, hayaan nyo muna siya rito sa ospital upang masuri pa namin siyang mabuti. Tatawagan namin kayo kapag nagising na ang pasiyente."   "Sige po, doc."   Bago kami umalis, kinuhaan ni tatay ng litrato ang lalaking iyon gamit ang cell phone na hiniram niya sa kapwa niya mangingisda noong isang araw. At hindi sinasadyang masulyapan ko ang mukha niya.   Maputi ang kanyang kutis na tila isang crystal sa sobrang kintab. Kung hindi ako nagkakamali, anak mayaman ang lalaking ito. Hindi man siya nakadilat, kitang-kita sa hugis ng kanyang malalim na mata na maganda ito. Mahaba at makapal ang kanyang pilikmata. Makapal rin ang kanyang kilay at may mala adonis na hugis ng mukha. Ang kanyang labi ay hugis puso. Hindi makapal, hindi rin manipis.   Masasabi kong isang magandang lalaki ito. Napakagwapo niya.   "Yana, hindi ka ba sasama?"   Naputol ang pagsusuri ng aking mata sa lalaking iyon nang tawagin ako ni tatay. Agad kong binawi ang tingin ko sa lalaki at nilipat ito kay tatay.   "S-Sasama po, tay," utal kong tugon sabay takbo palapit sa pinto.   Iniwan muna namin ang lalaki sa maliit na ospital sa bayan ng Escondido.   Sabi ni tatay, subukan daw naming magtanong-tanong sa mga tao kung may makakakilala sa lalaking ito.   At gamit ang litratong kinuhaan ni tatay sa kanyang cell phone. Halos lahat ng tao sa bayan ay pinagtanungan na namin. Lumapit din kami sa police station at doon ni-report ang pangyayari. Ang sabi nila, tatawagan daw nila kami kung may mag-claim na kamag-anak sa lalaki.   Pinagpatuloy lang namin ni tatay ang pagtatanong sa paligid. Pero inabot na kami ng alas tres ng hapon, wala pa rin kaming nakikitang tao na nakakikilala sa kanya.   Nanatili sa ospital ang hindi kilalang lalaki. Halos dalawang araw na rin siyang hindi nagigising at dalawang araw na rin kaming naghahanap ng kamag-anak niya, pero wala pa ring magandang resulta.   Hanggang sa narinig naming tumunog ang cell phone na hawak ni tatay.   "Hello?" pagsagot ni tatay sa telepono.   Hello, Mr. Martinez. Nagising na po ang pasiyente.   Nanlaki ang mata namin ni tatay nang marinig namin ang sinabi ng doktor. Agad kaming nag-ayos at mabilis na nagtungo sa ospital.   ***   "Kalahating araw na siyang ganyan, nakatulala lang at ayaw makipag-usap," saad ng doktor habang nakatayo sa aming harapan at sinusulyapan ang hindi kilalang lalaki.   Tiningnan ko ang lalaking iyon, may benda ang kanyang ulo. Nakaupo lang siya sa kanyang higaan at nakasandal ang kanyang likuran sa unan na nakaayos sa headboard ng kama. Nakatingin lang siya sa bintana na kalapit ng kanyang higaan.   Pero mayamaya lang, nagulat kami nang igalaw niya ang kanyang ulo at itingin sa aming direksyon.   Siryoso lang siyang nakatingin sa amin bago siya magsalita sa malalim nitong tinig.   "Sino kayo? Nasaan ako?" tanong niya.   Nagulat kami sa bigla niyang pagsasalita, kaya naman agad kaming lumapit sa kanyang higaan.   "Nandito po kayo sa isang ospital sa bayan ng Escondido. Ako po si Ailana Martinez at ito po ang aking tatay at si Doctor Hernandez," pagpapakilala ko sa kanila. "Pwede po ba naming malaman kung anong pangalan mo?" dugtong ko.   Nakatitig lang sa mga mata ko ang lalaki.   Grabe 'yung mata niya, parang nanghihigop ng kaluluwa. Hindi ako nagkamali, maganda nga ang kanyang mata na para kang nananalamin at kapag tinitigan mo ito. Para kang nasa alapaap.   "Pangalan?"   Nagtaka ako sa sinagot niya sa akin, parang nagulat pa siya na tinanong ko ang kanyang pangalan.   "Opo, anong pangalan nyo?" tugon ko.   Tinanggal ng lalaki ang tingin niya sa akin saka siya tumulala sa kumot na tila nag-iisip.   "Ano nga ba ang pangalan ko?" Biglang hinawakan ng lalaki ang kanyang ulo. "Aaargghh!" Sumigaw siya nang malakas na tila namimilipit sa sakit.   "S-Sir! Huminahon ka!" saad ng doctor, pero hindi na nila napigilan ang pagsigaw at pagwawala ng lalaki.   Sigaw lang siya nang sigaw na masakit. Masakit daw ang kanyang ulo, kaya naman tinurukan siya ng doktor ng pampakalma. At ilang sandali pa, nakatulog na siya.   ***   "Ayon sa pagsusuri at dahil sa matinding pagkabagok ng kanyang ulo. Napag-alaman namin na may Retrograde Amnesia ang pasiyente, isa itong uri ng amnesia na wala siyang naaalala sa nakaraan bago siya mapadpad sa tabing dagat. Pati ang kanyang pangalan at ang kanyang pamilya ay hindi na rin niya naaalala," saad ng doktor na nagpapaliwanag sa amin ng sitwasyon ngayon.   "Pero, doc. Gaano po kaya ito katagal?"   "Maaaring bumalik unti-unti ang kanyang mga alaala sa loob ng lima hanggang anim na buwan, depende sa pasiyente."   Sa mga oras na iyon, hindi namin alam kung ano ang tamang gawin. Kaya naman naisipan ng aming pamilya na ipadala na lang ang lalaki sa pulisya dahil baka sakaling may mag-claim sa kanya na kamag-anak.   Matapos ang ilang araw, tulad ng dati, inutusan ako ni nanay na bumili ng panahog sa aming kakainin at agad naman akong pumunta sa palengke.   Ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon, isang lalaking pamilyar sa akin ang nakita ko. Palakad-lakad siya sa lansangan na animo'y isang palaboy. Parang hindi niya alam kung saan siya pupunta.   Siya 'yung lalaking nakita ko sa tabing dagat.   Bigla akong nakaramdam ng awa sa aking puso. Walang sino man ang nag-claim sa kanya. At tila walang sino man ang naghahanap sa kanya. Pero bakit kaya?   Agad akong tumakbo palapit sa nakakaawang lalaki.   "Kuya, hindi ba nasa police station ka? Bakit ka nandito?" saad ko.   Tiningnan niya lang ako na tila wala sa sarili, saka nagpatuloy sa paglalakad palayo sa akin.   Hala! Nabaliw na yata.   Bago pa ako makonsensya, agad kong kinuha ang braso ng lalaki at saka ko siya sinakay sa tricycle at umuwi sa aming bahay.   Bahala na kung anong sasabihin ko kanila nanay at tatay.   ***   Nang makauwi kami sa bahay, agad kong kinausap ang mga magulang ko.   "Anak, hindi naman tayo charity. At lalong hindi tayo bahay ampunan. Saan natin patutulugin ang lalaking iyan?" saad ni tatay na nakikipagdiskusyon sa akin ngayon.   "Kasi, tay. Nakita ko siya na parang palaboy sa lansangan."   "Nandoon na nga tayo, anak. Hindi naman natin respon-"   "Aalis na lang po ako."   Biglang singit sa amin ng lalaking iyon. Hindi namin alam na nandoon lang pala siya sa malapit at nakikinig sa amin ni tatay.   Tila natigilan naman si tatay sa narinig. Marahang tumayo ang lalaki mula sa pagkakaupo sa isang kahoy na silya, saka akmang aalis na.   "Iho, kumain ka na ba? Halika umupo ka muna at kumain." Pagpigil ni nanay sa kanya.   Sabay naman kami ni tatay na napatingin kay nanay saka ako napangiti sa lalaking iyon.   At napagkasunduan ng pamilya na manatili muna rito ang lalaki hanggang sa bumalik ang kanyang alaala at makauwi sa kanyang totoong pamilya.   ***   Ngunit lumipas ang ilang araw, nanatiling tahimik ang lalaking iyon. Halos ngiti lang ang lagi niyang sagot at matitipid na salita lang ang naririnig namin.   Napansin din namin ang pagiging mahilig niya sa pusa, dahil sa tuwing siya ay nakakakita ng pusa, lumalaki ang ngiti sa kanyang mga labi, kaya naman naisipan namin siyang bigyan ng palayaw na Ming ming at 'di kalauna'y tinawag namin siyang Miggi.   Hanggang isang araw, sinabihan ako ni tatay na isama si Miggi sa may dalampasigan at ipakita ang kagandahan ng isla na siya ko namang ginawa.   Naglakad kami ni Miggi sa may tabing dagat habang pinapanood ang magandang paglubog ng araw.   "Ilang taon na kayo rito?"   Nagulat ako nang magsimula siyang magsalita. Hindi niya kasi ito madalas na ginagawa kaya un-usual talaga ito sa akin.   "Since birth," tugon ko sabay ngiti at pinagpatuloy ang aming paglalakad. Nauuna ako sa kanyang maglakad upang masundan niya kung saan kami pupunta. "Mga twenty-six years na rin. Pero sila nanay, matagal na talaga sila rito sa isla," pagpapatuloy ko.   "Napakaganda ng isla na ito."   Nang marinig ko ang salitang iyon, natigilan ako sa paglalakad at marahan ko siyang nilingon.   Nakatayo lang siya habang nakapamulsa at nakatanaw lang nang diretso sa paglubog ng araw.   Ang kulay orange na sinag ng palubog na araw ay lumiliwanag sa gwapo niyang mukha. Hindi ko alam kung bakit bigla na lang akong napatitig sa makisig niyang katawan. At nang tumama ang aking paningin sa kanyang adams apple, mariin akong napalunok.   "Ang ganda, hindi ba?"   Sa pagkakataong ito, bigla siyang tumingin sa akin at isang magandang ngiti ang kanyang ginawa. Naiwan lang akong nakatulala sa kanya habang ang malamig na hangin ay sinasayaw ang aking buhok.   At sa mga oras na iyon, naramdaman ko ang pag-init ng aking pisngi at ang puso kong biglang bumilis ang pagtibok. Hanggang sa bigla na lang akong sininok.   Ano ba itong nararamdaman ko? Hindi kaya, may sakit na ako sa puso?
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD