Chapter 6

2522 Words
Point of view - Ailana Martinez - Nanlaki ang aking mga mata nang maramdaman ang pagdapo ng malakas na sampal ni nanay sa aking pisngi, halos triple ang sakit na dinala nito sa aking puso. "Anong klasing anak ka!? Sabihin mo, si Miggi ba ang ama niyan?" sunod-sunod na sigaw sa akin ni mama. "Anong nangyayari rito?" narinig kong sigaw ni tatay. Mabilis siyang tumakbo patungo sa banyo kung nasaan kami ni nanay at naabutan niya kami sa ganoong eksena. "Erlinda, bakit mo naman sinaktan si Yana?" muling sabi ni tatay, sabay lakad patungo sa aking kinaroroonan at hawak nito sa aking balikat. "Sige! Kampihan mo iyang anak mo. Kaya pala hanap nang hanap sa Miggi na iyon at halos mabaliw dahil buntis siya." Nanlaki ang mata ni tatay dahil sa kanyang narinig at tila halos hindi makapaniwala. Naramdaman ko ang panginginig ng kamay ni tatay at marahang tumingin sa akin. "Y-Yana, t-totoo ba ang sinabi ng nanay mo?" nanginginig na saad ni tatay. Ang aking lalamunan ay tila biglang natuyo. Pakiramdam ko ay ayaw lumabas ng kahit na anong wika sa aking labi. Halos hindi ako makapagsalita at hindi makapaniwala sa mga nangyayari. Naramdaman ko ang pagsikip ng aking dibdib at ang pamumuo ng aking luha. Maya-maya lang, mahigpit kong niyakap si tatay at tila isang batang bumulalas ng iyak. "Sorry, sorry po tatay, nanay! Patawarin nyo po ako!" sunod-sunod kong sigaw. Naramdaman ko naman ang paghagod ni tatay sa aking likod na tila pinipilit akong pakalmahin. Nang araw na iyon, nagdesisyon kami ni nanay na pumunta sa clinic upang makumpirma ang lahat. Kasalukuyan akong nakahiga sa isang flatbed dito sa loob ng clinic ng isang obgyne. Nakatitig lamang ang aking mga mata sa kisame habang si nanay ay nakaupo sa silyang malapit sa akin. Maya-maya lang, nakita ko ang isang mahabang bagay na nilagyan ng kakaibang gel ni doktora. "Calm your self, hija. Flat mo lang ang pwet mo at ikalma mo lang ang tiyan mo, hija," narinig kong saad niya. Isang buntonghininga ang aking ginawa. Maya-maya lang, naramdaman ko ang malamig na likidong tumama sa bukana ng aking kaselanan. Mariin akong napapikit nang maramdaman ko ang pagpasok ng bagay na iyon sa akin. Sa tingin ko, ito ang tinatawag nilang trans-v. "You are two weeks pregnant, hija," saad ni doktora na nagkompirma na ako ay nagdadalang-tao. "Reresetahan kita ng mga gamot na kailangan mong inumin." Naramdaman ko ang pagtanggal niya sa bagay na iyon mula sa akin. Nagsimula akong tumayo at isuot ang aking pang-ibaba. Nababakas naman sa mukha ng aking ina ang pagkadismaya sa akin at panay ang kanyang iling. Sa dami ng gamot na ni reseta sa amin ng doktor, halos hindi namin nabili ang lahat ng ito dahil kulang ang aming dalang pera. Nagdesisyon kaming umuwi ni nanay at sa buong byahe namin hanggang sa kami ay maka-uwi, halos walang umiimik sa aming dalawa. Pakiramdam ko ay ako na ang pinakamarumi at pinakamakasalanang tao sa mundo. Pakiramdam ko ay isang malaking kasalanan ang aking nagawa, na tila ba nakapatay ako ng isang tao dahil lang minahal ko ang isang estranghero. Nang kami ay makauwi sa aming bahay, naunang lumakad si nanay at pumasok sa loob. Sinundan ko siya nang tingin. Nakaramdam ako ng paninikip ng dibdib at pamumuo ng luha sa aking mga mata habang nakatitig ako sa likod ng aking ina. Alam kong malaki ang pagkadismaya sa akin ni nanay at alam kong galit siya sa akin ngayon. Nais ko siyang yakapin at nais kong humingi ng tawad, ngunit natatakot akong baka hindi niya ako matanggap. Nagsimula akong lumakad papasok sa aming bahay at nakita ko si tatay na sumasalubong sa akin. "Kumusta, Yana? Anong sabi ni doktora?" Hindi ako umimik at hindi ko alam kung paano ko sasabihin kay tatay. Imbes na maging masaya ako sa balita at sa pagdating ng anghel na sanggol sa aking buhay, lungkot ang bumalot sa aking puso. Bahagya akong yumuko dahil sa hiya na aking nararamdaman. Tila nalaman naman ni tatay ang sagot sa kanyang tanong. Naramdaman ko ang kamay ni tatay na hinawak niya sa aking balikat, saka niya ako mahigpit na niyakap. "Wala na tayong magagawa, Yana. Tanggapin na lang natin ito." Marahan akong tumango, saka malakas na umiyak at gumanti ng mahigpit na yakap sa bisig ng aking ama. *** Nang sumapit ang tanghalian, hindi muna ako pinasama ni tatay sa pamamalaot niya sa dagat. Natulog muna ako dahil pakiramdam ko ay antok na antok ang aking katawan. Sa pagmulat ng aking mata, naka-amoy ako ng isang masarap na pagkain na niluluto ni nanay. Bumangon ako at naabutan ko siya sa kusina. "Nanay, ang sarap naman po ng amoy niyan," saad ko sa kanya kahit na alam kong hanggang ngayon, hindi pa rin niya ako kinakausap. Wala akong narinig na pagtugon mula sa kanya. Nakaramdam ako ng kirot sa aking puso dahil pakiramdam ko, hindi na ako mapapatawad ni nanay kahit kailan. Dahil dito, hinakbang ko pabalik ang aking paa at akmang aalis na. "Umupo ka na muna riyan, Yana. Maluluto na ito. Kumain ka na muna," sunod-sunod niyang saad. Muli akong napalingon sa aking ina. Nakatalikod siya sa akin at abala sa kanyang ginagawa. Halohalong emosyon ang aking naramdaman: kasiyahan, kalungkutan, at mga bagay na hindi ko maipaliwanag. Mabilis na namuo ang luha sa aking mga mata, saka binigyan ng mahigpit na yakap si nanay mula sa kanyang likod. Naramdaman ko naman ang gulat sa kanya. "Nanay, sorry po. Sorry, hindi ko po talaga sinasadya. Patawarin nyo po ako, nanay," sunod-sunod kong saad sabay sa tila ilog na pag-agos ng aking mga luha. Bumuntonghininga si nanay. Pinatay niya ang kanyang niluluto saka hinawakan ang aking braso. Marahan niya itong tinanggal at humarap sa akin. Hinawakan niya ang aking pisngi at parang batang pinunasan ang aking luha. "Hindi na ako galit, anak. Nagtatampo lang ako dahil hindi mo sinabi ang tungkol sa inyo ni Miggi. Patawad din anak at nasaktan kita," wika ni nanay na lubos na nagpatunaw sa aking puso. "Nanay!" sigaw ko saka mahigpit na yumakap sa kanya. Akala ko ay hindi na ko muling kakausapin ni nanay. Natakot ako na baka iwasan na niya ako at habang buhay na kamuhian. Ngunit ngayon ko napagtanto na kahit gaano pa kabigat ang bagay na iyong nagawa, may mga tao pa rin ang tatanggap at uunawa sa iyo at iyon ay ang iyong pamilya. *** Ang unti-unting pagbabago sa aking katawan ay nagsisimula ko nang maramdaman. Madalas akong magutom at madalas ding antukin. Naaawa na rin ako kay tatay dahil doble ang kayod niya para sa paghahanda sa pagluwal ko sa batang ito. "Yana! paki-abot mo nga iyang walis at wawalisin ko ito dahon sa tapat," sigaw ni nanay habang siya ay nasa labas ng bahay. "Opo, nay. Sandali lang po." Mabilis akong nagtungo sa kusina upang kunin ang walis. Hawak-hawak ko ang aking tiyan dahil nahahalata na rin ang paglaki nito. Mahigit pitong buwan na rin kasi ang nakalilipas. "Heto na po, nay," saad ko sabay bigay ng walis na aking hawak. "Ang laki na pala ng tyan niya." "Oo nga, malandi kasi. Nagpabuntis sa lalaking hindi naman niya lubusang kilala." "Gwapo kasi, mare. Ayan tuloy nadale." Narinig ko ang usapan ng dalawang babae hindi kalayuan sa aming kinaroroonan ni nanay. At sa tingin ko, narinig niya rin ito. "Hoy! Mga tsismosa. Wala na ba talaga kayong magawa kung hindi ang pag-usapan ang buhay ng may buhay? Mga pakialamera!" sigaw ni nanay. Mabilis ko namang hinawakan ang kanyang balikat upang siya ay pakalmahin. "Nay, tama na po. Hayaan nyo na po sila," saad ko. Mabilis naman umalis ang mga babaeng nagkukwetuhan matapos magtapon ng mapanghusgang tingin sa akin. Napapadalas na rin ang pakikipag-away ni nanay dahil sa aking pagbubuntis, dahil na rin sa mga taong narito sa aming paligid na may mapanghusgang dila. At dahil dito, nagdesisyon si tatay na lumipat na lang kami ng tirahan sa kabilang bahagi ng isla de escondido, malayo sa mga taong mapanghusga at mga taong akala mo ay kahit kailan, hindi nagkamali sa buhay. Mga taong walang ginawa kung hindi pag-usapan ang buhay ng iba na lubos na kinasisiya nila. Hindi man lang naisip ang masakit na pinagdaanan ng pamilyang pinag-uusapan nila. Ngunit ganito talaga ang reyalidad ng mundo. Maraming mata ang nakatingin sa iyo. *** Lumipas ang ilang buwan at sumapit ang kabuwanan ng aking tiyan. Habang ako ay nakaupo sa tabi ng bintana rito sa bago naming bahay at nakatanaw sa mahinahong alon ng karagatan, hindi ko maiwasang maalala ang nakaraan. Ang dalampasigan kung saan ko nakita at nakilala ang lalaking minahal ko, si Miggi. Minahal ko siya nang sobra pero sa isang iglap, bigla na lang siyang nawala nang parang bula. Hindi ko alam at wala akong ideya kung may nagawa ba akong mali. Dahil kung mayroon man, 'yun ay ang mahalin siya at ibigay sa kanya ang lahat, lahat-lahat. Naaalala ko pa ang mga bagay na sinabi sa akin ni Miggi noon, na magsasama kami at hindi niya ako iiwan, na kahit na bumalik pa ang kanyang alaala, mananatili pa rin siya sa aking tabi. Ngunit nasaan ka na ngayong kailangan kita? Nasaan ang lalaking ama ng aking anak? Marahan kong inangat ang aking kamay, tiningnan ko ang lumalaki kong t'yan saka ito hinaplos. "Anak, patawad kung nagkamali si mommy. Patawad kung pinili kong magmahal. Patawad." Tila nag-unahan ang aking mga luha nang maisip kong iniwan ako ng lalaking ama ng aking anak. Napakasakit na isipin na lalaki nang walang ama ang mahal kong sanggol. Pero wala akong magagawa dahil nandito na ito. Kailangan kong maging matatag para sa anak ko. Nandito na ito. Pinili ko nang masaktan at hindi ko pinagsisisihan na mahalin si Miggi. Mariin kong pinahiran ang luha sa aking mata, saka muling tinanaw ang asul na dagat. Ang Isla na ito ang saksi sa aming pagmamahalan. Ang saksi sa lahat ng pangako na bigla na lang napako nang walang dahilan. Sana man lang sinabi mo sa akin kung bakit, Miggi. Sana man lang nilinaw mo ang dahilan ng iyong pag-alis, para hindi ganito kasakit. Dito sa islang ito, sa Isla De Escondido nagsimula ang lahat. Dito sa islang ito nabuo ang lahat. At dito sa islang ito nagtapos ang lahat. Dahan-dahan akong tumayo mula sa pagkakaupo. Sinapo ko ang ilalim ng aking tiyan dahil nakararamdam na ako ng kaunting kirot. At mayamaya pa, isang mainit na tubig ang lumabas mula sa akin. Nanlaki ang aking mga mata at mabilis na tumibok ang aking puso. Unti-unting humilab ang aking tiyan hanggang sa ang sakit ay hindi ko na makayanan. Saka ako sumigaw nang malakas upang marinig ng aking mga magulang. "Nay, Tay!" malakas kong sigaw. Agad silang napatakbo sa aking silid at natatarantang binuhat ako ni tatay. Sinugod ako sa ospital dahil ako ay manganganak na. At noong araw na iyon, sinilang ang isang lalaking sanggol, ang anak ng misteryosong lalaki na bigla na lang napadpad sa Isla De Escondido. *** Isang bagong umaga, malakas na iyak ng bata ang nagpagising sa amin nila nanay. Agad akong bumangon at lumapit sa aking anak na si Ivan. Binuhat ko ang maliit niyang katawan saka siya pinadede sa aking dibdib. Kahit antok na antok pa ang aking diwa, pinilit ko pa ring imulat ang aking mata para sa aking anak. Paulit-ulit ang ganitong pangyayari sa aking buhay. Kung minsan, bigla na lang akong umiiyak kapag nasisilayan ko ang mukha ng aking sanggol. Kung minsan ay naiisip kong wala akong kwentang ina at hindi ko magampanan ang bagay na ito nang tama. Ngunit kung maibabalik ko ang nakaraan, wala akong babaguhin. Pipiliin ko pa rin ang magmahal at ang mayakap ang sanggol na ito. Habang natutulog ang anak ko ngayon sa aking kama. Marahan akong lumuhod sa gilid at tinitigan ang kanyang mukha. Sumilay ang ngiti sa aking mga labi nang makita ko ang payapa niyang pagtulog. Tinaas ko ang aking kamay at hinawakan ang maliit niyang kamay. Tila isang gamot ang kamay niyang iyon dahil nakaramdaman ako ng kasiyahan at kumalma ang aking puso. "Anak, pangako. Bibigyan kita ng magandang buhay. Hindi kita pababayaan," pabulong kong saad sa kanya upang hindi siya magising. Marahan akong umangat at nilapat ang aking labi sa kanyang noo. Napakasarap sa pakiramdam na makita ang isang taong magiging inspirasyon mo upang lumaban sa buhay. *** Tila ang paglipas ng panahon ay hindi ko namalayan. Limang taon na rin ang lumipas at patuloy kong inalagaan ang aking anak. Nasubaybayan ko ang kanyang paglaki at masayang-masaya akong makita ang bawat development niya. Nakatataba ng puso na napalaki ko siya nang maayos at malusog. Ngunit sa paglipas ng panahon, mabilis na ring tumanda ang aking mga magulang. Kung minsan ay hindi na makapamalaot si tatay dahil sa sakit ng kanyang katawan. At ang kinikita ko sa pagbebenta ng isda sa palengke ay hindi na rin sumasapat sa amin. Malapit na rin mag-aral si Ivan kaya naman kailangan na namin ng mas malaking pagkakakitaan. "Oh, suki! Bagong huli itong isda ko at murang mura lang!" sigaw ko habang tinatawag ang mga mamimili rito sa palengke. Ngunit mukhang matuman ngayon ang benta ng isda. "Yana?" Napalingon ako sa aking kanan nang makarinig ako ng isang tinig ng lalaki. "Oh, Kenji?!" masayang wika ko nang muli kong makita ang aking kababatang lalaki. "Parang ayos na ayos ka, ha. 'Bili ka na ng isda." "Oo, sige. Pagbilhan mo nga ako ng isang kilo." "Hay... salamat naman," saad ko nang sa wakas ay makabenta rin ako. "Kumusta pala ang maynila, ma-ingay pa rin ba?" tanong ko. "Hindi naman tumahimik doon." Sabay tawa niya. "Oo nga pala, Yana. Kailangan mo ba ng trabaho? May alam kasi akong ahensya sa maynila na tumatanggap ng mga katulong. Malaki ang bigayan, baka gusto mo?" Mabilis na natigilan ang aking kamay sa paglilinis ng hawak kong isda, saka napatingin sa kanya. "T-Totoo? Malaki ba talaga ang bigayan diyan?" "Oo naman, Yana. Tita ko ang may hawak sa ibang aplikante," saad niya "Kung interesado ka." Nilagay ni Kenji ang kanyang kamay sa kanyang bulsa, saka kinuha ang isang pitaka. Hinila niya mula rito ang isang laminated na card at inabot sa akin. "Ito ang calling card ni Tita Myla, sasabihan ko siya tungkol sa 'yo. Kung interesado ka, twagan mo siya diyan," sunod-sunod na saad ni Kenji. Mariin akong napalunok nang tanggapin ko ang calling card na iyon. "At isa pa pala." Muli akong napatingin kay Kenji nang muli siyang nagsalita. "Matagal pa ba iyang isda ko, Yana?" pagturo niya sa hawak kong isda na hindi ko na na-asikaso. "Ay, hala! Sorry sorry!" tugon ko. Narinig ko naman ang malakas niyang pagtawa dahil sa aking ginawa. Nang sa wakas ay mai-abot ko na ang kanyang pinamili, tiningnan kong muli ang calling card na binigay niya sa akin. May kung ano sa aking puso ang nais makipagsapalaran sa maynila, ngunit alam kong kung gagawin ko iyon. Kailangan kong iwan ang aking anak at ang aking mga magulang. Tinaas ko ang aking ulo at tumingin sa bughaw na langit. Diyos ko, bigyan nyo po sana ako ng lakas ng loob upang makapagdesisyon. At sana, ang gagawin kong desisyon ay para sa ikabubuti ng lahat.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD