Chapter 9
“Mahirap pala talaga itong pagiging SGO officer,” wika ni Ashley habang sinusulat ang mga na-late ngayong umaga.
Pinatupad na namin agad ang project pagkatapos na maaprubahan ni Sir Francisco. Nagdadalawang-isip pa nga itong pirmahan dahil sa pirma ni Uno, pero sa content na lang siya bumase.
Ang una sa listahan ng mga plataporma ay tinatawag na Violatetion. Ang pagbibigay leksyon sa kung sinuman ang estudyante na mahuhuli sa klase at gagawa ng violation.
Pera o parusa? Mamimili lang sa dalawa.
Kapag pera ang pinili, katumbas ng bawat minuto ng late ang babayaran na cash. Ang pera na makukuha namin mula sa mga late ang magiging source of fund ng SGO para sa mga gagawing event. Tatlong beses lang puwedeng pumili ng pera, at kapag sumobra na, papasok na rito ang sunod sa plataporma namin.
Ang Hell Bowl. Isang bowl na naglalaman ng mga parusa. Ito ay para sa mga late comers at violators ng school. Promise! Hindi mo papangarapin na bumunot sa bowl na ito, kaya mas mabuting pumasok ka na lang ng maaga at sumunod sa rules ng paaralan.
Inaamin ko, medyo napahanga rin ako sa ideya niya na ito.
Kami ang nagmo-monitor sa gate ngayong umaga at magpaparusa sa late comers. Ang ibang members naman ang bantay sa hall kung sakaling may pagala-galang estudyante.
“Hell bowl." Napalingon kaming lahat nang magsalita si Percy.
May buenamanong estudyante na ang bubunot sa hell bowl, and guess what?
“Ang magaling naming president!” Umiling na lang ako at napahalukipkip nang makita siya.
“Hindi ako late, advance lang oras n’yo,” pag-aapela niyang bulok at nakuha pang ngumiti.
Siya ngayon ang unang makakatikim ng kanyang pakulo.
Lumapit si Kevin para ipakita ang bowl. Hitsura pa lang ng nito ay nakakatakot na. Nababalutan ito ng itim na kulay, may kulay pulang sungay sa magkabilang gilid at may malademonyong imahe na nakangiti sa harap.
Tumingin ako sa mga estudyante sa paligid. Kita sa mukha nila ang pangamba sa mangyayaring parusa.
Pinasok na ni Uno ang kamay niya sa butas.
“Sa letra ng B!” Bigla kong hinampas ang braso niya. Nagloloko pa si mokong.
Bumunot na siya at binasa ito.
Bigla akong kinabahan ng makita ang kanyang reaksyon. Mukhang ninerbyos siya nang mabasa ang nakasulat.
“Punasan ang daan, gamit ang uniform na nakasuot sa ‘yong katawan. Simula sa gate hanggang Admin building.” Nanlaki ang mga mata ko nang marinig ang sinabi niya.
“Hala?”
“Grabe naman.”
“Seryoso ‘yon?”
Kitang-kita sa mga reaksyon ng mga taong nandito ang takot.
Hindi ko inaasahan na ganito pala kagrabe ang parusa nito.
”Bilisan mo na,” nasa awtoridad na utos ni Percy sa kanya.
Ibinigay sa akin ni Uno ang papel na binunot niya at humiga na sa daan. Pinasok ko ‘to sa ‘king bulsa at tinuon ang atensyon kay Uno.
Mukhang gagawin niya talaga ito.
Sinimulan niya ang paglampaso ng sarili papunta sa Admin building. Ang lahat ng atensyon ay nasa kanya, halo-halong reaksyon ang nakikita ko nang tumingin ako sa mga estudyanteng nandito. Bakas sa mga mukha nilang ang pagkaawa, takot, at kaba.
Bigla kong naalala, tumatakbo pala ang oras. Kailangan nang bilisan ang pag-aayos.
“Ashley, tuloy na natin.” Tumango siya at nag record ulit ng mga pangalan.
Mabilis na sumunod ang mga nag-violate at ibinigay ang kabayaran sa ginawa nilang paglabag.
“Ayoko nang ma-late, nakakatakot.”
“Mas mabuting sumunod na lang tayo kaysa gano’n pa ang mangyari.”
“Pero kahit grabe, ang astig lang tingnan!”
Iba’t ibang komento na narinig namin mula sa mga estudyanteng nandito.
At sa wakas, tapos na rin. Bumalik na kami sa SGO office para tingnan ang naging result ng ginawa namin.
Pagpasok sa loob, nakita ko agad si Gray at Gabe na nagdidikit sa wall. Ngayon ko lang ulit nakita ang mukha ni Gray dahil napadalas ang pag-absent niya noong mga nakaraan.
“Hey, guys! Vacant namin, kaya nag decide kaming mag-decorate muna ng office para bongga,” wika ni Gabe habang inaayos ang pagdidikit ng words sa wall.
Binasa ko ang idinidikit nila.
“Trivia and Fact U?” taas-kilay kong tanong sa kanya.
Parang freedom wall ito sa loob ng office.
“Yes, Ate Vice. Diyan natin ilalagay ang notes, thoughts, goals, trivia and facts na gusto nating i-share,” sagot ni Gabe.
“Wow naman! Ang galing!” mangha kong sabi. Mabilis na pumunta si Ashley at Percy para magsulat doon.
“Hala! Ang dumi-dumi mo, Pres! Ang dumi-dumi ng buong pagkatao mo! Ano’ng ginawa nila sa ‘yo?” Napatingin ako sa labas nang marinig ang exaggerated na sabi ni Gabe. Pumasok si Uno sa loob na sobrang dumi.
“Epekto ng hell bowl.” Ako na ang sumagot.
“Grabe po talaga ‘yung parusa ng hell bowl,” wika ni Kevin na kasunod ni Uno.
Napatingin ako kay Zaku na kapapasok lang.
“Hala? Master, ano’ng nangyari?” gulat niyang tanong kay Uno nang makita ito.
“Hell bowl ba ‘yan?” tanong niya ulit na sinagot namin ng pagtango.
“Hindi ba dapat exempted ang SGO sa hell bowl?” tanong ni Gray na minsan lang magsalita.
Tumingin ako kay Uno para tingnan kung ano’ng magiging reaksyon niya.
“Para sa lahat ng estudyante ang rule na ‘to kaya kasama tayo rito. Kaya kung sinuman ang lumabag, kahit SGO, kaibigan, loved ones o crush, kailangang parusahan,” seryosong wika ni Uno.
Tumango kaming lahat bilang pagsang-ayon.
“Sige, magpapalit na ako.” Tinalikuran niya na kami at naglakad palabas.
“Ang galing talaga ni Master,” manghang sabi ni Zaku.
Ang ironic lang, dahil ang lalaking hinahangaan at iniidolo ng karamihan ay umiidolo sa taong kinaiinisan ng halos lahat ng nandito sa school. At mukhang lahat ng ginagawa ni Uno ay nagpapamangha sa kanya.
“Pero hindi ko inaasahan na gano’n ang mga parusa sa hell bowl. Sinadya ‘to ni Pres para matakot ang mga estudyante na mag break ng rule,” wika ni Ashley habang nakatingin sa direksyon ni Uno.
Tama siya.
Bigla kong naalala, malapit na kaming magklase.
“Ah, guys. Una na ako, may klase na kami.”
“Sure, Ate Vice.” Lumabas na ako ng office at naglakad na papunta sa room.
Kinuha ko sa bulsa ko ang phone para tingnan ang GC ng section namin at maki-update. May nakapa akong maliit na bagay sa bulsa. Bigla kong naalala ang papel na nabunot ni Uno sa hell bowl. Kinuha ko ito at binasa. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang nakasulat.
“Isulat sa hangin ang pangalan gamit ang pwet? Hala?” Lumingon ako sa direksyon ni Uno. Wala na siya.
Ano’ng ibig sabihin nito? Niloko niya kami!