"Ikaw na bata ka, pumasok ka na sa silid at matulog na!" utos na ng ina sa kaniya. "Hoy," anito sabay pingot sa kaniyang tainga nang hindi pa rin siya natinag sa kinatatayuan.
"A-aray ko naman, Inay," angil ni Kikay sa ina.
"Mamasamain ka talaga sa akin Kikay, sabi ng Itay mo pupuntahan mo ang boss mo. Bakit ka naninili-" palatak ng ina nang mabilis itong tinakpan ng bibig gamit ang kamay niya.
Nanlalaki ang mata nang marinig na ibubuko pa siya ng ina sa amo kay mabilis itong tinakpan sa bibig. Nang makawala ang ina sa pagkakatakip sa bibig nito ay napabulalas dito.
"Ikaw na bata ka, papatayin mo ba ako?" maang nito. "Halos hindi ako makahinga!"
"Inay naman," kamot sa ulo nito.
"Anong Inay naman? Hala, pumasok na at makapaghilamos ka man lang. May muta ka pa!" palatak nitong turan dito.
Agad siyang napahaplos sa kaniyang mata saka lumingon sa boss na noon ay hawak na nito ang dalang tuwalya. Marahil ay tapos na itong maligo.
Wala siyang nagawa kundi ang tumalima papasok bago pa muling humirit ang bibig ng ina at tuluyan siyang ibuko nito.
Naiiling na lamang si Zeus nang makitang tila batang inakay ang ina si Kikay papasok sa kanilang bahay. Mas lalo pang nailing nang marinig ang sinabi ng ina nito kahit pa maagap nitong tinakpan ang bibig.
Marahil nga kanina pa siya nito pinagmamasdang maligo. Natutuwa tuloy siyang malaman na kahit papaano ay may gusto sa kaniya si Kikay.
Matapos maligo ay agad ring sumunod sa mag-ina. Pagbungad ay amoy ang mabangong sinangag na kanin. Kita rin sa kusina ang pagiging abala ng ina ni Kikay.
"Oh, tapos ka na palang maligo. Magbihis ka na ihahanda ko na ang mesa. Ipapatikim ko sa'yo ang especialty ko. Ang sinangag ala Karyo," anito ng biglang batukan ng asawa nito.
"Kung anu-anong pinagsasabi mo? Anong especialty ka diyan? Hala, bilisan mo at kakatayin mo pa mamaya ang lima mo pang manok!" litanya ng ina ni Kikay.
"Darling, bakit ang dami naman noon? Makakain ba natin?" maang nito.
"Oo, para maubos ang mga manok mo!" bulalas nito. Hindi tuloy naiwasang matawa sa huling hirit ng ginang sa asawa nito.
"Darling naman," angal nito habang kamot-kamot ang ulo.
"Anong darling naman? Bilisan mo diyan, dahil tutulungan mo pa ako rito!" ani ng ginang.
Nagmamadali si Kikay. Pumasok kasi siya sa silid na pinapagamit sa boss dahil hinahanap niya ang larawang kinaiingat-ingatan. Wala kasi sa box na kinuhan noon sa silid. Mabilis ang ginawang paghalungkat pero gamit na ng boss ang nakita sa kaniyang aparador.
Narinig niyang tila may kausap ang ama na sinawata ng ina. Naiiling pa siya at natawa ng marinig ang sinabi ng ina tungkol sa mga manok ng ama. Batid niyang anumang oras ay papasok na ang boss kaya nagmamadali na siyang lumabas ng mahagip ng mata ang pakay niya. Nakita niya iyong nakaipit sa ilang larawan niya sa dingding ng silid kaya napakunot-noo siya.
Pilit inalala kung nilagay ba iyon doon o hindi pero hindi maalala. Mabilis niya iyong kinuha saka humakbang papalabas nang bigla siyang bumangga sa mala-bakal na dibdib ng lalaki. Nabitawan ang larawang inabot at napahawak sa noo na tumama sa dibdib nito.
Maging si Zeus ay nabigla nang biglang mangudngud ang mukha ni Kikay sa dibdib. Napapaisip kung bakit ito narooon kahit silid pa nito ang kinaroroonan. Marahil ay may kinuha nito ngunit nang mapayuko ay nakita ang nahulog na larawan. Ito ang larawang naiwan noong buhatin nito noon ang isang maliit na box buhat sa aparador nito.
Mas lalong napaisip nang pulutin iyon ni Kikay saka naglakad papalabas ngunit bago umalis ay nagsalita muna. "Sorry kung pumasok na ako rito. May kinuha lang ako," hingi nito ng paumanhin.
"It's okay, this is your room," tugon naman niya. "Ano bang kinuha mo?" ang hindi mapigilang itanong dito. Gusto niya lamang kumpormahin kung ang larawan na iyon ang pakay nito. Kung iyon nga ay marahil mahalaga ang larawang iyon o ang lalaking nakaakbay rito.
"Ah, nakuha ko na," tugon nito saka pasimple nitong tinago sa likod ang larawang pinulot.
"Okay, cool," tugon na lamang.
"L-lalabas na ako," aniya na akmang lalabas na nang biglang malaglag ang tuwalyang nakatabing sa pang-ibabang parte ng katawan nito. Awtomatikong napatakip siya ng kamay sa mukha ngunit hindi nagtagal ay inuwang din ang dalawang daliri upang silipin ito nang makitang naka-brief na ito.
Nanlalaki ang mga matang muling dinikit ang mga daliri. Dahil nakatagilid ito sa kaniya ay kitang-kita niya ang katambukan ng hinaharap nito. 'Lord, sorry kung nagkasala ang aking mga mata at isipan. Masisisi niyo ba ako, kung kasing hot ni Bossing ang nasa harapan ko at hubad,' aniya sa sarili.
"You can open your eyes now," tinig ni Zeus na nagpamulat sa kaniyang mga mata.
Nakitang nakabihis na ito at tinutuyo na nito ang buhok. Medyo magulo iyon pero tila mas lalo itong gumuguwapo sa paningin.
Pagbaling ni Zeus sa may gawi ng pintuhan ay nakitang nakamaang si Kikay na nakamasid sa kaniya. "May sasabihin ka pa ba?" untag na tanong rito.
Doon ay tila natauhan si Kikay. Hindi niya namalayang nakatingin na pala sa kaniya ang boss. 'Shocks! Nahuli pa yata akong nakamasid sa kaniya,' turan sa sarili.
"Ah-hmmm," apuhap niya ng idadahilan dito hanggang maalala ang sinabi ng ama rito. "Lalabas na raw para makakain ng almusal," aniya rito.
Napangiti na lamang si Zeus. Isa sa nagustuhan kay Kikay. Magaling lumusot hanggang may ilulusot.
Kita man ni Kikay na hindi naniniwala ang lalaki sa sinabi at wala na siyang pakiaalam pa. Mabilis na lumabas bago pa ipagkanulo ang sarili rito.
Paglabas niya ay mabilis siyang tinawag ng ina. "Kanina pa kita hinahanap. Akala ko ba ay nagpapalit ka lang sa silid. Eh, bakit mukhang galing ka sa silid ng boss mo?" sita ng ina.
"Ha? Hindi ah," kaila rito.
"Tumingin ka sa akin?" seryosong turan ng ina.
Agad naman siyang tumingin dito. "Duling ba ako?" maang na tanong nito na nagpakunot ng kaniyang noo.
"Hindi," mabilis namang tugon.
"Ayon naman pala. So, hindi ako namamalikmata nang makita kong galing ka sa silid ng boss mo?"
"Hindi," mabilis ulit na turan ng makitang nanlalaki ang mata ng ina at saka nag-sink in sa isipan ang tanong nito. "Inay, may kinuha lang ako," mabilis na depensa nang mabuko siya nito sa sariling bibig.
"Kung may kinuha ka lamang, bakit kailangan mo pang magtago? Magsabi ka ngang bata ka? May nangyayari ba sa inyo ng amo mo?" bulalas na turan ng ina na kinalaki ng kaniyang mata.
"Inay, wala ah," mabilis na sabad.
"Dapat lang dahil hindi kita pinalaking filter," ani ng ina.
Napakunot ang noo niya sa huling salitang sinabi nito. "Anong filter, Inay?"
"Filter, iyong naglalandi," eksplika pa nito.
Doon ay napatawa siya. Hindi niya alam na magaling din palang magpatawa ang ina. Tawa siya nang tawa ng batukan siya nito dahilan upang tumigil siya.
"Inay naman," maktol dito.
"Aba! May gana ka pang umangal eh, ako itong pinagtatawanan mong bata ka!" inis ng ina.
"Flirt iyon, Inay. Hindi filter, mukhang pumalya ang kumare mong Google," ngiti rito.
"Hay, naku! Narinig ko lang sa mga tsismosa diyan na walang ginawa kundi ang magkuwento ng buhay ng may buhay. Aba, sinasabing filter ka raw dahil pati amo mo ay nilalandi mo," gagad ng ina na nagpataas ng kaniyang dugo.
"Saan mo narinig iyan, Inay?!" matiim na tanong na tila susugod sa giyera.
"Anak, huwag mo na silang patulan," agad na awat ng ina.
"Hindi ko naman sila papatulan, Inay. Magkakalat na nga sila ng tsismis, mali pa! Mga tao talaga," aniya na pinipigil huwag magalit.
"Kaya sinasabihan kita, Kikay. Hindi kita pinalaking filter," anito.
"Flirt," pagtatama sa ina.
"Okay, flirt na kung flirt. Basta siguraduhin mong hindi ka ganoon," ani ng ina.
Lumapit siya sa ina na noon ay nagpipiga ng niyog na isasahog nito sa kakanin. Inakbayan ito.
"Huwag kang mag-alala, Inay. Sabihin man nilang olive oil at coconut oil na lamang ang virgin ngayon. Hindi nila alam may Kikay pa!" anito.
Hindi napigilang mapatawa si Zeus sa hirit ni Kikay sa ina nito. Mas lalong napatawa nang mapagtanto ang sinabi nito tungkol sa olive at coconut oil. Kikay never fails to make him laugh.
Mabilis na hinagilap ang pinanggagalingan ng bungisngis hanggang sa makita boss. Siguro ay narinig nito ang huling sinabi. Tama naman ah, virgin pa siya. Kaya nang magtama ang mata nila ay agad itong inirapan.
"The table is ready," masiglang turan ng ama ni Kikay. Siya ang unang nagbawi ng tingin lalo na at tila bubuga na ng apoy si Kikay sa tingin pa lamang. "Come, eat?" agad nitong yaya sa kaniya.
Mukhang masarap ang inihanda nitong almusal. May pritong tinapa, itlog na maalat na may kamatis at ang especialty nitong sinangag.
"Mukhang gumagaling ka na, Itay sa English mo ah," puna ni Kikay sa ama.
Natawa naman ito sa papuri ng anak. "Of course, anak. I have to practice, you know," anito na kinamaang niya.
Napangisi ulit si Zeus sa naririnig na usapan ng mag-ama. Kita niya ang pag-iling ni Kikay kaya inabutan ito ng sinangag bagay na kinalingon sa kaniya. Mukhang ayaw pa nitong abutin iyon at nang lalagyan na ang plato ay saka naman nito gustong mauna.
Nakikipag-agawan tuloy sa kaniya. Dahil nais itong inisin ay hindi siya bumitaw bagkus ay kinuha iyon. Kita ang pag-irap sa kaniya na kinangiti niya ng mas maluwag. Mas lalo itong umirap sa kaniya kaya mas lalong nilawakan ang pagkakangiti.
'Antipatiko, tignan natin,' bunyi sa isipan sa gagawing pagganti rito.
Dama na hindi bibitawan ng lalaki ang bandihang kinaroroonan ng sinangang nang bitawan iyon. "Ops!" kunwari ay turan nang makitang tumapon ang ilang kanin dito gawa nang biglaang pagbitaw niya.
Kita ang bahagyang inis sa mukha nitong nakatingin sa kaniya. Bagay na tinaasan na lamang ng kilay. 'Sorry ka na lang, hindi ako filter este flirt. Pero may angking kalokohan. Kaya huwag mo akong iinisin,' aniya sa isipan habang nakatitig sa mga mata nitong matiim na nakatingin sa kaniya.