Duda tuloy siya sa sinabi ng ama. Pagtingin sa boss ay nakitang tila hindi naman ito nabahala sa sinabi ng ama. "Aba! Anak, huwag kang mag-alala. Maayos lang ang amo mo rito, hindi ba hijo?" tapik pa ng ama sa balikat ni Zeus.
Ayaw man sana niyang iwan ito pero nakitang pabalik ang ina sa kinaroroonan kaya mabilis na tinungo ang kinaroroonan nito.
"Akala ko ay hindi ka na pupunta rito? What keep you so long?" turan ng ina na halos kinabuga ng kasusubo pa lamang na tinapay.
"Wow, Inay! Mukhang gumagaling na kayo sa English ah," bulalas dito.
"Of course, anak. Pinaghahandaan na namin ng Itay mo ang pagkuha mo sa amin sa Arimeka," anito.
Naiiling na lamang siya. "Amerika, Inay hindi Arimeka," pagtatama sa sinabi nito. Napatawa ito.
"Sorry, I always forgot!" saad nitong natatawa. "You-you-you-" anito na wika na tila iniisip pa kung ano ang sasabihin.
"You," ulit pa sa ina dahil hindi makuha ang nais nitong sabihin.
Mabilis nitong binigay sa kaniya ang kutsilyo. "You hiwa-hiwa this!" barok na English nitong utos sa kaniya.
Halos mabulunan siya sa katatawa nang batukan pa siya ng ina. "Batang ito, pinagtatawanan pa talaga ako," may inis na wika ng ina. "Ano bang English ng hiwa, anak?" tanong ng ina.
Bigla tuloy siyang napatigil at napaisip. 'Ano nga ba? Cut? Wound?' aniya sa isipan. Nang makitang tila nagdududa na ang ina dahil wala pa rin siyang tugon. 'Wound ba? You wound-wound this? Ay ang pangit naman?' aniya sa isipan.
"Hoy, anak. Ano na?"
"Cut!" bulalas niya na kinataas ng kamay ng ina.
"'Di ba pusa iyon, anak. Cat?" ani ng ina.
"I mean, cut or chop," aniya sa ina.
"Okay, fine. Whatever, just cut-cut or chop-chop this," ani ng ina sabay abot sa kaniya ng kalabasa.
Napapangiti si Zeus habang naririnig ang usapan ng mag-ina. Gustuhin man sanang makisabad pero gusto niyang marinig ang tugon ni Kikay. At hindi nga siya nagkamali dahil napatawa siya nang marinig ang sagot nito sa ina.
Nang binabalatan na nito ang kalabasang binigay ng ina nito ay pumasok na siya sa kusina. "Ahemmmm!" tikhim upang ipabatid rito ang kaniyang presensiya. Ngunit tila tuon ang pansin nito sa kalabasa at hindi man lang siya tinapunan ng tingin nito. "Ahemm!" ulit na tikhim at doon ay maang na napatingin sa kaniya.
"Masakit po ba ang lalamunan niyo, Sir?" untag ni Kikay sa boss. 'O nagpapapansin ka lang sa akin?' bawi ng isipan.
"Nope! I'm good, let me help you," aniya sabay kuha sa mganabalatan nito. "Can I slice it here," aniya sa kahoy na sangkalan.
Nang marinig ni Kikay ang sinabi ng boss ay palihim siyang napangiti. 'Slice, huh!' aniya sa isipan. 'Ganoon din iyon. Whatever!' aniyang panggagawa pa sa pananalita ng ina. Saka pilit pinangangatuwiran ang kaniyang sinabi sa ina.
Kahit lihim iyon ay hindi naman nalingid sa paningin ni Zeus. Habang tumatagal ay paganda nang paganda si Kikay sa kaniyang paningin. Masyado mang mahiwaga ang buhay nito at sa pagkakaroon nito ng dalawang kamukha. Hindi noon mapapasubalian na nalulugod ang pusong makita ang mukha nitong nakangiti kahit pa katumbas noon na may naiisip itong kapilyahan o mas tamang sabihing kalokohan.
"Ah, Sir. Tama na po, baka madurog niyo na po iyan," untag pa ni Kikay sa boss nang makitang wala pa rin itong tigil sa pag-slice kahit pa tapos na ito. "Sir," siko na rito at doon ay tila natauhan ito.
"Sorry, did you call me?" tanong pa nito na tila hindi nga narinig ang mga sinabi niya.
"Yes, kanina pa. Sabi ko tama na dahil malapit na iyang maging mince kalabasa dahil paliit na nang paliit," palatak na wika ni Kikay.
"Ops! Sorry, mukhang napasobra ako," wika pa.
"Napasobra ka talaga," gagad ni Kikay sabay kuha ng mga hiniwang kalabasa. Maya-maya ay bumalik na ang ina nitong may dalang sitaw.
"Mukhang masarap ang iluluto mo, Inay," aniya sa ina.
"Oo naman, anak. Gusto kong pakainin itong boss mo ng masustansiyang gulay," anito. Sa sinabing iyon ng ina ay napangiti siya. Hindi kasi masyadong nakain ng gulay ang kaniyang boss. "Sabagay nga pala, doktor ang boss mo kaya tiyak na alam niya ang makakabuti sa kaniya," dagdag ng ina na halos sumamid sa kaniya.
Napaubo tuloy siya dahilan upang mapatingin ang ina at ang boss sa kaniya. "Sorry," aniya sabay sapo sa kaniyang dibdib dahil hindi mapatid-patid ang kaniyang pag-ubo.
"Ayos ka lang ba, anak?" tapik ng ina sa kaniyang likuran.
"Ahemm! Oo, Inay," kasunod ng kaniyang mahabang pag-ubo.
"Are you sure?" maya-maya ay sabad ng boss.
"Yes, boss," agad na sabad rito at nakitang napakunot-noo nito. "Sir pala," agad na bawi rito ngunit hindi nawala ang pagkakakunot ng noo nito. 'Alangan namang babe o honey ang itawag ko sa'yo,' aniya sa sarili.
"Anak, dalian mo at kakatayin ko pa ang manok na iaadobo ko," ani ng ina.
"Akala ko po ba ayaw niyo ng manok?" gagad na turan sa ina.
"Nagbago na ang isip ko. Mas mainam yatang ubusin na nating ulamin ang mga manok ng Itay mo," anito na nakangisi na tila may nais ipakahulugan ang mga sinabi nito.
Hanggang sa maya-maya ay sumeryoso ang mukha nito na parang may naalala. "Bukas na ba kayo luluwas ng Pampanga?" tanong ng ina. Kahit papaano ay lumuwag ang dibdib ni Kikay sa sinabing iyon ng ina. Ito na mismo kasi ang nagbukas sa usaping iyon. Ramdam na ramdam kasi ditong, iwas na iwas ito kapag iyon na ang pag-uusapan nila.
"Opo, Inay," aniya rito at kita ang paglungkot ng hitsura nito. "Huwag po kayong mag-alala, Inay dahil hindi naman po ako magtatagal doon," saad na lamamg upang hindi na ito malungkot. Hindi man ang mga ito ang magulang ay masaya siyang nakasama ang mga ito at naging parte ng buhay niya. Hindi kailanman nila pinaramdam sa kaniya na hindi siya kadugo ng mga ito.
"Gusto ko lang pong makilala at malaman ang aking pinagmulan, Inay. Pangako po, hindi ko kayo iiwan ni Itay dahil mahal na mahal ko po kayo," aniya sa ina sabay yakap dito.
"Mahal na mahal ka rin namin, Kikay. Wala kaming ibang hinangad ng Itay Karyo mo kundi ang iyong kabutihan. Kung iyan ang makapagpapasaya sa'yo ay susuportahan ka namin," anito dahila para mapaluha siya.
Masayahin silang klase ng tao pero sa pagkakataong iyon ay kapwa tumulo ang kanilang mga luha.
"Anuman po ang mangyari, Inay. Hinding-hindi ko po kayo iiwan ni Itay," garantiya pa rito.
"Salamat kung ganoon, Kikay," ani ng ina matapos tapik-tapikin ang kaniyang balikat. "Oh, sige na. Hiwa-hiwain mo na itong sitaw at ako naman ay magkakatay pa ng manok," nagmamadaling saad ng ina saka mabilis na tinungo ang kanilang bahay.
Napangiti na lamang siya. Ayaw na ayaw kasi ng ina ang mag-senti kaya marahil nang mapansin nitong nagiging sentimental na sila ay mabilis itong kumawala bago pa ito tuluyang ibuko ang sarili.
"Ayos ka lang ba?"
"Ay, kabayo!" sambulat ni Kikay nang mabigla sa biglaang pagtatanong ni Zeus sa kaniya. "Bakit ka ba nanggugulat?"
"Nagulat ka ba sa lagay na iyan?" pangungulit ni Zeus kay Kikay at nagsisimula na namang lumaki ang mata at butas ng ilong nito.
"Nakita mong nanlalaki ang mata ko, hindi ba?" aniya rito.
"Kahit naman kung galit ka ay nanlalaki pa rin," hindi napigil na sambit ni Zeus.
Mas lalong nanlaki ang mata nito. 'Antipatiko!' aniya sa sarili sabay irap dito.
Halos matawa si Zeus sa nakitang reaksyon ni Kikay. Hindi niya ulit mapigilang mapangiti. Mula yata nang makasama si Kikay ay panay na ang ngiti niya.
"Anong nakakatawa?!" pasitang tinig ni Kikay.
"Ha? May nakakatawa ba?" kunwari ay maang na sambit.
"Eh, bakit nakatawa ka?" maang pa rin dito.
"Correction, hindi ko ako nakatawa. Nakangiti lang," aniya kay Kikay na mas lalong nagsalubong ng kilay nito.
"Are you annoying me?" sosyal na English ni Kikay. Doon ay napatawa na si Zeus. Mukhang improving ang English grammar ni Kikay.
Mas lalong nabanas si Kikay dahil imbes na matakot ang lalaki sa kaniya ay mukhang pinagtatawanan nga talaga siya nito.
"Naiinis na ako ah," tahasang sambit dito at doon ay napatigil.
"Sorry," agad nitong hingi ng paumanhin. "Masaya lang ako dahil mukhang marunong ka ng mag-English," aniya rito.
"Of course," agad na sabad rito na muling kinangiti ng boss. "Bahala ka na nga," may halong inis na tinig pero sa totoo lang ay kinikilig siya sa boss.
"Kik-" putol na sambit ni Zeus matapos hawakan ito sa braso at bahagyang hilain.
Maging si Kikay ay nabigla sa ginawang iyon ng boss dahilan upang halos sumubsob ulit ang mukha sa malapad nitong dibdib. Buti na lamang at naitukod pa ang dalawang palad sa dibdib nito upang hindi tuluyang sumubsob ang mukha.
Tila pa tumigil ang ikot ng mundo ni Kikay nang mapagkit ang mga mata sa guwapong mukha ng boss. Ang mapupungay nitong mga mata, ang matangos at perpekto nitong ilong at ang mamula-mula nitong labi na tila kay sarap halik-halikan.
Hindi tuloy niya naiwasang iuwang ang bibig at basahin iyon gamit ang dila. Para tuloy gusto niyang tikman ang mamasa-masang labi ng boss.
Nababaghan man si Zeus sa iniaasta ni Kikay ay nalulugod pa rin ang pusong titigan ang maganda at maamo nitong mukha. Kita pa ang pamumungay ng mga mata nito at ang pagpagbasa ng labi nito gamit ang dila. Hindi alam kung inaakit ba siya nito o binibilatan lamang. Akma nitong ilalabas ang dila nang marinig ang malakas na pagtawag dito.
"Kikay?!" malakas na tawag ng ina ang nagpabalik sa ulirat.
"Inay?!" malakas ding sambit. 'Patay ka ngayong, Kikay ka!' sermon sa sarili.
"Ikaw na bata ako, bakit hindi pa tapos ito?" anito sa sitaw. Doon ay mabilis na napangiti sa ina. Buong akala ay nahuli siya nitong nagpapa-cute sa amo.