Pagdating sa capitol ay halos magkumahog ako sa pagbaba ng sasakyan. Hindi ko na hinintay pang pagbuksan ako ng pinto ni Top.
"Isuot mo ito, Miss Lucinda." Ibinigay ni Top ang suot n'yang subrelo sa akin. Nang tinitigan ko lang iyon ay ito na ang kusang nagsuot sa akin.
"Hindi ka kilala ng mga tao. Sa tingin ko po'y mas mabuting hindi ka nila makilala para sa safety mo---"
"Wala akong pakialam kung makilala nila ako, Top. Anak ako ng papa ko. Hindi ako mahihiyang ipangalandakan iyon. Tara na." Nilagpasan ko ito at nagsimulang tahakin ang daan patungo sa gusaling may apat na palapag. Puting-puti ang gusali kung saan para tuloy itong kastilo.
Pero bago pa kami makalapit ay naglabasan na ang mga tauhan ng gusali. Pero hindi naman nakatakas sa aking mga mata ang lalaking huling lumabas ng building. Bumilis ang paglalakad ko. Nakita ko pa itong magiliw na nakikipag-usap sa mga tauhan n'ya bago sila naghiwa-hiwalay. Sa kabilang direction nagtungo si Governor Colton Andreras. Sa direction ko naman patungo ang mga tauhan n'ya. Kaya mas binilisan ko pa ang paglalakad para lang hindi masayang ang pagpunta ko rito.
Sa kabilang side ng parking lot ko ito nakita na pasakay na ng sasakyan. Kahit gano'n ay pinilit ko pa ring humabol. Nakasakay na ang mga ito nang makalapit ako nang tuluyan at sunod-sunod na kumatok sa bintana kung saan sa loob no'n ay naroon si gov.
"Governor Colton Andreras, pwede ba tayong mag-usap?" pakiusap ko sa lalaki. Kung hindi lang kay papa. Alam ko sa sarili kong hindi ako magkukumahog na makipag-usap sa ganitong klase ng tao. Imbes na pagbabaan ako ng bintana ng sasakyan, iyong driver n'ya ang nagbukas ng pinto at humarap sa akin.
"Miss, pasensya ka na. May lakad pa si Governor at hindi siya pwedeng ma-late." Mahinahon namang ani ng driver. Umiling ako.
"Pakisabi naman na importante ang pakay ko. Kailangan naming makapag-usap, manong. Please po."
"Nasa schedule ka ba ni gov? May appointment ka ba sa kanya? Kung nais mo siyang makausap... bukod sa oras na inilalaan n'ya sa mga mamamayan ng Santa Dominga, ang way lang para makaharap mo siya ay kailangan mong magpa-appointment."
"Saglit lang naman po. Sinubukan ko rin namang kontakin ang opisina ni governor para magpa-appointment, ngunit walang sumasagot." Dahilan ko rito. Totoo naman, nag-email, tumawag, at nag-text pa ako. Pero walang respond mula sa kanila.
"Kung wala pa pong sumagot marahil po ay mas marami ang nauna sa 'yo. Hintayin n'yo na lang po ang reply ng opisina sa inyo. Tiyak na mabibigyan din kayo ng oras. Sa ngayon po ay kailangan nang umalis ni governor." Akma na itong papasok pero tinabig ko ang lalaki at mabilis akong sumampa sa driver seat. Kahit si Top na nasa likod ko ay hindi na nakuha pang pigilan ako dahil hindi rin naman nito inasahan na gagawin ko iyon. Unang bumungad sa akin ay ang baril na nakatutok, hawak iyon ng lalaking nakapwesto sa passenger seat ng sasakyan. Bodyguard ni Governor Andreras.
"Miss, baba d'yan!" hindi alam no'ng driver kung paano ako mapabababa. Nang maabot nito ang braso ko ay pinilit n'ya akong hilain pababa. Ngunit iyong isang kamay ko ay iniyakap ko sa upuan. Saka ko ibinaling ang tingin ko sa lalaking nakaupo sa likod ng driver seat. Nang magtama ang tingin namin ay agad kong nakita ang blanking expression ng lalaki.
"Governor, pwede ba tayong mag-usap." Tanong ko sa gobernador. Tinitigan lang ako nito. Hindi man lang sumagot.
"Miss, bumaba ka na d'yan." Pakiusap ng driver na sige pa rin sa paghila sa akin. Huwag lang sanang makialam si Top, dahil baka magkagulo pa. Mas hinigpitan ko na lang ang yakap ko sa sandalan ng upuan para hindi ako tuluyang mahila no'ng driver.
"Kahit saglit lang, gov." Pakiusap ko. Magmukha man aking desperada ay wala na akong pakialam. Para kay papa.
"Miss, pwede kang pumila bukas sa opisina ni governor kung hindi ka makapaghintay na ma-set ang appointment date mo. Bumaba ka na d'yan." Hila pa sa akin ng driver.
"Leave." Natigilan ako't napatingin sa lalaki. Ang madilim na aura nito ngayon ay kitang-kita ko na. "I'm busy. Leave."
"Saglit lang. Parang awa mo na, kahit saglit lang."
"Appointment or pumila ka. Iyon lang ang option mo, miss."
"Leave." Dinig kong ulit ng gobernador. Napaka-cold ng boses nito at parang ipinaparating na wala talaga siyang oras para sa akin.
"Ako na." Dinig kong ani ni Top. Hinawi nito ang driver, lumapit sa akin at pwersahan na akong inilabas ng sasakyan. Kahit nagpupumiglas ako'y hindi iyon naging hadlang dito. Ano lang ba naman iyong lakas ko kumpara sa lalaking mas malaki sa akin.
"Top, binatawan mo ako. Kailangan kong makausap si governor." Pakiusap ko kay Top. Hindi ko na rin napigilang maiyak. Lalo't umusad na rin agad ang sasakyan. Gusto kong habulin pa ang mga ito. Ngunit tuluyan nang umusad nang mabilis ang sasakyan.
"Top, bakit mo ako pinigilan? Iyon na oh! Opportunity na iyon na makausap si governor. Bakit mo ako ibinaba?"
"Miss Lucinda." Natigilan ako, saka ko lang napansin na nakalimutan kong kontrolin ang sarili ko. Para na akong naghe-hysterical. Hinawakan nito ang balikat ko. "Look at me, stop crying." Ginawa ko naman iyon agad. "Sa tingin mo ba'y makikipag-usap iyon sa 'yo sa ganyang paraan mo? Mas lalo lang iyon iiwas sa 'yo, Miss Lucinda. Pipila na lang tayo bukas. Maaga na lang tayong pupunta para mauna tayo sa pila. Susubukan din ulit nating magpa-appointment para makausap siya. Hindi tayo titigil. Pero hindi natin ibababa ang sarili natin para lang sa kakarampot na oras na hinihingi natin sa kanya."
"No, Top. Kahit ibaba ko pa ang sarili ko. Kahit magmakaawa pa ako sa kanya. Gagawin ko iyon para sa papa ko." Napabuntonghininga ito at tumango. Saka kinabig ako at niyakap.
"Tahan na, Miss Lucinda. May bukas pa naman para makausap si Governor Colton." Tama ito, pero sana naman bukas ay makausap ko na talaga ito. "Uwi na muna tayo. Halika na, baka may makakilala pa sa 'yo rito." Iginiya na n'ya ako paalis. Pagsakay pa lang sa sasakyan ay muli na naman akong naiyak. "Tatagan mo lang ang loob mo, Miss Lucinda. Nandito pa kami na handang tumulong sa 'yo." Saka nito binuksan ang radio. Medyo nilakasan nito iyon, saka pinausad na ang sasakyan.
Napuno ang sasakyan ng musika mula sa radio. Kaya naman ang utak ko ay medyo na focus doon. Babalik kami bukas. Iyon na lang ang nasabi ko, saka sinubukan kong pigilan na ang pag-iyak.
Sinubukan ko ring buuin sa isipan iyong mga nais kong sabihin kay governor.
Kaya naman pagsalit nang kinabukasan, maaga pa lang ay nakapila na ako rito sa capitol. Kasama ko si Top na matiyagang dala ang bag ko at nasa gilid lang. Pangpito ako sa number na ibinigay.
Iyong mga nakapila rito ay lalapit daw sa governador para humingi nang tulong. May oras lang din daw para mismong si governor ang makaharap nila. Kapag abala naman ang lalaki ay mga tauhan na ang mag-a-assist sa mga nakapila. Ngayon ay tahimik akong nagdarasal na sana ay matiyempuhan na si governor ang makausap ko.
"Magandang umaga po sa inyong lahat. Ngayon po ay hindi available ang ating mahal na gobernador. Kasalukuyan po kasi siyang nasa pagpupulong. Kaya kami pong staff n'ya ang mag-a-assist sa inyo. Manatili lang po sa pila para maayos po ang pag-usad ng ating pila. Kapag narinig n'yo po ang numero ninyo ay lumapit po kayo sa mga table kung saan kayo maia-assign. Nagkakaintindihan po ba?" nagtaas ako ng kamay.
"Hindi ba siya pupunta rito sa capitol o---"
"Mamayang 2 pm pa po, ma'am." Sagot ng babae. Napabuntonghininga ako at tumango.
"S-alamat." Sagot ko. Saka ako humakbang para ibalik ang numerong hawak ko. Umalis na rin ako sa pila para hindi na dumagdag pa sa pilang pagkahaba-haba.
"Ano, Miss Lucinda?" tanong agad sa akin. Umiling ako.
"Wala si gov. Mamayang 2 pm pa raw."
"Uwi na tayo?"
"Hindi. Dito lang tayo. Hihintayin natin siyang dumating. Kailangan ko siyang makausap, Top. Doon muna tayo sa sasakyan." Tumango naman ang lalaki. Nang lumabas kami ay nakuha pa ako nitong payungan. Habang bitbit n'ya ang bag ko. Masyadong mainit ngayon. Kawawa iyong mga nakapila na hindi pa nakapasok sa gusali.
"Top, ganyan ba araw-araw ang sitwasyon ng mga lumalalit sa opisina ni gov?" curious na tanong ko.
Never kong naranasang lumapit sa politiko. Ngayon lang. Kaya hindi normal sa aking paningin ang mahabang pila ng mga taong umaasam na makahihingi sila nang tulong sa tanggapan ng governador.
"Hindi ko po alam. Gusto n'yo po bang alamin ko?" tanong nito.
"Sige, tapos pakitignan iyong huling numero para malaman mo kung ilan lahat sila. Bumili ka ng tubig at tinapay para makakain sila." Sobrang aga naming pumila. Gano'n din ang mga ito. Ewan lang kung nakapag-almusal pa ba sila.
Tumango naman ang lalaki at iniwan na ako sa sasakyan. Nakapayong pa ito no'ng umalis.
Dito naman ay nakapatay naman ang makina ng sasakyan. Binuksan ko lang ang bintana para pumasok ang hangin. May portable fan din naman na ngayon ay gamit ko.
Nakatanaw lang ako kay Top. Ang kagandahan ding ginawa nito'y sa mga street vendor ito namili. Tapos iyong mga street vendor na ang tumulong sa kanya na maipamigay iyon sa nakapila.
Pagbalik nito ay may extra pang dalawang tubig at sandwich.
"Kain ka, Miss Lucinda. Huwag kang mag-alala. Malinis po iyan." Sabay abot nito. Napatitig ako roon. Of course, sanay akong kumakain sa mga restaurant at minsan iyong chef pa ang naghahanda ng food ko sa house sa metro. Hindi ako kumakain ng mga food sa tabi-tabi lang. Pero dahil nag-effort si Top ay tinanggap ko pa rin iyon. Ito pa ang nagbukas ng tubig ko.
"Salamat."
"Wala iyon, Miss Lucinda. Kain ka muna. Tiyak na matagal-tagal tayong maghihintay. Ayaw mo bang umuwi muna?"
"No. Maghintay tayo rito. Baka biglang dumating si governor. Kakausapin ko siya." Umaasa akong darating. Kahit anong oras pa iyan.