PAREHONG napasugod sa bakuran ng Mettsa sina Alvina at Adolf nang makita ang pagdating ng mga bampira. Ang ilan sa mga ito ay sugatan. Na isa sa labis na ipinagtataka ni Alvina. Dahil sa ilang siglo nilang pagsasama, saksi siya kung gaano kabilis humilom ang mga ito kapag nasusugatan, mapa-Original o normal Vampires man. At saka wala pa sa singkuwenta ang nasa bakuran ng Mettsa. Samantalang dinala na ni Dimitri ang halos buong lahi nito nang malamang hindi ordinaryong nilalang ang makakaharap ng mga ito. "Ano'ng nangyari? Bakit sugatan ang iba sa inyo? Nasaan ang mga kasamahan n'yo? Nasaan si Dimitri?" sunod-sunod na tanong ni Adolf. Katulad ni Alvina ay takang-taka rin ito. "Iniwan namin siyang nakikipaglaban. At malamang, sa mga oras na ito, wala na ang aming hari. Patay na si Ykko,"