... KAI's POV ...
“BAKIT hindi niyo na lang ako ipakulong kaysa ganito na parang gusto niyo nang hawakan ang buhay ko at gawing puppet?! Wala naman akong kasalanan kundi ang nag-drive lang na nakainom! Bakit parang kasalanan ko na ang lahat?!” Hindi ko na napigilan ang sarili ko, nabulyawan ko na si Neil. Asar na asar na ako. Sino ba sila sa akala nila para diktahan ako sa kung anong dapat kong gawin?
“You do not know, but we just also want to protect you from this mess. Makisama ka na lang please?” Sa kabila ng ginawa ko ay hindi nagbago ang tono ni Niel. Kinakausap niya pa rin ako na tila isang akusado, akusado na ang nais niya ay tanggapin na lang ang aking kasalanan kahit hindi ko naman ginawa.
“Baka naman iyong mayabang mong amo ang tinutukoy mo at hindi ako ang pinoprotektaan mo?!” Gani-gani na literal na uusok na ang ilong ko sa inis. Ang sarap maging dragon bigla tapos bugahan ko siya ng apoy, sila ng amo niyang si Juke Rivas.
Neil clicked his tongue. Tapos ay parang masama pa ang loob niya na dinukot niya ang cellphone niya sa bulsa ng pampatay niyang pantalon. Kung kanina ay guwapo siya sa paningin ko habang naka-suit attire siya, ngayon ay hindi na. Kulang na lang pala ay kabaong. Pisti siya.
“Sige, mag-f*******: ka. Inggitin mo ako,” tuya ko nang parang nagbra-browse na lang siya sa timeline niya.
“Huwag kang magulo dahil binabasa ko ang mga comment ng mga bashers mo para sa’yo,” sabi niya.
Bigla ay namilog ang mga mata ko. “What?!”
Kaysa sumagot ay pinaharap niya sa akin ang kanyang cellphone. Nasa Official f*******: Page siya ng isang malaking TV Network. At naka-post doon ang larawan ko, na ngayon ay blurred na, kasama ang larawan ni Juke at ni ---.
“Yes, asawa ni Juke Rivas si Binibining Universe 2017 Miss Sophia Roxas,” hindi ko pa naitatanong ay sagot na ni Neil na animo’y nabasa niya ang aking isipan.
“Ano naman ngayon?” pero kako lamang. I even rolled my eyes. Pakialam ko sa kanila.
“Because she is your real cruel opponent on this issue and not Juke.”
Pero nang sinabi niya iyon ay balik atensyon ako. “At bakit naman?”
“Dahil ang alam niya ay ikaw talaga ang mistress ng asawa niya na laging nakalagay sa mga blind item.”
Umawang ang mga labi ko. Nakuha ko na kasi ang nais tumbukin ni Neil. Syempre ang asawa talaga ni Juke Rivas ang unang maapektuhan sa issue na kinahahantungan namin ngayon. Siguradong nasasaktan na siya ngayon, at tulad ng ibang legal wives ay malamang isinusumpa na niya ako ngayon. Malamang ay gusto na niya ako ngayong nguyain ng buhay. At malamang ay pinagplapanuhan na niya ako ng masama tulad ng ginawa ni Manet kay Dhenna noon. Gayunman, imbes na magalit ako or ano man para kay Miss Sophia Roxas ay naawa ako sa kanya. Siguro naninikip na ngayon ang kalooban niyon. Kaya nga ayaw na ayaw ko sa mga kabet dahil panira sila sa buhay ng isang masayang pamilya.
“If you are one of Juke's fans —“
“Hindi niya ako fan,” I cut him off, not wanting to hear what he will say more. Wala naman akong iniidolo na artista talaga dahil wala naman akong naging time noon para humilata at manood lang ng TV tulad ng iba. Sabi ko nga ay maliban sa pagiging secretary ko sa Banklink ay ahente rin ako kaya naman sobrang naging abala ako noon. Idagdag pa ang naging issue noon ni Dhenna sa lovelife niyang baluktot na aking inayos kasama si Aman.
“Okay.” Tumango-tango naman si Neil. “Kung hindi mo alam dahil hindi ka niya fan ay gusto kong malaman mo na noon pa kumakalat ang balita na may other woman si Juke. At iyon ang noon pa inaalam ni Sophia. Matagal na niyang hina-hunting kung sino ang babae. Sa mga interview niya ay sinasabi niya na ipinapasa-Diyos na lamang niya ang pambabae ni Juke, pero ang totoo ay pinapahanap niya talaga ang babae. So ngayon na malinaw na ang mukha mo sa mga kumalat na larawan ay sigurado ako na gagawa na ng hakbang si Sophia para mawala ka sa landas nilang mag-asawa.”
I got goosebumps. Na-imagine ko agad na sinabunutan ako ni Sophia Roxas, sinampal at ipinahiya sa madaming tao. Malala pa ay pumasok rin sa isip ko na binaril niya ako. Yay!
“And just in case you also do not know, I also want you to know that Miss Sophia Roxas is from a powerful family. Anak lang naman siya ng dating Senate President na si Alfredo Roxas at ni Congresswoman Prila Roxas. Maliban diyan ay marami rin siyang kamag-anak na naglilingkod sa bansa,” dagdag ni Neil sa impormasyon. Hindi ko alam kung tinatakot niya ako o ano.
“If so, I must really bring out the fact that I am not Juke Rivas' mistress. Dapat nilang malaman lahat, lalo na ni Sophia Roxas para hindi siya magalit sa akin,” kaysa matakot sa legal wife ay sabi ko na buong tapang. Umigting ang kagustuhan ko na mailabas ang katotohanan. Lumabas na naman ang pakialamera kong alter ego. Ang gusto niya ay tulungan si Sophia Roxas tulad ng ginawa ko noong pagtulong kay Manet para maiwaksi ang kabet ng kanyang asawa na walang iba kundi ang kaibigan kong si Dhenna. Kumati bigla ang mga palad ko sa kagustuhan na iyon. Gustong kong alamin namin ni Sophia kung sino talaga ang kabet ng Juke Rivas na iyon. Gusto ko rin siyang sampalin dahil bakit ako ang narito sa hot seat, dapat ay siya ang naririto sa sitwasyong ito. She should be the one people hate, not me.
Subalit ay umiling si Neil. “Hindi na iyon madali. Damage had been done. Naapektuhan na ang iginagalang na apelyido nila kaya naman kahit lumabas ka pa ay hindi na iyon makakatulong pa. Lalo lang magiging magulo at ikaw ang kawawa dahil sa oras na mga ito ay na kay Miss Sophia na ang simpatya ng madaming tao. Baka kung magpapakita ka ay batuhin ka lang nila ng itlog sa mukha.”
“That’s not fair!” naibulalas ko sa madiing boses.
“At kailan pa naging patas ang buhay sa tingin mo?” Ngumisi si Neil. Pagkuwa’y may pinindot siya sa cellphone niya at ibinigay sa akin. “Panoorin mo ang press conference ni Miss Sophia para maniwala ka.”
Tumataas-baba ang dibdib ko na sinunod nga siya. Nag-start ang video sa umiiyak na si Sophia Roxas. Mahinhin niyang pinupanas ang kanyang mukha ng tissue.
“That was taken yesterday. At talaga naman nakuha niya ang lahat ng simpatya ng mga tao, lalo na ang kanyang mga fans. Hindi na ako nagtaka dahil alam ko na alam mo na lahat ng tao ay sa legal wife kakampi sa ganitong issue ng mag-asawa.”
Eyeball ko lang ang gumalaw, naniningkit ang mga mata ko na sinulyapan siya pailalim. Tapos ay ibinalik ko rin ang tingin sa video. Nagsimula nang nagsalita si Miss Sophia Roxas. Hindi makita nang husto ang mukha niya dahil sa napakalaki niyang circular sunglass. Malamang ay para itago ang namamaga niyang mga mata kakaiyak dahil sa panggagago sa kanya ng kanyang asawa. Sino bang asawa ang hindi ngangawa kapag na-confirm mo na may kabet ang mister mo?
Ang sarap pakuluan ang mga bitches. Isama na ang aking kaibigan na si Dhenna kapag hindi pa rin siya magbago talaga.
“You have nothing to worry about me,” umpisa na ng speech ni Sophia sa video. Naawa talaga ako sa kanya, kung alam lang sana niya na hindi ako kabet ng asawa niya. “I was also surprised but I am fine. Iniisip ko na lang na narito na kami sa pinaka-worst na pagsubok sa buhay mag-asawa. However, I hope that our accusation against my husband is not true.”
“Miss Sophia, nagkausap na ba kayo ni Juke?” tanong ng reporter.
Nagpunas lamang ng tissue sa mata si Miss Sophia.
I can’t help but gasped. Kumpirmado, may pagkatanga nga si Juke Rivas dahil paano niya nagawang lukuhin pa ang isang tulad ni Miss Sophia? Maganda, mayaman, maimpluwensya, beauty queen at mukhang hindi makabasag pinggan na babae. Ang suwerte na niya, eh.
Kunsabagay, masarap nga naman ang bawal.
“Miss Sophia, ano ang sabi ni Juke tungkol sa issue? Sino raw ang babae na nasa kotse niya noong aksidente?” sinegundahan ng isang press representative ang katanungan.
Napatungo si Miss Sophia. “We haven't talked yet since he went to Cebu.”
“May ideya na po ba kayo kung anong klaseng babae ang mistress ng iyong asawa, Miss Sophia?”
Ako na nanonood lamang ang gusto nang mantiris sa nagtanong na iyon. Kasasabi nga lang ni Miss Sophia na hindi pa sila nag-uusap na mag-asawa, tinanong pa iyon? Ang insensitive talaga ng mga press. Gosh!
Napaiyak na naman si Miss Sophia. At mukhang nirespeto iyon ng mga nag-i-interview sa kanya dahil natahimik silang lahat saglit.
“Hindi madali ang pinagdadaanan ngayon ni Sophia. Kayo na sana ang mag-pasensya kung hindi lahat ay kaya niyang sagutin,” sabad ng bakla na kanina pa nakaalalaya kay Sophia. Malamang ay manager ito ng beauty queen.
Nakagat ko ang aking lower lip habang pinapanood siya na mahinhing lumuluha. Nadudurog ang puso ko. Sana kapag ako ang nag-asawa ay walang eeksena na kabet sa buhay naming mag-asawa. Ang sakit siguro sobra na malamang may ibang babae ang asawa mo.
“Huwag kang magpapadala sa mga drama niya. Hindi mo siya kilala. Para malaman mo ay nakakatakot iyang si Miss Sophia. She looks like an angel in front of the camera but she has a devil's halo in real life. Kaya nga kahit si Juke ay ayaw nang palakihin ang gusot na ito sa pagitan niyong tatlo dahil baka wala lang kayong kalaban-laban if kakalabanin niyo siya, lalo na ikaw. At naisip namin na mas mainam nang no comment ka na lang sa issue at maglahong parang bula pansamantala hanggang sa huhupa ang tensyon. And don’t worry dahil tulad naman ibang issue rito sa Pilipinas ay mamakalimutan din ng mga tao ito sa madaling panahon. After that puwede ka na ulit bumalik sa normal mong buhay.”
Hindi ko pinansin si Neil pero inaamin ko na may parte sa isip ko na sumang-ayon na sa kanya. Puwede rin kasi iyon, ang ipagsawalang bahala muna ang issue tapos if huhupa na ay saka ako makikipagkita kay Miss Sophia para magpaliwanag at sabihin sa kanya ang katotohanan.
“Kahit ilang buwan kang mawawala ay mabubuhay ka pa rin naman siguro ng matiwasay sa dalawang milyon na ibabayad sayo ni Juke, hindi ba?” pambri-brainwash pa sa akin ni Neil.
I no longer wonder why he won almost every case he handled. Magaling pala siya magpaikot ng mga tao. Totoo nga yata na pera-pera na lang talaga ang ipinangtatapat para manahimik na lang kaysa ang lumaban.
Patuloy ang video pero hindi ko na naunawaan dahil sa kadaldalan ni Neil.
“Bakit kailangang bayaran ako ni Juke ng gano’ng halaga? Hindi kaya pakana niyo ang lahat ng ito?” Nagduda na ako. Kung iisipin kasi ay bakit parang atat sila na tanggapin ko ang pera at magpakalayo-layo. “Kung walang alam si Juke sa nangyari sa amin, bakit parang siya ang gumagawa ng paraan? Bakit hindi niya na lang sabihin na ganoon ang nangyari na para kaming na-engkanto lamang? Or may nag-set-up lang sa amin no’ng gabing iyon?”
“Sa ganitong sitwasyon, sa tingin mo panghihinayangan pa ni Juke ang dalawang milyon? Dalawang drama lang iyon or isang movie lang niya. Walang halaga ang pera, mas mahalaga ang career niya at ang peace of mind niya para makapagtrabaho siya ng maayos. Minsan kailangan mong mag-invest para sa mas madaming biyaya na darating sayo.”
Napasinghap talaga ako sa hindi ko inasahang eksplenasyon. Tapos ay napa-“Oo nga naman,” na lang ako sa aking isipan. Hindi naman pala engot ang Juke Rivas na iyon. May isip rin pala ang isang depungal ……..