Chapter 11

1685 Words
NAILIBOT ni Sianna ang tingin sa paligid niya, sa loob ng kaniyang condo unit. Kahapon din ay nakapagdesisyon siya na ibenta na ang condo unit niya. Malapit naman iyon sa lahat kaya naman puwede niyang ibenta ng doble sa lahat ng nagastos niya roon simula nang mabili niya iyon at sa pagpapaayos niyon. Kasama na rin ang mga gamit niya rooon. Kasama na rin sa bentahan na magaganap ang mga gamit niya roon dahil hindi naman niya iyon madadala sa kaniyang pag-alis. Matapos niyang mawalan ng trabaho ay naisip niyang mag-unwind muna. Pakiramdam niya ay deserve naman iyon ng kaniyang sarili. Physically and mentally. May possible buyer na siya na i-me-meet niya mamayang lunch sa isang restaurant na malapit lang din sa condominium na kaniyang kinaroroonan. Nakakatuwa nga dahil isang post lang niya sa kaniyang social media, hindi pa nagtatagal ay mayroon na kaagad siyang buyer. “Sana, maging okay ang deal namin ng possible buyer ko,” wika pa niya. “Sorry kung kailangan ko ng bitiwan ang lugar na ito.” Gusto niyang pumunta sa isang probinsiya. Doon kasi, hindi mahal ang cost of living. Hindi katulad sa Maynila. Isa pa, wala siyang trabaho ngayon o maaaring source of income. Kaya naman doon siya pupunta sa lugar na hindi mahal ang mga bilihin. Tipong, mura lang ang mabuhay. Sarili lang din naman niya ang kaniyang pakakainin kaya walang kaso. Kahapon ay wala siyang ginawa kung ‘di ang linisin ang buong condo unit niya para mas maging presentable iyon. Lalo na kung bibisitahin ng buyer niya. Nang oras na para makipagkita sa buyer ng kaniyang condo unit ay sinigurado niyang presentable siyang tingnan. Mas nauna siya sa meeting place dahil iyon ang importante. Hindi na bale na maagap siya, kaysa naman siya pa ang late. Hindi naman nagtagal at dumating ang lalaking nakausap niya online. “Mr. Carlos?” nakangiti pa niyang tanong sa lalaking lumapit sa kaniyang table. “Yes,” tugon nito na nakipagkamay rin sa kaniya. “Kanina pa ho ba kayo rito, Miss Melendrez?” tanong pa nito. “Hindi naman. Take a seat,” aniya na iminuwestra pa ang katapat niyang upuan. “Tungkol sa condo unit, naipakita ko na rin naman ang mga larawan kahapon. Kung may hindi kayo magustuhan, puwede ninyong sabihin sa akin ngayon para magawan ko kaagad ng paraan. Rest assured na titira na lamang po kayo roon.” “Actually, hindi ako ang personal na bibili ng condo unit mo. ‘Yong boss ko,” ani Carlos. “Wala rin namang negative na nasabi ang boss ko tungkol sa condo unit na binibenta mo. Gusto rin niya na triplihin ang presyo.” Napaawang ang mga labi ni Sianna dahil sa kaniyang narinig. “P-pardon?” Baka naman kasi mamaya ay mali pala siya ng narinig. Ayaw naman niyang mapahiya. Kaya halos pigil niya ang pagningningan ng mga mata. Gusto niyang malula sa triple price ng kaniyang condo unit na pinagbebenta. Kahit hindi na siya bumalik sa siyudad at mamuhay na lamang sa probinsiya ay walang kaso. Literal na milyonarya na siya. Kahit nga buong buhay niya na hindi na siya magtrabaho ay hindi niya magiging problema. Kayang-kaya niyang mabuhay. “Triple ang gustong presyo ng boss ko. Wala namang kaso sa iyo, Miss Melendrez?” “Galit ba sa pera ang boss mo?” sa halip ay hindi niya maiwasang itanong. Dahil ayaw naman niyang magmukhang obvious na tuwang-tuwa sa tripling presyo ng kaniyang conco unit. Sino ba ang aayaw sa tripleng presyo? “Hindi naman. Gusto mo ba ‘yong deal ni boss?” “Bakit hindi?” hindi na niya napigilan pang itanong. Baka magbago pa kasi ang isip. Matamis pa siyang ngumiti. “Kailan ba available ang boss mo?” “Anytime. Kung agree ka, siya na rin ang bahala sa attorney para sa isasagawang deed of sale ng condo unit mo, Miss Melendrez.” “Wala namang problema sa akin,” sang-ayon niya. Para hindi na niya kailangan pang kumuha ng attorney. Kung baga, pipirma na lamang siya, and voila, mayaman na siya. “Kailangan ko lang ng ilang copy ng documents para sa gagawing deed of sale.” Agad naman niyang kinuha sa kaniyang dalang folder ang kopya ng kaniyang Condominium Certificate of Title. Kinuha naman iyon ni Carlos at kinuhanan ng larawan upang ipasa sa gagawa ng deed of sale. Kinuhanan din nito ng larawan ang kaniyang isang valid ID. “Kung hindi ka busy,” ani Carlos nang balingan siya ng tingin. “Puwede na nating puntahan si Boss mamaya para makapagpirmahan na kayong dalawa. Mabilis lang din namang magawa ang deed of sale.” “Sure.” Wala namang problema sa kaniya. Kahit nga ngayon na ay go siya. Pero hindi siya nagpahalata na atat siya. Kinalma lang niya ang kaniyang sarili. Hindi na rin siya tumanggi nang sabihan siya ni Carlos na um-order na ng nais niyang kainin at sagot naman daw iyon ng boss nito. “Gusto mo ba munang tingnan ng personal ang aking condo unit?” tanong pa niya kay Carlos habang kumakain sila. “No need. Okay na ‘yong larawan na ipinakita mo. Approve na naman ‘yon kay Sir.” “Okay,” nakangiti niyang tugon bago nagpatuloy sa kaniyang maganang pagkain. Ang saya lang ng kaniyang araw. Para bang pinawi niyon ang naramdaman niya kahapon. Mabait talaga ang Diyos sa kaniya. Hindi siya pinababayaan kahit na ano pa ang mangyari sa kaniya. Nakakaranas man siya ng sakit, emotionally and mentally, grabe naman ang saya na kapalit niyon. Matapos nilang magtanghalian ay isinama na siya ni Carlos papunta sa kinaroroonan ng boss nito na anito ay nasa bahay ng mga sandaling iyon. Pinigilan ni Sianna ang mapabulalas ng salitang ‘Wow’ nang hayunin ng sasakyan ang isa sa exclusive village na pawang mayayaman ang naninirahan. Literal nga talagang bigatin ang buyer ng kaniyang condo unit. Kaya sisiw lang dito ang forty-five million pesos na pakakawalan niyon. Ang bentahan kasi niya ay nasa fifteen million, kasama na lahat ng gamit. Pero ginawa pa talaga niyong triple ang presyo. Literal ang pagiging milyonarya niya at sino ba ang hindi mapapangiti? Nang iliko ni Carlos ang kotseng dina-drive nito, sa bumukas na rehas na gate ay hindi na napigilan pa ni Sianna ang hindi malula sa yaman ng buyer niya. Napakalaki ng mansiyon niyon at hindi rin basta-basta ang paligid. Para siyang nasa isang panaginip. Bigla, nagtaka siya. “Mr. Carlos, sigurado ho ba kayo na gusto talagang bilhin ng boss mo ang condo unit ko? Eh, ang laki-laki ng mansiyon niya. Walang binatbat ‘yong sixty square meter kong condo unit,” hindi niya napigilang itanong. Parang ang advance niyang magsaya sa milyong halaga na makukuha niya. Paano kung magbago pa ang isip ng boss nito? “Kapag sinabi ng boss ko na gusto niya ang isang bagay, hindi ‘yon nagbibiro. Kaya sinisigurado ko sa iyo, Miss Melendrez, makukuha mo ang kabayaran ngayong araw rin na ‘to.” Bumaba na si Carlos sa kotse at agad siyang pinagbuksan ng pinto sa may gilid niya. Nakakalula, iyon ang hindi maalis na deskripsiyon sa kaniyang isipan. Labas pa lamang ng malaking mansiyon ay nakakalula na, what more sa loob niyon? Malaki ang pinto na nagsisilbing entrada ng mansiyon. Very yayamanin ang dating. Palapit pa lamang sila roon ay bumukas na iyon. May tauhan na nagbukas buhat sa loob. “Thank you,” wika pa roon ni Carlos bago iminuwestra sa kaniya ang papasok sa loob ng mansiyon. At hindi nga siya nagkamali, naghuhumiyaw ang karangyaan sa loob ng mansiyon. May malawak na salas. Hindi lang isa kung ‘di tatlo. At ang sahig, para bang nakakahiyang magpasok ng sandals at baka magkaroon ng dumi. Kung puwede lang lumutang sa paglalakad ay ginawa na niya. Sinamahan naman siya ni Carlos papunta sa kinaroroonan ng boss nito. Anito pa ay nakahanda na raw ang pipirmahan niyang deed of sale. Ganoon lang kabilis. Umakyat sila sa may hagdanan na halos magpapigil sa paghinga ni Sianna. Hindi mapigilan ng kaniyang puso ang matuwa ng mga sandaling iyon dahil naranasan niyang makatapak sa ganoon kagandang mansiyon. It’s a privilege, ika nga. “Kayo na lang ni boss ang mag-uusap sa loob,” inporma pa ni Carlos nang makarating sila sa tapat ng isang malaking pinto. Iyon daw ang Study Room sa mansiyon. “Hindi ka ho ba sasama sa loob?” “Hindi.” “O-okay,” aniya na sinikap na huwag kabahan ng mga sandaling iyon. Kumatok pa si Carlos ng tatlong beses sa pinto bago iyon binuksan. Siguro ay alam na rin ng boss nito ang pagdating nila kaya nagkusa na rin si Carlos na buksan ang pinto. “Pumasok ka na,” wika pa ni Carlos nang mabuksan nito ang pinto. “Thank you, Mr. Carlos,” nakangiti pa niyang wika bago humakbang papasok sa loob ng Study Room. Maging iyon ay walang tulak-kabigin sa ka-elegantehan. And daming aklat sa buong paligid. May elegante ring receiving area sa gitnang bahagi ng Study Room. At sa bandang dulo, naroon ang nag-iisang mahogany table kung saan mayroong mataas na backrest ng swivel chair ang makikita. Nakatalikod iyon sa kaniyang kinaroroonan at nakapaharap sa glass window. Napalingon pa siya nang isara na ni Carlos ang pinto. Huminga pa siya nang malalim nang muling pumihit paharap sa kinaroroonan ng boss ni Carlos. Alam niya na nasa may swivel chair ang kaniyang buyer. Inihanda pa niya ang isang matamis na ngiti nang makalapit siya sa may table niyon. Tumikhim pa siya upang kunin ang atensiyon niyon. “Good afternoon, Sir. Ako po ‘yong may-ari ng condo unit na nais ninyong bilhin sa tripleng halaga. Sigurado ho ba kayo na hindi na magbabago ang isip ninyo?” tanong pa niya. Hindi naman nagtagal at pumihit paharap sa kaniya ang swivel chair. “Puwede naman ninyong pag-isipan munang mabuti ang—” Hindi na naituloy pa ni Sianna ang kaniyang sasabihin nang makita ang lalaking nakaupo sa may swivel chair. Ikinurap pa niya ang kaniyang mga mata. Ngunit hindi iyon nawala sa kaniyang paningin. Ang mukhang iyon!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD