“UY, gising pa kayong lahat?” bigla ay bungad ng kararating lang na si Bambi na siguradong wala pang kaalam-alam sa mga nangyari. “Mukhang may gulo do’n sa labas at may kinuyog ah? Sino kaya ‘yon?” “Hays, kung alam mo lang ang nangyari dito, Bambs,” anang aming landlady sa aking kauuwi lang na kaibigan. “Eh, ano nga nangyari?” patuloy ng huli, saka lamang ako napansin. Agaran kong iniwas mukha ko dahil alam kong alam kaagad niya sa itsura ko pa lang ngayon na umiyak ako. “Oh, Lena, namumula ‘yang mga mata mo, umiyak ka ba?” “Hindi lang umiyak. Halos na-trauma pa, Bambs!” si Edith. “Na-trauma? Bakit?” ngayon ay gulong-gulo at alalang-alala siya. “Kita mo yung dalawang lalaking kinuyog sa labas at dinala na ngayon sa barangay? ‘Yon yung mga nagtangkang gawan ng masama si Lena. Ang mga d

