Chapter 2

1589 Words
Point of view - Angelica Sandoval -   Nanginginig ang aking mga daliri at hindi ko mapigilan ang pangangatog ng aking panga. Ang mga police ay palakad-lakad dito sa loob ng presinto, tila aligaga ang mga ito dahil nandito ang pinakamayamang lalaki sa bansa, si Homer Monteverde.   Pero bakit ako nandito? Tumulong lang naman ako subalit pilit niya akong sinama sa presinto, alam ko sa aking sarili na wala akong ginagawang masama.   "Na-trace niyo na ba ang magulang ng batang ito? May nawala ba sa kotse ko?" saad ni Sir Homer sa mga alagad ng batas.   "Yes, Sir. Na-trace na po namin ang magulang niya. Wala po siyang tatay kaya 'yong nanay lang niya ang nakausap namin," tugon ng isang pulis sa kanya na tila may mataas na rango.   "Sir, maniwala naman po kayo sa akin. Wala naman po akong balak sa kotse ninyo, sa katunayan nga pinaalis ko pa 'yong lalaking umaaligid doon," sunod-sunod kong paliwanag.   "File a case against this girl. May pupuntahan pa akong meeting, kayo na ang bahala sa kaniya." Tila wala siyang nadinig sa aking mga sinabi, tumayo lamang siya mula sa kaniyang kinauupuan at akmang paalis na.   Nanlaki ang aking mga mata nang may biglang lumapit sa akin na tatlong pulis, pumaikot sila sa aking kinauupuang na swivel chair.   "Mis, sumama ka na lang sa ‘min nang tahimik at hayaang magpakuha ng litrato," saad ng isang pulis.   "Sir! Ano ba'ng ginawa ko? Wala naman akong ginagawang masama, ah!"   Nagsimulang mamumo ang luha sa aking mga mata. Ang gusto ko lang naman ay bumili ng panahog sa sinigang ni nanay, tapos ganito pa ang nangyari. Tumulong na nga napasama pa.   "‘Wag ka nang mag-inarte, Mis. Hindi ka maganda."   Mabilis nila akong pinatayo at hinawakan sa aking balikat. Ang aking kamay ay puwersahan nilang inilagay sa aking likuran at akmang lalagyan ng posas.   "Anak! nasaan ka?"   Maiiyak na sana ako dahil sa dramatic entrance ni mommy sa isang glass door ng presinto, kaso lang nawala ang momentum ng luha ko nang bigla na lang akong bitiwan ng mga pulis na kanina'y nakahawak sa aking braso. Nagmamadali silang lumapit sa mommy ko at tila alalang-alala na inasikaso siya.   'Yong totoo?   "Hi, Mis. Sinong anak po ba ang tinutukoy nila?" pagpapa-cute ng isang pulis.   "Oo nga, Ms. Beautiful. Baka matulungan ka namin, siguradong napakaganda rin ng anak mo," saad naman no’ng isa.   Hay… naku! Mga lalaki nga naman.   Kumunot ang aking noo at pinag-cross ang aking mga braso, saka ko tinawag si mommy na nakatayo at pinalilibutan ng mga lalaki.   “Ma!” sigaw ko upang makuha ang kanyang atensyon, agad naman siyang lumingon sa akin.   “Angel,” sigaw niya, saka siya mabilis na lumapit.   Niyakap niya ang aking katawan at nababakas sa kaniyang tinig ang pag-aalala.   “Anak mo siya?” sabay-sabay na bigkas ng malalanding pulis sa loob ng presinto.   “Oo, Mommy ko siya. May reklamo?” saad ko.   Tila naguguluhan ang kanilang mga hitsura.   Aminado naman ako na napakaganda talaga ng mommy ko at ako ay hindi. Pero hindi naman nila kailangan ipamukha sa akin ang bagay na iyon.   “Anong ginagawa mo rito, Amelia?”   Narinig ko ang muling pagsasalita ni Sir Homer na kanina’y inakala kong umalis na.   Pero, tek. Bakit kilala niya si Mommy?   Mabilis kong tiningnan ang mukha ni mommy nang binitiwan na niya ako sa kaniyang pagkakayakap. Parang may kung ano sa kaniyang hitsura ang hindi ko maipinta. Tila halo-halong pagtatanong at takot ang nakaukit sa kaniyang mukha. Hanggang sa sumingit na sa aming usapan ang isang chief officer dito sa loob ng presinto at sinabi niya na may nakuha silang CCTV sa may palengke. Nagmungkahi ito na sabay-sabay namin panoorin ang video.   ***   Matapos namin mapanood ang CCTV na iyon. Gusto kong tumawa sa lahat ng mga tao rito. Gusto kong ipamukha ang kanilang panghuhusga at pagkakamali.   Porque ba hindi maganda ang mukha, kriminal na?   Habang kaming lahat ay nakaupo sa isang leather chair dito sa presinto at nakaharap sa screen ng CCTV, napansin ko ang pagtayo ni Sir Homer mula sa kanyang kinauupuan. Matapos iyon, sumenyas siya kay mommy na ngayo'y nakaupo sa aking tabi. At walang ano-ano'y sumunod sa kaniya.   "Magkakilala ba si mommy at ang lalaking iyon?" nasabi ko sa aking sarili.   Hindi rin naman nagtagal ang kanilang paguusap dahil bumalik rin agad si mommy at sinabing maayos na ang lahat.   Isang malalim na buntonghininga ang aking nagawa. Akala ko talaga makukulong na ko, eh.   ***   Hinatid kami pauwi sa aming tahanan ng isa sa mga bodyguard ni Sir Homer gamit ang isang kotse. Matapos kaming pumasok sa loob ng bahay, nakapagtataka na buong oras ay tahimik si mommy habang nagluluto ng aming uulamin. Hanggang sa hindi ko na natiis ang aking bibig at nagsimula akong magtanong.   "Mommy, may problema po ba? Kanina pa po kasi kayo tahimik," sunod-sunod kong tanong sa kanya.   Napansin kong natigilan ang kamay ni mommy sa paghahalo ng kaniyang ginagawa sa harapan ng kalan. Ngunit ‘di kalaunan, muli itong gumalaw.   "Gutom ka na ba, Anak? Luto na 'to, mag-ayos ka na ng lamesa," saad niya na tila hindi narinig ang aking sinabi.   Tulad ng kaniyang iniutos, nag-ayos ako ng lamesa at saka nilagay ang mga platong kakainan. Magkaharap kami na umupo sa hapag-kainan at nagsimulang kumain.   "The best talaga ang sinigang ng mommy ko," bati ko, saka mahinang tumawa.   Inaasahan ko na dahil sa aking sinabi mawawala ang agam-agam sa mukha niya. Mabuti na lang at effective ang bagay na iyon dahil nakita ko ang kaunting pagngiti ng labi ni mommy, isang bagay na makita ko lang ay kontento na ako.   Akmang susubo akong muli ng kanin nang biglang nagsalita si Mommy.   "Angel, malapit na ang pasukan at senior-highschool student ka na. May gusto ka bang unibersidad?" saad ni mommy.   Dahil sa sinabi niyang iyon, bigla akong napaisip.   Oo nga pala, malapit na ang pasukan.   "Simple lang-" "Gusto mo bang mag-aral sa Belmonte University?"   Naputol ang aking sasabihin nang sumingit si mommy. Muntik ko nang maibuga ang pagkain sa aking bibig no’ng marinig ko ang sinabi niya.   "Seryoso ka, mom? Napakamahal kaya ng tuition sa sikat na paaralan na 'yon, saka pulos mayayaman lang ang nag-aaral doon,” sunod-sunod kong saad sa kanya. “At isa pa, nasa Manila pa ang school na 'yon,” dugtong ko.   "Okay lang, anak. Kung ayaw mo, marami pa namang iba d'yan," tugon ni mommy, saka siya mahinang tumawa.   Sandali! wala naman akong sinasabing ayaw ko.   Malakas kong tinapik ang lamesa sa aming harapan at nakita ko ang paglaki ng mata ni mommy habang nakatingin siya sa akin, saka ako biglang tumayo.   "Gusto ko, mom. Gustong-gusto ko!" mariin kong sabi.   Minsan lang ako magkaroon ng ganitong offer, bakit hindi, 'di ba?   "Pero, mom. Paano nyo babayaran ang tuition doon?" dugtong ko sa aking sinabi.   Hinawakan ni mommy ang aking kamay at saka ako dahan-dahang bumalik sa aking pagkakaupo.   "Sinabi ko na sa'yo na mayaman ang daddy mo, hindi ba? Ako na ang bahala, anak."   Isang cute na pagkindat ang ginawa ng aking ina.   Minsan talaga, duda na ko rito sa maganda kong nanay, eh. Pero, ano kaya talagang klase ng tao ang daddy ko at makapag-aaral ako sa ganoong klaseng paaralan? Presidente ba siya ng Pilipinas? Ah, basta! Ang mahalaga, makababalik na akong muli sa pag-aaral.   ***   Nagsimula kaming magbiyahe ni mommy patungo sa Manila, naghanap kami ng pansamantalang mauupahan upang doon na muna kami mamalagi.   Makalipas ang ilang buwan, sunod-sunod na dumating ang aking kagamitan na pinadala ng Belmonte University. Ang mga textbook na aking gagamitin, ang aking mga uniporme at kung ano-ano pa.   Tuloy na tuloy na talaga ang pagpasok ko sa prestigious school na iyon. Isipin ko pa lang, kinikilig na ako.   Dumating ang araw ng pasukan, pakiramdam ko hindi ako nakatulog dahil sa excitement. Bumangon ako sa higaan at naglinis ng aking katawan. Matapos iyon, kinuha ko ang aking uniporme sa damitan saka ito isa-isang sinuot.   Tila sinukat sa akin ang unipormeng ito, napakaganda.   Naglakad ako patungo sa isang malaking salamin dito sa loob ng silid at tiningnan ang aking sarili. Bukod sa damit na suot ko, wala nang ibang maganda.   Ang kuwelyo ng aking suot na uniporme ay may patusok na dulo, nakaburda rito ang logo ng school. Suot ko ang pulang necktie na ribbon, itim na long sleeve vest at itim na palda, above the knee ang haba. Sa loob ng aking vest ay isang puting blouse na lagpas nang kaunti lamang sa balikat. At dahil may pagkamaiksi ang palda na ito, nagsuot ako ng itim at mahabang medyas na abot sa ilalim ng aking tuhod.   Sa tingin ko, ayos na ang aking hitsura.   Bago ako umalis ay nag-iwan ako ng isang halik sa pisngi ng aking ina, saka ako masayang dumiretso sa bagong paaralan na aking papasukan.   Ngunit hindi ko akalain na ang saya na aking nararamdaman ay may kaakibat na malaking dagok na aking haharapin.   Dumating ako sa school at nakita ko kung gaano kalayo ang estado ng mga taong nag-aaral dito sa estado ng pamumuhay na mayroon ako.   Lahat sila ay isa-isang dumarating sakay ng maganda at mamahaling sasakyan, ngunit ako ay naglalakad lamang, pero hindi ako dapat malungkot. Masasabi kong s'werte ako at nabigyan ako ng pagkakataong makapag-aral dito.   Hinila ko ang dalawang strap ng backpack na suot ko gamit ang aking mga kamay, saka ako huminga nang malalim at iningiti ang aking mga labi.   "Kaya mo 'to, Angelica Sandoval! Alam kong kaya mo 'to," saad ko sa aking sarili, saka tuluyang naglakad papasok sa magarbo at malaking unibersidad.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD