Point of view
- Angelica Sandoval -
Sa paglipas ng mga araw, naging maayos ang mga unang linggo ko sa bagong unibersidad. Masigla akong pumapasok at laging may ngiti sa aking mga labi tuwing ako ay umuuwi.
Madalas kong ikuwento kay mommy ang mga bagay-bagay at ang mga bagong kaibigan na aking nakikilala. Mainit ang pagtanggap nila sa akin. Siguro dahil hindi na rin naman kami bata. Hindi na uso ang bullying sa school at mayroon na ring social media.
Mas maayos sa akin ang ganito, nakagagalaw ako nang maayos.
Sa ngayon, araw ng sabado kaya wala kaming pasok. Inutusan ako ni mommy na bumili ng mga prutas sa malapit na grocery store, kaya agad naman akong lumabas ng bahay upang bumili.
Isang bag ang nabili ko. Medyo mabigat sa one bag na puno ng iba't ibang prutas.
"Salamat po!" sigaw ko sa tindahan nang ako ay lumabas mula rito.
"Kaya mo ba talaga iyan, hija?" tanong sa akin ng guwardiya ng grocery store.
"Opo!" tugon ko sabay ngumiti nang malaki.
Maraming tao akong nadaraanan sa paligid. Halos pawis na aking kilikili dahil sa pagbubuhat ng bagay na ito. Tumigil ako sandali dahil nakaramdam ang aking braso ng pangangalay.
Marahan kong binaba ang dala kong bag sa kalsada na aking dinaraanan, saka hinawakan ang aking balikat at inikot-ikot ito.
Isang babae naman ang natamaan ng aking mata na naglalakad ngayon sa kalsada. Tulad ko, mayroon din siyang dala na dalawang paperbag, ngunit hindi naman ito mukhang mabigat.
Habang minamasahe ang aking balikat. Nasulyapan ko ang kanyang hitsura. Simple ang kanyang ganda, straight ang buhok, naka-super shorts siya at spaghetti straps na pang itaas. Tila bigat na bigat siya sa kanyang dinadala na para sa akin, hindi naman ito mukhang mabigat.
Dalawang hakbang ang kanyang ginawa.
"Mis, tulungan na kita riyan."
Kumunot ang aking noo nang makita ang isang lalaki na lumapit sa kanya. Nagmagandang loob ito na ipagbuhat siya.
May mababait pa rin talagang mga tao sa mundo, wika ko sa sarili na nagbigay sa akin ng ngiti. At dahil kailangan ko nang simulan muli ang paglalakad.
Hinipan ko ang magkabila kong palad, saka ito pinagkiskis sa isa't isa. Isang malalim na paghinga ang aking ginawa. Sinapo ko sa ilalim ang dala kong brown bag saka ito buong lakas na binuhat.
Sinimulan ko muling maglakad at kahit hirap na hirap ako, pilit ko pa ring sinisilip ang aking daraanan kahit nakaharang ang bag na aking dala.
Halos manliit ako dahil sa dami ng taong sumusulyap sa akin, ngunit agad din naman akong binabalewala.
Wala man lang kahit isa ang tumulong sa akin, wika ko sa sarili, saka malalim na napabuntonghininga. Ah, oo nga pala. Hindi nga pala ako maganda, muli kong bulong sa hangin.
Minsan, hindi ko maiwasang isipin kung bakit hindi pantay ang pagtingin ng tao sa mundo. Bakit may mga taong sa panlabas na anyo lang tumitingin at hindi pinahahalagahan ang ugali ng bawat isa.
Ngunit ano nga ba ang magagawa ng isang hamak na tulad ko? Mahalin ko man ang binigay na mukha sa akin ng Diyos, hindi pa rin maalis sa aking isip ang mainggit sa mga taong biniyayaan ng magandang hitsura.
"Ouch!"
Dahil sa kasalukuyang paglipad ng aking isip, hindi ko napansin na may isang tao pala ang aking nabangga.
Mariin akong napapikit nang maramdaman ko ang pagbagsak ng aking pang-upo sa kalsada na aking nilalakaran.
"Ano ba naman 'yan? Wala ka bang mata? Bakit hindi ka tumitingin sa dinaraanan mo?" sigaw ng isang lalaki na nasa aking harapan.
Agad akong tumayo at mabilis na yumuko upang humingi ng tawad.
"S-Sorry po. Sorry po, hindi ko po nakita," sunod-sunod kong wika.
"Pangit na nga tatanga-t*anga pa," muling sambit ng lalaking iyon.
Habang nakayuko ang aking ulo sa kanyang harapan. Hindi ko mapigilang hindi makaramdam ng sakit dahil sa kanyang mga wika. Tila karayom ito na tumusok sa aking puso.
Humingi naman na ako ng tawad. Kailangan pa ba niya akong laitin? Sapakin ko kaya ito ng isa.
Hanggang sa maya-maya lang, napansin ko ang pagdilim ng aking aking paligid, saka ko lang napagtanto na may isang tao pala ang tumayo sa aking harapan.
Dahil dito, marahan kong inangat ang aking ulo at isang nakatalikod na lalaki ang aking nakita. Nakapamulsa ito at tila kasing edad ko lang siya.
"Bakit, anong problema mo?" iritableng wika ng lalaking nakabangga ko. Hindi ko alam kung ano ang nangyari, ngunit bigla na lang nabakas ang takot sa mukha ng lalaking iyon. "S-Sabi ko nga, aalis na ako!" sigaw niya sabay mabilis na tumakbo.
Nalipat ang tingin ko sa lalaking nakatalikod sa aking harapan. Hanggang sa maya-maya lang, tila slow-motion ang dahan-dahan niyang pagharap sa akin.
Bumagsak ang aking baba at hindi ko alam kung ilang minuto akong nakanganga nang masulyapan ko ang mukha ng lalaking ito.
Matalas at malalim ang kanyang mata. May makapal na kilay, hugis puso, at mapula ang labi. Tipikal na high school ang kanyang hairstyle, ngunit ang pinakakumuha sa aking atensyon ay ang maputi at makinis niyang mukha at kutis. Ang kanyang mata ay light brown na nakaka-akit.
Modelo ba ang lalaking ito? Bukod kasi sa tangkad niya, gwapo rin siya.
Tila napako ang aking katawan nang ako ay kanyang titigan. Naka-ilang mariing lunok na rin ako dahil hindi ko alam kung ano ang aking gagawin. Nakatitig lang siya sa akin.
Nahihiya tuloy ako dahil hindi naman ako maganda upang titigan niya nang matagal.
Maya-maya lang, marahan siyang lumuhod sa aking harapan. Noon ko lang napansin na isa-isa niya pa lang dinadampot ang nagkalat na prutas sa sahig.
Nagmadali akong tumulong sa kanya. Ngunit sa kasamaang palad, nauntog ang kanyang ulo sa matalas at mahaba kong baba.
"Aray!" pag-angal niya sabay hawak sa kanyang ulo.
"S-Sorry!" wika ko.
"Tsk," iritable niyang ekspresyon, saka muling dinampot ang aking mga pinamili, minadali niya ito at sinilid sa dala niyang ecobag.
Agad siyang tumayo at inabot sa akin ang bag na kanyang dala. Nakatulala lang aking mga mata dahil sa mga bagay na kanyang ginawa. Hindi ko rin alam kung bakit kinakabahan ako sa mga tingin niya sa akin.
Nanginginig ang aking mga kamay nang tanggapin ang binigay niyang ecobag. Bahagyang tinaas ng lalaking iyon ang kanyang kamay na may hawak na mansanas, saka pinatong ang mansanas na iyon sa ibabaw ng aking ulo.
Isang pagngisi ang kanyang ginawa, saka muling bumalik sa pamumulsa at tuluyan nang lumakad palayo sa aking kinaroroonan.
Hinahabol naman ng aking tingin ang kanyang likod.
Sino kaya ang lalaking iyon? Bakit niya ako tinulungan? tanong ko sa sarili.
Mabilis kong iniling ang aking ulo upang mawala ang mga bagay na aking iniisip.
"Angel! Ano ba? Ilang oras na yata ako nasa kalsada, ha?" bulyaw ko sa sarili.
Sinimulan kong lumakad. Masasabi kong mas napadali ang aking pagbubuhat dahil sa binigay ng lalaking iyon na ecobag, dahil inilalagay ko na lang siya sa aking balikat.
***
Mabilis na lumipas ang sabado at linggo. Muling dumating ang araw ng pasukan.
Tulad ng dati, sinimulan kong ihakbang ang aking paa papasok sa loob ng unibersidad. May ngiti sa aking mga labi dahil sa saya na makitang muli ang aking mga kaeskwela. Ngunit habang ako ay naghihintay sa e-jeep na aking sasakyan, bigla na lang may isang humatak sa aking kamay.
***
Nagsimulang mangilid ang luha sa aking mga mata. Mariin akong napapikit nang hawakan ng babaeng nasa aking harapan ang aking balikat saka marahas akong tinulak sa pader, dahilan upang tumama ang aking likod dito.
Ang dalawang babae na nasa aking harapan ay iyong nakasabay ko sa e-jeep na lihim akong pinagkukwentuhan.
"Ano, sagot!? Pagsisilbihan mo ako o gugulpihin kita?" wika ng babaeng iyon habang ningunguya ang bubblegum sa bibig.
"A-Ano bang ibig nyong sabihin?" nauutal sa takot kong tanong.
"Boba! Pagsisilbihan mo nga kami, 'di ba? Ibig sabihin magiging katulong ka namin."
"B-Bakit? Bakit ako?"
Isang malakas na tawanan ang kanilang ginawa sa aking harapan. Isang pagtawa na animoy isa akong mangmang at hindi naiintindihan ang kanilang sinasabi.
Hanggang sa maya-maya lang, tumigil din sila sa walang humpay na paghalakhak.
Marahang yumuko ang babaeng iyon sa aking harapan, saka sinimulang silipin ang aking mukha na pilit ko namang niyuyuko.
Gamit ang hintuturo niyang daliri, nilapat niya iyon sa aking noo saka dinuro-duro.
"Simple lang. Dahil pa... ngit... ka..." wika niya sa akin na akala mo'y isang ipis ang kausap.
Sapilitan niyang kinuha ang aking cell phone saka doon nilagay ang kanyang numero at sinabihang dapat ko siyang tawagan agad-agad, dahil kung hindi, malalagot ako.
Malakas na tumawa ang dalawa bago nagsimulang lumakad palayo sa aking kinaroroonan.
Naramdaman ko ang panginginig ng aking tuhod dahil sa kanilang ginawa. Hinawakan ko ang aking balikat upang pigilan ang panginginig, ngunit kahit anong gawin ko, hindi ko ito mapigil.
Tuluyang nanlambot ang aking tuhod at bumagsak sa sahig na aking kinaroroonan. Ang mga luha na kanina ko pa pinipigilan ay nagsimulang pumatak ng isa, hanggang sa dumami na.
Nagsimula na ang kinatatakot ko. Bakit ba kahit saan ako magpunta, hinahabol ako ng mga taong nagpapahirap sa akin? Bakit ba ayaw nila akong tantanan at ayaw nila akong maging masaya? Bakit? Bakit?
***
Nakatitig lang ang aking mga mata sa screen ng aking cell phone habang ang guro ay nagtuturo sa aming harapan.
Sa tuwing tinitingnan ko ang numero ng babaeng iyon, hindi ko mapigilang hindi kabahan sa maaari niyang gawin sa akin. Ngunit sa oras naman na ako ay tumanggi, alam na alam ko kung ano ang aking sasapitin.
Tila binigyan ako ng isang bagay na walang pagpipilian. At ang tangi ko lang magagawa ay ang sumunod sa nais nila.
Nang matapos ang aming klase, matagal kong pinag-isipan ang bagay na dapat kong gawin. Nais kong magsumbong ngunit alam kong ako rin ang mapapahamak, kaya wala na akong ibang mapagpipilian.
Nanginginig ang aking daliri na pinindot ang numero ng cell phone ng babaeng iyon.
Muling pumatak ang luha sa aking mga mata dahil sa kahahantungan ng desisyon na aking ginawa.