FAYE Dahil pagod sa mahabang oras ng pagsusulit sa unibersidad at ilang oras na biyahe papunta dito sa Laguna, sabayan pa ng stress dahil muntik akong madukot kanina, kaya hindi ko nakayanan ang antok. Naidlip ako at hindi ko namalayan kung gaano katagal akong nakatulog. Nagising lamang ako nang naramdaman kong may kasama ako dito sa silid, kaya mabilis akong nagmulat ng mga mata. Nakaupo pala sa gilid ng kama ang asawa ko at pinagmamasdan niya ako habang nakahiga at mahimbing na natutulog. Ngumiti si Sir Adi nang makita niyang gising na ako at agad dumukwang para halikan ako sa pisngi at sa gilid ng labi ko. “How are you, honey?” narinig kong tanong niya sa akin. Sinabayan ito ng pagkumpas ng kaniyang kanang kamay, kaya sinagot ko ang tanong niya. “Okay na ako,” tipid kong sagot.

