Kinabukasan, maagang pumunta sa warehouse ng mga sako ng bigasan si Noah para ihatid ang tatlumpung sako ng bigas sa hacienda ng mga Dela Torre.
"Kay dami naman ng pinapahatid sa hacienda! Ganoon ba karami ang mga tao roon para magsaing ng ganito karaming bigas araw-araw?" tanong ni Tolits habang sinasamahan sa pagbubuhat ng mga sako ng bigas si Noah. Nilalagay nila ito sa likod ng open na truck sa likod.
"Hindi ko alam, Tolits. Hindi ko na inaalam pa. Ang importante sa akin maihatid ko ang dapat ihatid para magkapera," ani Noah nang maipatong niya ang pang-tatlumpung sako ng bigas.
"Sabagay, marami silang mga katulong at may mga bisita sila palagi. Sana makapasok ako sa hacienda kahit isang beses lang. Siguro napakaganda doon sa loob," pantasya ni Tolits.
"Magpursige ka para makatuntong ka sa sitwasyon na gusto mo. Kaya halika na." Umupo sa driver seat si Noah at sa kabila naman si Tolits.
Dumiretso sila sa hacienda Dela Torre, ngunit sa kalagitnaan ng maalikabok na kalsada ay natigil sila dahil may nakahintong tatlong itim na hilux car.
"Ano kayang nangyari?" kunot-noong tanong ni Tolits habang nakatingin sa tatlong sasakyan.
"Titingnan ko," ani Noah. Bumaba ng truck si Noah. Sumunod naman si Tolits sa likod niya.
Nang makalapit sila sa tatlong sasakyan ay napansin nilang may ginugulpi ang isang lalaki na tila ba anak mayaman. Nakapaligid sa kanya ang kanyang limang mga body guard na nakasuot ng itim na polo shirt.
"Pag-aari ng ama ko ang palay na binibilad mo diyan sa gilid ng kalsada. Sino ka para nakawin ang hindi iyo?" nagngingitngit na wika ng matapobreng lalaki habang hawak sa kuwelyo ang kawawang magsasaka.
"M-matagal na pong kalakaran sa lupain ng mga Dela Torre na maari kaming kumuha ng isang kilong bigas araw-araw p-para may makain po kami. M-mismong si Don Arturo po ang nagsabi sa amin," takot na takot na paliwanag ng magsasaka.
Tumangu-tango ang matapobreng lalaki na tila ba naniniwala naman siya ngunit matapos ang ilang segundo ay sinuntok niya ang magsasaka. Tumilapon ang kawawang matanda at dumugo pa ang kanyang bibig.
Kumuyom ang mga kamay ni Noah sa kanyang nakita dahil nakilala niya iyong matandang magsasaka. Kasamahan nila iyon. Si Manong Carding.
"Ang ayaw ko sa lahat ay yung gumagawa ng kwento at niloloko ako! Hindi mo ba alam kung sino ako, ha?" wika ng matapobreng lalaki.
"P-pasensya na po! Hindi ko kasi kayo gaanong nakikita sa lupain!" natatakot na wika ni Mang Carding habang nakahandusay pa rin siya sa mainit na kalsada. Ang masaklap pa ay hindi concrete ang kalsada kung hindi mainit na lupa pa rin.
"Ngayon makikilala mo na ako," nakatitig pailalim ang matapobreng lalaki kay Mang Carding. Tila ba pinaparamdam niyang hindi siya basta-bastang tao lang sa lupain ng mga Dela Torre.
"Ako lang naman ang tagapagmana ng sinasabi mong si Don Arturo. Ako si Andre Saavedra Dela Torre. Ngayon, kilala mo na ako. At dapat mo akong katakutan dahil mamanahin ko ang lupang sinasaka mo," pagpapakilala ni Andre.
Napaluhod si Mang Carding at yumuko sa harapan ni Andre.
"M-maawa po kayo sa akin Senyorito Andre! M-may mga apo po ako na pinapa-aral pa sa kabilang bario! H-huwag po ninyo kaming palayasin sa lupain!"
Bago pa makapagsalita si Andre ay hindi na nakayanan ni Noah ang pagmamalupit nito sa kaawa-awang si Mang Carding.
"Mang Carding, tumayo po kayo diyan," seryosong saad ni Noah. Tinulungan niyang tumayo ang matanda at saka niya hinarap si Andre.
"At sino ka naman? Siguradong isa ka ring magsasaka ng mga Dela Torre," pagmamataas ni Andre.
Tititigan lamang siya ni Noah. Tila nagsusukatan ang dalawa. Patakbo namang lumapit si Tolits papunta sa likod ni Noah at sinamahan si Mang Carding.
"Oo magsasaka lang kami. Pero wala kayong karapatang hamakin kami. Iyan ba ang nagagawa ng kapangyarihan na mayroon ka?"
"Noah! Huwag ka nang sumagot pa! Ayos lang ako, anak!" ani Mang Carding. Inaawat niya si Noah dahil ayaw niya itong madamay pa sa gulo.
"Noah pala ang pangalan mo," sambit ni Andre. "Ito ang tatandaan mo, Noah. Kapag ako na ang humahawak sa lahat ng ari-arian ni Don Arturo, asahan mong mawawalan ka ng puwang sa lupain ng mga Dela Torre," pagbabanta pa niya habang nanlilisik na nakatitig kay Noah.
Pagkasabi iyon ni Andre ay saka siya lumakad papasok sa kanyang sasakyan. Nagsi-alisan ang tatlong sasakyan patungo sa Destileria Dela Torre, ang pagawaan ng alak.
"Mang Carding, umuwi na po kayo. Balikan na lang ninyo mamaya ang mga pinapaarawan ninyong bigas dito. Alam naman naming ito ang pwesto mo," suhestiyon ni Noah. "Kailangan ninyong magamot iyang labi ninyo." Pumutok kasi sa suntok ni Andre ang labi ni Mang Carding.
"Pasensya ka na, Noah. Nadamay ka pa dahil sa akin," malungkot na sambit ni Mang Carding.
"Huwag po kayong mag-alala. Hindi rin naman po ako papayag na lapastanganin kayo ng taong iyon. Parang tatay na po namin kayo, Mang Carding."
"Ayaw ko lamang na pag-initan ka pa. Lalo na't malakas ka pa at kaya mong magtrabaho. Mawawalan ka ng hanap-buhay kapag dumating ang panahon na si Andre na ang magpapalakad sa buong lupain ng mga Dela Torre," wika ni Mang Carding.
"Huwag po kayong mag-alala. Mahaba pa ang panahon. Determinado po ako sa buhay at hindi ako papayag na ganito na lang abg buhay ko."
"Oh, siya na. Hindi tayo pwedeng mahuli sa paghahatid ng mga sako ng bigas, Noah," paalala ni Tolits.
"Sige na, Mang Carding. Aalis na po kami," wika ni Noah.
Nang makarating sila sa likod ng hacienda Dela Torre ay naghihintay iyong tatlong katulong sa kanilang pagdating. Tila kilig na kilig sila nang masipat nila ang paparating na truck ng bigas.
"Nako, mauna na akong bumaba. Mukhang excited iyong tatlong katulong sa pagdating natin!" saad ni Tolits nang maiparada ni Noah ang truck.
"Hi, Noah! Nahuli ka ng sampung minuto, ah! Pero okay lang!" kinikilig na wika ng isang katulong. "Pakilipat rito ang mga bigas. Bagong pwesto," aniya pa.
Lumapit si Tolits kay Noah at bumulong, "Iba ka talaga, pre. Akala ko pa naman excited sila dahil may kasama kang pogi." Hatalang dismayado ang kawawang si Tolits. "Makapagbuhat na nga lang," aniya pa sabay kamot sa likod ng kanyang ulo.
Habang nililipat nila ang mga sako ng bigas sa bagong bodega ay narinig ni Noah ang usapan ng tatlong katulong habang sila ay nagsasampay ng mga damit.
"Nandito na naman ang mga Andrada?" wika ng isang katulong.
"Oo, halos tatlong beses sa isang linggo kung makabisita sila. Hindi ko lang nadinig kung bakit sila naririto palagi," saad naman nung isa.
"Pero aminin ninyo, napakaganda talaga ni Senyorita Ara. Sana ganoon rin kakinis ang balat ko. Ang ganda pa ng mga damit niya!"
Lumapit si Noah sa kanila. "Pwede ba akong makahingi ng maiinom? Nauuhaw na kasi kami ng kasama ko."
"Nako, gusto ka man naming ikuha sa loob pero makikita kasi kami ng mayordoma ng hacienda. Mahigpit niyang habilin sa lahat ng katulong na mag-focus sa kanya-kanyang trabaho."
"Sige, ayos lang. Saan ba ako pwedeng makakuha?" tanong ni Noah. Tinuro ng katulong iyong pinto papunta sa kusina. Nagpasalamat si Noah sa kanya at saka siya dumiretso doon.
Nang makapasok sa kusina ay dinig niya ang katuwaan sa loob. Sa may dining area. Sakto namang walang tao sa loob ng malawak na kusina dahil naroon ang lahat sa dining area. Naisipan ni Noah na sumilip at napaawang ang kanyang bibig nang masilayan ang isang napakagandang dilag na nakangiti habang nakikipag-usap sa ibang bisita.
"Just call me Ara," ani ng magandang dilag sa kanyang kausap na bisita. "But my full name is Sienna Aurora Andrada."
Napatitig na lamang si Noah sa kagandahan ni Ara habang nakasilip siya sa di kalayuan.
"Ara..." sambit nito sa pangalan ng dalaga habang nakatingin sa kanya.
Naestatwa siya nang mabaling ang tingin ni Ara sa kanya. Nang mapagtanto ang nangyari ay umalis siya kaagad palabas ng kusina.
"Oh, nasaan ang tubig? Uhaw na uhaw na ako, pre!" maktol ni Tolits.
"Wala silang tubig," ani Noah. "Umalis na tayo."
Walang nagawa si Tolits kung hindi sumunod kay Noah at sila ay umalis na nga.
Sa tahimik na pagmamaneho ni Noah ay tila ba nagkaroon siya ng dahilan para makabalik siyang muli sa hacienda para makita si Ara.